Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Buwis—Kabayaran ng Isang “Sibilisadong Lipunan”?

Mga Buwis—Kabayaran ng Isang “Sibilisadong Lipunan”?

Mga Buwis​—Kabayaran ng Isang “Sibilisadong Lipunan”?

“Ang mga buwis ang pambayad natin sa isang sibilisadong lipunan.”​—Inskripsiyon sa gusali ng Internal Revenue Service, Washington, D.C.

IKINAKATUWIRAN ng mga gobyerno na ang mga buwis ay isang nakayayamot subalit kailangang bagay​—ang kabayaran ng isang “sibilisadong lipunan.” Sumasang-ayon ka man o hindi sa opinyong iyan, hindi maikakaila na karaniwang napakalaki ng halaga ng mga buwis.

Ang mga buwis ay maaaring hatiin sa dalawang kategorya: tuwiran at di-tuwiran. Ang buwis sa kita, buwis sa kita ng korporasyon, at buwis sa mga ari-arian ay halimbawa ng mga tuwirang buwis. Sa mga ito, ang buwis sa kita ang marahil siyang kinayayamutan sa lahat. Totoong-totoo ito lalo na sa mga lupaing progresibo ang buwis sa kita​—miyentras mas malaki ang kinikita mo, mas malaki ang buwis na iyong binabayaran. Ikinakatuwiran ng mga bumabatikos dito na ang mga progresibong buwis ay parusa sa pagpapagal at tagumpay.

Ang OECD Observer, isang publikasyon ng Organization for Economic Cooperation and Development, ay nagpapaalaala sa atin na karagdagan pa sa mga buwis na binabayaran sa mga gobyerno, “ang mga kumikita ay baka kailangang magbayad pa ng panlokal, panrehiyon, panlalawigan o pang-estadong buwis sa kita bukod pa sa buwis sa kita na para sa gobyerno. Ganito ang kalagayan sa Belgium, Canada, Espanya, Estados Unidos, Hapon, Iceland, Korea, mga bansa sa Scandinavia at Switzerland.”

Kasali sa mga di-tuwirang buwis ang buwis sa benta, mga buwis na ipinapataw sa alak at sigarilyo, at mga buwis sa adwana. Hindi gaanong napapansin ang mga ito kaysa sa mga tuwirang buwis subalit maaaring makabigat pa rin ito sa kabuhayan, lalo na para sa mahihirap. Sa magasing Frontline sa India, ikinatuwiran ng manunulat na si Jayali Ghosh na maling haka-haka na ang mga nakaririwasa at mayayamang nagbabayad ng buwis ang bumabalikat ng mas malaking bayarin sa mga buwis sa India. Sinabi ni Ghosh: “Para sa mga gobyernong may mga Estado, ang mahigit na 95 porsiyento ng kanilang kabuuang nakokolektang buwis ay binubuo ng mga di-tuwirang buwis. . . . Malamang na mas malaki ang binabayaran ng mas mahihirap na tao mula sa kanilang kinikita sa anyo ng mga buwis, kaysa sa mayayaman.” Ang matataas na buwis sa mga bilihin ng taong-bayan, gaya ng sabon at pagkain, ang maliwanag na lumilikha ng pagkakaibang ito.

Ano nga ba talaga ang ginagawa ng mga gobyerno sa lahat ng salapi na kanilang nakokolekta?

Kung Saan Napupunta ang Salapi

Walang alinlangan, napakalaking halaga ng salapi ang kailangan ng mga gobyerno para makakilos at makapaglaan ng kinakailangang mga serbisyo. Halimbawa, sa Pransiya, 1 sa 4 katao ang nagtatrabaho sa pampublikong sektor. Kasali na rito ang mga guro, manggagawa sa koreo, mga tauhan sa museo at ospital, mga pulis, at iba pang manggagawa sa gobyerno. Kailangan ang mga buwis para sila ay mapasuweldo. Ang mga buwis din ang ginugugol para sa pagpapagawa ng mga lansangan, paaralan, at mga ospital at nakatutulong sa pagbabayad para sa mga serbisyong gaya ng pangongolekta ng basura at paghahatid ng koreo.

Ang mga pangangailangan sa militar ay isa pang malaking dahilan para sa pagbubuwis. Unang ipinataw ang buwis sa kita sa mayayamang Britano para matustusan ang digmaan laban sa mga Pranses noong 1799. Gayunman, noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, sinimulang hilingin ng gobyerno ng Britanya sa mga taong nagtatrabaho na magbayad ng buwis sa kanilang kita. Sa ngayon, patuloy ang magastos na pagtustos sa puwersang sandatahan ng bansa, maging sa panahon na walang digmaan. Tinataya ng Stockholm International Peace Research Institute na ang gastusin ng daigdig sa militar noong 2000 ay humigit-kumulang 798 bilyong dolyar.

