Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Kaya Nila Hinahalikan ang Blarney Stone?

Bakit Kaya Nila Hinahalikan ang Blarney Stone?

Bakit Kaya Nila Hinahalikan ang Blarney Stone?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND

GANITO ang nangyari ayon sa alamat: Nangangatog ang lalaki habang nakatayo sa harap ni Reyna Elizabeth I ng Inglatera. Kahahatid pa lamang niya ng masamang balita mula sa pinunong taga-Ireland at naghihintay siyang magalit ang reyna. Walang anu-ano, bumulalas ng tawa ang reyna at nagsabi: “Karaniwang sagot iyan ng pinuno ng Blarney. Parating iba ang ibig niyang sabihin kaysa sa sinasambit niya!” Biglang naglaho ang tensiyon.

Malamang na hindi inaasahan ng reyna, na namahala mula 1558 hanggang 1603, na ang gayong mga komento ay magiging bahagi ng natatanging tradisyon sa Ireland​—ang paghalik sa tinatawag na Blarney Stone. Taun-taon, dinadayo ng libu-libong tao ang maliit na bayan ng Blarney, mga ilang kilometro ang layo sa hilaga ng lunsod ng Cork, upang isagawa ang kakaibang ritwal na ito. Hinahalikan nila ang bato sapagkat ang paggawa ng gayon ay magbibigay diumano sa kanila ng isang kaloob​—ang kaloob na pagiging mahusay magsalita.

Ano ang pinagmulan ng alamat? At paano nagsimula ang kaugaliang paghalik sa bato? Upang masagot ang mga ito, kailangan nating balikan ang mga pangyayari noong halos sampung siglo na ang nakalilipas.

Kastilyong May Mahabang Kasaysayan

Nagsimula ang Blarney Castle noong ikasampung siglo C.E. bilang isang maliit na kuta lamang na gawa sa kahoy. Paglipas ng panahon, napalitan ito ng mas matibay na gusaling gawa sa bato. Nang kalagitnaan ng ika-15 siglo, napaunlad ng pamilyang MacCarthy ang kastilyo hanggang sa maging maliit na nakukutaang bayan. Nang panahong iyon, yaon ang pinakamatibay na kastilyo sa bahaging iyon ng Ireland. Marami sa batong pader ay lima at kalahating metro ang kapal.

Nais ng pinuno ng pamilya, si Cormac MacCarthy, na nabuhay mula 1411 hanggang 1494, na mag-iwan ng permanenteng alaala ng kaniyang sarili. Kaya pumili siya ng isang malaking tipak ng batong-apog at ipinaukit dito ang inskripsiyon sa Latin, na isinaling: “Ipinatayo ako ni Cormac MacCarthy na Makapangyarihan noong 1446 taon ng ating Panginoon.” Inilagay ng mga mason ang batong ito sa itaas ng malaking tore ng Blarney Castle. Sa simula, nagsilbi itong isang simpleng pang-alaalang plake. Hindi ito iniugnay sa matamis at mahusay na pananalita hanggang lumipas pa ang mahigit na isang siglo.

Ang Blarney at ang Matamis na Pagsasalita

Bagaman ang alamat na nabanggit sa pasimula ay mas malamang na kathang-isip kaysa kasaysayan, angkop ito sa konteksto ng panahong iyon. Hangad ni Reyna Elizabeth na ibigay ng mga pinunong taga-Ireland ang kanilang katapatan sa monarkiya ng Inglatera. Nag-organisa ang pamilyang MacCarthy ng isang libong sundalo upang makipaglaban para sa kaniya sa di-kukulangin sa isang digmaan. Kaya nagtiwala ang reyna na ang namamahalang pinuno ng pamilyang MacCarthy, si Cormac McDermod MacCarthy, ay madaling mahihikayat na ibigay ang kaniyang buong katapatan sa reyna.

Yamang hindi nakikipag-usap mismo si Reyna Elizabeth upang makipagkasundo, natural lamang na mag-atas siya ng kinatawan upang magsalita para sa kaniya. Nang magpadala ng mga opisyal ang kinatawan upang kumbinsihin si MacCarthy na sumumpa ng katapatan sa reyna, sinalubong sila, ayon sa kuwentong inilahad sa aklat na The Blarney Stone, ng “mahahaba, mabibisa, mapanghikayat na talumpati, na maraming ipinangangakong napapako.”

Nang maglaon, ayon sa kuwento, ang kinatawan mismo ni Reyna Elizabeth ang pumunta at nakipag-usap kay MacCarthy. Pagkatapos, naglakbay siya patungong Inglatera upang personal na mag-ulat sa reyna. Alam niyang hindi magugustuhan ng reyna ang balita niya​—na minsan pang “nagsumamo para sa higit na panahon” si MacCarthy upang humingi ng karagdagang payo mula sa mga tagapayo.

