Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nilagnat ang Inyong Anak

Kapag Nilagnat ang Inyong Anak

Kapag Nilagnat ang Inyong Anak

“Masama po ang pakiramdam ko!” Kapag dumaing ng ganito ang inyong anak, baka agad ninyong tingnan kung may lagnat siya. Kung may lagnat siya, mauunawaan naman ang inyong pag-aalala.

Ayon sa isang ginawang pag-aaral ng The Johns Hopkins Children’s Center sa Baltimore, Maryland, E.U.A., naniniwala ang 91 porsiyento ng mga magulang na “maging ang sinat ay maaaring maging sanhi ng di-kukulangin sa isang nakapipinsalang epekto, gaya ng kumbulsiyon o pinsala sa utak.” Ipinakita ng pag-aaral ding iyon na “89% ng mga magulang ang nagpapainom sa kanilang anak ng mga gamot na pampababa ng lagnat bago pa man umabot sa 102 digri Fahrenheit (38.9 digri Celsius) ang temperatura ng bata.”

Hanggang saan nga ba ang dapat mong ipangamba kapag nilagnat ang iyong anak? At ano ang pinakamabuting mga paraan upang gamutin ito?

Ang Mahalagang Papel ng Lagnat

Ano ba ang sanhi ng lagnat? Bagaman ang katamtaman at normal na temperatura ng katawan ay mga 37 digri Celsius (kinuha ang temperatura mula sa bibig), ang temperatura ng isang tao ay karaniwang nagbabagu-bago nang isa o higit pang digri sa buong maghapon. * Kaya maaaring mas mababa ang iyong temperatura sa umaga at mas mataas sa bandang hapon. Ang hypothalamus, na nasa pinakapuno ng utak, ang kumukontrol sa temperatura ng katawan, gaya ng isang thermostat. Nilalagnat ang isa kapag ang sistema ng imyunidad, na maliwanag na tumutugon sa pagsalakay ng mga baktirya o virus, ay naglalabas ng substansiya sa dugo na tinatawag na mga pyrogen. Ito ang dahilan ng “pagre-reset” ng hypothalamus sa mas mataas na temperatura.

Bagaman ang lagnat ay nagdudulot ng masamang pakiramdam at pagkatuyo ng tubig sa katawan, hindi naman talaga ito masama. Sa katunayan, waring may mahalagang ginagampanang papel ang lagnat sa pag-aalis ng mga impeksiyong dulot ng mga baktirya at virus, ayon sa Mayo Foundation for Medical Education and Research. “Gustung-gusto ng mga virus na sanhi ng sipon at iba pang impeksiyon sa palahingahan ang malamig na temperatura. Sa pamamagitan ng sinat, maaaring tumutulong ang iyong katawan sa pag-aalis ng virus.” Kaya sinabi pa ng awtoridad na ito na ang “pagpapababa sa sinat ay di-kinakailangan at maaaring humadlang sa likas na kakayahan ng katawan ng inyong anak na gumaling.” Kapansin-pansin, isang ospital sa Mexico ang gumagamot pa nga ng partikular na mga sakit sa pamamagitan ng pagpapataas sa temperatura ng katawan, isang paraan ng paggagamot na tinatawag na hyperthermia.

Sinabi ni Dr. Al Sacchetti ng American College of Emergency Physicians: “Ang lagnat mismo ay bihirang maging problema. Gayunman, tanda ito na may impeksiyon. Kung gayon, kapag may lagnat ang bata, dapat pagtuunan ng pansin ang bata, at ang posibleng impeksiyon, at hindi ang temperatura ng bata.” Sinabi ng The American Academy of Pediatrics: “Ang lagnat na wala pang 101 digri Fahrenheit (38.3 digri Celsius) ay karaniwang di-kailangang gamutin malibang masama ang pakiramdam ng inyong anak o madalas na kinukumbulsiyon noon. Maging ang mataas na lagnat ay hindi naman mapanganib o dapat ikabahala malibang ang iyong anak ay madalas na kinukumbulsiyon noon o may nagtatagal na sakit. Mas mahalagang bantayan ang ikinikilos ng iyong anak. Kung nakakakain at nakakatulog naman siya nang mahusay, at naglalaro paminsan-minsan, malamang na hindi siya kailangang gamutin.”

Kung Paano Gagamutin ang Sinat

Hindi ito nangangahulugan na wala ka nang magagawa para tulungan ang iyong anak. Ang ilang dalubhasa sa medisina ay nagbigay ng sumusunod na mga mungkahi para sa paggamot ng sinat: Panatilihing komportable ang lamig ng silid ng iyong anak. Bihisan ng maninipis na damit ang bata. (Maaaring palubhain ng labis na init ang lagnat.) Pasiglahin ang bata na uminom ng mas maraming likido, gaya ng tubig, binantuang katas ng prutas, at sabaw, sapagkat ang lagnat ay nakatutuyo ng tubig sa katawan. * (Ang mga inuming may caffeine, gaya ng mga cola o black tea, ay nakapagpapaihi nang madalas at lalo pang makatutuyo ng tubig sa katawan.) Dapat na patuloy na pasusuhin sa ina ang mga sanggol. Iwasan ang mga pagkaing mahirap tunawin, sapagkat pinahihina ng lagnat ang panunaw.

