Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isang Tao?
Ang sagot ng Bibliya
Ang sabi ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5; Awit 146:4) Kaya kapag namatay tayo, hindi na tayo umiiral. Ang patay ay hindi na nakapag-iisip, nakakakilos, o nakadarama ng anuman.
“Sa alabok ka babalik”
Ipinaliwanag ng Diyos ang nangyayari kapag tayo ay namatay nang kausapin niya ang unang taong si Adan. Dahil sumuway si Adan, sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Bago lalangin ng Diyos si Adan “mula sa alabok ng lupa,” hindi umiiral si Adan. (Genesis 2:7) Kaya nang mamatay si Adan, bumalik siya sa alabok at hindi na umiral.
Ganiyan din ang nangyayari sa mga namamatay ngayon. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga tao at hayop: “Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay bumabalik sa alabok.”—Eclesiastes 3:19, 20.
Ang kamatayan ay hindi wakas ng lahat ng bagay
Madalas ihambing ng Bibliya sa pagtulog ang kamatayan. (Awit 13:3; Juan 11:11-14; Gawa 7:60) Ang taong mahimbing na natutulog ay walang anumang nalalaman sa nangyayari sa paligid niya. Ang mga patay ay wala ring anumang nalalaman. Pero itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay kayang buhaying muli ng Diyos na para bang ginigising sila sa pagkakatulog. (Job 14:13-15) Sa mga bubuhaying muli ng Diyos, ang kamatayan ay hindi wakas ng lahat ng bagay.