Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pulot-Pukyutan—Ang Regalo ng Bubuyog sa Tao

Pulot-Pukyutan—Ang Regalo ng Bubuyog sa Tao

Pulot-Pukyutan​—Ang Regalo ng Bubuyog sa Tao

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

NANG matagpuan niya sa kakahuyan ang isang bahay-pukyutan na may tumutulong pulot-pukyutan, isinawsaw ng pagod na sundalong Israelita ang kaniyang tungkod dito at kumain. Agad-agad, “ang kaniyang mga mata ay nagsimulang lumiwanag” at nanumbalik ang kaniyang lakas. (1 Samuel 14:25-30) Inilalarawan ng ulat na ito sa Bibliya ang isa sa mga katangian ng pulot-pukyutan na pinakikinabangan ng tao. Mabilis itong makapagpalakas, yamang pangunahin nang binubuo ito ng mga carbohydrate​—mga 82 porsiyento. Kapansin-pansin, dahil sa lakas na ibinibigay ng 30 gramo ng pulot-pukyutan, sa teoriya ay makaiikot ang isang bubuyog sa buong mundo!

Gumagawa lamang ba ng pulot-pukyutan ang mga bubuyog alang-alang sa tao? Hindi, umaasa sila sa pulot-pukyutan para sa pagkain. Ang isang kuyog ng mga bubuyog na karaniwan ang laki ay nangangailangan ng mga 10 hanggang 15 kilo ng pulot-pukyutan upang makatagal sa taglamig. Ngunit sa kaayaayang kapanahunan, ang isang kuyog ay nakagagawa ng mga 25 kilo ng pulot-pukyutan, anupat nakakakuha pa at nakikinabang mula sa sobra nito ang mga tao​—at mga hayop na tulad ng mga oso at raccoon.

Paano ginagawa ng mga bubuyog ang pulot-pukyutan? Ang mga bubuyog na naghahanap ng makakain ay nag-iipon ng nektar mula sa mga bulaklak sa pamamagitan ng pagsipsip dito gamit ang kanilang mga dilang tulad-tubo. Dinadala nila ito sa isa sa kanilang mga tiyan pabalik sa kanilang bahay-pukyutan. Inililipat ang nektar sa iba pang mga bubuyog na “ngunguya” rito sa loob ng mga kalahating oras, anupat hinahaluan ito ng mga enzyme mula sa mga glandula sa kanilang bibig. Pagkatapos ay inilalagay nila ito sa mga seldang eksagonal na gawa sa pagkit at saka pinapaypayan ito ng kanilang mga pakpak para patuyuin. * Kapag nabawasan na ang tubig nito nang 18 porsiyento, tinatakpan ang ibabaw ng mga selda ng manipis na pagkit. Maaaring magtagal nang husto ang pulot-pukyutan na may manipis na pagkit sa ibabaw. Diumano, iniulat na sa mga libingan ng mga Paraon na itinayo mga 3,000 taon na ang nakalilipas ay may natuklasang pulot-pukyutan na maaari pa ring kainin.

Kakayahan ng Pulot-Pukyutan na Makagamot

Bukod pa sa pagiging masustansiyang pagkain​—tunay na mayamang mapagkukunan ng mga bitamina B, iba’t ibang mineral, at mga antioxidant​—isa ang pulot-pukyutan sa pinakamatagal nang kilalang panggamot na ginagamit hanggang ngayon. * Nagkomento si Dr. May Berenbaum, isang entomologo sa University of Illinois, E.U.A.: “Ginamit ang pulot-pukyutan sa loob ng maraming siglo upang gamutin ang maraming iba’t ibang sakit tulad ng mga sugat, paso, katarata, ulser sa balat at galos.”

Bilang komento sa kamakailang interes sa kakayahang makagamot ng pulot-pukyutan, iniulat ng organisasyong pambalita na CNN: “Nalaos ang pulot-pukyutan bilang pamahid sa sugat nang makagawa ng mga pamahid na antibiyotiko noong Digmaang Pandaigdig II. Subalit dahil sa bagong pananaliksik​—at sa pagdami ng mga baktiryang di-tinatablan ng mga antibiyotiko​—ibinalik ang tradisyonal na panggamot na ito sa makabagong mga kabinet ng gamot.” Halimbawa, ang isang larangan ng pananaliksik ay may kinalaman sa paggamot sa mga paso. Napansin na mas madali ang paggaling, di-gaanong mahapdi, at di-gaanong halata ang peklat kapag pulot-pukyutan ang ginamit na pamahid.

