Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos”

“Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos”

“Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos”

AYON SA SALAYSAY NI W. GLEN HOW

Sa nakalipas na anim na dekada, marami nang legal na pagbabaka ang ipinakipaglaban ng mga Saksi ni Jehova sa Canada. Napansin ng pangkat ng mga nagtataguyod ng batas ang kanilang tagumpay. Dahil sa bahaging ginampanan ko sa ilan sa mga pakikipagpunyaging ito, ako’y pinagkalooban kamakailan ng Award for Courageous Advocacy, ng American College of Trial Lawyers. Sa panahon ng seremonya ng parangal, binanggit na ang mga kasong nagsasangkot sa mga Saksi ni Jehova ay “bumuo ng mahahalagang pananggalang laban sa pagmamalabis ng estado . . . , sapagkat ang mga ito’y lumikha ng isang ipinahiwatig na katipunan ng mga karapatan na kinikilala ng hukuman, isa na kumilala at nagsanggalang sa mga kalayaan ng lahat ng mga taga-Canada.” Hayaan mong ibahagi ko sa iyo ang mga detalye ng ilan sa mga kasong ito sa korte at sabihin sa iyo kung paano ako nasangkot sa batas at sa mga Saksi ni Jehova.

NOONG 1924, si George Rix, isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa aking mga magulang sa Toronto, Canada. Pinapasok siya ng aking inang si Bessie How, isang maliit na babae, upang sila’y mag-usap. Ako’y limang taóng gulang noon, at ang aking kapatid, si Joe, ay tatlo.

Di-nagtagal ay dumadalo na si Inay sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya sa Toronto. Noong 1929, naging payunir siya, o buong-panahong ministro, at nagpatuloy sa gawaing iyan hanggang 1969, nang matapos niya ang kaniyang makalupang landasin. Nagbigay sa amin ng isang mainam na halimbawa ang kaniyang determinado at walang-pagod na ministeryo at tumulong ito sa marami upang makaalam ng katotohanan sa Bibliya.

Ang aking ama, si Frank How, ay isang tahimik na tao na sa pasimula’y sumalansang sa mga relihiyosong gawain ni Inay. Gayunman, may-katalinuhang inanyayahan ni Inay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, gaya ni George Young, upang dalawin at kausapin si Itay. Nang maglaon, napalambot din ang damdamin ni Itay. Nang makita niya ang kapaki-pakinabang na epekto ng katotohanan sa Bibliya sa kaniyang pamilya, sumuporta siya nang husto, bagaman hindi siya naging isang Saksi kailanman.

Pagpapasiyang Maglingkod sa Diyos

Noong 1936, nagtapos ako sa haiskul. Noong ako’y tin-edyer pa, hindi ako gaanong interesado sa espirituwal na mga bagay. Nasa kasagsagan noon ang Great Depression, at mahirap humanap ng trabaho. Kaya pumasok ako sa University of Toronto. Noong 1940, ipinasiya kong mag-aral ng abogasya. Hindi naman nagulat ang aking ina sa pasiyang ito. Nang ako’y bata pa, palagi niyang payamot na sinasabi: “Palagi na lamang nangangatuwiran sa lahat ng bagay ang pilyong batang ito! Malamang na magiging abogado ito!”

Noong Hulyo 4, 1940, bago pa man ako mag-aral ng abogasya, bigla na lamang ipinagbawal ng pamahalaan ng Canada ang mga Saksi ni Jehova. Dito nagkaroon ng pagbabago ang aking buhay. Nang ituon ng pamahalaan ang buong kapangyarihan nito laban sa maliit na organisasyong ito ng inosente at mapagpakumbabang mga tao, nakumbinsi ako nito na ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na mga tagasunod ni Jesus. Gaya ng inihula niya, sila’y naging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa [kaniyang] pangalan.” (Mateo 24:9) Ipinasiya kong paglingkuran ang Makapangyarihang Diyos na nasa likod ng organisasyong ito. Noong Pebrero 10, 1941, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Nais ko sanang pumasok na agad sa pagpapayunir. Subalit, hinimok ako ni Jack Nathan, na isa sa nangunguna noon sa gawaing pangangaral sa Canada, na tapusin ang aking pagsasanay sa batas. Kaya iyon nga ang ginawa ko, at nagtapos ako noong Mayo 1943, pagkatapos nito ay agad akong nagpayunir. Noong Agosto, ako’y inanyayahang maglingkod sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Toronto at tumulong sa mga legal na problema na kinakaharap ng mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na buwan ay natanggap ako sa bar sa Ontario, Canada.

