Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 46

AWIT BLG. 49 Pinasasaya ang Puso ni Jehova

Mga Brother​—Sinisikap Ba Ninyong Maging Ministeryal na Lingkod?

Mga Brother​—Sinisikap Ba Ninyong Maging Ministeryal na Lingkod?

“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—GAWA 20:35.

MATUTUTUHAN

Kung bakit dapat abutin ng mga bautisadong brother ang pagiging ministeryal na lingkod at kung paano nila magagawa iyon.

1. Ano ang tingin ni apostol Pablo sa mga ministeryal na lingkod?

 MAY mahahalagang atas sa kongregasyon ang mga ministeryal na lingkod. Kitang-kita na pinapahalagahan ni apostol Pablo ang tapat na mga lalaking ito. Halimbawa, nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Filipos, espesipiko niyang binati ang mga ministeryal na lingkod kasama ng mga tagapangasiwa.​—Fil. 1:1.

2. Ano ang tingin ni Luis sa atas niya bilang ministeryal na lingkod?

2 Masaya ang maraming bautisadong brother, kabataan man sila o may-edad na, sa pagiging ministeryal na lingkod. Halimbawa, naging ministeryal na lingkod si Devan noong 18 siya. Naging ministeryal na lingkod naman si Luis noong nasa early 50’s siya. Ano ang masasabi niya sa atas na natanggap niya? “Napakalaking pribilehiyo sa akin na makapaglingkod sa mga kapatid sa kongregasyon sa ganitong paraan. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal nila sa akin. At ito ang paraan ko para makaganti sa kanila.” Siguradong iyan din ang nararamdaman ng maraming ministeryal na lingkod.

3. Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

3 Kung isa kang bautisadong brother at hindi pa ministeryal na lingkod, puwede mo ba itong gawing goal? Ano ang magpapakilos sa iyo na abutin ito? At anong mga kuwalipikasyon sa Bibliya ang dapat mong maabot? Tatalakayin sa artikulong ito ang sagot sa mga tanong na iyan. Pero talakayin muna natin kung ano ba ang mga gawain ng mga ministeryal na lingkod.

ANO ANG MGA GAWAIN NG ISANG MINISTERYAL NA LINGKOD?

4. Ano ang mga ginagawa ng isang ministeryal na lingkod? (Tingnan din ang larawan.)

4 Ang isang ministeryal na lingkod ay isang bautisadong brother na inatasan sa pamamagitan ng banal na espiritu. Tinutulungan nila ang mga elder sa iba’t ibang gawain sa kongregasyon. Tinitiyak ng ilang ministeryal na lingkod na may teritoryong gagawin ang mga kapatid at na may mga publikasyon silang magagamit sa ministeryo. Tumutulong ang ilan sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Ang iba naman, naglilingkod bilang attendant at nag-o-operate ng audio/video sa mga pulong. Karaniwan nang praktikal na gawain ang atas ng mga ministeryal na lingkod. Pero ang pinakamahalaga, mahal ng mga ministeryal na lingkod si Jehova at sinusunod nila ang mga pamantayan niya. Mahal na mahal din nila ang mga kapatid. (Mat. 22:​37-39) Ano ang kailangang gawin ng isang bautisadong brother para maging ministeryal na lingkod?

Natutularan ng mga ministeryal na lingkod si Jesus kapag naglilingkod sila sa iba (Tingnan ang parapo 4)


5. Ano ang kailangang gawin ng isang brother para maging ministeryal na lingkod?

5 Sinasabi sa Bibliya ang mga kuwalipikasyon para maatasan bilang isang ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:​8-10, 12, 13) Para maabot ang pribilehiyong ito, puwede mong pag-aralan ang mga kuwalipikasyong binabanggit sa Bibliya at sikaping gawin ang mga iyon. Pero bago mo gawin iyan, dapat mo munang suriin ang motibo mo.

ANO ANG DAPAT NA MAGING MOTIBO MO?

6. Ano ang dapat na maging motibo mo kapag tumutulong sa mga kapatid? (Mateo 20:28; tingnan din ang larawan.)

6 Pag-isipan ang napakagandang halimbawang ipinakita ni Jesu-Kristo. Naglilingkod siya dahil mahal niya ang Ama niya at ang mga tao. Dahil sa pag-ibig na iyon, nagagawa niya ang mahihirap na atas, pati na ang mga gawaing minamaliit ng iba. (Basahin ang Mateo 20:28; Juan 13:​5, 14, 15) Kung naglilingkod ka dahil sa pag-ibig, pagpapalain ka ni Jehova at tutulungan ka niyang maabot ang goal mo na maging ministeryal na lingkod.​—1 Cor. 16:14; 1 Ped. 5:5.

