Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Posible Bang Mapagtagumpayan ang Masasamang Kinagawian?

Posible Bang Mapagtagumpayan ang Masasamang Kinagawian?

ANG awtor na si Mark Twain ay minsang nagsabi nang pabiro: “Pinakamadaling gawin ang paghinto sa paninigarilyo. Alam ko, sapagkat ilang libong beses ko na itong ginawa.” Tiyak na naiintindihan ng maraming tao ang waring nangangarap na pagkokomentong ito ni Twain. Bagaman maaaring lubusan nilang natatanto na ang ilang kinagawian ay masama at nakapipinsala pa nga, kanila ring nalalaman na napakahirap labanan at ihinto ang mga ito. Maaaring lumalim ang pagkakaugat ng mga kinagawian sa paglipas ng mga taon at maging napakahirap baguhin ang mga ito. Ang pagsisikap na supilin ang gayong mga nasa ay maaaring nakapapagod at nakasasakit pa nga.

Sinabi ni Dr. Anthony Daniels, isang manggagamot na nagtatrabaho sa bilangguan, na madalas na inaangkin ng mga manlalabag na alipin sila ng kanilang masisidhing hangarin at imbing mga pagnanasa. Nangangatuwiran sila na kapag ang isang tao ay sugapa sa isang bagay, “kontrolado siya ng matinding panggigipit, na hindi niya kayang labanan.” Kung totoo ang pangangatuwirang iyon, hindi tayo maaaring sisihin sa ginagawa natin na dala ng panggigipit sa atin. Subalit totoo bang tayo ay walang kalaban-labang mga biktima ng ating panloob na mga motibo at pagnanasa? O talaga bang mapagtatagumpayan ang masasamang kinagawian? Upang magkaroon ng mapananaligang kasagutan, tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya.

Pagnanasa Laban sa Pagkilos

Nililiwanag ng Bibliya na pinananagot tayo ng Diyos sa ating mga pagkilos. (Roma 14:12) Gayundin, hinihiling niyang mamumuhay tayo ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (1 Pedro 1:15) Bilang ating Maylalang, alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin, at hinahatulan ng kaniyang mga simulain ang maraming kinagawian na karaniwan sa daigdig na ito. (1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21) Gayunman, makatotohanan at mahabagin din siya sa mga inaasahan niya mula sa mga taong di-sakdal.​—Awit 78:38; 103:13, 14.

Kaya sumulat ang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Oo, alam na alam ni Jehova na “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Ginagawang imposible ng ating henetikong pamana, minanang mga kahinaan, at nakalipas na mga karanasan na maiwasan natin ang lahat ng masasamang kaisipan at pagnanasa. Kaya nga, buong-pagmamahal na hindi hinihiling sa atin ni Jehova ang kasakdalan.​—Deuteronomio 10:12; 1 Juan 5:3.

Subalit ang konsiderasyong ito na ipinakikita ng Diyos ay hindi nag-aalis sa atin ng pananagutan na kontrolin ang masasamang pagnanasa. Bagaman inaamin na siya mismo ay nakipagpunyagi laban sa masasamang pagnanasa, hindi sumuko si apostol Pablo. (Roma 7:21-​24) “Binubugbog ko ang aking katawan,” aniya, “at ginagawa itong alipin.” Sa anong layunin? Upang “ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.” (1 Corinto 9:27) Oo, mahalaga ang pagpipigil sa sarili sa paglaban sa ating maling mga hilig at kinagawian at sa wakas ay madaig ang mga ito.

Posible ang Pagbabago

Sinasabi ng mga behavioral scientist na ang masasamang kinagawian, tulad ng mabubuting kinagawian, ay natututuhan at napauunlad sa paglipas ng panahon. Kung totoo iyan, kung gayon ay maihihinto rin ang masasamang kinagawian! Paano? “Isipin ang mga kapakinabangan ng paghinto sa dating paraan ng paggawi,” ang sabi ng mga awtor ng aklat tungkol sa pagkontrol sa kaigtingan. Pagkatapos, “gumawa ng listahan kung paano mapabubuti ang iyong buhay kung babaguhin mo ang iyong paggawi.” Oo, ang pagtutuon ng pansin sa mga kapakinabangan ng pagbago sa ating di-kaayaayang paggawi ay makagaganyak sa atin na magbago.

