Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Kailangan Mong Maglakad-lakad?

Bakit Kailangan Mong Maglakad-lakad?

Bakit Kailangan Mong Maglakad-lakad?

MILYUN-MILYONG tao ang waring nag-iisip na kung hindi sila makapag-spa at gumugol ng maraming oras sa pag-eehersisyo, wala na silang magagawa para matamo ang mga pakinabang sa pag-eehersisyo. Pero hindi totoo iyan. Ganito ang sinabi ni Dr. Russell Pate ng University of South Carolina: “Sa palagay ko ay dapat tayong sumang-ayon sa ideya na ang mabuti at komportableng paglalakad sa malapit na lugar pagkatapos kumain ay lubhang kaayaayang gawin.”

Subalit talaga bang makabubuti sa iyo ang paglalakad-lakad? Talaga bang may magandang maidudulot ang paglalakad sa kalusugan?

Mabisang Gamot ang Paglalakad

Itinuring ng Griegong manggagamot na si Hippocrates ang paglalakad bilang “pinakamagaling na gamot ng tao.” Sa katunayan, may salawikain na nagsasabing, “May dalawa akong doktor, ang aking kaliwa at kanang binti.” Talaga bang nakapagpapalusog ang paglalakad?

Buweno, sinasabi ng ilang pag-aaral na ang mga tao na laging naglalakad ay hindi gaanong nagkakasakit kung ihahambing sa mga taong palaupo. Ipinakikita ng mga pag-aaral na nababawasan ng paglalakad ang panganib na magkasakit sa puso at maistrok. Maaaring hadlangan nito ang diyabetis sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kakayahan ng katawan na gamitin ang insulin. Pinalalakas nito ang mga buto, anupat naiiwasan ang osteoporosis. Tumutulong ang paglalakad para lumakas, tumibay, at maging malambot ang pangangatawan. Nakatutulong ito sa pagbawas at pagpapanatili ng timbang. Isa pa, ang paglalakad ay nakapagpapabuti sa pagtulog, nakapagpapasigla ng isipan, at nakatutulong pa nga upang hadlangan ang depresyon.

Sa nagdaang ilang taon, iniulat na natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Southern California na ang 15-minutong paglalakad ay higit na nakababawa ng kabalisahan at kaigtingan kung ihahambing sa mga gamot na pampakalma na hindi matapang! Tulad ng iba pang pisikal na gawain, pinasisigla ng paglalakad ang paglabas ng mga endorphin, mga kemikal sa utak na nagpapaginhawa sa kirot at nagpaparelaks, na nagdudulot ng panatag at mabuting pakiramdam.

Ayon sa The Medical Post ng Canada, maging ang relaks na paglalakad ay maaaring magdulot ng mga pakinabang sa kalusugan. Isiniwalat ng isang pag-aaral, na inilathala sa The New England Journal of Medicine, na ang paglalakad nang kahit walong daang metro sa isang araw ay tumutulong sa paghaba ng buhay. Ipinahihiwatig ng kamakailang mga pag-aaral na ang pag-eehersisyo nang tatlong beses sa isang araw, sa loob ng 10 minuto sa bawat pagkakataon, ay halos katulad na rin ng tuluy-tuloy na pag-eehersisyo sa loob ng 30 minuto. Kaya baka gusto mong pag-isipang iparada nang malayu-layo ang iyong sasakyan mula sa pupuntahan mo at saka maglakad na lamang patungo roon. O maaari kang maglakad-lakad nang kaunti kung araw.

Mas malaki pa nga ang kabutihang idinudulot ng mabilis-bilis na paglalakad. Si Dr. Carl Caspersen ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention sa Atlanta, Georgia, ay nagsabi: “Napakalaki ng ibinababa ng panganib [na magkasakit] kung mula sa pagiging palaupo ay uugaliin mong maglakad nang mabilis-bilis sa loob ng kalahating oras sa ilang araw sa isang linggo.” At ang isang bagay na mabuti sa paglalakad ay na magagawa ito ng mga tao na may iba’t ibang edad at kalagayan ng kalusugan. Isa pa, hindi ito nangangailangan ng pantanging pagsasanay o atletikong kasanayan​—isang komportableng pares ng sapatos lamang.

