Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Pagkakaibigan sa Paaralan—Hanggang Saan ang Limitasyon?

Pagkakaibigan sa Paaralan—Hanggang Saan ang Limitasyon?

“Pinag-uusapan ng mga kaeskuwela ko ang kasiyahan nila nang magsama-sama sila noong dulo ng sanlinggo. Pakiramdam ko’y napag-iiwanan ako.”​—Michelle. *

“Kung minsan, makakakita ako ng grupo ng mga kabataan at maiisip ko, ‘Nakakatuwa naman sila, ang ganda ng kanilang samahan. Gusto kong mapabilang sa grupo nila.’”​—Joe.

“Napakadali kong makipagkaibigan sa mga kaeskuwela ko. . . . At dahil diyan, nagkaproblema ako.”​—Maria.

HALOS buong maghapon mong kasa-kasama ang iyong mga kaeskuwela. Halos pare-pareho ang nararanasan ninyong mga hamon, kabiguan, at tagumpay. Minsan, maaaring naiisip mo na mas madali silang makasundo kaysa sa mga magulang mo, mga kapatid mo, o mga kapuwa mo Kristiyano. Kaya naman, posibleng naaakit kang makipagkaibigan sa kanila. Mali ba ito? Mayroon ba itong mga panganib? Kung pagkakaibigan sa paaralan ang pag-uusapan, hanggang saan ang limitasyon nito? Paano mo malalaman kung ano ang limitasyon nito?

Kailangan Mo ng mga Kaibigan

Lahat ay nangangailangan ng mga kaibigan​—mga taong makakakuwentuhan nila kapag masaya sila at masasandigan kapag may mga problema. Nagkaroon si Jesus ng mga kaibigan, at nasiyahan siya sa pakikipagsamahan sa kanila. (Juan 15:15) At nang malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos, naroroon ang matalik na kaibigan ni Jesus na si Juan, ang “alagad na minahal niya [nang higit].” (Juan 19:25-27; 21:20) Kailangan mo ng gayong uri ng mga kaibigan​—mga taong handang dumamay sa iyo sa hirap at ginhawa. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Marahil ay inaakala mong may nakilala ka nang ganiyan sa eskuwelahan, isang kaklase mo na napakadali mong nakapalagayang-loob. Pareho kayo ng mga hilig at nasisiyahan kayong magkuwentuhan. Totoo, maaaring hindi mo nga kapananampalataya ang taong iyon; pero para sa iyo, hindi rin naman siya maituturing na ‘masamang kasama.’ (1 Corinto 15:33) Sabihin pa, sumusunod din sa mga pamantayang moral ang ilang kabataang hindi mo kapareho ng paniniwala sa Bibliya. (Roma 2:14, 15) Pero nangangahulugan ba iyan na dapat kang maging malapít sa kanila?

Hindi Ibinubukod ng mga Kristiyano ang Kanilang Sarili

Maliwanag na hindi nilalayuan ng mga tunay na Kristiyano ang mga taong hindi nila kapananampalataya. Aba, upang maisagawa ang kanilang atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” nakikipag-usap ang mga Kristiyano sa mga lalaki at mga babae anuman ang kanilang lahi, relihiyon, at kultura. (Mateo 28:19) Hindi sila umiiwas sa pakikisama sa kanilang mga kapitbahay, katrabaho, o mga kaeskuwela, ni ibinubukod man nila ang kanilang sarili. Sa halip, ang mga Kristiyano ay nagmamalasakit sa iba.

Nagpakita ng mainam na halimbawa si apostol Pablo sa bagay na ito. Alam niya kung paano makipag-usap “sa lahat ng uri ng tao,” kahit na iba ang kanilang pananampalataya. Siyempre pa, hindi layunin ni Pablo na makipagsamahan sa kanila. Sa halip, sinabi niya: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.”​—1 Corinto 9:22, 23.

Maaari mong tularan ang halimbawa ni Pablo. Maging palakaibigan sa iyong mga kaeskuwela. Maging mahusay sa pakikipagtalastasan sa kanila. Maaaring interesado ang ilan sa mga kaeskuwela mo hinggil sa iyong salig-Bibliyang pag-asa. Isaalang-alang ang karanasan ng isang batang babaing Kristiyano na nagngangalang Janet. Silang magkakaklase ay inatasang magsulat ng maikling komento tungkol sa bawat isa, at pagkatapos ay binasa ng bawat estudyante ang mga komento na tungkol sa kanila. Isa sa mga natanggap ni Janet ay nagsasabi: “Parang ang saya-saya mo lagi. Sabihin mo naman sa amin kung bakit!”

Gaya ng ipinakikita ng karanasang ito, posibleng gustong malaman ng ilan sa mga kaklase mo ang tungkol sa iyong mga paniniwala. Tiyak na may mga bentaha kung palakaibigan ka sa kanila. Walang-alinlangang magbibigay ito ng mga pagkakataon para maipaliwanag mo ang iyong mga paniniwala. Hayaan mong sabihin din ng iyong mga kaklase ang kanilang pananaw, at makinig nang mabuti kapag nagsasalita sila. Ang karanasan mo sa pakikipag-usap sa iyong mga kaklase ay tutulong sa iyo kapag nagtrabaho ka na at mapaharap sa katulad na mga situwasyon. Sa paaralan at sa trabaho, ang pagiging palakaibigan ay tutulong sa iyo na “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”​—Tito 2:10.

