Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangampanya ng mga Ateista

Pangangampanya ng mga Ateista

Pangangampanya ng mga Ateista

MAY bagong grupo ng mga ateista sa ngayon. Ayaw na nilang manahimik. Sila ay “masigasig at determinadong igiit sa mga relihiyoso ang kanilang paniniwala,” ang isinulat ng kolumnistang si Richard Bernstein. Puntirya ng mga ateistang ito kahit ang mga agnostiko dahil ayaw nila na may anumang pag-aalinlangan. Para sa kanila, walang Diyos. Wala nang dapat pag-usapan pa.

“Kailangang tanggapin ng daigdig na ang matagal nang mga relihiyosong paniniwala ay ilusyon lang,” ang sabi ni Steven Weinberg, na tumanggap ng Nobel Prize. “Dapat naming gawin bilang mga siyentipiko ang anumang magagawa namin para pahinain ang impluwensiya ng relihiyon at baka ito ang maging pinakamahalagang ambag namin sa sibilisasyon.” Para magawa nila ito, naglabas sila ng mga publikasyon, na waring marami ang nagkakainteres. Naging best seller pa nga ang aklat ng ilang bagong mga ateista.

Bukod diyan, ang relihiyon ay isa sa mga dahilan kung bakit lumitaw ang mga bagong ateista. Sawa na ang mga tao sa pagiging radikal ng relihiyon, terorismo, at alitan sa daigdig sa ngayon. “Isang lason ang relihiyon,” ang sabi ng isang kilalang ateista. At sinasabing kabilang sa “lason” na ito ang pangkalahatang paniniwala ng mga relihiyon, hindi lang ang radikal na mga paniniwala. Sinabi pa ng mga bagong ateista na ang pangunahing mga turo ay dapat ibunyag, ibasura, at palitan ng lohikal na pangangatuwiran at katotohanan. Hindi dapat matakot ang mga tao na maging prangka tungkol sa “napakaraming walang-kuwentang turo [ng mga banal na aklat] na sumisira lang ng buhay,” ang isinulat ng ateistang si Sam Harris. “Kailangan na nating maging deretsahan.”

Hinahamak ng mga ateista ang relihiyon, pero iginagalang nila ang siyensiya. Inaangkin pa nga ng ilan na pinatutunayan ng siyensiya na hindi umiiral ang Diyos. Pero napatunayan ba ito? Mapatutunayan kaya ito? “Darating ang panahon na sa magkabilang panig ng argumentong ito, may mananalo at may matatalo,” ang sabi ni Harris.

Sa tingin mo, aling panig ang mananalo? Habang pinag-iisipan mo ito, tanungin ang iyong sarili: ‘Masama bang maniwala sa isang Maylalang? Mas mabuti kaya ang kalagayan ng daigdig kung lahat ng tao ay ateista?’ Tingnan natin kung ano ang sinabi ng ilang iginagalang na mga siyentipiko at pilosopo tungkol sa ateismo, relihiyon, at siyensiya.