Masiyahan sa Paglalakad

Magsuot ng komportable at maluwang na damit. Para mainitan, magsuot ng susun-susong damit na madaling hubarin. Magsuot ng malambot at magaan na sapatos na may mababang pansapin sa takong at hindi masikip sa dulo ng mga daliri sa paa. Dapat na medyo mas malaki ito kaysa sa iyong pangkaraniwang pormal na sapatos. Kung balak mong maglakad nang mahigit sa kalahating oras at walang maiinom na tubig sa iyong daraanan, baka gusto mong magdala ng maliit na lalagyan ng tubig. Magpainit sa pamamagitan ng maikli at mabagal na paglalakad sa unang limang minuto. Tumayo nang tuwid, na bahagyang nakabaluktot ang mga siko at tuhod at medyo nakasara ang mga kamay, hindi nakakuyom.

Pagkatapos magpainit, gawing natural ang mabilis-bilis na paglalakad anupat ang sakong ng paa ang unang tumatama sa lupa, na inihahakbang ito mula sa sakong hanggang sa mga daliri ng paa. Kaya kailangan ang malambot na sapatos. Mahirap bang tandaan ang lahat ng ito? Relaks ka lang​—ganito ang natural na paglalakad ng karamihan sa mga tao. Ang tulin ng paglakad mo ay dapat na magpahintulot sa iyo na makipag-usap nang hindi ka kinakapos ng hininga. Kung baguhan ka sa paglalakad, unti-unti mong dagdagan ang iyong oras, distansiya, at bilis. Kapag malapit ka nang matapos sa iyong paglalakad, bagalan mo ang iyong pag-eehersisyo sa pamamagitan ng paghihinay-hinay sa hakbang mo. *

Normal na mga palatandaan ng pag-eehersisyo ang mabilis na pagtibok ng puso at paghinga, gayundin ang bahagya hanggang katamtamang pagpapawis. Baka makaramdam ka ng pananakit at pagkirot ng mga kalamnan sa unang ilang araw. Bigyang-pansin ang pagtugon ng iyong katawan. Kung nararamdaman mong nasosobrahan ka na, maghinay-hinay o magpahinga sandali. Gayunman, kung nararamdaman mo ang mga sintomas na gaya ng paninikip o pananakit ng dibdib, mabilis at iregular na pagtibok ng puso, hirap sa paghinga, pagkahilo, o pagduduwal, huminto sa paglalakad at magpatingin agad sa doktor. *

Dahil sa hindi masyadong nayuyugyog ang katawan, may tiyak na bentaha ang paglalakad kung ihahambing sa mga gawaing gaya ng pagtakbo o pag-e-aerobic. Bunga nito, hindi gaanong mapipinsala ang mga kasu-kasuan at kalamnan. Sa katunayan, ang paglalakad ang numero unong gawain na inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan. Kaya para sa iyong kalusugan, maglakad-lakad ka!

[Mga talababa]

^ par. 12 Para sa mga interesadong tunawin ang kanilang mga kalori, mahigit na 30 porsiyento ng kalori ang matutunaw bawat minuto kapag naglakad mula sa isang kilometro sa loob ng 12 minuto tungo sa isang kilometro sa loob ng 9 na minuto. Limampung porsiyento pa ng mga kalori ang matutunaw kapag pinabilis ang paglakad mula sa isang kilometro sa loob ng 9 na minuto tungo sa isang kilometro sa loob ng 7 minuto. Natatapos ng karamihan sa mga naglalakad para sa kanilang kalusugan ang isang kilometro sa loob ng halos 7 hanggang 9 na minuto.

^ par. 13 Baka pinakamabuting magpatingin sa doktor bago magsimula sa pag-eehersisyo, lalo na kung mayroon kang sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, o iba pang karamdaman.

[Kahon sa pahina 27]

MGA DAPAT AT HINDI DAPAT GAWIN SA PAGLALAKAD

● Maglakad nang tuwid, na nakapako ang tingin sa layong anim na metro

● Panatilihin ang katamtamang bilis. Huwag mong isipin na kailangan mong maglakad nang napakabilis anupat halos kinakapos ka na ng hininga para makipag-usap nang normal

● Huwag mong lakihan ang iyong mga hakbang. Para bumilis ka, humakbang nang mas maliksi at maikli

● Iimbay ang iyong mga braso sa harap at likod, na malapit sa katawan ang mga siko. Huwag iimbay ang iyong mga braso nang pahalang

● Huwag mong ilapat nang husto ang iyong talampakan. Sa bawat hakbang, itapak mo muna ang sakong hanggang sa mga daliri sa paa, gamitin mo ang iyong mga daliri sa paa bilang pantulak

● Hindi na kailangang magdala ng mga weights. Hindi nito ginagawang balanse ang paglalakad at maaaring mapuwersa nito ang mga gatil at litid