Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa sa Reporma

Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa sa Reporma

Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa sa Reporma

KUNG walang halaga ang ibinubunga ng isang punungkahoy, hindi malulutas ang problema kung puputulin lamang ang ilang sanga. Dapat putulin ang punungkahoy at alisin ang mga ugat nito sa lupa. Pagkatapos, ibang punungkahoy naman ang dapat itanim, isa na magbubunga ng mainam na bunga.​—Mateo 7:16-20.

Sa katulad na dahilan, nilulutas lamang ng mga repormador na may pinakamarangal na mga tunguhin ang mga sintomas ng problema sa lipunan ng tao​—katiwalian, kawalang-katarungan, kasalatan, at pagnanakaw. Subalit ang ugat na dahilan ay mas malalim pa. Kailangang baguhin ang buong sistema. Ito ang ipinangangako ng Bibliya.

Ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan na higit pa ang gagawin​—mas marami pa​—​kaysa basta muling ayusin, muling hubugin, muling organisahin, o baguhin ang lipunan ng tao. Ipakikilala ng pamahalaang iyon ang isang ganap na bagong paraan ng pangangasiwa sa mga gawain ng tao, anupat pagkakaisahin ang buong sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala nito. Aasikasuhin ng pamahalaang ito ang mga bagay na gaya ng edukasyon, trabaho, pabahay, nutrisyon, kalusugan, at ang kapaligiran.

Makahulang inilalarawan ng Awit 72:12-​14 ang gagawin ng Mesiyanikong Hari para sa sangkatauhan: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”

Ngunit upang ang lipunan ay maging ganap na malaya sa katiwalian, kawalang-katarungan, at kasalatan, tiyak na hindi lamang ang pamahalaan ang kailangang baguhin kundi kailangan din namang magbago ang mga tao. Kaya, bibigyan ng Kaharian ang bawat indibiduwal ng personal na patnubay kung paano magkakaroon ng isang maligaya, makabuluhan, at kasiya-siyang buhay. Nangangako ang Bibliya na tutulungan ng Kaharian ng Diyos ang makalupang mga sakop nito na baguhin ang kanilang sarili. Paano?

Tuturuan ng Kaharian ang mga sakop nito sa mga daan ng Diyos na Jehova, sa gayo’y tutulungan silang magkaroon ng pananampalataya at pag-ibig. (Isaias 11:9) Ang pag-ibig sa Diyos ang nag-uudyok sa puso na kumilos. Bilang halimbawa, noong unang siglo, nakilala ni Jesus si Zaqueo, isang punong maniningil ng buwis na nangungurakot sa pamamagitan ng di-matapat na pagdaragdag ng mga buwis na ipinapataw sa mga tao. Hindi ginipit ni Jesus ang tiwaling opisyal na ito upang hiyain siya na baguhin ang kaniyang mga gawa. Sa halip, tinulungan ni Jesus si Zaqueo na makilala ang kaniya mismong pagkakamali at magsisi. Napakilos si Zaqueo ng tumpak na kaalaman sa makadiyos na mga simulain at ng pag-ibig sa Diyos. Gumawa siya ng malalaking pagbabago.​—Lucas 19:1-10.

Hindi ba iyan isang nakahihigit na lunas para sa mga pagkukulang ng lipunan? Isang sakdal at matuwid na pamahalaang mangangalaga sa mga kapakanan ng sangkatauhan pati na ang personal na pangganyak sa bawat indibiduwal na magbago ng kaniyang mga daan. Kakailanganin ba natin sa panahong iyon ang reporma? Hindi na, sapagkat sa panahong iyon ay nabago na ng Diyos ang lahat ng bagay. Ang mga dating bagay ay lumipas na.​—Apocalipsis 21:4, 5.

[Mga larawan sa pahina 10]

Gagawin ng Kaharian ng Diyos, hindi ang reporma, kundi ang ganap na pagbabago

[Larawan sa pahina 11]

Samantalang nasa lupa, tinulungan ni Jesus ang mga indibiduwal na gumawa ng personal na mga pagbabago