Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nang Tangkain ng Bundok na Sumanib sa Dagat

Nang Tangkain ng Bundok na Sumanib sa Dagat

Nang Tangkain ng Bundok na Sumanib sa Dagat

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA VENEZUELA

SA PAGITAN ng kabiserang lunsod ng Venezuela, ang Caracas, at ng dagat ay masusumpungan ang 2,000-metrong bundok na pinanganlang El Ávila. Sa dakong hilaga ay may isang makitid at napakamataong lugar sa baybay-dagat. Ang pangunahing paliparan ng Venezuela ay naroroon, at upang makapunta mula sa paliparan patungo sa Caracas, ang mga turista’y dapat magbiyahe tungo sa loob ng isang tunel na inuka sa loob ng bundok mismo.

Pagkatapos ng mga humuhugos na ulan noong nakaraang Disyembre, ang El Ávila na babád sa tubig ay hindi na makayang sumipsip ng karagdagan pang tubig. Ang mga tagiliran nito’y parang sasabog habang ang sampu-sampung libong metro kubiko ng tubig ay lumalagaslas mula sa bundok. Gaya ng pagkabanggit ng isang tao, para bang tinangka ng bundok na sumanib sa dagat. Natabunan ang mga tirahan​—mula sa mga barungbarong hanggang sa malalaking bahay​—ng rumaragasang tubig, putik, mga bato, at mga punungkahoy. Tinangay ang mga kama, repridyeretor, telebisyon, at kahit mga tao. Sinabi ng isang matandang lalaki na akala niya’y katapusan na iyon ng mundo.

Nang maglaon, huminto ang ulan, at nagsimulang humupa ang tubig-baha. Ayon sa isang pagtantiya, mga 50,000 katao ang maaaring namatay, at 400,000 ang nawalan ng tirahan. May makatuwirang dahilan kung kaya’t tinawag itong “ang pinakamalubhang likás na sakuna sa kasaysayan ng Venezuela.”

Mga Bahagyang Pagkaligtas

Noong Disyembre 15, naipit si Juan Carlos Lorenzo at ang kaniyang ama sa pagitan ng dalawang lumaking ilog. Iniwan nila ang kanilang sasakyan at sumama sa 35 katao sa loob ng isang gusali. Gayunman, di-nagtagal, nagsimulang pumasok ang tubig at mabilis itong tumaas. Ang lahat ay nakarating sa bubungan. Samantala, hinampas ng malalaking bato at mga katawan ng punungkahoy ang gusali. Di-nagtagal, gumuho ang mga pader sa una at ikalawang palapag, kaya ang mga haligi at bubungan na lamang ang natira. Nayanig ang mahinang gusali habang nagpapatuloy ang paghampas.

Lumitaw ang isang helikopter, ngunit hindi ito maaaring lumapag sa mahinang gusali. Habang papalayo ito, umiiyak na nagpaalam sa isa’t isa sina Juan Carlos at ang kaniyang ama, anupat kumbinsido na iyon na ang kanilang katapusan. Pagkatapos ay dumating ang dalawang helikopter. Isa-isa, lahat ng nasa bubungan ay naisakay nang ligtas habang may-kahusayang pinalilipad-lipad ng mga piloto ang mga helikopter sa ibabaw ng bubungan. Pagkaalis na pagkaalis ng mga helikopter, gumuho ang gusali sa malakas na agos ng tubig. Tamang-tama ang pagkaligtas sa kanila!

Inilikas ang libu-lubong tao​—sa pamamagitan ng maliliit na eroplano, sa pamamagitan ng daan, at sa pamamagitan ng mga bapor na pansundalo na para sa mga pagdaong sa baybayin. Ang mahahabang pila ng mga tao​—na ang ilan ay may pasan-pasan na mga bata​—ay inakay sa pamamagitan ng mga lubid sa gitna ng daluyong ng tubig papunta sa mga bapor. Bagaman nailigtas ng ilan ang iilang personal na bagay, ang natira lamang sa marami ay ang suot nilang mga damit.