Legal na Ipinagtatanggol ang Mabuting Balita

Nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II, at bawal pa rin ang mga Saksi sa Canada. Ibinibilanggo noon ang mga lalaki at babae dahil lamang sa sila’y mga Saksi ni Jehova. Pinatatalsik ang mga bata sa paaralan, habang ang iba naman ay inilalagay pa nga sa mga bahay-ampunan. Ito’y dahil sa ayaw nilang makibahagi sa mga nasyonalistikong anyo ng pagsamba, gaya ng pagsaludo sa bandila o pag-awit ng pambansang awit. Sinabi ni Propesor William Kaplan, na sumulat ng isang aklat na pinamagatang State and Salvation: The Jehovah’s Witnesses and Their Fight for Civil Rights, na ang “mga Saksi ay hayagang nilait at ginawang tampulan kapuwa ng panghihimasok bilang estado at pribadong pag-atake ng di-mapagparayang pamahalaan at ng lantarang pagsalungat ng mamamayan na naudyukan ng simbuyo ng damdamin at pagkamakabayan dahil sa digmaan.”

Malaon nang sinisikap ng mga Saksi na maalis ang pagbabawal ngunit sila’y nabigo. Bigla na lamang, noong Oktubre 14, 1943, iyon ay pinawalang-bisa. Gayunman, ang mga Saksi ay naroroon pa rin sa mga piitan at mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, ayaw pa ring tanggapin ang mga bata sa pampublikong paaralan, at patuloy pa rin ang pagbabawal sa Watch Tower Bible and Tract Society at sa International Bible Students Association, isang korporasyon na kung saan nakapangalan ang ating pag-aari sa Toronto.

Noong bandang katapusan ng 1943, naglakbay ako sa New York kasama si Percy Chapman, na siyang lingkod noon ng sangay sa Canada, upang kumonsulta kina Nathan Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, at Hayden Covington, ang bise presidente at abogado ng Samahan. Napakalawak ng karanasan ni Brother Covington kung tungkol sa batas. Nang dakong huli ay naipanalo niya ang nakagugulat na 36 sa 45 apelasyon sa Korte Suprema ng Estados Unidos.

Unti-unting naibsan ang paghihirap ng mga Saksi sa Canada. Naibalik ang pag-aari ng sangay sa Toronto noong 1944, at yaong mga naglilingkod na roon bago ang pagbabawal ay nakabalik. Noong 1945, idineklara ng pinakamataas na hukuman ng lalawigan ng Ontario na hindi kailangang pilitin ang mga bata na makibahagi sa mga gawaing tinututulan ng kanilang budhi. Ipinag-utos nito na muling tanggapin sa paaralan ang mga batang pinatalsik. Sa wakas, noong 1946 ay pinalaya ng pamahalaan ng Canada ang lahat ng mga Saksi mula sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Sa pamamatnubay ni Brother Covington, natutuhan kong labanan ang mga isyung ito taglay ang lakas ng loob at determinasyon ngunit, higit sa lahat, taglay ang pagtitiwala kay Jehova.