Sa pamamagitan ng halimbawa niya, itinuro ni Jesus sa mga apostol na maging mapagpakumbaba sa paglilingkod sa iba imbes na maghangad ng mataas na posisyon (Tingnan ang parapo 6)


7. Bakit dapat iwasan ng isang brother na umabot ng pribilehiyo para lang purihin ng iba?

7 Sa ngayon, karaniwan nang mas nagugustuhan ng mga tao ang mga nagsisipag para maging mas mataas sa iba. Pero hindi ganiyan sa organisasyon ni Jehova. Kung pag-ibig ang motibo ng isang brother gaya ni Jesus, hindi siya magsisipag para lang magkaroon ng kapangyarihan, awtoridad, o posisyon. Kung mapagmataas ang mga brother na aatasan sa kongregasyon, baka tanggihan nila ang maliliit na atas na kailangang gawin para maalagaan ang mahahalagang tupa ni Jehova. Baka isipin nila na hindi para sa kanila ang mga atas na iyon. (Juan 10:12) Hindi pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap ng isa kung ginagawa niya iyon para purihin siya ng iba.​—1 Cor. 10:​24, 33; 13:​4, 5.

8. Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa mga apostol?

8 Kahit ang malalapit na kaibigan ni Jesus, nagkaroon ng maling motibo sa pag-abot ng pribilehiyo. Tingnan ang ginawa ng mga apostol na sina Santiago at Juan. Hiniling nila kay Jesus na bigyan sila ng mataas na posisyon sa Kaharian niya. Para kay Jesus, hindi nila dapat ginawa iyon. Kaya sinabi niya sa 12 apostol: “Ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat.” (Mar. 10:​35-37, 43, 44) Kung ang motibo ng isang brother sa pag-abot ng pribilehiyo ay para mapaglingkuran ang iba, marami siyang magagawa para sa kongregasyon.​—1 Tes. 2:8.

ANO ANG MAGPAPAKILOS SA IYO NA UMABOT NG PRIBILEHIYO?

9. Ano ang magpapakilos sa iyo na umabot ng pribilehiyo?

9 Siguradong mahal mo si Jehova at gusto mong paglingkuran ang iba. Pero baka wala sa iyo ang kagustuhan na gumawa nang higit pa bilang ministeryal na lingkod. Ano ang magpapakilos sa iyo na abutin ang pribilehiyong ito? Puwede mong isip-isipin ang mararamdaman mong saya kapag pinaglingkuran mo ang mga kapatid. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Makikita iyan mismo kay Jesus. Talagang naging masaya siya sa paglilingkod sa iba. Siguradong magiging masaya ka rin kapag ginawa mo iyan.

10. Paano ipinakita ni Jesus na masaya siya sa paglilingkod sa iba? (Marcos 6:​31-34)

10 Tingnan kung paano ipinakita ni Jesus na masaya siya sa paglilingkod sa iba. (Basahin ang Marcos 6:​31-34.) May isang pagkakataon na pagod na pagod si Jesus at ang mga apostol niya, kaya pumunta sila sa isang lugar na malayo sa mga tao para makapagpahinga. Pero nauna pa doon ang napakaraming tao na gustong makinig kay Jesus. Puwede naman sana niya silang tanggihan kasi ‘wala man lang siyang panahon at ang mga kasama niya para kumain.’ O kaya naman, magturo lang siya ng isa o dalawang katotohanan, pagkatapos, pauwiin na sila. Pero dahil mahal niya ang mga tao, “tinuruan niya sila ng maraming bagay.” Ang totoo, nagtuturo pa rin siya kahit “gumagabi na.” (Mar. 6:35) Hindi niya ginawa iyon dahil sa obligasyon. Ginawa niya iyon dahil “naawa siya sa kanila.” Gusto niyang turuan sila dahil mahal niya sila. Talagang naging masaya si Jesus sa paglilingkod sa iba.

11. Anong praktikal na mga tulong ang ginawa ni Jesus para sa mga tao? (Tingnan din ang larawan.)

11 Hindi lang basta nagturo si Jesus sa mga tao. Inilaan din niya ang pisikal na pangangailangan nila. Gumawa siya ng himala para maparami ang pagkain at ibinigay ito sa mga alagad para ipamahagi. (Mar. 6:41) Dahil dito, naturuan niya ang mga alagad niya kung paano maglingkod sa iba. Naipakita rin niya na napakahalaga ng ganitong mga gawain—mga gawaing karaniwan nang nakaatas sa mga ministeryal na lingkod. Isipin na lang ang sayang naramdaman ng mga apostol habang kasama nila si Jesus sa pagbibigay ng pagkain hanggang sa ‘makakain at mabusog ang lahat’! (Mar. 6:42) Isa lang ito sa maraming halimbawa na inuna ni Jesus ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya. Ginamit niya ang buong buhay niya dito sa lupa para paglingkuran ang iba. (Mat. 4:23; 8:16) Masayang-masaya si Jesus na turuan ang iba at ibigay ang pangangailangan nila. Siguradong magiging masaya ka rin kung sisikapin mong unahin ang kapakanan ng iba at maging isang ministeryal na lingkod.