‘Pakikipamatok Nang Kabilan’

Siyempre pa, may kaibahan ang pagiging mabait sa iyong kaklase at ang pagiging matalik niyang kaibigan. Isinulat ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 6:14) Upang maging matalik na kaibigan ng isa, dapat ay pareho kayo ng mga pamantayan at tunguhin. Maliwanag na imposibleng mangyari iyan kung ang isa ay hindi naman sumasang-ayon sa iyong maka-Kasulatang mga paniniwala at pamantayan. Kapag nakipamatok ka nang kabilan sa isang di-sumasampalatayang kaklase, malamang na mahikayat ka niyang gumawa ng mali o sirain niya ang mabubuti mong pag-uugali.

Natuto si Maria sa kaniyang mapait na karanasan. Dahil napakapalakaibigan niya, madali siyang nagkaroon ng mga kaibigan, pero nahirapan siyang magtakda ng limitasyon. “Tuwang-tuwa ako kapag nagugustuhan ako ng mga tao,” ang pag-amin niya. “Kaya naman, unti-unti akong lumubog sa waring kumunoy ng sanlibutang ito.”

Tulad ni Maria, maaaring hindi mo napapansin na masyado ka na palang napapalapít sa mga taong hindi mo kapananampalataya. Gayunpaman, maiiwasan mo ang masaktan sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na mga hangganan kung sino lamang talaga ang pipiliin mong maging matalik na kaibigan. Paano mo ito magagawa?

Kung Paano Ka Pipili ng Tunay na mga Kaibigan

Gaya ng nabanggit na, nagkaroon ng matalik na mga kaibigan si Jesus nang narito siya sa lupa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pamumuhay nang matuwid, at pakikipag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay. Nagiging malapít sa kaniya ang mga taong tumatanggap sa kaniyang mga turo at paraan ng pamumuhay. (Juan 15:14) Halimbawa, matapos marinig si Jesus, apat na lalaki ang lubhang naantig anupat “iniwan [nila] ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.” Ang mga lalaking ito​—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan​—ay naging matalik na mga kaibigan ni Jesus.​—Lucas 5:1-11; Mateo 4:18-22.

Ipinakikita ng mga pananalita at pagkilos ni Jesus na seryoso siya sa kaniyang mga paniniwala at matibay ang kaniyang paninindigan. Iniwan siya ng mga taong ayaw sumunod sa kaniyang mga pamantayan, at hinayaan sila ni Jesus na umalis.​—Juan 6:60-66.

Bilang halimbawa, labis na naantig si Jesus sa kataimtiman ng isang binata. Sinasabi sa Bibliya: “Tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pag-ibig sa kaniya.” Subalit nang malaman ng binata kung ano ang inaasahan ni Jesus sa kaniyang mga kaibigan, “umalis” ito. Mukhang mabuting tao naman ang binatang iyon​—sa katunayan, “nakadama [si Jesus] ng pag-ibig sa kaniya.” Subalit higit pa roon ang hinihiling ni Jesus sa kaniyang mga kaibigan. (Marcos 10:17-22; Mateo 19:16-22) Kumusta ka naman?

Maaaring nakakapalagayang-loob mo ang isa sa mga kaeskuwela mo. Subalit tanungin ang iyong sarili: ‘Handa ba niyang sundin ang mga utos ni Jesus? Gusto ba niyang makilala si Jehova, ang isa na iniutos ni Jesus na sambahin?’ (Mateo 4:10) Kapag ipinakikipag-usap mo ito sa iyong mga kaklase at namumuhay ka ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, malalaman mo ang sagot sa mga tanong na ito.

Tama naman na maging mabait ka sa mga kaklase mo, kung paanong si Jesus ay naging palakaibigan sa lahat ng uri ng mga tao. Subalit tiniyak ni Jesus na ang matalik niyang mga kaibigan ay yaong mga umiibig sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. Maaari mo siyang tularan. “Panatilihing mainam ang [iyong] paggawi” sa paaralan, at mataktikang ipakipag-usap sa iba ang iyong mga paniniwala. Higit sa lahat, tiyakin mo na ang pipiliin mo ay ang pinakamahuhusay na kaibigan.​—1 Pedro 2:12.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

PAG-ISIPAN

▪ Anu-anong panganib ang maaaring mapaharap sa isa kapag ginugugol niya ang kaniyang libreng panahon pagkatapos ng klase kasama ng kaniyang di-sumasampalatayang kaklase? Isang katalinuhan ba na gawin iyon?

▪ Pagkabasa mo sa artikulong ito, sa tingin mo ba ay lumalampas na sa limitasyon ang pakikipagkaibigan mo sa iyong kaklase? Kung ganoon nga, ano ang maaari mong gawin hinggil dito?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

PAANO AKO MAKAHAHANAP NG TUNAY NA MGA KAIBIGAN?

Itinatampok sa video na How Can I Make Real Friends? (Paano Ako Makahahanap ng Tunay na mga Kaibigan?), na ginawa ng mga Saksi ni Jehova, ang taimtim na mga komento ng mga kabataan mula sa Estados Unidos, Italya, Pransiya, at Espanya hinggil sa pakikipagkaibigan. Makukuha ito sa 36 na wika.

[Larawan sa pahina 18]

Posibleng interesado sa iyong mga paniniwala ang ilan sa mga kaklase mo