Ang Pagbabaka sa Quebec

Bagaman ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova ay iginagalang na noon sa kalakhang bahagi ng Canada, may isang eksepsiyon​—ang Pranses na Katolikong lalawigan ng Quebec. Ang lalawigang ito ay 300 taon nang lubusang kontrolado ng Simbahang Romano Katoliko. Ang mga paaralan, ospital, at halos lahat ng serbisyong pampubliko ay alinman sa pinangangasiwaan ng mga klerigo o kaya’y kontrolado ng mga ito. May isang trono pa nga para sa Katolikong kardinal sa tabi ng upuan ng ispiker sa konggreso ng Quebec!

Ang punong ministro at attorney general ng Quebec, si Maurice Duplessis, ay isang diktador na, ayon sa istoryador na taga-Quebec na si Gérard Pelletier, ay nagdulot sa lalawigan ng “dalawampung taóng pamumuno na batbat ng kasinungalingan, kawalang-katarungan at katiwalian, ng sistematikong maling-paggamit ng kapangyarihan, ng impluwensiya ng mga makikitid ang isip at pagwawagi ng kahangalan.” Pinalakas ni Duplessis ang kaniyang kapangyarihan sa pulitika sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa Romano Katolikong kardinal na si Villeneuve.

Pagsapit ng mga unang taon ng dekada 1940, mayroon nang 300 Saksi sa Quebec. Marami, kabilang na ang aking kapatid na si Joe, ay mga payunir mula sa ibang bahagi ng Canada. Habang sumusulong ang pangangaral sa Quebec, ang mga pulis doon, dahil sa panggigipit ng mga klerigo, ay gumanti ng panliligalig sa mga Saksi sa pamamagitan ng paulit-ulit na pag-aresto at maling pagkakapit ng pangkomersiyong mga patakaran sa ating relihiyosong mga gawain.

Madalas akong nagpapabalik-balik noon sa Toronto at Quebec anupat nang maglaon ay inatasan akong lumipat sa Quebec upang tulungan ang mga di-Saksing abogado na kumakatawan sa ating mga kapatid na Kristiyano. Ang una kong ginagawa noon sa araw-araw ay ang alamin kung ilan ang inaresto noong nakaraang araw at nagmamadali akong pumupunta sa lokal na hukuman upang piyansahan sila. Mabuti na lamang, isang mayamang Saksi, si Frank Roncarelli, ang nagsuplay ng pampiyansa sa marami sa mga kasong ito.

Mula 1944 hanggang 1946, ang bilang ng demanda dahil sa diumano’y mga paglabag sa patakaran ay tumaas mula 40 tungo sa 800! Hindi lamang mga pampublikong awtoridad ang patuloy na umaresto at nanligalig sa mga Saksi kundi pati ang mga di-masupil na mga mang-uumog, na nasulsulan ng Katolikong mga klerigo, ay umatake rin sa kanila.

Noong Nobyembre 2 at 3, 1946, nagdaos ng isang pantanging pulong sa Montreal upang talakayin ang krisis na ito. Ibinigay ni Brother Knorr ang huling pahayag, na pinamagatang “Ano ang Gagawin Natin?” Lahat ng dumalo ay nalugod na marinig ang kaniyang sagot​—binasa niya nang malakas ang isa na ngayong makasaysayang dokumento na Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada. Ito ay isang maapoy na tract na may apat na pahina​—isang detalyadong paglalantad na may mga pangalan, petsa, at mga lugar ng mga kaguluhang likha ng sulsol ng mga klerigo, pagmamalupit ng mga pulis, mga pag-aresto, at karahasan ng mga mang-uumog laban sa mga Saksi ni Jehova sa Quebec. Pinasimulan ang pamimigay nito sa buong Canada pagkaraan lamang ng 12 araw.