Kapag mas mataas pa sa 38.9 digri Celsius ang lagnat ng bata, kadalasang ipinaiinom ang gamot na hindi na kailangan ng reseta at nakapagpapababa ng lagnat, gaya ng acetaminophen o ibuprofen. Subalit mahalagang sundin ang dosis na nasa etiketa. (Ang mga batang wala pang dalawang taóng gulang ay hindi dapat painumin ng gamot nang walang reseta ng doktor.) Ang mga gamot na nagpapababa ng lagnat ay hindi panlaban sa virus. Samakatuwid, hindi nito pinabibilis ang paggaling ng sipon o iba pang sakit ng bata, subalit maaaring pabawahin nito ang masamang pakiramdam. Iminumungkahi ng ilang eksperto na hindi dapat painumin ng aspirin ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang para mapababa ang lagnat, sapagkat nauugnay ito sa Reye’s syndrome​—isang sakit na posibleng makamatay. *

Ang pagbabanyos ay makapagpapababa rin ng lagnat. Paupuin ang bata sa isang batya na may isa hanggang dalawang pulgada ng maligamgam na tubig, at saka siya banyusan. (Huwag gumamit ng rubbing alcohol, dahil nakalalason ito.)

Ang kasamang kahon ay may ilang kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa kung kailan maaaring tumawag ng doktor. Lalo nang dapat magpagamot ang isa na nakatira sa lugar kung saan laganap ang lubhang mapanganib na lagnat gaya ng dengge, Ebola hemorrhagic fever, tipus, o yellow fever.

Karaniwan na, ang pinakamabuting hakbang na iyong magagawa ay gawing higit na komportable ang iyong anak. Tandaan, bihirang maging sanhi ng pagkapinsala ng mga nerbiyo o pagkamatay ang mataas na lagnat. Maging ang mga kumbulsiyon, bagaman nakapangangamba, ay karaniwang wala namang nagtatagal na masamang epekto.

Sabihin pa, ang pag-iingat ang pinakamabuting gamot, at ang isa sa pinakamabisang mga paraan upang maingatan ang iyong anak mula sa impeksiyon ay ituro sa kaniya ang mahahalagang kaugalian sa kalinisan. Dapat turuan ang mga bata na madalas maghugas ng kanilang mga kamay​—lalo na bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, pagkatapos mamalagi sa matao at pampublikong lugar, o pagkatapos humawak ng mga hayop. Kung magkasinat ang iyong anak, sa kabila ng ginawa mo na ang lahat, huwag kang mataranta. Gaya ng napag-alaman natin, malaki ang magagawa mo upang matulungang gumaling ang iyong anak.

[Mga talababa]

^ par. 6 Ang temperatura ay maaaring magbagu-bago depende sa kung saan ito kinuha at sa uri ng termometrong ginamit.

^ par. 10 Tingnan ang Abril 8, 1995, isyu ng Gumising! pahina 11, para sa paggawa ng rehydration formula na maiinom kapag may lagnat na may kasamang pagtatae o pagsusuka.

^ par. 11 Ang Reye’s syndrome ay isang malubhang sakit sa nerbiyo na maaaring taglayin ng mga bata pagkatapos magkaimpeksiyon dulot ng virus.

[Kahon sa pahina 27]

Tumawag ng Doktor Kung ang Nilalagnat na Bata ay . . .

◼ Tatlong buwan ang gulang o mas bata pa at umabot ng 38 digri Celsius o mas mataas pa ang temperatura na kinuha sa tumbong

◼ Nasa gulang na tatlo hanggang anim na buwan at 38.3 digri Celsius o mas mataas pa ang temperatura

◼ Higit sa anim na buwan ang gulang at 40 digri Celsius o mas mataas pa ang temperatura

◼ Ayaw uminom ng likido at nakikitaan ng tanda ng pagkatuyo ng tubig sa katawan

◼ Kinukumbulsiyon o hinang-hina

◼ Nilalagnat pa rin pagkalipas ng 72 oras

◼ Hindi mapatahan sa pag-iyak o nakikitaan ng mga tanda ng pagkalito o pagdedeliryo

◼ May singaw sa balat, nahihirapang huminga, nagtatae, o paulit-ulit na nagsusuka

◼ Naninigas ang leeg o bigla ang matinding pagsakit ng ulo

[Credit Line]

Pinagkunan: The American Academy of Pediatrics