Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ka Makakaraos

Kung Paano Ka Makakaraos

Kung Paano Ka Makakaraos

KAILANGAN ng maingat na pagpaplano para makaraos. Idiniin ni Jesus ang bagay na ito. Sinabi niya: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28, 29) Ayon sa simulaing ito, kung magbabadyet ka, ‘matutuos mo ang iyong gastusin’ depende sa perang hawak mo. Paano? Subukan ito:

Pagtanggap mo ng suweldo, magbadyet para sa gastusin sa kasalukuyan at sa hinaharap. (Tingnan ang kahon sa  pahina 8.) Kung gagawin mo ito, makikita mo kung saan napupunta ang iyong pera at kung magkano ang napupunta sa mga bagay na hindi kailangan. Sa gayon, makikita mo kung saan ka magtitipid.

Para matutong magbadyet, subukan ang sumusunod na mungkahi.

Maging Matalino sa Pamimilí

Nang mawalan ng trabaho si Raúl, binago ng asawa niyang si Bertha ang paraan ng pamimilí nito. “Naghanap ako ng mga discount coupon at mga produktong buy one, take one,” ang sabi niya. Subukan ang iba pang mungkahi:

Planuhin ang iyong iluluto sa loob ng isang linggo depende sa kung ano ang naka-sale.

● Bumili ng mga sangkap at magluto sa halip na bumili ng mga ready-to-eat na pagkain.

● Dagdagan ang pagbili ng mga produktong naka-sale o mura dahil nasa panahon ito.

● Bumili nang maramihan, pero hindi naman sobra dahil baka masira lang ito.

● Magtipid sa pamamagitan ng pagbili ng mga segunda-manong damit.

● Kung hindi naman magastos sa pamasahe o gasolina, sadyain ang mga tindahang mura ang bilihin.

● Bawasan ang dalas ng pamimilí. *

Gumawa ng Listahan

“Kailangan naming magbadyet,” ang sabi ni Fred, “kaya inililista ko ang mga dapat naming bayaran agad at kung magkano pa ang kakailanganin namin para sa buwang iyon.” Sinabi ng asawa niyang si Adele: “Kapag namimilí, alam ko kung magkano lang ang gagastusin. Kung minsan, kapag may kailangan akong bilhin para sa mga bata o sa bahay, tinitingnan ko muna ang badyet at sasabihin ko, ‘Hindi pa namin ito kayang bilhin, kaya sa susunod na buwan na lang.’ Nakakatulong talaga ang paggawa ng listahan!”

Mag-isip Muna Bago Bumili

Ugaliing tanungin ang sarili: ‘Kailangan ko ba talaga ito? Talaga bang hindi ko na puwedeng gamitin itong luma, o gusto ko lang ng bago?’ Kung bihira mo lang gagamitin ang isang bagay, maaari kayang umarkila ka na lang? Kung madalas mo naman itong gagamitin, puwede kayang segunda-mano na lang ang bilhin mo?

Maaaring maliliit na bagay lang ang nabanggit na mga mungkahi, pero kung pagsasama-samahin, malaki ang maitutulong nito! Kung magiging ugali mo nang magtipid sa maliliit na bagay, magagawa mo rin ito sa malalaki.

Maging Mapamaraan

Maging mapamaraan para makatipid sa mga bagay na hindi natin kailangan. Halimbawa, sinabi ni Adele: “Dalawa ang kotse namin, pero ibinenta na namin ang isa. Para makatipid sa gasolina, pinupuntahan na namin lahat ng kailangan naming puntahan sa isang biyahe. Kung ano lang ang kailangan, iyon lang ang binibili namin.” Maaari mo ring gawin ang mga sumusunod:

● Magtanim ng mga gulay sa iyong hardin.

● Sundin ang mga tagubilin sa manual ng binili mong kagamitan para tumagal ito.

● Magbihis agad pag-uwi ng bahay para hindi madaling maluma ang mga damit panlakad.

Huwag Mong Ibukod ang Iyong Sarili!

Inilalayo ng maraming nawawalan ng trabaho ang kanilang sarili sa iba. Pero hindi gayon si Fred! Sinuportahan siya ng kaniyang pamilya, pati na ng kaniyang malalaki nang anak. “Natutuhan naming magdamayan sa maraming bagay kaya lalo kaming naging malapít sa isa’t isa,” ang sabi niya. “Alam naming lahat na kailangan naming magtulungan.”

Pinalakas din si Fred ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano na regular niyang nakakausap sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. “Sa tuwing dumadalo ako ng mga pulong Kristiyano, palagi akong napapatibay,” ang sabi niya. “Napakabait ng lahat at tinutulungan nila kami. Nakita naming may karamay kami.”​—Juan 13:35.

