Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko ba Dapat Malasin ang mga Disco?

Paano Ko ba Dapat Malasin ang mga Disco?

“May layunin ako sa pagpunta roon​—​para magsaya.”​—Shawn.

“Aaminin ko, masaya ito​—​napakasaya nito! Sayawan, magdamag na sayawan.”​—Ernest.

NAGING napakapopular ng mga disco nitong nakalipas na mga taon. Regular na nagpupunta ang maraming kabataan sa gayong mga disco upang magsaya.

Sabihin pa, gusto nating lahat na magsaya. At sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng kagalakan” at mayroon ding “panahon ng pagsasayaw.” (Eclesiastes 3:4, Today’s English Version) Subalit mabuting paglilibang ba ang disco? O may makatuwirang dahilan ba upang seryosong pag-isipan ang pagpunta sa disco?

“Magugulong Parti”

Bagaman hindi hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang sosyal na mga pagtitipon, nagbababala ito laban sa “walang-taros na pagsasaya,” o “magugulong parti.” (Galacia 5:19-21; Byington) Noong panahon ng Bibliya, ang walang-taros na pagsasaya ay kadalasang nauuwi sa di-mapigil na paggawi. Isinulat ni propeta Isaias: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak! At dapat na may alpa at panugtog na de-kuwerdas, tamburin at plawta, at alak sa kanilang mga piging; ngunit ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan.”​—Isaias 5:11, 12.

Itinatampok ng gayong mga pagtitipon ang paggamit ng “nakalalangong inumin” at maiingay na musika. Nag-uumpisa sila nang maaga at nagtatagal hanggang hatinggabi. Pansinin din ang mga saloobin ng mga nakikibahagi sa walang-taros na pagsasaya​—gumagawi sila na parang walang Diyos! Hindi kataka-taka kung gayon na hinahatulan ng Diyos ang gayong mga pagtitipon. Gayunman, paano naman kaya minamalas ng Diyos ang mga nangyayari sa maraming disco ngayon?

Isaalang-alang ang mga bagay na talagang nagaganap. Una sa lahat, ang ilang disco ay patuloy na nagtatampok ng “crowd surfing” at magulong pagsasayaw na tinatawag na moshing. Binabanggit ng isang mapagkukunan ng impormasyon na ang moshing ay “nagsimula noong mga kalagitnaan ng dekada Otsenta sa mga disco sa Estados Unidos pagkatapos ng panahon ng kilusang punk. Nagmula ito . . . sa ‘slam-dancing’ kung saan nagbabanggaan ang mga nagsasayaw.” Ang moshing naman ay karaniwan nang palundag-lundag, mabilis na pag-alog ng ulo, at animo’y pag-uuntugan ng ulo, at pakikipagsalpukan sa ibang mga nagsasayaw. Karaniwan dito ang balíng biyas at mga sugat, at mayroon ding mga pinsala sa gulugod at sa ulo. May namamatay pa nga rito. Sa crowd surfing naman, ang isang tao ay itinataas sa ulunan ng pulutong na nakataas ang mga kamay at saka ito pinagpapasa-pasahan. Maraming gumagawa nito ang ibinagsak, anupat nasaktan sila. Ang mga babae naman ay karaniwan nang hinihipuan.

Walang alinlangan, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang gayong paggawi. Tutal, inuutusan ng kaniyang Salita ang mga Kristiyano na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip.”​—Tito 2:12.

Musika at Droga

Isaalang-alang din ang uri ng musika na itinatampok sa karamihan ng mga disco. Pantanging itinatampok ng ilan ang mga musikang hard rock o heavy metal, na may matinding indayog at malalaswang liriko. Subalit pinipili naman sa maraming disco ang musikang rap, o hip-hop. Musika ito na nagtatampok din ng sekso, karahasan, at paghihimagsik. Makaaapekto ba sa iyo ang paglalantad ng iyong sarili sa gayong musika sa isang di-mabuting kapaligiran? Ganito ang sinabi ni David Hollingworth, isang kasangguni tungkol sa mga nightclub: “Malaki talaga ang epekto ng musika sa isipan ng mga tao. Kapag nagsama-sama bilang malaking grupo, kayang pukawin ng musika ang mapupusok na saloobin.” Hindi kataka-taka, nagkaroon ng mga silakbo ng karahasan sa mga disco sa maraming lunsod sa Estados Unidos. May palagay ang maraming tao na ito ay tuwirang resulta ng musika na nagtataguyod ng mahalay na gawain at mabangis na paggawi. *

Sa nakalipas na mga taon, naging bahagi rin ng disco ang paggamit ng droga. Sinabi ng isang mananaliksik na “ang pagkakaroon, ang iba’t ibang uri at paggamit ng bawal na gamot . . . ay naging dahilan upang maging popular ang mga disco.” Sa katunayan, may mga drogang popular na tinatawag na mga dance drug. Ang ilan na madalas sa mga disco ay gumagamit pa nga ng kombinasyon ng mga droga. Kabilang sa mga drogang karaniwang pinagsasama ay ang ketamine (tinatawag ding special K), na maaaring maging sanhi ng kawalang-damdamin, deliryo, problema sa paghinga, at pinsala sa utak. Ang methamphetamine ay maaaring maging sanhi ng pagkamalilimutin, pagiging palaaway, karahasan, at posibleng pinsala sa puso at sa isip. Lalo nang popular ang drogang gawa sa amphetamine na kilala bilang ecstasy. Maaari itong maging sanhi ng pagkalito, pagkabahala, mabilis na pintig ng pulso, alta presyon, at mataas na lagnat. Namatay pa nga ang ilang gumamit ng ecstasy.