Pagkatapos ng unang reaksiyon ng reyna, na nabanggit sa simula ng artikulong ito, may iminungkahi siya tungkol sa bagong pananalitang ginamit niya. “Dapat nating ibigay ang salitang iyan [blarney] kay Maestro Shakespeare! Talagang para sa kaniya iyan,” ang sabi niya. * Kung totoo ang alamat, sa gayong paraan sinimulan ni Reyna Elizabeth ang paggamit ng salitang “blarney” para sa “labis na mapamuri o mapanghikayat na pananalita.” Sinasabi ng isang reperensiya na tumutukoy ang “blarney” sa “walang-takot na pagsisinungaling nang may kapangahasan.”

Anuman ang pinagmulan ng kaugalian, pagsapit ng 1789, ang paghalik sa Blarney Stone ay matagal nang nakagawian ng mga nangangahas gawin iyon. Mapanganib para sa sinumang bisita na magtangkang halikan ang bato dahil sa kinalalagyan nito sa pader ng kastilyo. Kaya nang ayusin ang kastilyo, inilipat ang bato sa kinalalagyan nito ngayon na mas madaling lapitan. Pagkalipas ng ilang panahon, pinalitan ng mga may-ari ng kastilyo ang bato ni MacCarthy ng iba na may sarili nilang inskripsiyon.

Pagdalaw sa Kastilyo

Dumalaw kami kamakailan sa kastilyo. Kitang-kita ang malaking tore na kinalalagyan ng kilala na ngayong Blarney Stone. Pumasok kami sa tore at umakyat sa luma nang batong mga baytang ng paikid na hagdanan, at sa wakas ay lumabas kami mula sa maliit at makitid na pintuan. Naroon sa kabilang pader ang Blarney Stone.

Lumapit kami upang panooring humalik sa bato ang isang babae. Kinailangan niyang humiga habang ang ulo at balikat niya ay nasa ibabaw ng butas na mga tatlong metro ang haba at isang metro ang lapad. “Ligtas ka,” ang sabi ng attendant. “Hindi ka mahuhulog sa siwang dahil may pangkaligtasang mga baras na matibay na nakakabit sa mga butas na ito. Isa pa, mahigpit naman ang hawak ko sa iyo!”

Iniunat ng babae ang mga braso niya sa itaas ng kaniyang ulo at humawak sa dalawang baras na bakal na ikinabit sa pader sa ibabaw ng bato. Pagkatapos, parang nawala ang ulo niya nang lumiyad siya at ibinaba nang husto ang kaniyang ulo sa siwang. Umusog pa siya nang kaunti papalapit para mahalikan ang bato. Habang nagmamasid kami, nakikita namin sa likod ng mga balikat niya ang lupa sa ibaba na halos 25 metro ang lalim!

Dali-dali niyang hinalikan ang bato at saka nagsimulang bumangon nang nakahawak sa bakal na baras. Sa tulong ng attendant, nakaupo siya at pagkatapos ay nakatayo. Pagkakataon naman ng susunod na abenturero na liliyad din nang ganoon!

Tiningnan namin ang bato sa ibaba at napansin naming talagang naiba na ang kulay nito. “Nagkaganiyan ang hitsura ng bato,” ang paliwanag ng attendant, “dahil sa lahat ng taong humahalik dito sa paglipas ng mga taon. Pero huwag kayong mag-alala tungkol diyan,” ang dagdag niya, “pinananatili naming malinis iyan sa pamamagitan ng paghuhugas sa bato nang apat o limang beses araw-araw!”

May mga nakapila na para humalik sa bato. Wala kaming balak na subukan iyon​—ang tradisyon ay waring masyadong nasasangkot sa pamahiin, kasinungalingan at, marahil, sa espiritismo pa nga. Kapansin-pansin na ayon sa isa pang alamat, nagsimula ang lahat ng tradisyon nang makahimalang bigyan ng isang matandang babae ng kakayahang magsalita nang mahusay ang hari na sumagip sa kaniya sa pagkalunod. Kaya sa halip na sumali, bumaling kami sa bisita na kahahalik lamang sa bato at tinanong namin kung talagang naniniwala siyang nakamit niya ang kaloob na labis na mapamuri o mahusay na pananalita.

“Naku, hindi!” ang sabi niya. Ginawa niya lamang iyon bilang katuwaan, maliwanag na ginawa nang hindi pinag-iisipan ang kahulugan ng gawaing iyon. Tulad ng maraming bisita sa makasaysayang lugar na ito, gusto lamang niyang masabi sa kaniyang mga kaibigan na nahalikan niya ang Blarney Stone!

[Talababa]

^ par. 13 Tinutukoy niya ang kaniyang kilalang kapanahon na Ingles na manunulat ng dula na si William Shakespeare.

[Larawan sa pahina 18]

Ang tore ng Blarney Castle