Sa loob ng ilang araw, ipinatalastas ni Duplessis sa publiko ang isang “walang-awang pakikidigma” sa mga Saksi ni Jehova. Subalit wala siyang kamalay-malay na ang ginagawa niya’y para rin sa aming kabutihan. Paano? Sa pag-uutos na ang sinumang namamahagi ng Quebec’s Burning Hate ay idedemanda ng sedisyon​—isang napakalubhang krimen na magdadala sa amin sa labas ng mga hukuman sa Quebec patungo sa Korte Suprema ng Canada. Sa tindi ng kaniyang galit, buong-pagpapabayang ipinagwalang-bahala ni Duplessis ang gayong ibubunga. Pagkatapos ay personal niyang pinakansela ang lisensiya sa alak ni Frank Roncarelli, na siyang pangunahing pinagkukunan namin ng pampiyansa. Dahil sa wala nang alak, isinara ang magandang restawran ni Brother Roncarelli sa Montreal pagkaraan lamang ng ilang buwan, at siya’y naghirap.

Dumami ang mga pag-aresto. Sa halip na 800 demanda, di-nagtagal ay napaharap kami sa 1,600. Inireklamo ng maraming abogado at hukom na pinagsisikip ng lahat ng mga kasong ito ng mga Saksi ni Jehova ang mga korte sa Quebec. Bilang tugon, nagmungkahi kami ng madaling remedyo: Mga kriminal ang dapat arestuhin ng mga pulis sa halip na mga Kristiyano. Iyan ang lulutas ng problema!

Dalawang matapang na abogadong Judio, sina A. L. Stein ng Montreal at Sam S. Bard ng Quebec City, ang tumulong sa pamamagitan ng pagganap ng aming papel sa maraming kaso, lalo na noong bago ako matanggap sa bar sa Quebec noong 1949. Si Pierre Elliott Trudeau, naging punong ministro sa Canada nang dakong huli, ay sumulat na ang mga Saksi ni Jehova sa Quebec ay “kinutya, inusig, at kinamuhian ng buong lipunan; subalit sa pamamagitan ng legal na pamamaraan ay nagawa nilang labanan ang Simbahan, pamahalaan, bansa, pulisya, at opinyon ng publiko.”

Nahalata ang saloobin ng mga korte sa Quebec sa ginawang pakikitungo sa aking kapatid na si Joe. Siya ay pinaratangang nanggugulo. Hinatulan si Joe ng huwes sa munisipyo na si Jean Mercier ng pinakasukdulang parusa na 60 araw sa bilangguan. Pagkatapos, dahil sa hindi na niya lubusang makontrol ang sarili, sumigaw siya mula sa kaniyang kinauupuan na kung siya ang masusunod ay gusto niyang mabulok si Joe sa bilangguan!

Isang pahayagan ang nagsabi na inutusan ni Mercier ang mga pulis sa Quebec na “arestuhin ang bawat makita nilang kilala o pinaghihinalaang Saksi.” Ang paggawing iyan ay nagpatunay lamang ng katotohanan ng mga akusasyon na nasa aming tract na Quebec’s Burning Hate. Ang sumusunod ay ilang karaniwang ulong-balita sa mga pahayagan sa Canada sa labas ng Quebec: “Nagbalik sa Quebec ang Panahon ng Kadiliman” (The Toronto Star), “Pagbabalik ng Inkisisyon” (The Globe and Mail, Toronto), “Ang Alingasaw ng Pasismo” (The Gazette, Glace Bay, Nova Scotia).

Pagtatanggol sa Paratang na Sedisyon

Noong 1947, tumulong ako kay Mr. Stein sa aming unang kaso ng sedisyon na lilitisin, yaong kay Aimé Boucher. Si Aimé ay namahagi ng mga tract malapit sa kanilang bahay. Sa paglilitis kay Aimé, pinatunayan namin na ang Quebec’s Burning Hate ay hindi naglalaman ng mga kasinungalingan kundi ito’y gumamit lamang ng matitinding pananalita upang ireklamo ang pagmamalupit sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita namin na wala man lamang akusasyong ipinataw sa mga gumawa ng pagmamalupit na ito. Si Aimé ay hinatulan dahil lamang sa paghahayag ng mga ito. Ganito ang naging paninindigan ng tagausig: Naging isang krimen ang pagsasabi ng totoo!

