Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Paglalakbay ng Sea Turtle

Ang Paglalakbay ng Sea Turtle

● Ang paglalakbay ng sea turtle mula sa dako kung saan ito nanginginain patungo sa dalampasigan kung saan ito nangingitlog ay itinuturing ng mga mananaliksik na “isa sa pinakakahanga-hangang nagagawa ng isang hayop.” Kaya sa loob ng maraming dekada, gustung-gusto nilang pag-aralan ang reptilyang ito.

Pag-isipan ito: Tuwing dalawa hanggang apat na taon, ang mga babaing pagong ay nagtutungo sa dalampasigan para mangitlog​—mga isang daang itlog sa isang pugad​—at tinatabunan ang mga ito ng buhangin. Kapag napisa na, pumupunta sa karagatan ang mga ito para simulan ang kamangha-manghang paglalakbay na sa kabuuan ay maaaring umabot nang mga 12,900 kilometro. Pagkalipas ng mga taon, ang mga babaing pagong na malalaki na ay bumabalik para mangitlog​—doon sa mismong dalampasigan kung saan sila napisa!

Paano nila nagagawa ang paglalakbay na ito? “Parang mayroon silang magnetikong mapa,” ang sabi ng biyologong si Kenneth Lohmann ng University of North Carolina, sa Estados Unidos, na sinipi sa National Geographic News. Ipinakikita ng pananaliksik na natutukoy ng mga pagong ang lokasyon nila sa pamamagitan ng pagdetek sa anggulo at lakas ng magnetic field ng lupa. Dahil sa kamangha-manghang kakayahan na ito, nakapaglalakbay ang bagong-pisa at walang-kalaban-labang mga reptilyang ito nang mga 12,900 kilometro sa Atlantiko “nang hindi umaasa sa ibang pagong,” ang sabi ni Lohmann.

Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang kakayahang maglakbay ng sea turtle? O may nagdisenyo nito?

[Kahon sa pahina 25]

ALAM MO BA?

● Pagkatapos mangitlog ng babaing pagong, tinatabunan niya ang mga itlog at iniiwan na ang mga ito.

● Para makalabas sa shell, ginagamit ng maliliit na pagong ang kanilang espesyal na ngiping tinatawag na caruncle, na natatanggal din pagkalabas nila.

● Sa dagat ginugugol ng sea turtle ang 90 porsiyento ng buhay nito.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

© Masa Ushioda/WaterF/age fotostock