Pagpapabago sa Lipunan

Ang mga buwis ay nagsisilbi ring isang paraan upang mabago ang ginagawa ng mga tao. Halimbawa, ipinapalagay na makababawas sa labis na pag-inom ang pagbubuwis sa alkohol. Kaya naman, sa maraming lupain, ang halos 35 porsiyento ng halaga ng itinitinging serbesa ay nauuwi sa buwis.

Ang napakataas na mga buwis ay ipinapataw rin sa tabako. Sa Timog Aprika, 45 hanggang 50 porsiyento ng halaga ng isang pakete ng sigarilyo ay buwis. Gayunman, ang motibo ng gobyerno sa pagtataguyod ng gayong mga buwis ay maaaring hindi laging para sa kapakanan ng bayan. Gaya ng naobserbahan ng manunulat na si Kenneth Warner sa magasing Foreign Policy, ang tabako ay “isang malakas na impluwensiya sa ekonomiya na kumikita ng daan-daang bilyong dolyar taun-taon mula sa pagbebenta at karagdagang bilyun-bilyong dolyar pa sa rentas internas.”

Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng pagpapabago ng buwis sa lipunan ay naganap noong pasimula ng ika-20 siglo. Sinikap na pigilin ng mga mambabatas sa Estados Unidos ang pagbuo ng dinastiya ng mayayamang pamilya. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis sa pag-aari ng yumao. Kapag namatay ang isang mayaman, napakalaki ng nakukuhang buwis mula sa kaniyang natipong kayamanan. Ikinakatuwiran ng mga tagapagtaguyod nito na ang buwis na “nagmumula sa mga pamilya at mga aristokrata ay nagagamit sa sibiko at demokratikong mga layunin.” Marahil nga, subalit nakagawa naman ang mayayamang nagbabayad ng buwis ng napakaraming estratehiya upang mabawasan ang binabayaran nilang buwis.

Patuloy na ginagamit ang mga buwis upang suportahan ang iba’t ibang programa sa lipunan, gaya ng sa kapaligiran. Ganito ang ulat ng The Environmental Magazine: “Ipinatupad kamakailan ng siyam na bansa sa Kanlurang Europa ang pagdaragdag ng buwis para sa kapaligiran (environmental tax shift), pangunahin na bilang isang paraan upang mabawasan ang polusyon sa hangin.” Ang progresibong buwis sa kita, na binanggit sa una, ay isa pang pagsisikap para mabago ang lipunan; ang ideya ay paliitin ang agwat ng mayayaman at mahihirap. Binabawasan din ng ilang gobyerno ang buwis ng mga nagdodonasyon sa kawanggawa o sa mga mag-asawang may mga anak.

Bakit Napakasalimuot ng Pagbubuwis?

Kapag may ipinanukalang isang bagong buwis, sinisikap ng mga mambabatas na walang makalulusot sa mga batas ng pagbubuwis. Tandaan: Pagkalaki-laking halaga ng salapi ang nasasangkot. Ang resulta? Nagiging masalimuot at labis na teknikal ang mga batas sa pagbubuwis. Ipinaliliwanag ng isang artikulo sa magasing Time na marami sa masasalimuot na paraan sa batas ng pagbubuwis sa Estados Unidos ay “nagmumula sa pagbibigay-katuturan sa kita,” samakatuwid nga, sa pagtiyak kung ano ba talaga ang dapat buwisan. Ang mas marami pang problema ay nagmumula sa katakut-takot na dami ng mga batas na “nagpapahintulot sa iba’t ibang pagbabawas at mga eksemsiyon sa buwis.” Subalit hindi lamang ang Estados Unidos ang may masalimuot na mga batas sa pagbubuwis. Ang pinakabagong edisyon ng batas sa pagbubuwis ng United Kingdom ay umabot ng 9,521 pahina, anupat binubuo ito ng sampung tomo.

