Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ko ba Kailangang Magbasa?

Bakit Ko ba Kailangang Magbasa?

“Wala akong tiyagang magbasa. Mas gusto ko pang manood ng telebisyon.”​—Margarita, 13, Russia.

“Kung papipiliin ako kung magbabasa ako ng aklat o magbabasketbol, mas pipiliin kong maglaro.”​—Oscar, 19, Estados Unidos.

KUNG gumugol ka ng panahon para basahin ang pangungusap na ito, malamang na alam mong ang pagbabasa ay mahalagang kasanayan na dapat matutuhan. Pero baka para sa iyo, ang pagbabasa ng aklat o kahit artikulo lamang sa magasin ay gaya ng pag-inom ng gamot: Alam mong mabuti ito sa iyo, pero mas gusto mong iwasan ito.

Kinapanayam ng Gumising! ang mga kabataan sa 11 bansa para alamin ang masasabi nila sa mga hamon at kapakinabangan ng pagbabasa. Ganito ang naging komento nila.

Bakit mahirap para sa iyo ang pagbabasa?

“Bihira akong magkaroon ng panahon para rito.”​—Semsihan, 19, Alemanya.

“Mahirap magbasa. Medyo may katamaran kasi ako.”​—Ezekiel, 19, Pilipinas.

“Ayaw na ayaw kong pinipilit akong magbasa ng nakababagot na mga paksa.”​—Christian, 15, Inglatera.

“Kung manipis na aklat lang, baka subukan kong basahin ito. Pero kung makapal, nawawalan ako ng gana.”​—Eriko, 18, Hapon.

“Madaling maagaw ng ibang bagay ang atensiyon ko. Hindi ako makapagtuon ng pansin.”​—Francisco, 13, Timog Aprika.

Pinasisigla ang mga kabataang Kristiyano na magbasa ng Bibliya. (Awit 1:1-3) Nahihirapan ka bang gawin ito? Kung oo, bakit?

“Makapal na aklat ang Bibliya! Sa palagay ko, hindi ko ito matatapos basahin sa buong buhay ko!”​—Anna, 13, Russia.

“Ang ilang bahagi ng Bibliya ay mahirap intindihin at hindi gaanong kapana-panabik.”​—Jezreel, 11, India.

“Nahihirapan akong basahin ang Bibliya nang regular dahil napakagulo ng iskedyul ko.”​—Elsa, 19, Inglatera.

“Hindi ito madali para sa akin dahil nauubos ang panahon ko sa mga gawain sa bahay at sa paaralan.”​—Zurisadai, 14, Mexico.

“Nahihirapan akong magbasa ng Bibliya dahil hindi ko yata kayang bawasan ang panahon ko sa mga libangan.”​—Sho, 14, Hapon.

Maliwanag na hindi madali ang pagbabasa. Pero sulit bang magsikap? Paano ka nakinabang sa pagbabasa?

“Marami akong natutuhan sa pagbabasa, kaya naman nadagdagan ang kumpiyansa kong makipag-usap sa mga tao.”​—Monisha, 14, India.

“Narerelaks ako sa pagbabasa at nalilimutan ko ang mga problema ko.”​—Alison, 17, Australia.

“Dahil sa pagbabasa, parang napuntahan ko na rin ang mga lugar na imposible kong marating.”​—Duane, 19, Timog Aprika.

“Tumutulong sa akin ang pagbabasa para personal kong masaliksik ang mga bagay-bagay, sa halip na umasa na lamang sa sinasabi sa akin ng iba.”​—Abihú, 16, Mexico.

Ano ang nakatulong sa iyo na magustuhan ang pagbabasa?

“Musmos pa ako, pinasisigla na ako ng aking mga magulang na magbasa nang malakas.”​—Tanya, 18, India.

“Hinimok ako ng mga magulang ko na gamitin ang aking imahinasyon samantalang nagbabasa at ilarawan sa isip ko ang mga pangyayari.”​—Daniel, 18, Inglatera.

“Iminungkahi ng tatay ko na basahin ko muna ang mga aklat ng Bibliya na mas kawili-wili para sa akin, tulad ng Awit at Kawikaan. Gustung-gusto ko na ngayong magbasa ng Bibliya, hindi na ito pabigat.”​—Charene, 16, Timog Aprika.