Kung mahal mo si Jehova at gusto mong makatulong sa iba, gagawin mo ang lahat para tulungan ang mga kapatid (Tingnan ang parapo 11) a


12. Bakit walang sinuman sa atin ang dapat mag-isip na wala siyang maitutulong sa kongregasyon?

12 Kung pakiramdam mo, hindi ka magaling sa kahit anong bagay, huwag masiraan ng loob. Siguradong mayroon ka pa ring mga katangian na magagamit sa kongregasyon. Pag-isipan ang sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 12:​12-30, at ipanalangin kay Jehova na tulungan kang makita kung paano ito makakatulong sa iyo. Tinitiyak ng mga sinabi ni Pablo na lahat ng lingkod ni Jehova, kasama ka na, ay may mahalagang papel sa kongregasyon. Kung may kailangan ka pang pasulungin para maging ministeryal na lingkod, huwag panghinaan ng loob. Puwede mong gawin ang buong makakaya mo ngayon para paglingkuran si Jehova at ang mga kapatid. Makakasigurado kang napapansin ng mga elder ang mga ginagawa mo at bibigyan ka nila ng atas na kaya mo.​—Roma 12:​4-8.

13. Ano ang kapansin-pansin sa karamihan sa mga kuwalipikasyon para sa mga inatasang brother?

13 Tingnan ang isa pang dahilan kung bakit dapat mong abutin ang mga kuwalipikasyon sa pagiging ministeryal na lingkod. Kapansin-pansin na karamihan sa mga kuwalipikasyong iyon ay dapat makita sa lahat ng Kristiyano. Alam natin na lahat tayo, dapat maging malapít kay Jehova, maging masaya sa pagbibigay, at mamuhay sa paraang gusto ng Diyos. Pero anong espesipikong mga bagay ang dapat gawin ng isang brother para maabot ang pribilehiyong ito?

KUNG PAANO MAGIGING MINISTERYAL NA LINGKOD

14. Ano ang ibig sabihin ng “maging seryoso”? (1 Timoteo 3:​8-10, 12)

14 Talakayin natin ngayon ang ilan sa mga kuwalipikasyong binabanggit sa 1 Timoteo 3:​8-10, 12. (Basahin.) Ang isang ministeryal na lingkod ay dapat na “maging seryoso.” Puwede rin itong isaling “karapat-dapat igalang,” “kagalang-galang,” o “marangal.” Hindi naman ibig sabihin nito na bawal kang tumawa o magsaya. (Ecles. 3:​1, 4) Pero dapat mong seryosohin ang lahat ng atas na ibinibigay sa iyo. Kasi kung responsable ka at maaasahan, makukuha mo ang respeto ng mga kapatid.

15. Ano ang ibig sabihin ng “hindi mapanlinlang ang pananalita” at “hindi sakim sa pakinabang”?

15 Kapag “hindi mapanlinlang ang pananalita” mo, ibig sabihin, totoo ka sa iba, tapat, at mapagkakatiwalaan. Ginagawa mo ang mga sinasabi mo at hindi ka nagkukunwari. (Kaw. 3:32) Masasabi namang “hindi [ka] sakim sa pakinabang” kung hindi ka nandadaya sa negosyo at mapagkakatiwalaan ka sa paghawak ng pera. Hindi mo rin sinasamantala ang tiwala ng mga kapatid para magkapera.

16. (a) Ano ang ibig sabihin ng “hindi malakas uminom ng alak”? (b) Ano ang ibig sabihin ng “may malinis na konsensiya”?

16 Masasabing “hindi [ka] malakas uminom ng alak” kung hindi ka sobra-sobrang uminom nito o kung wala kang reputasyon ng pagiging malakas uminom. Masasabi namang “may malinis [kang] konsensiya” kung sinusunod mo ang mga pamantayan ni Jehova. Totoo, hindi ka perpekto. Pero panatag ka dahil alam mong maganda ang kaugnayan mo sa Diyos.