Ang Office of Tax Policy Research sa University of Michigan ay nag-ulat: “Taun-taon ay gumugugol ng mahigit na tatlong bilyong oras ang bawat nagbabayad ng buwis sa Estados Unidos sa pagsusulat sa pormularyo ng kanilang report ng kita [tax return]. . . . Lahat-lahat, ang oras at salaping ginugugol [sa pagsusulat sa pormularyo ng report ng kita] ng mga nagbabayad ng buwis sa kita sa Estados Unidos ay umaabot ng kasinlaki ng $100 bilyon taun-taon, o halos 10% ng nakokolektang buwis. Ang kalakhan ng halagang ito sa pagsunod sa batas ng pagbubuwis ay dahil sa nakalilito at masalimuot na batas ng buwis sa kita.” Sinabi ni Reuben, na binanggit sa pasimula ng unang artikulo ng seryeng ito: “Dati-rati’y ako ang gumagawa ng report ng kita ko, pero nakauubos ng oras iyon, at madalas na pakiramdam ko’y mas malaki ang binabayaran ko kaysa sa dapat kong bayaran. Kaya ngayon ay nagbabayad na ako ng isang accountant para gumawa ng report ng kita ko.”​—Tingnan ang kahon na “Pagsunod sa mga Batas sa Pagbubuwis,” sa pahina 8.

Mga Nagbabayad, Umiiwas, at Lumilihis

Baka sa paanuman ay may-paghihinanakit na aminin ng karamihan sa mga tao ang mga kapakinabangang naidudulot ng mga buwis sa kanilang pamayanan. Ipinaliwanag minsan ng hepe ng British Inland Revenue: “Walang sinuman ang natutuwa sa pagbabayad ng buwis sa kita, subalit kakaunting tao rin naman ang nangangatuwiran na mas mapapabuti tayo kung wala nang buwis.” Tinataya ng ilan na kasindami ng 90 porsiyento ang sumusunod sa batas ng pagbubuwis sa Estados Unidos. Inamin ng isang awtoridad sa pagbubuwis: “Ang karamihan ng hindi pagsunod sa batas ng pagbubuwis ay nagmumula sa mahirap na batas at mga pamamaraan, sa halip na mula sa kusa at ilegal na paglihis sa buwis.”

Magkagayunman, marami ang humahanap ng mga paraan upang umiwas sa pagbabayad ng partikular na mga buwis. Halimbawa, isaalang-alang ang sinabi ng isang artikulo sa U.S.News & World Report tungkol sa buwis sa kita ng korporasyon: “Maraming kompanya ang umiiwas sa pagbabayad ng kanilang buwis sa legal na paraan [tax avoidance]​—at kung minsan ay lahat pa nga nito​—sa pamamagitan ng mga pagbabawas sa buwis at pagmamaniobra sa pagkukuwenta.” Bilang pagbibigay ng halimbawa ng isang tusong paraan, ganito ang patuloy ng artikulo: “Isang korporasyon sa Estados Unidos ang magtatayo ng isang kompanya sa isang bansa na hindi mataas ang halaga ng buwis. Pagkatapos, gagawin nitong isang subsidiyaryo ng banyagang kompanya ang kompanya sa Estados Unidos.” Kaya nakalilibre ang kompanya sa pagbabayad ng buwis sa Estados Unidos​—na maaaring kasintaas ng 35 porsiyento​—bagaman ang “mga punong-tanggapan ay baka binubuo lamang ng isang filing cabinet at isang busón.”

Nariyan din ang tahasang ilegal na paglihis sa buwis (tax evasion). Iniulat na itinuturing ang ilegal na paglihis sa buwis bilang isang “pambansang isport” sa isang bansa sa Europa. Ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, 58 porsiyento lamang ng mga lalaking nasa edad na 25 hanggang 29 ang naniniwalang mali na hindi iulat ang lahat ng kita. Inamin ng mga awtoridad sa surbey: “Hindi ipinahihiwatig ng ulat na may matataas na pamantayan sa etika at moralidad ang ating lipunan.” Sa Mexico, ang ilegal na paglihis sa buwis ay tinatayang halos 35 porsiyento.

Ngunit karaniwan nang kinikilala ng mga tao ang pangangailangan para sa mga buwis at hindi naman nila alintana ang pagbabayad ng makatuwirang buwis. Gayunman, waring totoo ang bantog na mga salita na ipinatungkol kay Tiberio Cesar: “Ginugupitan ng isang mabuting pastol ang kaniyang kawan, hindi niya ito binabalatan.” Kung nararamdaman mong nabiktima ka ng isang sistema na waring nagpapabigat, di-makatarungan, at labis na masalimuot, paano mo nga ba dapat malasin ang pagbabayad ng mga buwis?

[Kahon sa pahina 7]

Mag-isip Muna Bago Ka Mangibang-Bayan!

Nagkakaiba-iba ang sistema ng pagbubuwis sa bawat bansa. Sa katunayan, ang lokal na mga buwis sa kita ay maaaring maging napakalaki ng pagkakaiba sa bansa ring iyon mismo. Sulit kaya na pag-isipan ang paglipat ng lugar kung saan mas mababa ang halaga ng buwis? Marahil, pero dapat kang mag-isip muna bago mangibang-bayan.