“Apat na taóng gulang pa lamang ako, may sarili na akong mesa galing sa mga magulang ko at isang istante na puno ng mga aklat na itinabi nila para sa akin mula noong isilang ako.”​—Airi, 14, Hapon.

Sa palagay mo, bakit mahalagang magbasa ng Bibliya?

“Maraming maling akala ang mga tao hinggil sa Bibliya. Mas mabuti kung ikaw mismo ang magsusuri ng mga bagay na ito.” (Gawa 17:11)​—Matthew, 15, Estados Unidos.

“Kailangan mong magsunog ng kilay sa pagbabasa ng Bibliya. Pero ang pagbabasa nito ay nakatulong sa akin na maipahayag ang aking sarili nang may kumpiyansa at maliwanag kapag nakikipag-usap ako sa iba tungkol sa aking mga paniniwala.” (1 Timoteo 4:13)​—Jane, 19, Inglatera.

“Kapag nagbabasa ako ng Bibliya, parang nakikipag-usap mismo sa akin si Jehova. Naaantig nito ang damdamin ko kung minsan.” (Hebreo 4:12)​—Obadiah, 15, India.

“Unti-unti na akong nasisiyahan sa pagbabasa ng Bibliya dahil sinasabi nito kung ano ang tingin ni Jehova sa akin at binibigyan ako nito ng magagandang payo.” (Isaias 48:17, 18)​—Viktoriya, 14, Russia.

Kailan ka nagbabasa ng Bibliya at ng mga literatura sa Bibliya?

“May iskedyul ako. Nagbabasa ako ng isang kabanata ng Bibliya pagkagising ko sa umaga.”​—Lais, 17, Brazil.

“Nagbabasa ako ng Bibliya at ng iba pang Kristiyanong literatura sa tren habang nagbibiyahe ako papuntang paaralan. Apat na taon ko nang rutin ito.”​—Taichi, 19, Hapon.

“Nagbabasa ako ng ilang bahagi ng Bibliya gabi-gabi bago ako matulog.”​—Maria, 15, Russia.

“Nagbabasa ako ng apat na pahina ng alinman sa ‘Ang Bantayan’ o ‘Gumising!’ araw-araw. Natatapos kong basahin ang buong magasin bago dumating ang susunod na isyu.”​—Eriko, 18, Hapon.

“Nagbabasa ako ng Bibliya tuwing umaga bago pumasok sa eskuwelahan.”​—James, 17, Inglatera.

Gaya ng ipinakikita ng mga komento sa itaas, ang pagbabasa ay magbibigay sa iyo ng higit na kumpiyansa at magpapalawak ng iyong kaalaman. Ang pagbabasa ng Bibliya at ng mga literaturang salig sa Bibliya​—gaya ng magasing ito​—ay tutulong din sa iyo na ‘mapalapit sa Diyos.’ (Santiago 4:8) Kaya kahit na isang hamon sa iyo ang pagbabasa, huwag kang susuko!

PAG-ISIPAN

▪ Bakit mahalagang basahin mo ang Salita ng Diyos?

▪ Paano ka ‘makabibili ng panahon’ para mabasa ang Bibliya at ang mga literaturang salig sa Bibliya?​—Efeso 5:15, 16.

[Kahon sa pahina 16]

IUGNAY

Iugnay ang iyong binabasa sa mga bagay na dati mo nang alam tungkol sa iyong sarili at sa iyong kapaligiran. Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:

Sa Nabasa Mo Na Ang mga situwasyon at problema bang inilalarawan ay katulad ng nabasa ko na sa ibang aklat, magasin, o kuwento? Ang katangian ba ng mga karakter ay katulad ng katangian ng mga tauhan sa ibang kuwento?

Sa Iyong Sarili Paano nauugnay ang impormasyong ito sa aking kalagayan, kultura, at mga problema? Magagamit ko ba ang impormasyon para maharap ko ang mga suliranin o mapabuti pa ang aking buhay?

Sa Iyong Kapaligiran Ano ang itinuturo sa akin ng mga babasahing ito tungkol sa kalikasan, kapaligiran, iba’t ibang kultura, o mga problema sa lipunan? Ano ang itinuturo sa akin ng impormasyong ito tungkol sa Maylalang?