Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabuting Samaritano sa Modernong Panahon

Mabuting Samaritano sa Modernong Panahon

Mabuting Samaritano sa Modernong Panahon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

Narinig na ng marami sa atin ang kuwento sa Bibliya tungkol sa isang madamaying tao na madalas tawaging Mabuting Samaritano. (Lucas 10:29-37) Sa talinghagang ito, ipinakita ni Jesu-Kristo ang pambihirang uri ng pagmamalasakit ng isang Samaritano bilang pagpapamalas ng pag-ibig sa kaniyang kapuwa na nangangailangan. Mayroon pa bang ganitong mabuting Samaritano sa ngayon? Tingnan natin ang sumusunod na ulat mula sa Mexico.

Habang papauwi mula sa isang paglalakbay, ilang kilometro na lamang ang layo ni Betuel at ng kaniyang pamilya sa kanilang tahanan nang makita nila ang isang grabeng aksidente ng sasakyan sa haywey. Huminto sila para tumulong. Hiniling sa kanila ng isa sa drayber na naaksidente, isang doktor, na dalhin ang kaniyang nagdadalang-taong asawa at dalawang maliliit na anak na babae sa pinakamalapit na ospital para magamot. Ginawa nila ito, at pagkaraan ay bumalik si Betuel sa pinangyarihan ng aksidente upang tingnan kung may maitutulong pa siya.

Ikinuwento ni Betuel: “May dumating na pederal na haywey patrol, at kinailangan nilang isama muna ang doktor para imbestigahan dahil may namatay sa aksidente. Nang tanungin ako ng doktor kung bakit ko siya tinutulungan, ipinaliwanag ko sa kaniya na kami’y mga Saksi ni Jehova at na napag-alaman namin mula sa Bibliya na dapat naming ibigin ang aming kapuwa. Sinabi ko sa kaniya na huwag niyang alalahanin ang kaniyang mag-iina, dahil kami na ang bahala sa kanila. Habang tumutulo ang mga luha ng pasasalamat sa kaniyang mga mata, ibinigay niya sa akin ang kaniyang mahahalagang gamit para itago.”

Isinama ni Betuel at ng kaniyang pamilya sa kanilang tahanan ang pamilya ng doktor at inasikaso ang mga ito nang ilang araw. Sinamantala ni Betuel ang pagkakataon na makapagpasimula sa kanila ng isang pag-aaral sa Bibliya. Nang pauwiin na ang doktor, ipinahayag nito ang kaniyang pasasalamat at paghanga sa mga Saksi ni Jehova. Nangako siyang itutuloy nila ang pag-aaral ng Bibliya sa kanilang bayan, at sinabi niyang kapag lalaki ang isinilang ng kaniyang asawa, Betuel ang ipapangalan niya rito. Patuloy pa ni Betuel: “Sa ngayon, pagkalipas ng dalawang taon, nagkaroon kami ng pagkakataon na dumalaw sa kanila. Nagulat ako nang malaman kong nag-aaral nga sila ng Bibliya, at Betuel nga ang pangalan ng kanilang bunso!”

[Larawan sa pahina 13]

Betuel