Ang paggamit ng bawal na gamot ay labag sa utos ng Bibliya na ‘linisin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.’ (2 Corinto 7:1) Matalino bang ilagay mo ang iyong sarili sa isang kapaligiran kung saan palasak ang paggamit ng droga?

Masamang Kasama

Alalahanin ang madalas sipiin na babala: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Tulad ng mga taong walang-taros sa pagsasaya noong panahon ng Bibliya, maraming kabataang madalas magtungo sa mga disco ang waring hindi nababahala tungkol sa pagpapalugod sa Diyos. Sa katunayan, mailalarawan ang karamihan bilang “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) Talaga bang gusto mong maging malapít na kasama ang gayong pulutong?

Maaaring mangatuwiran ang ilan na nababawasan ang mga panganib kung pupunta sila sa disco na kasama ng iba pang mga kabataang Kristiyano. Gayunman, malamang na hindi pupunta roon ang mga kabataang Kristiyano na tunay na ‘halimbawa sa mga tapat hinggil sa paggawi.’ (1 Timoteo 4:12) Kahit na ang isang grupo ng mga kabataang Kristiyano ay pumunta sa disco at manatiling magkakasama, naroroon pa rin ang di-kaayaayang musika at kapaligiran. Maaari silang mapaharap sa isang maigting o alanganing kalagayan kapag niyaya sila ng mga di-Saksi na sumayaw. Nasangkot pa nga sa away ang ilang kabataan! Kaya napatunayang totoo ang mga salita ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20.

Sayaw na Pumupukaw ng Pagnanasa

Nariyan din ang sayaw mismo. Naging napakapopular ng tinatawag na “freak dancing,” lalo na sa mga tin-edyer sa Estados Unidos. Karaniwan nang ito ay isinasayaw sa saliw ng musikang hip-hop na may mga liriko na detalyadong naglalarawan sa seksuwal na gawain. Bukod diyan, tinutularan ng sayaw mismo ang seksuwal na pagtatalik. Kaya nga, inilarawan ang mga galaw ng ganitong uri ng sayaw bilang ‘pagtatalik nang nakadamit.’

Gugustuhin ba ng isang kabataang Kristiyano na masangkot sa ganitong uri ng pagsasayaw? Hindi nga kung nais niyang palugdan ang Diyos, na nag-uutos sa atin na “tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Baka ikatuwiran ng ilan, ‘Kung ginagawa ito ng lahat, hindi naman siguro ito nakapipinsala.’ Gayunman, maaaring magkamali ang karamihan. (Exodo 23:2) Magkaroon ng lakas ng loob na labanan ang panggigipit ng iyong mga kasamahan at panatilihin ang isang mabuting budhi sa harap ng Diyos!​—1 Pedro 4:3, 4.

Pagpapasiya

Hindi ito nangangahulugan na masama ang lahat ng sayaw. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Haring David ay nalipos ng kagalakan pagkatapos maisauli sa Jerusalem ang sagradong kaban ng tipan anupat siya ay “sumayaw . . . nang kaniyang buong lakas.” (2 Samuel 6:14) Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak, kasali sa pagsasayang nangyari dahil sa pagbabalik ng anak ang “isang konsyerto ng musika at sayawan.”​—Lucas 15:25.

Maaaring kanais-nais ang ilang uri ng sayaw sa mga Kristiyano sa inyong lugar. Magkagayunman, mahalaga ang pagiging timbang at mabuting pagpapasiya. Mas ligtas na masiyahan sa musika at sayaw sa mga pagtitipong Kristiyano kung saan may sapat na kontrol at pangangasiwa kaysa sa mga disco para sa mga tin-edyer. Sa mga pagtitipong Kristiyano na napangangasiwaang mainam, hindi inihihiwalay ng mga kabataan ang kanilang sarili kundi tinatamasa nila ang mabuting pagsasamahan ng mga Kristiyano na iba’t iba ang edad.

Ipagpalagay na may mga restawran sa inyong pamayanan kung saan may musika at kanais-nais na sayawan. Subalit bago tanggapin ang isang paanyaya sa gayong lugar, makabubuting itanong ang gaya nito: Ano ang reputasyon ng lugar na iyon? Ito ba’y para lamang sa mga kabataan? Kung gayon, paano ito magkakaroon ng mabuting kapaligiran? Anong uri ng musika ang patutugtugin? Anong uri ng sayawan ang isinasagawa roon? Ano ang pangmalas ng aking mga magulang sa pagpunta ko roon? Ang pagtatanong na gaya nito ay maglalayo sa iyo sa panganib.

Angkop na binuod ni Shawn, na sinipi sa pasimula, ang mga bagay-bagay. Bago naging Kristiyano, madalas siyang magpunta sa mga disco. Nagugunita pa niya: “Maraming mahalay na paggawi sa mga nightclub. Ang musika ay karaniwan nang nakasásamâ, ang pagsasayaw ay karaniwang imoral, at ang karamihan ng tao na nagpupunta roon ay may motibo​—gusto nilang humanap ng isa mula sa klab na mailalabas nila upang makatalik.” Inihinto na ni Shawn ang pagpunta sa mga disco pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nagbibigay siya ng kaniyang opinyon, salig sa masakit na karanasan: “Hindi para sa mga Kristiyano ang mga disco.”

[Talababa]

^ par. 13 Tingnan ang artikulong “Kung Bakit Nakaaapekto sa Atin ang Musika,” sa Oktubre 8, 1999, na labas ng Gumising!

[Larawan sa pahina 26]

Napaharap ang ilang kabataan sa alanganing mga kalagayan sa mga disco