Ipinakikita ng mga pag-aaral na dahil sa enzyme na inihahalo ng mga bubuyog sa nektar, may banayad na panlaban sa baktirya at may antibiyotiko ang pulot-pukyutan. Gumagawa ang enzyme na ito ng agua oksihenada, na pumapatay sa nakasasamang baktirya. * Isa pa, kapag ipinahid sa apektadong bahagi ng katawan ang pulot-pukyutan, natuklasang binabawasan nito ang pamamaga at pinabibilis ang pagdami ng malulusog na mga himaymay. Kaya naman, sinabi ng biyokemiko sa New Zealand na si Dr. Peter Molan: “Ang pulot-pukyutan ay tinatanggap na ng mga doktor ng kombensiyonal na medisina bilang mahusay at mabisang sangkap na panggamot.” Sa katunayan, inaprubahan ng Australian Therapeutic Goods Administration ang pulot-pukyutan bilang gamot, at ipinagbibili sa bansang iyon ang pulot-pukyutan bilang pamahid sa sugat.

Gaano karami pang pagkain ang alam mong bukod sa napakasustansiya at napakasarap na ay nakagagamot pa? Hindi nga nakapagtataka na nagpasa noon ng pantanging mga batas upang ingatan ang mga bubuyog at ang mga tagapag-alaga nito! Isang krimen na pinarurusahan ng mabigat na multa o kamatayan pa nga ang pagsira sa mga puno o bahay-pukyutan na pinamamahayan ng mga bubuyog. Tunay na isang mahalagang regalo sa tao at isang karangalan sa Maylalang ang pulot-pukyutan.

[Mga talababa]

^ Ang pagkit na ginagamit ng mga bubuyog para gumawa ng bahay-pukyutan ay galing sa pantanging mga glandula na nasa katawan ng bubuyog. Dahil sa eksagonal na hugis ng mga selda sa bahay-pukyutan, nasusuportahan ng maninipis na pader nito​—na sangkatlo ng milimetro ang lapad​—kahit ang mas mabigat nang 30 ulit kaysa rito. Sa diwang ito, kamangha-manghang inhinyeriya ang bahay-pukyutan.

^ Ang pulot-pukyutan ay hindi iminumungkahi bilang pagkain ng mga sanggol dahil sa potensiyal na panganib ng botulism (malubhang anyo ng pagkalason) sa sanggol.

^ Yamang nawawala ang enzyme kapag ininit at inihantad sa liwanag, ang pulot-pukyutan na di-pastyurisado ang ginagamit na panggamot.

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

Pagluluto Nang May Pulot-Pukyutan

Mas matamis ang pulot-pukyutan kaysa sa asukal. Kung gayon, bilang pamalit sa asukal, dalawa hanggang tatlong-kapat lamang na dami ng pulot-pukyutan ang gamitin mo kung ang panukat mo ay ang dami ng asukal. Isa pa, yamang mga 18 porsiyento ng pulot-pukyutan ay tubig, bawasan nang kaukulang dami ng likido ang iyong resipi. Kung walang likido, dagdagan ng dalawang kutsarang harina ang bawat isang tasa ng pulot-pukyutan. Para sa mga pagkaing hinurno, dagdagan din ng kalahating kutsaritang baking soda ang bawat isang tasang pulot-pukyutan at hinaan nang 15 digri Celsius ang temperatura ng iyong oben.

[Credit Line]

National Honey Board

[Larawan sa pahina 16]

Bubuyog na naghahanap ng nektar

[Larawan sa pahina 16, 17]

Bahay-pukyutan

[Larawan sa pahina 17]

Kuyog ng mga bubuyog

[Larawan sa pahina 17]

Sinisiyasat ng tagapag-alaga ng bubuyog ang isang kuwadro mula sa bahay-pukyutan