Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mapapalapít Ka ba sa Diyos Kung Pahihirapan Mo ang Iyong Sarili?

Mapapalapít Ka ba sa Diyos Kung Pahihirapan Mo ang Iyong Sarili?

PARA sa marami, hindi katanggap-tanggap ang ideya ng pagpapahirap sa sarili. Gayunman, itinuring na may takot sa Diyos ang mga mananambang nagpahirap sa kanilang sarili sa pamamagitan ng paghagupit, pag-aayuno, at pagdadamit ng balahibo ng hayop na nakaiirita sa balat. Hindi lang noong unang panahon ginagawa ang mga iyon. Ayon sa isang ulat, maging ang prominenteng mga lider ng relihiyon sa ngayon ay hinahagupit ang kanilang sarili.

Bakit ganito ang kanilang pagsamba? Ayon sa isang tagapagsalita ng isang organisasyong nag-aangking Kristiyano, “ang kusang pagpapahirap sa sarili ay isang paraan para maging kaisa ni Jesu-Kristo at danasin din ang mga pasakit na kusa niyang tiniis para tubusin tayo sa kasalanan.” Pero ano ba talaga ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?

Pangalagaan ang Iyong Katawan

Hindi inirerekomenda ni pinahihintulutan man ng Bibliya na sambahin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapahirap sa sarili. Ang totoo, laging hinihimok ng Bibliya ang mga taong may takot sa Diyos na alagaan ang kanilang katawan. Pansinin kung paano inilalarawan ng Bibliya ang pagmamahalan ng mag-asawa. Ginamit nitong halimbawa ang likas na pagtrato ng isang lalaki sa kaniyang katawan. Sinabi nito: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan . . . Walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”​—Efeso 5:28, 29.

Ano ang saysay ng utos na ibigin ang asawang babae gaya ng sariling katawan kung sasaktan din lang pala ng isang mananamba ang kaniyang katawan? Malinaw na ang mga umiibig sa mga prinsipyo ng Kasulatan ay inaasahan na pangalagaan at ibigin pa nga ang kanilang sarili. Kaya ganito rin nila dapat ibigin ang kanilang asawa.

Kaya naman, maraming prinsipyo sa Bibliya na tumutulong sa mga bumabasa nito para pangalagaan ang kanilang sarili. Halimbawa, binabanggit sa Bibliya ang pakinabang ng katamtamang ehersisyo. (1 Timoteo 4:8) Sinasabi rin nito na nakagagamot ang ilang pagkain at ipinahihiwatig na nakasasamâ sa katawan ang maling diyeta. (Kawikaan 23:20, 21; 1 Timoteo 5:23) Hinihimok ng Kasulatan ang mga tao na maging malusog para maging aktibo sila hangga’t posible. (Eclesiastes 9:4) Ang mga bumabasa ng Bibliya ay inaasahan na ingatan ang kanilang kalusugan sa ganitong mga paraan. Tiyak na hindi sila aasahang saktan din ang kanilang katawan.​—2 Corinto 7:1.

Dapat Bang Isadula ng mga Kristiyano ang Paghihirap ni Jesus?

Sa ngayon, ginagawang dahilan ng ilang organisasyon ang pagdurusang dinanas ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod para ipagmatuwid ang pagpapahirap sa sarili. Pero ang mga pagdurusang dinanas ng mga lingkod ng Diyos noon ay hindi pagpapasakit sa sarili. Nang tukuyin ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya ang pagdurusa ni Kristo, ginawa nila iyon para pasiglahin ang mga Kristiyano na pagtiisan ang pag-uusig​—hindi para usigin ang kanilang sarili. Kaya hindi si Jesu-Kristo ang tinutularan ng mga nagpapahirap sa sarili.

Isipin ito: Nakita mo na nilalait at sinasaktan ng mga mang-uumog ang mahal mong kaibigan. Napansin mong kalmado at payapa siya, ni hindi man lang gumaganti. Kung gusto mong tularan ang iyong kaibigan, sasaktan at lalaitin mo ba ang iyong sarili? Siyempre hindi, dahil parang ginaya mo na rin ang mga mang-uumog. Sa halip, sisikapin mong huwag gumanti kapag nalagay ka sa gayong sitwasyon.

Kung gayon, maliwanag na hindi inaasahan na pahihirapan ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang sarili na para bang kailangan nilang tularan ang mga mang-uumog na nagpahirap at gustong pumatay kay Jesus. (Juan 5:18; 7:1, 25; 8:40; 11:53) Sa halip, kapag napaharap sa pag-uusig, dapat nilang tularan ang pagiging kalmado at payapa ni Jesus sa harap ng pagdurusa.​—Juan 15:20.

Isang Paglabag sa Kasulatan

Bago pa man ang panahong Kristiyano, ipinagbawal na ng Kasulatan, na nagsilbing patnubay sa buhay at pagsamba ng mga Judio, ang pananakit sa sarili. Halimbawa, ang mga Judio ay tuwirang pinagbawalan ng Kautusan na maghiwa sa kanilang katawan bagaman karaniwan ito noon sa di-Judiong mga bansa. (Levitico 19:28; Deuteronomio 14:1) Kung ayaw ng Diyos na hiwaan ng isa ang kaniyang katawan, tiyak na ayaw rin Niyang masugatan ito ng mga panghagupit. Malinaw ang pamantayan ng Bibliya​—anumang sadyang pananakit sa sarili ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos.

Kung paanong gusto ng isang dalubsining na igalang ang kaniyang obra, gusto rin ng Diyos na Jehova na igalang ang katawan ng tao na Kaniyang nilikha. (Awit 139:14-16) Sa katunayan, ang pagpapahirap sa sarili ay hindi makatutulong sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Sa halip, nilalabag at pinipilipit nito ang mga turo ng mga Ebanghelyo.

Sa patnubay ng Diyos, ganito ang isinulat ni apostol Pablo tungkol sa mapaniil na mga doktrinang gawa ng tao: “Ang mismong mga bagay na iyon ay mayroon ngang kaanyuan ng karunungan sa isang ipinataw-sa-sariling anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang pagpapahirap sa katawan; ngunit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-lugod sa laman.” (Colosas 2:20-23) Talagang walang maitutulong ang pagpapahirap sa sarili para mapalapít ang isa sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga kahilingan ng Diyos para sa tunay na pagsamba ay nakagiginhawa, mabait, at magaan.​—Mateo 11:28-30.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Ano ang pangmalas ng Diyos sa katawan ng tao?​—Awit 139:13-16.

● Malalabanan mo ba ang maling mga pagnanasa sa pamamagitan ng pagpapahirap sa iyong sarili?​—Colosas 2:20-23.

● Dapat bang maging pabigat at malupit ang tunay na pagsamba?​—Mateo 11:28-30.

[Blurb sa pahina 11]

Malinaw ang pamantayan ng Bibliya​—anumang sadyang pananakit sa sarili ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos

[Larawan sa pahina 10]

Isang debotong umaakyat nang paluhod sa simbahan

[Credit Line]

© 2010 photolibrary.com