Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pornograpya Salamat sa seryeng “Pornograpya​—Nakapipinsala ba o Hindi?” (Hulyo 22, 2003) Kinailangan ko ang ganitong prangkang payo. Matagal na panahon akong nahantad sa pornograpya bago pa man ako maging isang Kristiyano. Ang mga artikulo ay tumulong sa akin na makita nang mas malinaw kaysa sa dati kung gaano kalaking pinsala ang nagagawa nito at anong tiyak na mga hakbang ang kinakailangan upang makalaya mula sa malakas at matinding pang-akit nito.

E. P., Estados Unidos

Dalawang taon na ang nakararaan nang magwakas sa diborsiyo ang aking maligayang pag-aasawa na tumagal nang 22 taon. Dahil sa pornograpya, nawalan ako ng isang napakahusay na asawa at isang maibiging ama ng aming pamilya. Ang nakapanghihilakbot na pagkasugapang ito ang bumago sa kaniyang personalidad mula sa pagiging mabait at mahinahon tungo sa pagiging magagalitin, sinungaling, at makahayop. Ang akala ko noon ay ako lamang ang nakararanas ng pagdurusang idinudulot ng pornograpya, pero ngayon ay napagtanto kong isa pala itong krisis na nakaaapekto sa marami. Salamat sa mga seryeng ito na mahusay ang pagkakasulat.

L. T., Estados Unidos

Bago ako nakapag-aral ng Bibliya, naging sugapa ako sa pornograpya sa loob ng mahigit sa isang dekada. Kahit na anong igiit ng mga tagapagtaguyod nito, talagang walang positibo rito. Bago ako maging isang Saksi ni Jehova, naging sugapa ako sa halos bawat kilalang droga. Sa lahat ng aking pagkasugapa, ang pornograpya ang pinakamahirap mapagtagumpayan. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng mga artikulong gaya nito.

J. A., Estados Unidos

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Buong-puso akong nagpapasalamat sa inyo para sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Nadarama Kong Kailangan Akong Maging Perpekto?” (Hulyo 22, 2003) Ako ay 25 taóng gulang at isang buong-panahong ebanghelisador. Simula pa noong bata ako, inihahambing ko na ang aking sarili sa aking ate at kuya, na mas matanda sa akin nang apat na taon at tatlong taon. Nakipagpunyagi ako sa labis na pagkamahiyain, anupat iniisip na wala akong kabuluhan. Para madaig ang ganitong mga damdamin, sinikap ko namang maging perpekto. Tamang-tama ang pagkakalarawan ng artikulong ito sa aking nadarama. Nais kong baguhin ang aking paraan ng pag-iisip.

M. Y., Hapon

Ako po ay 16 na taóng gulang, at nasuri kamakailan na mayroon akong depresyon. Lagi kong sinisikap na gawin ang mga bagay sa perpektong paraan, at madalas na labis kong kinagagalitan ang aking sarili kapag ako’y nabibigo. Tamang-tama ang pagdating ng artikulong ito. Hindi ko napigilang umiyak habang binabasa ko ito. Ngayon ko lamang natanto na marami rin palang nakikipagbaka sa ganitong mga damdamin. Salamat po sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong.” Nananabik na akong basahin ang susunod na artikulo.

L. S., Estados Unidos

Mga Zebra Mussel Ako po ay 12 taóng gulang, at talagang nasiyahan ako sa artikulong “Nakayayamot na mga Tagapagdalisay ng Tubig.” (Hulyo 22, 2003) Namangha ako sa bagay na ang babaing kabibi ay makapangingitlog ng 500,000 bawat taon at na maaaring magkaroon ng hanggang sa 700,000 kabibi sa isang metro kuwadrado lamang. Dapat nating igalang ang dagat dahil ito ang tirahan ng mga zebra mussel at ng iba pang mga nilalang. Kung ganiyan ang ating gagawin, ipinakikita rin natin ang paggalang sa Diyos na Jehova. Pakisuyong ipagpatuloy po ninyo ang pagsulat ng gayong kawili-wiling mga artikulo!

E. T., Italya

Matatagal Nang Isyu Nasuri kamakailan na ang aking adultong anak na babae ay may Parkinson’s disease. Nakasumpong ako ng isang artikulo tungkol sa sakit na ito sa labas ng Gumising! na Enero 8, 1988. Binasa ng buong pamilya namin ang artikulo nang maraming beses, kasama ang aking anak na babae. Dahil dito, natulungan kaming harapin nang panatag ang aming situwasyon. Bagaman ang artikulong ito ay lumitaw mahigit na 15 taon na ang nakalilipas, nakinabang kami nang husto mula rito. Paminsan-minsan, naiuulat ng Gumising! ang mga karamdamang hindi pa namin narinig kailanman, at walang alinlangan na isang napakalaking pampatibay-loob ang mga artikulong ito para sa mga pinipighati ng gayong mga karamdaman. Taos-puso ko kayong pinasasalamatan sa ginagawa ninyong pagpapagal.

E. M., Hapon