Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakananganganib na Uri ng Pusa sa Lupa

Ang Pinakananganganib na Uri ng Pusa sa Lupa

Ang Pinakananganganib na Uri ng Pusa sa Lupa

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

Matagal nang kilalang-kilala ang paningin at bilis kumilos ng lynx. Kapag may malinaw na pananaw ang isang tao sa mga bagay-bagay, sinasabi ng mga Kastila na siya ay “may mga mata ng lynx.” Nakalulungkot, kilala na ngayon ang Iberian lynx (Lynx pardinus) dahil sa isang bagay na walang kinalaman sa paningin o katalasan ng isip nito. Itinuturing itong “pinakananganganib na uri ng pusa sa daigdig.” *

Mga ilang taon na ang nakalilipas, matatagpuan ang Iberian lynx sa buong Portugal at Espanya at marahil hanggang sa French Pyrenees pa nga. Sa ngayon, iilang nangalat na mga pangkat na lamang ang natitira pa sa timog-kanlurang rehiyon ng Iberian Peninsula. Gayunman, mga dalawa na lamang sa mga grupong ito ang mga lahing nakapagpaparami, at umunti na sa nakababahalang antas ang kabuuang bilang ng mga lynx.

Ayon sa ilang pagtaya, ang bilang ng Iberian lynx ay lumiit na nang husto anupat wala pang 200. Ano ang sanhi ng ganitong kalunus-lunos na pagkaunti? Sinasabi ng ilan na ang pangunahing dahilan ay ang lubhang kakapusan ng pangunahin nitong sinisila, ang rabit, na ang malaking bilang ay namatay sa ilang epidemya ng myxomatosis. Isa pa, nabibiktima ang ilang lynx sa mga bitag ng ilegal na mga mangangaso o kaya ay nasasagasaan sa mga haywey. At lumiit nang lumiit ang mga dakong angkop na tirahan ng mga ito. Binabanggit ng isang ulat kamakailan ng World Wildlife Fund na dahil sa mga problemang ito, ang umuunting populasyon ay nagiging nakabukod na maliliit na dako na lamang.

Bagaman nakapondo na ang mga 35 milyong dolyar (U.S.) upang iligtas ang nanganganib na lynx, inilarawan ng isang grupo ng mga eksperto ang kalagayan bilang “madula.” Ayon kay Nicolás Guzmán, tagapag-ugnay ng National Plan for the Conservation of the Iberian Lynx, sa natitirang mga hayop sa ilang na wala pang 200, ‘nasa pagitan ng 22 at 32 babae na lamang ang maaaring manganak.’ Idinagdag pa niya, ‘Ang pananatiling buháy ng uri ay nakasalalay sa kanila.’ Nakalulungkot, mababanaag sa kuwento ng Iberian lynx ang kalagayan ng marami sa magagandang nilalang sa lupa.

[Talababa]

^ par. 3 Ang Iberian, o Spanish, lynx ay inuri bilang “lubhang nanganganib” sa Red List, isang talaan ng mga hayop na nanganganib na maglaho at inihanda ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources.

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Foto © Fernando Ortega

sos lynx