Matutulungan Ka ng Iyong Pananampalataya

Milyun-milyon sa mga nawawalan ng trabaho ang masama ang loob sa kanilang mga employer. Pakiramdam nila, dinaya sila ng mga ito. Nawalan na ng pag-asa si Raúl, na binanggit kanina, dahil dalawang beses na siyang biglang natanggal sa trabaho​—una sa Peru, ang bansang pinagmulan niya, at pagkatapos, sa New York City. Nang matanggal sa trabaho sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya, “Talagang walang kasiguruhan ang buhay ngayon.” Ilang buwan na siyang naghahanap ng trabaho at hindi pa rin siya makakita. Ano ang nakatulong kay Raúl? Sinabi niya, “Nalinang ko ang malapít na kaugnayan sa Diyos at alam kong mas sigurado ang magiging buhay ko kung sa kaniya ako magtitiwala.”

Saksi ni Jehova si Raúl at nakatulong sa kaniya ang pag-aaral ng Bibliya para tumibay ang pananampalataya sa isang maibiging makalangit na Ama, na nangangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Pero mahirap ang buhay. “Nananalangin kami para sa pangangailangan namin sa araw-araw, at natuto kaming maging masaya sa kung ano ang inilalaan ng Diyos,” ang sabi niya. Sinabi naman ng asawa ni Raúl na si Bertha: “Natatakot ako kung minsan. Iniisip ko kung magkakatrabaho pa kaya si Raúl. Pero sinasagot ni Jehova ang mga panalangin namin. Pinaglalaanan Niya kami sa araw-araw. Kaunti lamang ang tinataglay namin ngayon, pero mas simple naman ang buhay namin.”

Dahil Saksi ni Jehova si Fred, nakatulong sa kaniya nang malaki ang pag-aaral ng Bibliya para maharap niya ang kaniyang sitwasyon. Sinabi niya, “Kung minsan, akala natin, matatag na ang buhay natin dahil sa ating trabaho, posisyon, o pera sa bangko. Pero natutuhan kong magiging matatag lamang ang buhay ko kung sa Diyos na Jehova ako aasa, at ang pakikipagkaibigan sa kaniya ang tanging makapagbibigay ng tunay na kapanatagan.” *

[Mga talababa]

^ par. 13 Ayon sa isang pag-aaral, halos 60 porsiyento ng mga pinamimilí ay wala sa plano.

^ par. 30 Para sa higit pang impormasyon kung paano magbabadyet ng pera, tingnan ang isa pa naming magasin, Ang Bantayan ng Agosto 1, 2009, pahina 10-12.

[Blurb sa pahina 9]

“Nananalangin kami para sa pangangailangan namin sa araw-araw, at natuto kaming maging masaya sa kung ano ang inilalaan ng Diyos”

[Kahon/Chart sa pahina 8]

 Kung Paano Magbadyet

(1) Isulat ang mahahalagang gastusin sa isang buwan. Ilista ang isang buwang gastos sa pagkain, upa o hulog sa bahay, gastos sa sasakyan, bayarin sa kuryente, tubig, gas, at iba pa. Para sa mga taunang bayarin, hatiin ito sa 12 buwan.

(2) Ikategorya ang mga gastusin. Isali dito ang pagkain, bahay, sasakyan at pagbibiyahe, at iba pa.

(3) Alamin kung magkano ang itatabi buwan-buwan para sa bawat kategorya. Para sa mga taunang bayarin, ‘tuusin’ kung magkano ang kailangang itabi bawat buwan.

(4) Isulat ang neto ng kinikita ng buong pamilya. Ibawas ang mga bayaring gaya ng tax. Ikumpara ito sa mga gastusin.

(5) Itabi buwan-buwan ang perang kailangan para sa bawat kategorya. Maaaring gumamit ng mga sobre para sa bawat kategorya. Ilagay sa angkop na sobre ang perang kailangan.

Babala: Kung may credit card ka, mag-ingat sa paggamit nito! Madalas na hindi nasusunod ang badyet dahil natutukso ang isa na gamitin ang credit card sa pagbili ng mga bagay na hindi pa kaya ng bulsa.

[Chart]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Buwanang Kita

NETO NG BUWANANG SUWELDO ₱․․․․․ IBA PA ₱․․․․․

NETO NG SUWELDO

NG MGA KAPAMILYA ₱․․․․․ KABUUANG KITA

₱․․․․․

Badyet Aktuwal

na Buwanang Gastos na Buwanang Gastos

₱․․․․․ Upa o Hulog ₱․․․․․

₱․․․․․ Insurance/​Tax ₱․․․․․

₱․․․․․ Kuryente, Tubig, at Gas ₱․․․․․

₱․․․․․ Sasakyan ₱․․․․․

₱․․․․․ Paglilibang/Pagbibiyahe ₱․․․․․

₱․․․․․ Telepono ₱․․․․․

₱․․․․․ Pagkain ₱․․․․․

₱․․․․․ Iba pa ₱․․․․․

KABUUANG BADYET AKTUWAL NA GASTOS

₱․․․․․ ₱․․․․․

Ikumpara ang Kita sa Gastos

BUWANANG KITA ₱․․․․․

MINUS− BALANSE

BUWANANG GASTOS ₱․․․․․ ₱․․․․․