Ang mga korte sa Quebec ay dumepende sa malabo at 350 taon nang pagpapakahulugan sa “sedisyon,” na nagpapahiwatig na sinumang bumabatikos sa pamahalaan ay maaaring hatulan ng isang krimen. Si Duplessis man ay dumepende sa pagpapakahulugang iyan upang pigilin ang pagbatikos sa kaniyang rehimen. Subalit noong 1950, tinanggap ng Korte Suprema ng Canada ang aming iniharap na dokumento na sa isang makabagong demokrasya, ang “sedisyon” ay nangangahulugan ng panunulsol ng karahasan o paghihimagsik laban sa pamahalaan. Ang Quebec’s Burning Hate ay hindi naglalaman ng gayong panunulsol at samakatuwid ay isa lamang legal na anyo ng malayang pagsasalita. Dahil sa isang napakahalagang pasiyang ito, lahat ng 123 kaso ng sedisyon ay naglahong parang bula! Nakita ko mismo kung paano ibinigay ni Jehova ang tagumpay.

Pakikibaka sa Sensura

Ang Quebec City ay may patakaran na nagbabawal sa pamamahagi ng mga literatura nang walang pahintulot mula sa hepe ng pulisya. Ito ay isang tuwirang sensura at samakatuwid ay isang paglabag sa kalayaan sa relihiyon. Si Laurier Saumur, naglilingkod noon bilang naglalakbay na tagapangasiwa, ay nabilanggo sa loob ng tatlong buwan dahil sa patakarang ito at napaharap sa ilang iba pang demanda dahil dito.

Noong 1947, isang demanda sibil ang inihain sa pangalan ni Brother Saumur upang pagbawalan ang Quebec City sa pagpapatupad ng patakaran nito laban sa mga Saksi ni Jehova. Laban sa amin ang naging hatol ng mga korte sa Quebec, at muli ay umapela kami sa Korte Suprema ng Canada. Noong Oktubre 1953, pagkatapos ng pitong-araw na pagdinig sa harap ng lahat ng siyam na mga hukom sa Korteng iyan, ipinagkaloob sa amin ang aming kahilingan para sa isang pag-uutos. Kinilala ng Korte na ang pamamahagi sa publiko ng nakalathalang mga sermon sa Bibliya ay isang mahalagang bahagi ng Kristiyanong pagsamba ng mga Saksi ni Jehova at samakatuwid ay protektado mula sa sensura batay sa saligang-batas.

Kaya naman ipinasiya sa kasong Boucher na ang sinasabi ng mga Saksi ni Jehova ay legal; ngunit tiniyak ng desisyong Saumur kung paano at kung saan ito puwedeng sabihin. Ang tagumpay ng kasong Saumur ay umakay sa pagpapawalang-saysay sa mahigit na 1,100 demanda dahil sa mga patakaran sa Quebec. Iniurong na rin ang mahigit sa 500 demanda sa Montreal dahil sa lubos na kawalan ng ebidensiya. Di-nagtagal at malinis na ang rekord​—wala nang natirang demanda sa Quebec!

Ang Huling Pag-atake ni Duplessis

Palibhasa’y wala nang natitirang batas na magagamit laban sa mga Saksi ni Jehova, sa pagsisimula ng Enero 1954, ipinasok ni Duplessis sa konggreso ang isang bagong batas, Panukalang-Batas Blg. 38, na inilarawan ng media bilang ‘batas na laban sa mga Saksi ni Jehova.’ Itinatakda nito na yaong mga nagsususpetsa na may sinumang taong nagbabalak magbitaw ng isang pahayag na “nakasasakit o nakaiinsulto” ay puwedeng magdemanda nang hindi na kailangan pang magharap ng ebidensiya. Bilang attorney general, si Duplessis ay makakakuha kung gayon ng pag-uutos na pagbawalan ang akusado na magbitaw ng anumang pahayag sa publiko. Minsang magbaba ng utos laban sa isang indibiduwal, lahat ng miyembro ng simbahan ng taong iyon ay pagbabawalan ding magsalita. Karagdagan pa, lahat ng Bibliya at relihiyosong mga literatura na pag-aari ng simbahang iyan ay sasamsamin at sisirain, at lahat ng dakong sambahan nito ay ipasasara hanggang sa ang kaso ay madesisyunan, na maaaring umabot ng mga taon.