Isaalang-alang ang payo ni apostol Pablo na ‘baguhin natin ang puwersa na nagpapakilos sa ating pag-iisip.’ (Efeso 4:22, 23) Ang puwersang iyon ang nangingibabaw na hilig ng ating isipan. Binabago mo ang puwersang iyon sa pamamagitan ng pagiging mas malapít sa Diyos at sa paglinang ng pagpapahalaga sa kaniyang mga pamantayan. Ang pagkaalam na napalulugdan mo si Jehova ay nag-uudyok sa iyo na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.​—Awit 69:30-​33; Kawikaan 27:11; Colosas 1:9, 10.

Sabihin pa, magiging mahirap alisin sa ating sarili ang masasamang kinagawian na maaaring nakasanayan na natin sa loob ng mga taon. Hindi natin dapat maliitin ang pakikipagpunyaging daranasin natin. Tiyak na mararanasan ang manaka-nakang panunumbalik sa masasamang kinagawian at mga kabiguan. Subalit makatitiyak ka na sa paglipas ng panahon, ang mga bagay-bagay ay karaniwan nang magiging mas madali. Habang lalo kang nagsusumikap, lalong magiging likas sa iyo ang bago mong paggawi.

Ang isang umiibig sa Diyos ay makatitiyak din sa kaniyang tulong at pagpapala. “Ang Diyos ay tapat,” ang pangako ni Pablo, “at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi . . . gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:13) Malapit na, pupuksain ng Diyos na Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at ang lahat ng imbing mga tukso, pagnanasa, at paghahangad. (2 Pedro 3:9-​13; 1 Juan 2:16, 17) Ang lahat ng di-sakdal na mga tao na makaliligtas sa pangyayaring ito ay maaaring lubusan at walang hanggan nang mapagagaling sa dakong huli sa lahat ng karamdaman​—sa pisikal, mental, at emosyonal. “Ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon,” ang pangako ng Diyos. (Isaias 65:17) Tiyak na kabilang sa “mga dating bagay” na ito ang nakababagabag na mga mithiin at pagnanasa. Hindi ba ito isang mainam na dahilan upang gawin ang ating buong makakaya ngayon na tanggihan at labanan ang masasamang kinagawian?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

PAGHINTO SA MASASAMANG KINAGAWIAN

1. Kilalanin at aminin ang masasamang kinagawian. Tanungin ang iyong sarili, ‘Talaga bang nakikinabang ako sa kinagawiang ito? Nakayayamot ba ito sa iba? Naaapektuhan ba nito ang aking kalusugan, pinansiyal na kalagayan, kapakanan, pamilya, o kapayapaan ng isip? Mas bubuti ba ang aking buhay kung wala ito?’

2. Halinhan ang masamang kinagawian ng isang bagay na positibo. Halimbawa, gumugugol ka ba ng napakaraming panahon sa Internet, marahil sa panonood ng di-kanais-nais na materyal? Kung gayon, iiskedyul mo ang panahong iyan para sa kapaki-pakinabang na pagbabasa, pag-aaral, o pag-eehersisyo.

3. Subaybayan ang iyong pagsulong. Pag-isipan sa loob ng ilang minuto sa bawat araw ang iyong pagsulong. Kung bumabalik ang masamang kinagawian, alamin kung anong mga kalagayan ang nagiging dahilan ng problema.

4. Magpatulong sa iba. Sabihin sa mga kaibigan at pamilya na sinisikap mong ihinto ang kinagawiang ito, at hilingan sila na ipaalaala sa iyo kung ikaw ay waring nagbabalik na naman dito. Makipag-usap sa iba na matagumpay na nadaig ang kinagawian ding iyon.​—Kawikaan 11:14.

5. Maging timbang at makatotohanan. Huwag umasa ng kagyat na tagumpay. Ang ilang kinagawiang nalinang sa loob ng mga taon ay mahirap baguhin.

6. Manalangin sa Diyos. Sa tulong ng Diyos, maihihinto mo ang anumang masamang kinagawian.​—Awit 55:22; Lucas 18:27.