Halimbawa, isang artikulo sa OECD Observer ang nagpapaalaala sa mga mambabasa na hindi lamang ang pangunahing laki ng buwis sa kita ang nasasangkot. Sinabi nito: “Ang aktuwal na bayarin sa buwis ng indibiduwal na mga nagbabayad ng buwis ay makikita rin sa epekto ng iba’t ibang binabawas na buwis.” Halimbawa, ang ilang bansa ay may mababang halaga ng buwis sa kita. Subalit “kaunti ang [naibibigay ng mga ito na] pangunahing tulong, pagbabawas at mga eksemsiyon sa buwis.” Bunga nito, sa bandang huli ay maaaring mas mataas pa ang babayaran ng isa sa mga bansang may mababang buwis kaysa sa mga bansa na may mataas na halaga ng buwis na nagbibigay ng mas maraming eksemsiyon at mga pagbabawas.

Sa Estados Unidos, pinag-iisipan ng iba ang paglipat sa mga estado na libre ang pang-estadong buwis sa kita. Pero talaga bang nangangahulugan ito na nakatitipid ng salapi ang isa? Hindi gayon ang kalagayan ayon sa Kiplinger’s Personal Finance, na nagsasabi: “Sa ilang kaso, ipinakikita ng aming pananaliksik na ang mga estado na walang buwis sa kita ang siyang dahilan ng mas mataas na halaga ng buwis sa mga ari-arian, buwis sa benta at iba pang kategorya ng buwis.”

[Kahon sa pahina 8]

Pagsunod sa mga Batas sa Pagbubuwis

Para sa marami sa atin, ang pagbabayad ng buwis ay nakaiigting, oo, nakapapagod na gawain. Kaya nagtanong ang Gumising! sa isang eksperto sa pagbubuwis para sa ilang praktikal na mga mungkahi.

“Humingi ng mabuting payo. Mahalaga ito, sapagkat ang batas sa pagbubuwis ay masalimuot, at ang kawalang-kaalaman sa batas ay bihirang-bihira na tanggapin bilang makatuwirang dahilan para sa hindi pagsunod sa batas. Bagaman maaaring isipin ng isang nagbabayad ng buwis na ang mga opisyal sa pagbubuwis ay mga kaaway, kadalasang nakapagbibigay sila ng tumpak at simpleng mga instruksiyon kung paano aasikasuhin ang mga bagay-bagay hinggil sa pagbubuwis. Mas gusto ng mga awtoridad sa pagbubuwis na sa unang pagkakataon pa lamang ay iulat mo na ang tamang report ng kita. Ayaw nilang ihabla ka dahil sa hindi mo pagsunod sa batas.

“Kung masalimuot ang iyong pananalapi, humingi ng payo mula sa isang propesyonal sa pagbubuwis. Subalit mag-ingat ka! Bagaman maraming propesyonal sa pagbubuwis ang nagmamalasakit sa iyo, marami rin ang hindi gayon. Humingi ng mungkahi sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kakilala sa negosyo, at suriin ang kredensiyal ng propesyonal.

“Kumilos agad. Ang mga multa sa huling pagsusumite ng impormasyon ay maaaring maging napakalaki.

“Mag-ingat ng malinis na mga rekord. Anuman ang iyong sistema sa pag-iingat ng kuwenta, tiyaking laging nakatala ang pinakabagong impormasyon. Sa gayon, kakaunti ang iyong gagawin kapag dumating na ang panahon ng bayaran sa buwis. Nasa mas mabuti ka pang kalagayan kung sakali mang i-audit ang iyong mga rekord.

“Maging tapat. Baka matukso kang mandaya o marahil ay lumusot nang kaunti sa mga batas. Subalit maraming matatalinong pamamaraan ang mga opisyal sa pagbubuwis sa pagtuklas ng maling mga pagbabawas sa buwis. Pinakamabuti ang maging tapat sa lahat ng panahon.

“Magpakita ng interes sa iyong bayarin. Kung may binayaran ka upang maghanda ng iyong report hinggil sa buwis sa kita at nagsumite siya ng maling impormasyon, pananagutan mo pa rin iyon. Kaya tiyaking sumusunod na mabuti sa iyong mga kagustuhan ang kumakatawan sa iyo.”

[Larawan sa pahina 7]

Sa maraming lupain, ipinapataw ang matataas na buwis sa mga produkto ng tabako at inuming de-alkohol

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Tinutustusan ng mga buwis ang maraming serbisyo na maaaring ipinagwawalang-bahala natin