Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Papel Mo Bilang Magulang

Ang Papel Mo Bilang Magulang

Ang Papel Mo Bilang Magulang

“KUNG ipinadarama mo sa bata na siya’y minamahal, bahagi ng pamilya, may determinasyon at handang matuto, pagsulong ng utak ang kasunod nito,” ang sabi ni Peter Gorski ng Harvard Medical School. “Ang papel natin bilang mga magulang ay hindi upang gawing perpekto ang kakayahan ng utak, kundi upang makapagpalaki ng malulusog, matitino at mapagmalasakit na mga tao.”

Laking tuwa mo bilang magulang na makita ang iyong anak na lumalaking isang taong may malinis na moral at makonsiderasyon sa iba! Ang katuparan nito ay nakasalalay nang malaki sa iyong pagkukusa na maging isang halimbawa, isang kasama, isang kausap, at isang guro. Bagaman ang lahat ng bata ay isinilang na may saligang kakayahan na gumawi nang tama, dapat pa ring patuluyang ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga pamantayang moral habang lumalaki ang mga ito.

Sino ang Humuhubog sa mga Bata?

Iba-iba ang opinyon ng mga mananaliksik tungkol sa kung sino ang may pinakamalaking impluwensiya sa paghubog sa mga bata. Naniniwala ang ilan na ang mga bata ay pangunahin nang hinuhubog ng kanilang mga kasama. Pero naniniwala sina Dr. T. Berry Brazelton at Dr. Stanley Greenspan, mga propesyonal sa larangan ng paglaki ng mga bata, na napakaimportante ng papel ng magulang sa maaga at may-empatiyang pagtuturo sa anak.

Ang mga karanasan habang lumalaki at ang impluwensiya ng mga kasama ay pawang nakaaapekto sa maagang pagsulong ng bata. Mahalagang pagpakitaan ng habag at pang-unawa ang mga bata sa loob ng tahanan. Kailangan din silang turuan na harapin ang kanilang damdamin sa may-gulang na paraan. Ang mga batang tumatanggap ng ganitong tulong ay karaniwan nang mas handang makipagtulungan sa iba, mas madamayin, at mas may empatiya.

Mahirap na gawain ang pagsasanay sa bata mula sa pagkasanggol. Para magtagumpay ka​—lalo na kung isa kang baguhang magulang​—makabubuti na humingi ng patnubay sa ibang mas makaranasan at gumawa ng isang tiyak na hakbang. Napakarami nang aklat na naisulat ang mga eksperto sa paglaki ng mga bata. Ang sinasabi nila ay kadalasan nang katulad din ng maaasahang payo mula sa Bibliya. Kung ikakapit, ang mapananaligang simulain ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa mabisang paraan. Tingnan natin ang sumusunod na praktikal na tagubilin.

Sagana sa Pagpapahayag ng Pagmamahal

Ang mga bata ay parang mga murang tanim na tumutubo at lumalaki kapag palaging inaalagaan taglay ang maibiging atensiyon. Ang tubig at sikat ng araw ang bumubuhay sa murang tanim at tumutulong upang ito’y lumaking malusog at matatag. Sa katulad na paraan, ang mga magulang na sagana sa pagpapahayag ng pagmamahal sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga salita at yakap ay makatutulong sa mental at emosyonal na paglaki at katatagan ng kanilang mga anak.

Ganito ang simpleng pagkakasabi sa Bibliya: “Ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Sa diwa, ang mga magulang na saganang nagpapahayag ng pagmamahal sa kanilang mga anak ay tumutulad sa kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova. Binabanggit sa Bibliya na noong bautismuhan si Jesus, narinig niya ang tinig ng kaniyang Ama na nagpapahayag ng pagsang-ayon at pag-ibig sa kaniya bilang Kaniyang Anak. Nakapagpapataba nga ito ng puso, kahit na kay Jesus na nasa hustong gulang na!​—Lucas 3:22.

Ang pagmamahal na ipinakikita mo, ang mga kuwentong binabasa mo sa iyong mga anak bago matulog, at maging ang mga larong nilalaro ninyo ay mahahalagang saligan sa paglaki ng iyong anak. ‘Lahat ng ginagawa ng bata,’ ang sabi ni Dr. J. Fraser Mustard, ‘ay mga karanasang nagiging bahagi ng kaniyang buhay. Kung ang bata ay nag-aaral nang gumapang, malaking tulong ang iyong pagpapalakas-loob at reaksiyon.’ Ang pagmamahal at atensiyon ng magulang ay naglalatag ng isang matibay na pundasyon upang ang iyong anak ay lumaking responsable at maygulang.

