Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Timbang sa Trabaho

Maging Timbang sa Trabaho

Maging Timbang sa Trabaho

SA MGA panahong ito na bagsak ang ekonomiya, hangad ng marami na magkaroon ng matatag na trabahong makatutugon sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi ito laging madali, lalo’t libu-libo ang nawawalan ng trabaho. Kung isa ka sa mga biglang nawalan ng trabaho, malamang na nagkukumahog ka ngayon sa paghahanap ng ibang trabaho.​—Tingnan ang mga kahon sa pahina 8 at 9.

Pero hindi lang trabaho ang mahalaga sa buhay. Ganito ang sabi ni Glenn, isang ama ng tahanan sa Australia, “Sa totoo lang, walang sinumang naghihingalo ang magsasabi, ‘Sana, mas maraming oras ang ginamit ko sa trabaho.’” Siyempre pa, para magkaroon ng kasiya-siya at makabuluhang buhay, kailangan nating magtrabaho. Pero hindi lang iyan ang dapat gawin. Kailangan ding maglaan ng panahon sa pamilya, paglilibang, at sa Diyos. Paano ka magiging timbang sa mahahalagang aspektong ito ng iyong buhay?

Panahon sa Trabaho, Panahon sa Sarili

Sinasabi sa atin ng Bibliya na magsikap sa pagtatrabaho para sa ating pamilya. (Efeso 4:28) Pero pinasisigla rin tayo nito na ‘kumain, uminom, at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng ating pagpapagal.’ (Eclesiastes 3:13) Oo, kung nagtatrabaho ka nang maraming oras, pero wala namang sapat na pahinga o paglilibang, mababawasan ang kagalakan mo. At puwede rin itong magdulot ng malubhang sakit.

Ang pagiging subsob sa trabaho sa loob ng matagal na panahon ay posibleng maging sanhi ng sobrang katabaan, sakit sa puso, aksidente sa trabaho, pagiging alkoholiko at drug dependent, pagkabalisa, sobrang pagod, depresyon, at maraming iba pang karamdamang dulot ng stress. Nakamamatay rin ang pagiging subsob sa trabaho. Ayon sa isang ulat, tinatayang mga 10,000 katao ang namamatay sa Hapon taun-taon dahil sa pagiging subsob sa trabaho​—sindami ng namamatay sa aksidente sa sasakyan sa bansang iyon taun-taon. Ang penomenong ito​—na tinatawag nilang karoshi​—ay nangyayari din sa ibang mga bansa.

Pansinin ang matalinong payo ng Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Kaya napakahalagang maging timbang. Huwag hayaang maging obsesyon ang propesyon. Pangalagaan ang iyong mental, pisikal, at emosyonal na kalusugan​—magpahinga at masiyahan sa mga bunga ng iyong pagpapagal.

“Dapat tayong magtrabaho para mabuhay, hindi mabuhay para magtrabaho,” ang sabi ni Andrew na may tatlong anak. Kapag naglalaan ka ng panahon sa pagrerelaks at paglilibang, mabibigyan mo rin ng pansin ang pangangailangan ng iyong pamilya. Pero hindi ito madali, lalo na kung marami kang bayarin.

Maging Timbang sa Iyong Trabaho at Pamilya

Ang daming pinagkakaabalahan ng mga pamilya sa ngayon kaya kulang sila ng panahon sa isa’t isa. “Sa trabaho nauubos ang lakas ko at tira-tira na lang ang napupunta sa mga bata,” ang sabi ng isang ina na taga-Inglatera. Ipinakikita ng isang pag-aaral sa Estados Unidos na 1 sa bawat 5 tin-edyer ang nagsabing ‘kakulangan ng panahon ng magulang’ ang pangunahin nilang ikinababahala. Ayon sa isa pang pag-aaral sa bansang iyon, 12 minuto lang nakakapag-usap bawat araw ang mga mag-asawang parehong nagtatrabaho.