Kinopya ng Panukalang-Batas Blg. 38 ang isang batas na binalangkas noong ika-15 siglo sa panahon ng Inkisisyong Kastila sa pangunguna ni Torquemada. Ang akusado at lahat ng kaniyang mga kasamahan ay nawalan ng lahat ng karapatang sibil nang wala namang katibayan na sila nga’y nagkasala. Hinggil sa Panukalang-Batas Blg. 38, ipinatalastas ng pamahayagan na tinagubilinan ang pulisya ng lalawigan na ipasara ang lahat ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at samsamin at sirain ang kanilang mga Bibliya at iba pang literatura. Sa harap ng ganitong napakasamang banta, inalis ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng kanilang relihiyosong publikasyon mula sa lalawigan. Gayunman, ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang gawaing pangangaral sa madla taglay ang kanilang sariling mga kopya lamang ng Bibliya.

Ang panukalang-batas ay isinabatas noong Enero 28, 1954. Noong Enero 29, alas 9:00 n.u., ako’y nasa pintuan na ng hukuman upang maghain ng demanda sa kapakanan ng lahat ng mga Saksi ni Jehova sa lalawigan ng Quebec, na nagsisikap na makakuha ng permanenteng pag-uutos laban sa batas na ito bago pa man ito magamit ni Duplessis. Ang hukom ay hindi nagkaloob ng isang pansamantalang pag-uutos dahil sa ang Panukalang-Batas Blg. 38 ay hindi pa naman nagagamit. Ngunit sinabi niya na sakaling gamitin ito ng pamahalaan, puwede akong bumalik sa kaniya para humingi ng proteksiyon. Ang pasiyang ito ng hukom ay para na ring isang pansamantalang pag-uutos, sapagkat sa oras na subuking gamitin ito ni Duplessis, siya’y hahadlangan!

Nang sumunod na linggo, naghintay kami kung kikilos ang mga pulis sa ilalim ng bagong batas na ito. Walang nangyari! Upang malaman kung bakit, nagsaayos ako ng isang pagsubok. Dalawang payunir, sina Victoria Dougaluk (naging Steele) at Helen Dougaluk (naging Simcox), ang nagbahay-bahay dala ang mga literatura sa Trois-Rivières, sariling bayan ni Duplessis. Muli, walang reaksiyon. Habang ang mga sister ay wiling-wili, inutusan ko si Laurier Saumur na tawagan sa telepono ang pulisya ng lalawigan. Sa paraang hindi nagpapakilala, inireklamo niya na nangangaral ang mga Saksi ni Jehova at na hindi ipinatutupad ng mga pulis ang bagong batas ni Duplessis.

Buong-kaamuan, sinabi ng punong opisyal: “Oo, alam naming ipinasa na ang batas; pero nang sumunod na araw ay nakakuha ng pag-uutos ang mga Saksi ni Jehova laban sa amin, kaya wala na kaming magawa.” Karaka-raka, ibinalik namin ang aming mga literatura sa lalawigan, at sa loob ng sampung taon na nagawan ng paraang maiapela ang kasong ito sa matataas na hukuman, ang aming pangangaral ay matagumpay na nagpatuloy.