17. Ano ang ibig sabihin ng ‘subukin sila kung karapat-dapat sila’? (1 Timoteo 3:10; tingnan din ang larawan.)

17 Masasabing ‘subók ka na at karapat-dapat’ kung naipakita mo nang mapagkakatiwalaan ka ng mga responsibilidad. Kaya kapag binigyan ka ng atas ng mga elder, sunding mabuti ang mga sinabi nila at ang mga tagubiling galing sa organisasyon. Siguraduhing naiintindihan mo kung paano dapat gawin ang atas at alam mo kung kailan ito dapat matapos. Kapag ginawa mo nang mahusay ang mga atas mo, mapapansin iyan ng mga kapatid at makikita nila na nagiging responsable ka na. Mga elder, siguraduhing nasasanay ninyo ang mga bautisadong brother. (Basahin ang 1 Timoteo 3:10.) Mayroon bang mga bautisadong brother sa kongregasyon ninyo na kaka-teenager pa lang o mas bata pa? Mahusay ba silang halimbawa sa pagpe-personal study? Lagi ba silang nagkokomento sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryo? Kung may ganiyang mga brother sa inyo, bigyan sila ng mga atas base sa kakayahan at edad nila. Sa ganitong paraan, “[masusubok] sila kung karapat-dapat sila.” At kapag nasa huling bahagi na sila ng pagiging teenager, malamang na maging kuwalipikado na silang maging ministeryal na lingkod.

Kung bibigyan ng mga elder ng mga atas ang mga bautisadong brother, masusubukan nila “kung karapat-dapat” ang mga ito (Tingnan ang parapo 17)


18. Ano ang ibig sabihin ng ‘malaya sa akusasyon’?

18 “Malaya [ka] sa akusasyon” kung walang basehan ang iba na akusahan ka ng malubhang pagkakasala. Siyempre, posibleng maakusahan ang mga Kristiyano ng mga bagay na di-totoo. Kahit si Jesus, naakusahan ng mga bagay na di-totoo, at inihula niya na mararanasan din ito ng mga tagasunod niya. (Juan 15:20) Pero gaya ni Jesus, kung papanatilihin mong malinis ang paggawi mo, magkakaroon ka ng magandang reputasyon sa kongregasyon.​—Mat. 11:19.

19. Ano ang kasama sa pagiging “asawa ng isang babae”?

19 “Asawa ng isang babae.” Nang pasimulan ni Jehova ang pag-aasawa, sinabi niya na para lang ito sa isang lalaki at isang babae. At dapat itong sundin ng lahat ng Kristiyano. (Mat. 19:​3-9) Hindi dapat masangkot ang isang brother sa seksuwal na imoralidad. (Heb. 13:4) Pero hindi lang iyan. Kasama rin dito ang pagiging tapat sa asawa. Hindi dapat magpakita ang isang brother na may asawa ng romantikong interes sa iba.​—Job 31:1.

20. Paano pinapangalagaan ng isang brother ang pamilya niya “sa mahusay na paraan”?

20 “Namumuno sa kanilang pamilya sa mahusay na paraan.” Kung isa kang ulo ng pamilya, dapat na seryosohin mo ang mga pananagutan mo. Dapat regular ang family worship ninyo. Sikapin ding laging samahan sa ministeryo ang bawat miyembro ng pamilya mo hangga’t posible. Tulungan ang mga anak mo na magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. (Efe. 6:4) Kung kayang pangalagaan ng isang brother ang pamilya niya, magagawa niya rin iyan para sa kongregasyon.​—Ihambing ang 1 Timoteo 3:5.

21. Kung hindi ka pa ministeryal na lingkod, ano ang puwede mong gawin?

21 Kung isa kang brother at hindi pa ministeryal na lingkod, basahing mabuti ang artikulong ito at ipanalangin ito kay Jehova. Pag-aralan ang mga kuwalipikasyon sa pagiging ministeryal na lingkod at sikaping abutin ang mga ito. Isip-isipin din kung gaano mo kamahal si Jehova at ang mga kapatid. Tutulungan ka niya na mas gustuhin pang abutin ang pribilehiyong ito. (1 Ped. 4:​8, 10) Kaya sikaping maging ministeryal na lingkod. Kung gagawin mo iyan, magiging masaya ka habang naglilingkod sa mga kapatid sa kongregasyon. Pagpalain sana ni Jehova ang pagsisikap mo na abutin ang pribilehiyong ito.​—Fil. 2:13.

AWIT BLG. 17 Handang Tumulong

a LARAWAN: Sa kaliwa, mapagpakumbabang pinaglilingkuran ni Jesus ang mga alagad niya; sa kanan, tinutulungan ng isang ministeryal na lingkod ang may-edad na brother sa kongregasyon.