Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magsaya sa Pag-asa

Magsaya sa Pag-asa

Magsaya sa Pag-asa

MALUBHA na ang kanser ni Joe. Ang kaniyang asawa, si Kirsten, at ang ilang kaibigan ay nag-uusap sa tabi ng kaniyang kama. Tiningnan ni Kirsten ang kaniyang asawa at napansin niyang lumuluha ito. Noong una, akala niya’y may masakit kay Joe. Marahil ay gayon nga, pero sa pagkakataong ito, sinabi niya sa kaniyang misis na hindi kirot ang dahilan ng kaniyang pagluha.

“Sa mahirap na panahong ito,” ang sabi ni Kirsten, “kasama ni Joe ang matatalik niyang kaibigan na dumalaw para lamang makapiling siya. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nakatitiyak na matatamo niya ang kaniyang napakahalagang pag-asa, at alam niya na walang sinuman ang makapagkakait nito sa kaniya. Sinabi niyang ang kaniyang luha ay sa katunayan, luha ng kagalakan. Nang gabi ring iyon, namatay si Joe.”

Anong pag-asa ang nagpalakas kay Joe habang lumalala ang kaniyang sakit? Ito ay ang pangako ng Diyos na Jehova na walang-hanggang buhay taglay ang sakdal na kalusugan sa isang paraisong lupa. (Awit 37:10, 11, 29) Ganito ang sinabi ng Apocalipsis 21:3, 4: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay [pati na ang maraming problema sa ngayon] ay lumipas na.”

May Pag-asa Kahit ang mga Patay

Para kay Joe, ang katuparan ng kaniyang pag-asa ay nangangahulugan ng pagbuhay-muli sa kaniya. Sa katunayan, naaliw siya sa pangako ni Jesus na ang “lahat ng nasa mga alaalang libingan”​—ang mga patay na nasa alaala ng Diyos​—ay magigising mula sa pagkakatulog sa kamatayan. (Juan 5:28, 29) Nalulungkot ka ba dahil namatayan ka ng isang kapamilya o kaibigan? Kung gayon, maaari ka ring maaliw ng pag-asa sa pagkabuhay-muli. Sabihin pa, hindi inaalis ng pag-asang ito ang ating pamimighati kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Si Jesus mismo ay “lumuha” nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Pero dahil sa ating pag-asa, naiibsan ang kirot na nadarama natin.​—Juan 11:14, 34, 35; 1 Tesalonica 4:13.

“Nang mamatay si Joe sa kanser,” ang sabi ni Kirsten, “pakiramdam ko’y hindi na ako kailanman liligaya. Kahit ngayong ilang taon na ang nakalilipas, alam kong ang buhay ko sa sistemang ito ay hindi na magiging gaya ng dati. Napakalaking kawalan sa akin ni Joe. Subalit talagang masasabi ko na muli akong nagkaroon ng kapayapaan ng isip at ng kasiyahan.”

Ipinaaalaala sa atin ng mga komento ni Kirsten na sa kasalukuyang sistema, hindi natin maaasahan na magiging masaya tayo sa lahat ng panahon. Ang buhay ay may lungkot at ligaya. At may mga pagkakataong dapat tayong malungkot, kapag hindi talaga angkop na magsaya. (Eclesiastes 3:1, 4; 7:2-4) Gayundin, ang ilan sa atin ay maaaring nagpupunyaging mapagtagumpayan ang depresyon, na posibleng dulot ng iba’t ibang salik. Gayunpaman, ang mga pangako ng Bibliya ay pinagmumulan ng malaking kaaliwan, at ang walang-kapantay na karunungang masusumpungan sa Bibliya ay makatutulong sa atin na maiwasan ang maraming bitag na nagdudulot ng kalungkutan. “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin,” ang sabi ng Diyos, “tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”​—Kawikaan 1:33.

Oo, talagang nagmamalasakit sa atin si Jehova. Gusto niyang maging tunay na maligaya tayo​—hindi lamang sa loob ng iilang taon, kundi magpakailanman! Iyan ang dahilan kung bakit binigkas ng kaniyang Anak ang mga pananalitang ito na talaga namang laging napapanahon: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Isang karunungan na ikapit ang sinabi niya.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Siyam na Sangkap ng Kaligayahan

1. Magkaroon ng espirituwal na pananaw sa buhay.​Mateo 5:3.

2. Maging kontento at iwasan “ang pag-ibig sa salapi.”​1 Timoteo 6:6-10.

3. Ilagay sa wastong dako ang kaluguran.​2 Timoteo 3:1, 4.

4. Maging bukas-palad at sikaping paligayahin ang iba.​Gawa 20:35.

5. Maging mapagpasalamat at bulay-bulayin ang mga pagpapalang tinatamasa mo.​Colosas 3:15.

6. Maging mapagpatawad.​Mateo 6:14.

7. Piliing mabuti ang iyong mga kasama.​Kawikaan 13:20.

8. Ingatan ang iyong kalusugan at iwasan ang masasamang bisyo.​2 Corinto 7:1.

9. ‘Magsaya sa pag-asang’ iniaalok sa iyo sa Bibliya.​Roma 12:12.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ang salig-Bibliyang pag-asa na buhay sa isang bagong sanlibutan ay pinagmumulan ng malaking kaaliwan