Karagdagan pa sa pag-uutos, nagawa rin namin na maipadeklarang labag sa saligang-batas ang Panukalang-Batas Blg. 38. Upang patunayan na ang batas na ito’y talagang sinadya para sa mga Saksi ni Jehova, ipinasiya namin ang isang hakbang na palaban​—ang padalhan mismo si Duplessis ng isang subpena, na mag-uutos sa kaniya na dumalo sa paglilitis at magbigay ng ebidensiya. Dalawang oras at kalahati ko siyang pinagtatanong. Paulit-ulit ko siyang hinarap hinggil sa kaniyang deklarasyon sa publiko na “walang-awang pakikibaka sa mga Saksi ni Jehova” at sa kaniyang sinabi na ang Panukalang-Batas Blg. 38 ang tatapos sa mga Saksi ni Jehova sa Quebec. Sa tindi ng galit, personal niya akong inatake: “Napakawalang-modo mo, binata!”

“Ginoong Duplessis,” sagot ko, “kung personalidad ang ating pinag-uusapan, may masasabi rin akong ilan tungkol sa inyo. Ngunit yamang may mas mahalaga tayong pinag-uusapan, pakipaliwanag nga ninyo kung bakit hindi ninyo sinagot ang huling tanong?”

Noong 1964, ipinakipagtalo ko ang Panukalang-Batas Blg. 38 sa harap ng Korte Suprema ng Canada. Subalit tumanggi silang pagpasiyahan ang pagkaalinsunod nito sa saligang-batas sapagkat hindi pa naman nagagamit ang batas. Gayunman, patay na noon si Duplessis, at wala nang interesado sa Panukalang-Batas Blg. 38. Hindi iyon nagamit kailanman laban sa mga Saksi ni Jehova o kanino pa man.

Bago pa man mamatay si Duplessis noong 1959, siya’y inutusan ng Korte Suprema ng Canada na magbayad-pinsala kay Brother Roncarelli dahil sa ilegal na pagkansela sa kaniyang lisensiya sa alak. Mula noon ay bumait na nang husto ang marami sa mga taga-Quebec. Ang bilang ng mga Saksi roon ay umabot mula 300 noong 1943 hanggang sa mahigit na 33,000 sa ngayon, ayon sa isang sensus ng pamahalaan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatala ngayon bilang ikaapat sa pinakamalalaking grupo ng relihiyon sa lalawigan. Ang pagwawaging ito sa batas o tagumpay ng ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay hindi ko itinuturing na nagmula sa sinumang tao. Sa halip, pinatunayan nito sa akin na si Jehova ang nasa likod ng tagumpay, sapagkat ang pagbabaka ay sa kaniya at hindi sa atin.​—2 Cronica 20:15.

Pagbabago ng mga Kalagayan

Noong 1954, pinakasalan ko ang isang magandang payunir mula sa Inglatera, si Margaret Biegel, at magkasama kaming nagpayunir. Patuloy ako sa pagharap sa mga kaso sa korte sa kapakanan ng mga Saksi ni Jehova kapuwa sa Canada at sa Estados Unidos at naglilingkod bilang tagapayo sa ilang kaso sa Europa at Australia. Si Margaret ang naging sekretarya ko at isang napakahalagang suporta sa loob ng maraming taon. Noong 1984, bumalik ako, kasama si Margaret, upang manirahan sa sangay ng Canada, at tumulong ako upang muling maitatag ang isang Legal Department. Nakalulungkot, noong 1987, namatay si Margaret dahil sa kanser.

Pagkamatay ng aking ina noong 1969, ipinisan ng aking kapatid na si Joe at ng asawa niya, si Elsie, na kapuwa sinanay bilang mga misyonero sa ikasiyam na klase ng Watchtower Bible School of Gilead, ang aking ama sa kanilang tahanan at inalagaan siya hanggang sa kaniyang kamatayan pagkalipas ng 16 na taon. Sa pagsasakripisyong ito sa sarili, napanatili nila ako sa buong-panahong paglilingkod, at patuloy ko itong pasasalamatan.