Palibhasa’y nauubos na sa trabaho ang kanilang panahon, sinuri ng marami ang kanilang kalagayan at gumawa sila ng mga pagbabago. Si Timothy, na may dalawang maliit na anak, ay nagsabi: “Nag-o-obertaym ako. Si Misis naman, nagtatrabaho kapag dulong sanlinggo. Halos hindi na kami nagkikita. Kaya sinuri namin ang aming pamumuhay at nag-adjust kami. Di-hamak na mas maligaya na kami ngayon.” Ganito naman ang sabi ni Brian, manedyer ng isang tindahan: “Malapit nang ipanganak ng asawa ko ang pangalawa naming anak. Para magkaroon ako ng higit na panahon sa aking pamilya, naghanap ako ng ibang trabaho. Mas mababa nang $10,000 kada taon [halos P500,000] ang naging suweldo ko, pero sulit naman ito!” Si Melina naman ay nagbitiw sa trabaho nang isilang niya ang kaniyang panganay na anak. “Ang hirap talaga kapag isa lang ang kumakayod,” ang sabi niya. “Pero naisip naming mag-asawa na makabubuting manatili na lang ako sa bahay para alagaan si Emily kaysa ipaalaga siya sa iba.”

Pero tandaan na maraming pamilya ang isang kahig, isang tuka. Para makaraos, may ilang magulang na dala-dalawa ang trabaho. Sa ibang kaso naman, parehong nagtatrabaho ang mag-asawa at inihahabilin na lang ang mga bata sa lolo’t lola nito o sa isang child-care center.

Baka may maisip ka pang ibang paraan para maging timbang ka sa iyong obligasyon sa trabaho at pamilya. Ang mahalaga ay ito: Huwag gawing priyoridad ang trabaho para hindi maisakripisyo ang kagalakan ng pamilya.

Tiyak na makikinabang ka nang husto kapag timbang ka sa iyong trabaho, paglilibang, at pamilya. Sa huling artikulo, tatalakayin natin ang napakahalagang susi para ikaw ay maging simple at timbang sa buhay.

[Blurb sa pahina 5]

Huwag hayaang maging obsesyon ang propesyon

[Blurb sa pahina 5]

“Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6

[Blurb sa pahina 6]

Huwag gawing priyoridad ang trabaho para hindi maisakripisyo ang kagalakan ng pamilya

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

PERA O PANAHON?

Naniniwala ang ilang iskolar noong ika-20 siglo na dahil sa pag-unlad ng teknolohiya, hindi na kailangang magpakahirap ang mga tao sa pagtatrabaho at mararanasan na ang “panahon ng pagrerelaks.”

Noong unang mga taon ng dekada ng 1930, inihula ni Propesor Julian Huxley na sa hinaharap wala nang magtatrabaho nang mahigit sa dalawang araw bawat linggo. Sinabi naman ng negosyanteng si Walter Gifford na sa tulong ng teknolohiya, “magagawa ng bawat isa ang anumang nais niya . . . , may panahon na para sa mga gawaing talagang magpapasaya sa puso at magpaparelaks sa isip.”

Paano naman ang materyal na mga bagay na inaasam ng mga tao? Ipinagmalaki ng sosyologong si Henry Fairchild na sobra-sobrang produkto ang magagawa ng mga pabrika, kahit magtrabaho lang nang apat na oras bawat araw ang mga manggagawa.

Nagkatotoo ba ang mga hulang iyon? Talagang napakabilis ng pag-unlad ng ekonomiya noong ika-20 at ika-21 siglo. Kung tutuusin, ang laki na sana ng iginaan ng trabaho. Pero ano ang nangyari? Ganito ang isinulat ni John de Graaf: “Sa halip na magrelaks, ginagamit ng mga [tao] ang dapat sana’y ekstrang panahon nila para kumita pa nang higit at makabili ng mas maraming materyal na mga bagay. Sa madaling salita, mas pinipili natin ang pera kaysa sa panahon.”