Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maulang Kagubatan—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?

Maulang Kagubatan—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?

Maulang Kagubatan​—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BOLIVIA

SI Ramiro ay nagmamay-ari ng isang libis na nababalutan ng tropikal na maulap na gubat. * Ang libis na ito, na matatagpuan sa paanan ng Kabundukan ng Andes sa Timog Amerika, ay isa lamang sa iilang lugar sa rehiyon na doo’y may nakatanim pa ring sinaunang mga punungkahoy. Ang gubat sa mga burol sa buong palibot nito ay kinalbo na. Nagmumula pa sa iba’t ibang dako ang mga siyentipiko upang pag-aralan ang buhay-iláng sa maulap na gubat ni Ramiro, at may natuklasan silang ilang klase ng buhay-iláng na hindi pa kailanman nauri. Interesadung-interesado si Ramiro sa pangangalaga. Sinabi niya: “Walang magtotroso sa gubat ko.”

Sa kabilang dako naman, pinangangasiwaan ni Roberto ang isang tropikal na maulang gubat na may lawak na 5,600 kilometro kuwadrado na nasa mga kapatagan ng lunas ng Amazon. Isa siyang propesyonal na manggugubat na nagpuputol at nagbebenta ng tropikal na mga kahoy para sa pamilihang pandaigdig. Ngunit labis ding interesado si Roberto sa pangangalaga sa tropikal na kagubatan at sa buhay-iláng nito. “Puwedeng magputol ng tropikal na punungkahoy nang hindi permanenteng napipinsala ang sari-saring buhay sa kagubatan,” ang iginiit niya.

Bagaman magkaiba ang kanilang kalagayan, parehong labis na ikinababahala nina Ramiro at Roberto ang kinabukasan ng tropikal na kagubatan. At hindi sila nag-iisa. Nitong nakalipas na mga dekada, lubhang dumami ang walang patumanggang pagsira sa tropikal na maulang kagubatan.

Kalabisan ba ang gayong pagkabahala? Tutal, kinaingin na ng mga tao ang kalakhang bahagi ng kagubatan sa mga rehiyong may katamtamang klima sa nagdaang mga siglo, para mabigyang-daan ang pagsasaka. Kaya bakit pa mababahala kung gayundin ang ginagawa sa ngayon ng mga tao sa tropikal na mga bansa? May malalaking pagkakaiba. Halimbawa, ang tropikal na maulang kagubatan ay kadalasang tumutubo sa di-matabang lupa, kung saan hindi magandang magsaka. Gayundin, maraming di-hamak ang pagkakasari-sari ng buhay sa tropikal na kagubatan; ang pagkawala nito ay makaaapekto sa buong sangkatauhan.

Ang Kapalit ng Pagsira sa Kagubatan

Mahigit sa kalahati ng mga uri ng nabubuhay na nilalang sa daigdig ay masusumpungan sa tropikal na kagubatan. Mula sa mga spider monkey at mga tigre hanggang sa pambihirang mga lumot at mga orkidya, mula sa mga ahas at mga palaka hanggang sa bihirang mga paruparo at mga loro​—ang bilang ng uri ng mga halaman at hayop ay napakarami para itala ang mga ito.

Maraming nilalang ang nabubuhay sa maraming uri ng tropikal na gubat. Nariyan ang maulap na kagubatan na mabagal lumago na nasa kabundukan, ang madidilim na maulang kagubatan na may makakapal na kulandong ng mga dahon, ang tropikal na tuyong kagubatan, at ang di-masinsing kakahuyan. Pero ang karamihan sa mga tao ay hindi pa kailanman nakapamasyal sa isang tropikal na gubat. Baka nga ikaw ay hindi pa rin nakapunta sa gayong lugar. Kung gayon, bakit ka dapat mabahala sa mga lugar na iyon?

Mahalaga para sa iyo ang pangangalaga sa tropikal na maulang kagubatan sapagkat ang napakarami sa inaalagaan at komersiyal na mga halaman na doo’y umaasa ka ay nakadepende naman, sa ilang aspekto, sa pinagmulan nitong uri ng mga halamang-ligáw na nabubuhay pa rin sa gayong kagubatan. Kung minsan, ang uri ng mga halamang-ligáw na ito ay ginagamit upang makapagparami ng mas bagong mga uri na mas matibay sa mga sakit at mga peste. Kaya napakahalaga ng henetikong pagkakasari-saring ito na masusumpungan sa iba’t ibang uri ng halamang-ligáw.