Kasama at Kausap

Ang paglalaan ng panahon sa iyong mga anak ay naglálapít sa inyo sa isa’t isa. Bukod diyan, napasusulong nito ang mga kakayahan sa pakikipag-usap. Ang pagiging malapít na ito​—sa tahanan at saanman at sa anumang angkop na panahon​—ay iminumungkahi sa Kasulatan.​—Deuteronomio 6:6, 7; 11:18-21.

Sumasang-ayon ang mga eksperto sa paglaki ng mga bata na talagang mas mahalaga ang panahong inilalaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kaysa sa mamahaling mga laruan o anumang partikular na aktibidad. Ang di-magastos at pang-araw-araw na mga aktibidad ay magagandang pagkakataon upang makausap mo ang iyong mga anak. Halimbawa, ang simpleng pamamasyal sa parke na kasama sila upang pagmasdan ang kalikasan ay isang magandang pagkakataon para sa mga magulang na magtanong ng mahahalagang bagay at magbukas ng pag-uusap.

Sinasabi sa Kasulatan na may “panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:1, 4) Oo, ang masayang paglalaro ay mahalaga sa pagsulong ng mga kakayahan ng bata sa pag-iisip, emosyon, at pakikisama. Ang paglalaro, ayon kay Dr. Mustard, ay hindi lamang mahalaga kundi mahalagang-mahalaga. Ang sabi niya: “Naghuhugpong ang mga koneksiyon sa utak ng mga bata para sa napakaraming iba’t ibang kakayahan nito pangunahin nang dahil sa paglalaro.” Ang mga laruang ginagamit ng isang bata sa karaniwang paglalaro ay maaaring napakasimple lamang, gaya ng isang kahong karton na walang laman. Kung paanong namamangha ang mga sanggol sa mamahalin at high-tech na mga laruan, namamangha rin sila sa ligtas at pang-araw-araw na mga gamit sa bahay. *

Naniniwala ang mga eksperto na kapag sobra na ang mga aktibidad na inorganisa ng mga adulto para sa mga bata, mapipigil ang kanilang imahinasyon at pagkamalikhain. Iminumungkahi na maging katamtaman lamang. Hayaang tuklasin ng iyong anak ang kaniyang munting daigdig at subukin ang kaniyang pagiging mapamaraan. Kadalasan nang may nagagawa ang bata para libangin ang kaniyang sarili. Pero responsibilidad mo pa rin na alamin kung ano ang ginagawa ng iyong anak at kung saan siya naglalaro upang hindi siya masaktan.

Paglaanan Ito ng Panahon

Ang pagtuturo ay isang mahalagang bahagi ng pag-aalaga at pagpapalaki sa mga bata upang matutong makibagay sa iba. Maraming magulang ang naglalaan ng panahon araw-araw upang basahan nang malakas ang kanilang mga anak. Isang pagkakataon ito upang ituro ang mga leksiyon tungkol sa magandang pag-uugali, at itawid sa mga bata ang mga pamantayang moral ayon sa sinasabi ng ating Maylalang. Binabanggit ng Bibliya na ang tapat na guro at misyonerong si Timoteo ay ‘nakaaalam ng banal na mga kasulatan mula sa pagkasanggol.’​—2 Timoteo 3:15.

Ang pagbabasa sa iyong sanggol ay nakapagpapasigla sa mga koneksiyon ng kaniyang mga synapse. Mahalaga na ang nagbabasa ay isang atentibo at mapagmahal na tao. Nagbabala si Linda Siegel, isang propesor sa edukasyon, hinggil sa nilalaman ng binabasa: “Dapat na ito’y nagugustuhan ng mga bata.” Gayundin, sikapin na gawing regular at may tiyak na oras ang pagbabasa araw-araw. Sa ganitong paraan, unti-unting pananabikan ito ng bata.

Kalakip sa pagtuturo ang disiplina. Makikinabang ang maliliit na bata sa maibiging disiplina. “Ang anak ay marunong kapag may disiplina ng ama,” ang sabi ng Kawikaan 13:1. Subalit tandaan na ang disiplina ay nagsasangkot ng maraming bagay. Halimbawa, maaaring ito’y isang pagtutuwid sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pagtatanggal ng mga pribilehiyo o iba pang anyo ng pagpaparusa. Sinabi ni Dr. Brazelton, sinipi kanina, na ang disiplina ay “ang pagtuturo sa isang bata kung paano pakikitunguhan ang damdamin at di-mapigil na mga paggawi. Gustung-gustong malaman ng bawat bata ang mga limitasyon. Pangalawa sa pag-ibig, disiplina ang pinakaimportanteng maibibigay mo.”

