Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kamangha-mangha at Matibay na Halaman

Isang Kamangha-mangha at Matibay na Halaman

Isang Kamangha-mangha at Matibay na Halaman

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NAMIBIA

DITO sa Namib Desert ng timog-kanlurang Aprika, malinis at nakagiginhawa ang hangin. Maaliwalas ang panahon. Habang sumisikat ang araw, tumataas din ang temperatura. Ito ay isang daigdig ng mga bundok ng buhangin at mga kapatagan ng grabang natangay ng hangin. Manghang-mangha kami sa aming nakikita. Ano kaya iyong bunton ng berdeng mga dahon sa malayo? Sa aming paglapit, nasumpungan namin ang isa sa pinakakakatwang halaman sa daigdig​—ang Welwitschia mirabilis. Ang ikalawang salita sa siyentipikong pangalang iyan ay ang salitang Latin para sa “kamangha-mangha.”

Sa ilang, masusumpungan lamang ang mga welwitschia sa mga disyerto ng Angola at Namibia. Kakaibang-kakaiba ang mga ito sa ibang mga halaman anupat inuri ng mga siyentipiko ang mga ito sa isang pambihirang pamilya at genus na binubuo ng isa lamang uri. “Sa humigit-kumulang 375,000 uri ng halamang kilala ng tao, walang ibang halaman ang nakapukaw ng gayon kalaking interes sa botanika na kagaya ng Welwitschia; ni may iba pang halaman na nagpahirap sa tao sa pag-uuri rito,” ang sulat ni Chris Bornman sa kaniyang aklat na Welwitschia​—Paradox of a Parched Paradise.

Ang mga welwitschia ay parang isang bunton ng mga dahon na nakapalibot sa isang tuod ng puno, pero ang totoo, dalawa lamang ang dahon ng halaman. Ang mga ito ay nagkakapunit-punit dahil sa hangin ng disyerto. Ang pangalang Afrikaans para rito, tweeblaarkanniedood, ay literal na nangangahulugang “dalawang-dahong-di-namamatay.” At angkop na angkop nga ang pangalang iyon! Ang temperatura rito sa araw ay umaabot ng 40 digri Celsius, at maaaring napakalamig naman sa gabi yamang walang mga puno para mapigilan ang malalakas na hangin. Bagaman ang karamihan sa mga halaman ay lubusang nakadepende sa kanilang ugat para sumipsip ng tubig mula sa lupa, hindi ganito ang kalagayan ng welwitschia. Sa katamtaman, ang ulan sa Namibia ay wala pang 25 milimetro taun-taon, at kung minsan ay hindi umuulan nang maraming taon! Sa gayong mga kalagayan, patuloy na tumutubo ang welwitschia at ang mga dahon nito ay nananatiling berde. Matagal nang pinag-iisipan ng mga siyentipiko kung paano ito naging posible. Waring ang sagot ay dahil sa sinisipsip ng mga dahon ng welwitschia ang hamog sa umaga na dala-dala ng regular na hanging humihihip sa disyerto mula sa baybayin.

Hindi nalalagas ang mga dahon ng welwitschia para magpatubo ng bagong mga dahon. Ang orihinal na pares ay patuloy na tumutubo hangga’t buháy ang halaman. Nang unatin ito, ang isang dahon ay nasumpungang 8.8 metro ang haba! Gunigunihin na lamang kung hindi matuyo at malagas ang mga dulo ng isang dahon ng welwitschia! “Sa haba ng buhay na 1500 taon,” ang paliwanag ng magasing Veld & Flora, “ang Welwitschia ay makapagsisibol ng isang dahon na may habang [225 metro].” Pero talaga bang puwedeng mabuhay nang gayon katagal ang halaman? “Ang mga halamang welwitschia ay mabagal tumubo at madalas na nabubuhay nang 1,000 hanggang 2,000 taon,” ang patotoo ng The World Book Multimedia Encyclopedia.

Talaga ngang isang kamangha-mangha at matibay na halaman ang welwitschia. Paano nabubuhay ang pambihirang halamang ito nang napakatagal sa gayong malulupit na kalagayan sa disyerto? Pangunahin na, dapat nating pasalamatan ang pinakamatalinong Disenyador, ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang isa na nagpapatubo ng “mga pananim para sa paglilingkod sa sangkatauhan.”​—Awit 104:14.