Tuloy ang mga Pakikibaka

Sa paglipas ng mga taon, ang legal na pakikibaka ng mga Saksi ni Jehova ay nagbago. Ang maraming kaso ay may kinalaman sa pagkuha ng pag-aari at mga pahintulot para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Ang iba naman ay mga paglalaban kung sino ang mangangalaga sa anak na doo’y ginagamit ng mga di-Saksing magulang ang pagkapanatiko sa relihiyon upang matamo ang solong pangangalaga o kaya’y pagbawalan ang mga magulang na Saksi na ibahagi sa kanilang sariling mga anak ang mahahalagang paniniwala at gawain hinggil sa relihiyon.

Isang Amerikanang abogada, si Linda Manning, ay dumating sa sangay ng Canada noong 1989 upang pansamantalang tumulong may kinalaman sa batas. Noong Nobyembre ng taóng iyon, kami’y nagpakasal at maligaya kaming naglilingkod na magkasama rito mula noon.

Noong dekada ng 1990, si John Burns, isang kapuwa abogado rito sa sangay ng Canada, at ako ay kapuwa nasa Hapon at tumulong sa ating Kristiyanong mga kapatid doon na maipanalo ang isang kasong pansaligang-batas may kinalaman sa kalayaan ng isang estudyante na huwag sumali sa mga klase sa martial arts na kahilingan ng kaniyang paaralan. Naipanalo rin namin ang isang kaso hinggil sa karapatan ng isang adulto na tumanggi sa pagsasalin ng dugo.

Pagkatapos noong 1995 at 1996, kami ni Linda ay nagkapribilehiyo na manatili sa Singapore sa loob ng limang buwan dahil sa pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa lupaing iyon at sa resulta nitong mga demanda. Ipinagtanggol ko ang 64 na lalaki, babae, at mga kabataan na napapaharap sa kriminal na mga paratang dahil sa pagdalo sa Kristiyanong mga pulong at pagkakaroon ng mga Bibliya at relihiyosong mga literatura. Wala kaming naipanalo kahit isa sa mga kasong ito, ngunit nakita namin kung paano pinalakas ni Jehova ang kaniyang mga tapat na lingkod upang makapagbata nang may katapatan at kagalakan.

Nagpapasalamat na Nagkaroon ng Bahagi

Sa edad na 80, natutuwa ako sa pagkakaroon ng isang mabuting kalusugan at nakapagpapatuloy pa rin sa pagkakaroon ng bahagi sa pakikipaglaban sa mga legal na pagbabaka ng bayan ni Jehova. Palagi pa rin akong nakahandang magtungo sa korte at manindigan sa kung ano ang tama. Isang kasiyahan ko na makita ang bilang ng mga Saksi sa Canada na dumami mula 4,000 noong 1940 hanggang sa 111,000 sa kasalukuyan. Ang mga tao at mga pangyayari ay dumarating at lumilipas, subalit patuloy na pinasusulong ni Jehova ang kaniyang bayan, anupat tinitiyak na sila’y nananagana sa espirituwal.

May mga problema ba? Oo, subalit tinitiyak sa atin ng Salita ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isaias 54:17) Batay sa mahigit na 56 na taóng ginugol ko sa buong-panahong ministeryo ‘sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita,’ makatetestigo ako kung gaano katotoo ang hula ni Isaias!​—Filipos 1:7.

[Larawan sa pahina 19]

Kasama ang aking nakababatang kapatid at ang aming mga magulang

[Larawan sa pahina 19]

Si Hayden Covington, abogado

[Larawan sa pahina 19]

Kasama si Nathan Knorr

[Larawan sa pahina 20]

Si Duplessis habang nakaluhod sa harap ni Kardinal Villeneuve

[Credit Line]

Photo by W.R. Edwards

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

Si Frank Roncarelli

[Credit Line]

Courtesy Canada Wide

[Mga larawan sa pahina 21]

Si Aimé Boucher

[Larawan sa pahina 24]

Kasama ang mga kapuwa abogadong sina John Burns at ang aking asawang si Linda