Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Ekolohikal na Kanlungan ng mga Hayop Salamat sa artikulong “Ang Pantanal​—Isang Kawili-wiling Kanlungan ng mga Hayop.” (Setyembre 8, 1999) Sa aking isipan ay sinamahan ko ang manunulat sa kawili-wiling lugar na iyon, na tinatamasa ang kapayapaan at katahimikan na umiiral doon. Buong pananabik kong hinihintay ang araw kapag palalawakin ng Diyos ang gayong kalagayan sa buong lupa.

M. A., Italya

Diyabetis Katatapos ko lamang basahin sa ikalawang pagkakataon ang artikulong “May Diyabetis ang Iyong Anak!” (Setyembre 22, 1999) Sampung buwan na ang nakaraan, nalaman kong ako’y may Type 1 na diyabetis. Noon pa man ay isa na akong malusog na tao, na naglilingkod bilang isang payunir, isang buong-panahong ebanghelisador, mula pa nang ako’y 17 taóng gulang. Kinailangan kong gumawa ng maraming pagbabago sa aking buhay sa nakaraang ilang buwan. Kailangan kong gumamit ng isang insulin pump, at napilitan akong huminto sa pagpapayunir dahil sa halaga ng pagpapagamot sa aking sakit. Subalit nagpapasalamat ako sa inyo sa paglilimbag ng gayong mga artikulo na nagpapaalala sa atin na ang iba ay dumaranas din ng katulad na mga pagsubok.

B. F., Estados Unidos

Ang aking apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay may diyabetis mula pa nang siya’y dalawang taon. Ang mga damdaming ipinahayag ni Sonya at ng kaniyang pamilya sa artikulo ay alam na alam namin. Lubos kaming nagpapasalamat sa maibiging Kristiyanong kapatiran na tumulong sa amin na makayanan ito.

C. R., Moldova

May ilang panahon ko nang inaasam-asam na magkaroon ng nakapagpapatibay na babasahin hinggil sa paksang ito. Ako ay 17 at namumuhay ng may diyabetis mula nang ako’y 5 taóng-gulang. Kung minsan, napakahirap harapin ang sakit na ito. Ngunit ako’y nagalak na magkaroon ng isang payak na artikulo na maaari kong ipakita sa aking pamilya at sa lahat ng aking mga kaibigan upang sagutin ang kanilang mga tanong at palawakin ang kanilang kaalaman hinggil sa diyabetis.

K. W., Canada

Hindi Ligtas? Nabasa ko ang isang napakagandang artikulo na pinamagatang “Malaki ang Naging Bahagi ng Kababaihan.” (Hunyo 22, 1999) Medyo nagulat ako na makitang ang mga babaeng gumagawa sa pagtatayo ay walang suot na proteksiyon sa mata.

R. L., Estados Unidos

Tinitiyak namin sa aming mga mambabasa na ang boluntaryong mga manggagawang ito ay may suot na proteksiyon sa mata kapag sila’y aktuwal na gumagawa sa kanilang atas. Sila’y hinilingang magpakuha ng larawan​—nang walang anumang suot sa mata​—upang higit na makita ang kanilang mga mukhang nakangiti.​—ED.

Kawalang-Katarungan Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano ko Haharapin ang Kawalang-Katarungan?” (Setyembre 22, 1999) Kahit na ako’y bata pa, marami na akong naranasan na kawalang-katarungan at karahasan sa aking buhay, anupat may malalalim akong sugat sa emosyon. Dahil dito ay naging mahirap para sa akin na tuparin ang aking gawain bilang isang payunir, na nakibahagi ako sa loob ng nakaraang walong taon. Pinatibay-loob ako ng pangungusap na: “Gawin mo ang makakaya mo upang maharap ito.” Ang mga salitang ito’y nagpapamalas ng pag-ibig, at pinasasalamatan ko kayo mula sa kaibuturan ng aking puso.

A. G., Italya

Musika Isa akong matanda sa Kristiyanong kongregasyon sa loob na ng mga taon at lagi kong binibigyang-pansin ang mga kabataan. Ngunit kamakailan ay nakadama ako ng pagkabigo, yamang ang payo na sinikap kong ibigay hinggil sa mga panganib ng ilang makabagong musika ay winalang-bahala. Gayunman, ang seryeng “Musika​—Mas Makapangyarihan Kaysa sa Maaaring Inaakala Mo” (Oktubre 8, 1999) ay siya mismong kailangan ko. Mahuhusay ang mga pagsipi mula sa ibang reperensiya hinggil sa negatibong mga epekto ng ilang musika. Aking ibabahagi ang mga ideyang ito sa ating mga kabataan.

D. H., Bolivia

Bilang isang mang-aawit at guro ng musika sa elementarya, aking nasumpungan na ang mga artikulo ninyo sa musika na lumabas kamakailan ay lubhang kawili-wili. Salamat!

K. F., Estados Unidos