Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakulangan sa Tulog—Isang Lumalagong Problema?

Kakulangan sa Tulog—Isang Lumalagong Problema?

Kakulangan sa Tulog​—Isang Lumalagong Problema?

MILYUN-MILYONG tao sa ngayon ang kulang na kulang sa tulog. Ang kakulangang ito sa tulog ay maaaring maging pangunahing dahilan ng pagkawasak ng kanilang mga kotse, pagkasira ng kanilang mga karera, at maging ng pagguho ng kanilang pag-aasawa. Maaari itong makaapekto nang malaki sa kanilang kalusugan at haba ng buhay. Ang kakulangang ito ang sumusupil sa pagtugon ng sistema ng imyunidad, anupat siyang dahilan ng pagiging madaling tablan ng iba’t ibang impeksiyon. Nauugnay rito ang iba’t ibang sakit gaya ng diyabetis, sakit sa puso, labis na katabaan, gayundin ng iba pang karamdaman. Subalit, ang karamihan sa mga biktima ay walang kamalay-malay sa kakulangang ito.

Ang sanhi ng mga problemang ito ay ang kakulangan sa tulog, na lumilitaw kapag hindi nagkakaroon ng sapat at nakapagpapalusog na tulog ang isang tao na kailangan para sa mabuting kalusugan. Maaaring sanhi ito ng pagpupuyat dahil sa istilo ng pamumuhay ng isang tao o di-mapagkatulog nang sapat dahil sa pagkakasakit.

Tinataya ng mga mananaliksik sa medisina na ang haba ng tulog ng mga tao sa lupa, sa katamtaman, ay kulang ng isang oras bawat gabi kung ihahambing sa kailangang haba ng tulog. Bagaman parang kaunti lamang ito, ang anim-na-bilyong-oras na kakulangan sa tulog gabi-gabi ang pinagtuunan ng pansin sa pananaliksik kapuwa sa sari-saring uri ng sakit na nauugnay sa pagtulog at sa mga epekto nito sa kalidad ng buhay.

Dati-rati, isang sakit lamang ang kinikilala ng mga nasa larangan ng medisina pagdating sa nagtatagal na di-pagkakatulog, karaniwang tinatawag na insomniya. Gayunman, kinilala ng isang komisyong itinatag ng Konggreso ng Estados Unidos ang 17 magkakaibang sakit sa pagtulog. Sa paanuman, napakaraming sanhi ng insomniya anupat kadalasang itinuturing ito na sintomas ng iba pang mga problema, kung paanong ipinahihiwatig ng lagnat na malamang na may impeksiyon.

Maging ang paminsan-minsang kakulangan sa tulog ay maaaring mapanganib. Isaalang-alang ang kaso ni Tom. Bagaman isa siyang ekspertong drayber ng trak, naibangga niya ang kaniyang 18-wheeler na trak sa isang dike, anupat natapon ang 400 litro ng sulfuric acid sa isang malaking haywey. Inamin ni Tom: “Nakatulog ako.” Tinataya ng mga pag-aaral sa mga aksidente sa dalawang haywey sa Estados Unidos na ang inaantok na mga drayber ang dahilan ng halos 50 porsiyento ng nakamamatay na mga banggaan.

Isaalang-alang din ang mga panganib sa trabaho dahil sa pagkakaroon ng inaantok na katrabaho. Ganito ang sabi ng Australianang mananaliksik na si Ann Williamson: “Pagkatapos ng 17 hanggang 19 na oras na walang tulog, ang pagtugon [ng mga kasali] sa ilang eksperimento ay katulad o mas malala pa sa pagtugon ng isang taong may 0.05% [alkohol sa dugo].” Sa ibang salita, kumilos ang mga kasali na para bang ang antas ng alkohol sa kanilang dugo ay nasa hangganan o lampas pa sa legal na limitasyon na ipinahihintulot sa isang drayber sa ilang bansa! Dahil daan-daang libong aksidente sa sasakyan at trabaho na nauugnay sa pagtulog ang nangyayari taun-taon, napakalaki ng pambuong-daigdig na kawalan sa produksiyon at sa pamilya. *

Anong mga salik ang maaaring maging dahilan ng kakulangan sa tulog? Ang isa ay ang kalakaran sa lipunan na pagiging gising sa loob ng 24 na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo. Inilalarawan ito ng USA Today bilang “isang kaguluhan sa kultura na bumabago sa paraan ng ating pamumuhay,” anupat sinabi pa nito na “ang dumaraming nagtitinda at nagseserbisyo na nagtatrabaho sa loob ng 24 na oras ay kumikita sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa kanilang pagtulog.” Sa maraming lupain, buong magdamag na nanonood ng telebisyon at gumagamit ng Internet ang mga tao, samantalang dapat sana’y natutulog na sila. Nariyan din ang mga problema sa emosyon, na kadalasang nagsasangkot ng mga kabalisahang pinalala ng kaigtingan at mabilis na takbo ng buhay. Sa dakong huli, iba’t ibang sakit sa pisikal ang maaaring dahilan ng kakulangan sa tulog.

Sinasabi ng maraming doktor na napakahirap ipaunawa sa kanilang mga pasyente na isang seryosong bagay ang kakulangan sa tulog. Inireklamo ng isang doktor na itinuturing pa nga ng ilan ang pabalik-balik na pagkapagod (chronic fatigue) bilang “isang simbolo ng mataas na katayuan.” At dahil sa kadalasang unti-unti ang paglala ng kanilang kalagayan, maaaring hindi nahahalata ng mga biktima ng kakulangan sa tulog na sila ay nakararanas ng malubhang sakit sa pagtulog. Ganito ang pangangatuwiran ng marami, ‘Nagkakaedad lang ako’ o, ‘Hindi ko na kaya ang buhay, kaya bumabagal ako’ o, ‘Lagi akong pagod dahil hindi ako kailanman makapagpahinga nang mahaba na siyang kailangan ko.’

Mahirap lunasan ang kakulangan sa tulog. Subalit ang pagkaunawa sa kung ano ang bumubuo sa nakapagpapalusog na siklo ng pagtulog at pagkaalam sa mga sintomas ng kakulangan sa tulog ay maaaring mag-udyok sa atin na magbago. Makapagliligtas ng buhay ang pagkilala sa mga sintomas ng malubhang sakit sa pagtulog.

[Talababa]

^ par. 7 May palagay na ang pagkapagod ay sanhi ng marami sa pinakamalulubhang aksidente sa ika-20 siglo. Tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 2001, pahina 6.

[Larawan sa pahina 4]

Maging ang paminsan-minsang kakulangan sa tulog ay maaaring maging sanhi ng malulubhang aksidente