Bilang magulang, paano mo matitiyak kung mabisa nga ang iyong disiplina? Una sa lahat, dapat munang maunawaan ng iyong mga anak kung bakit sila dinidisiplina. Kapag itinutuwid mo sila, ipadama mo sa iyong mga anak na isa kang matulungin at mapagmahal na magulang.

Mga Pagsisikap na Naging Matagumpay

Naging ugali na ni Fred, bilang isang ama, na basahan ang kaniyang anak na babae bago matulog mula pa sa pagkasanggol nito. Paglipas ng panahon, napansin niyang saulado na nito ang marami sa mga kuwento at nasusubaybayan na ang pagbasa sa aklat, anupat nakikilala na ang mga salita at ang tunog ng mga ito. Si Chris ay isa pang magulang na matiyagang nagbasa sa kaniyang mga anak. Sinikap niyang basahan ang mga ito ng iba’t ibang impormasyon. Noong maliliit pa ang mga bata, ginamit niya ang mga ilustrasyon sa mga aklat na gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya upang ituro ang moral at espirituwal na mga aral. *

Ang ibang mga magulang naman ay nagsisikap na samahan ang pagbabasa ng iba’t ibang aktibidad​—pagdodrowing, pagpipinta, pagtugtog ng musika, pagkakamping, o pamamasyal ng pamilya sa mga lugar na gaya ng zoo. Ang mga pagkakataong ito ay maaaring gamitin sa pagtuturo ng mga aral at pagkikintal ng mabubuting pamantayang moral at paggawi sa puso at isip ng bata na madaling maimpluwensiyahan.

Sulit kaya ang lahat ng pagpapagal at pagsisikap na ito? Ang mga magulang na gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya upang ikapit ang nabanggit na praktikal na mga panuntunan sa mapayapa at tiwasay na kapaligiran ay malamang na makasaksing nagkakaroon ng positibong saloobin ang kanilang mga anak. Kung lilinangin mo ang talino at kakayahang makipag-usap ng iyong mga anak habang bata pa sila, malaki ang maitutulong mo sa kanilang moral at espirituwal na pagkatao.

Maraming siglo na ang nakalilipas, maliwanag na sinabi ng Bibliya sa Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” Talagang mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa pagsasanay sa bata. Saganang ipahayag ang pagmamahal mo sa iyong mga anak. Paglaanan mo sila ng panahon, alagaan sila, at turuan sila. Ang paggawa nito ay magdudulot ng kaligayahan sa kanila at sa iyo.​—Kawikaan 15:20.

[Mga talababa]

^ par. 15 Tingnan ang artikulong “Libreng mga Laruan sa Aprika,” na lumabas sa Marso 22, 1993, isyu ng magasing ito.

^ par. 23 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilathala rin ng mga Saksi ni Jehova, ay isa pang mabisang aklat na ginagamit upang turuan ang maliliit na bata.

[Kahon sa pahina 7]

Pakikipag-laro sa Iyong Sanggol

▪ Napakaikli lamang ng itinatagal ng atensiyon ng mga sanggol, kaya makipaglaro lamang habang waring ikinatutuwa nila ito.

▪ Kung gagamit ng mga laruan, tiyaking ito’y ligtas at nakagaganyak sa mga pandamdam ng bata.

▪ Maglaro ng mga aktibong laro. Tuwang-tuwa ang mga sanggol na ipagawa sa iyo nang paulit-ulit ang isang bagay, gaya ng pagpulot ng laruan na itinapon nila.

[Credit Line]

Pinagkunan: Clinical Reference Systems

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Mga Mungkahi sa Pagbabasa sa Iyong Anak

▪ Gandahan ang iyong pagsasalita at pagbigkas. Natututuhan ng bata ang wika habang nakikinig sa pagsasalita ng mga magulang.

▪ Para sa musmos pang mga bata, ituro at sabihin ang pangalan ng mga tao at mga bagay na makikita sa mga aklat ng kuwento.

▪ Kapag malaki-laki na ang bata, piliin ang mga aklat na tumatalakay sa kaniyang kasalukuyang paboritong paksa.

[Credit Line]

Pinagkunan: Pediatrics for Parents

[Larawan sa pahina 8, 9]

Maglaan ng panahon sa masayang paglilibang kasama ng iyong mga anak