Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalikasan ang Nauna

Kalikasan ang Nauna

Kalikasan ang Nauna

“Ang taingang nakaririnig at ang matang nakakakita​—ang mga iyon ay kapuwa ginawa ni Jehova.”​—Kawikaan 20:12.

ANG iyong mga mata ay parang maliit na TV camera. Ginagawa nitong electrical signal ang mga imaheng nakikita mo. Ang mga signal namang ito ay daraan sa optic nerve papunta sa likurang bahagi ng utak, kung saan pinoproseso ang imahe.

Kahit maliit lang​—24 na milimetro ang diyametro at 7.5 gramo ang bigat​—kamangha-mangha ang pagkakadisenyo sa mata. Halimbawa, mayroon itong magkahiwalay na sistema para sa madilim at maliwanag na ilaw. Kaya 30 minuto pagkapasok mo sa isang madilim na kuwarto, nagiging 10,000 ulit na mas sensitibo sa liwanag ang iyong mga mata.

Kapag normal ang liwanag, paano mo nakikita nang malinaw ang isang larawan? Ang iyong mata ay may mga cell (pixel) na sensitibo sa liwanag. Mahigit 100 ulit na mas marami ang mga ito kaysa sa cell (pixel) ng karamihan ng mga video camera. Bukod diyan, karamihan ng mga cell na ito ay nasa fovea, isang maliit na bahagi sa gitna ng retina, na siyang nagbibigay ng pinakamalinaw na imahe. Dahil ilang ulit na lumilipat ang iyong tingin kada segundo, nagmumukhang malinaw ang kabuuan ng nakikita mo. Ang kahanga-hanga rito, ang fovea ng iyong mata ay halos kasinlaki lang ng tuldok sa dulo ng pangungusap na ito.

Ang mga electrical signal mula sa mga cell na sensitibo sa liwanag ay ipinapasa ng isang nerve cell sa isa pang nerve cell papunta sa optic nerve. Pero hindi lang iyan ang ginagawa ng nerve cell. Bago nito ipasa ang mga signal, pinatitingkad muna nito ang mahalagang impormasyon at pinalalabo ang mga di-kinakailangang detalye.

Ang visual cortex ng iyong utak ay parang isang hi-tech na video receiver. Ginagawa nitong malinaw at pino ang mga detalye ng imahe at pinaghahambing-hambing ang mga signal mula sa mga cell na sensitibo sa pangunahing mga kulay. Kaya naman nakakakita ka ng milyun-milyong kulay. Pinaghahambing din ng utak ang maliliit na pagkakaiba sa nakikita ng dalawa mong mata para malaman mo ang distansiya.

Isipin ito: May nakikita kang grupo ng mga tao sa di-kalayuan. Ang iyong mga mata ay magpapadala ng mga electrical signal sa iyong utak, na siyang magpoproseso sa mga signal para maging malinaw na imahe. Ihahambing ng utak ang mga detalye ng mukha ng mga taong iyon sa mga detalyeng nasa iyong memorya para agad mong makilala kung sino sa kanila ang kaibigan mo. Hindi ba’t kagila-gilalas ang prosesong iyan?

[Larawan sa pahina 7]

Ang paraan ng pagpoproseso ng mata sa impormasyon ay nagpapakitang kamangha-mangha ang pagkakadisenyo rito