Mga Pagtulong

Sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Venezuela, nagsimula ang mga pagtulong karaka-raka pagkatapos mabalitaan ang tungkol sa sakuna. Gayunman, ang mga daan ay puno ng mga guho o kaya naman ay natangay na. Pagkalipas ng ilang araw, ang isa sa mga daan ng pangunahing haywey ay binuksan upang magamit sa panahon ng kagipitan, at ang mga sasakyan ng mga Saksi na nagdadala ng mga suplay ng gamot at ang may-kakayahang mga tauhan ay pinayagang dumaan. Nang maglaon ay sinabi ng isang opisyal: “Alam na alam ng pamahalaan na ang mga Saksi ni Jehova ang ilan sa mga naunang dumating na may dalang tulong at upang ilikas ang mga tao mula sa lugar [ng sakuna].”

Nag-organisa ang mga Saksi ng mga paghahanap upang masumpungan yaong mga nangangailangan ng tulong. Isinaayos ang mga sasakyan upang dalhin ang mga nagsilíkas sa Caracas, kung saan marami ang dumating na walang dala na kahit ano. Itinayo sa lunsod ang mga lugar sa paglilikom ng tulong upang maipamahagi ang pagkain, pananamit, at gamot sa mga taong nangangailangan. Ngunit karamihan sa kanila’y nangangailangan ng higit pa sa pagkain at pananamit. Lubhang nangangailangan sila ng isang lugar na matitirhan. May kagalakang pinatuloy sila ng kanilang mga Kristiyanong kapatid.

Kahit na matagal nang natapos ang sakuna, kasama pa rin ng mga tao ang mga kaibigan at mga kamag-anak sa kanilang mga tirahan. Nakatira sina Joel at Elsa, mga Saksi sa Puerto Cabello, sa isang maliit na apartment. Isang buwan pagkatapos ng bagyo, kasama pa rin nilang naninirahan ang 16 na katao. Marami ang nawalan hindi lamang ng kanilang mga tirahan kundi pati rin ng kanilang mga hanapbuhay. Wala na ang lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.

Nakalulungkot, ang dating mga abalang pasyalan at mga bayan sa daungan ay halos hindi na makilala. Ang ilang mga sasakyan ay nakausli mula sa putikan, samantalang ang iba naman ay nakadikit sa mga pader, nakapulupot sa mga poste, o kaya nama’y nakaipit sa mga pintuan at bintana. Isang suson ng tumigas na putik​—na may lalim na tatlong metro sa ibang lugar​—ang dahilan sa pagtaas ng mga kalye anupat kapag naglakad ang isang tao sa mga kalyeng ito, kapantay na ng kaniyang tingin ang itaas na palapag o maging ang mga bubungan ng mga gusali na kaniyang dinaanan!

Nagkomento ang ilan sa Venezuela na ang sakuna ay nagturo sa kanila ng isang mahalagang aral​—huwag maglagak ng kanilang tiwala sa materyal na mga bagay. (Lucas 12:29-31) Napahalagahan ng marami ang payo ni Jesu-Kristo: “Tigilan na ninyo ang pag-iimbak para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tanga at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tanga o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”​—Mateo 6:19-21.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

VENEZUELA

Caracas

Lugar ng sakuna

COLOMBIA

[Larawan sa pahina 17]

Si Rubén Serrano, kasama ang mga labí ng kaniyang bahay

[Mga larawan sa pahina 18]

1. Tinipon ng mga boluntaryo ang mga tulong na panustos sa Caracas

2, 3. Inalis ng Maiquetía Congregation ang tumigas na putik na may pitong piye ang lalim mula sa kanilang Kingdom Hall

4. Nawalan ng mga bahay ang mga Saksing ito at pagkatapos ay nagboluntaryo upang gumawa ng mga bagong bahay para sa kanila at sa iba

5. Isa sa mga halos tapos nang bahay sa San Sebastián de los Reyes