Isa pa, patuloy na nakakukuha ang mga mananaliksik ng kapaki-pakinabang na mga produkto sa tropikal na kagubatan. Halimbawa, ang marami sa mga gamot na ginagamit sa ngayon ay nagmula sa tropikal na mga halaman. Sa gayon, ang pagkakasari-sari ng buhay sa tropikal na maulang kagubatan ay kadalasang inihahalintulad sa isang buháy na silid-aklatan, subalit ang karamihan sa “mga aklat” nito ay hindi pa nabubuksan.

Isang Maselan na Kawing ng Buhay

Ang maumidong kapaligiran ng tropikal na gubat ay maselan at napakasalimuot. Nakadepende sa isa’t isa ang napakaraming anyo ng buhay roon. Halimbawa, ang karamihan ng halaman ay nakadepende sa partikular na uri ng mga ibon, insekto, o mga hayop para sa polinisasyon at pagkakalat ng binhi. Sa isang masalimuot na siklo ng buhay, may-kahusayang inireresiklo ng gubat ang lahat ng taglay nitong buháy na nilalang, kasali na ang mga halaman, hayop, insekto, at mga mikroorganismo. Kapansin-pansin, ang buong masalimuot na ekosistemang ito ay karaniwan nang nabubuhay sa di-matabang lupa. Kapag nasira ito, baka mahirap na o imposible pa ngang makabawi ang gubat na iyon.

Maraming tao ang kumikita para sa kanilang ikabubuhay mula sa tropikal na kagubatan. Bukod sa nagiging lugar ito para sa makasiyensiyang pananaliksik at sa turismo, napagkakakitaan din ng salapi ang tropikal na kagubatan dahil sa mga produkto nitong gaya ng kahoy, nuwes, pulot-pukyutan, ubod, goma, at resina. Subalit nakababahala ang napakabilis na paglalaho ng tropikal na maulang kagubatan. Pinagtatalunan ang eksaktong estadistika, ngunit isang bagay ang tiyak: Talagang mabilis na naglalaho ang kagubatan.

Ang mas nakalulungkot pa sa pagkasirang ito ng kapaligiran ay ang bagay na kadalasang nasisira ang tropikal na maulang kagubatan anupat hindi na ito gaanong napakikinabangan pa. Marami sa kakahuyang ito ay ginawang pastulan ng baka. Subalit kadalasan, di-nagtatagal at nakakalbo ang pananim na kailangan ng mga baka at iniiwan na lamang ito. Iniulat na ang 165,000 kilometro kuwadradong lupain sa Amazonia ng Brazil ay iniwan sa ganitong paraan.

Ano ang pag-asa para sa maulang kagubatan at sa saganang buhay-iláng nito? Sina Ramiro, Roberto, at ang maraming iba pang tulad nila ay nakikipagpunyagi upang pangalagaan ang tropikal na maulang kagubatan laban sa mga pangangailangan ng negosyo sa buong daigdig, labis na dami ng populasyon ng tao, mga nambibitag ng mga hayop sa layuning ibenta ang mga ito upang gawing mga alaga, at sa ilegal na mangangaso at magtotroso. Subalit ano ang tunay at mas malalim na mga dahilan ng pagkasira ng kagubatan? Mayroon bang anumang paraan upang magamit ang napakaraming likas na yaman sa maulang kagubatan nang hindi sinisira ang mga ito?

[Talababa]

^ par. 3 Ang isang maulap na gubat, o maulang gubat sa kabundukan, ay isang maulang gubat na lumalago sa lugar na 1,000 metro ang taas.

[Blurb sa pahina 3]

Ang karamihan sa uri ng mga hayop sa daigdig ay masusumpungan sa tropikal na kagubatan, kasama na ang pagkarami-raming uri ng mga halaman

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Maaaring sirain ng mga magtotroso at ng mga daang ginagawa nila ang maulang gubat