Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Nagiging Marahas ang Ilan

Kung Bakit Nagiging Marahas ang Ilan

Kung Bakit Nagiging Marahas ang Ilan

SI Joseba, isang lalaking taga-Espanya, ay tinanong kung bakit siya sumali sa isang militanteng grupo. “Hindi na namin matiis ang pang-aapi at kawalang-katarungan,” ang sabi niya. “Sa malaking lunsod ng Bilbao, kung saan ako nakatira, ang mga pulis ay bigla na lang nanloloob, nambubugbog, at nandarakip.”

Sinabi pa ni Joseba: “Isang umaga, inaresto ako dahil nagsalita ako laban sa ginagawa ng mga pulis. Galít na galít ako! Ayokong manahimik na lang. Parang gusto kong gumawa ng karahasan, kung kinakailangan, para mabago ang sitwasyon.”

Paghihiganti Dahil sa Pang-aapi

Bagaman hindi binibigyang-katuwiran ng Bibliya ang karahasan, sinasabi nito na “dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Marami ang galít na galít kapag pinagmamalupitan sila dahil sa kanilang lahi, relihiyon, o nasyonalidad.

Halimbawa, ganito ang sinabi ni Hafeni, na nabanggit sa nakaraang artikulo: “Sapilitang kinuha ang aming lupa. Kung ang mga hayop ay nakikipaglaban para sa kanilang teritoryo, natural lang din na ipaglaban namin ang aming mga karapatan at lupa.” Ganito ang pahayag ng isang militanteng suicide bomber na inilathala pagkamatay niya: “Hangga’t hindi n’yo itinitigil ang pambobomba, paggamit ng nakalalasong gas, pagbibilanggo, at pagpapahirap sa mga kababayan ko, hindi namin ititigil ang labang ito.”

Dahil sa Relihiyon

Bagaman ang gawain ng mga militante ay kadalasang udyok ng mga usapin sa lipunan, marami sa kanila ang gumagawa ng karahasan dahil sa relihiyon. Ganito ang natanggap na mensahe sa fax ng isang lider sa daigdig mula sa tagapagsalita ng isang militanteng grupo: “Hindi kami baliw at hindi rin kami uhaw sa kapangyarihan. Kami’y mga lingkod ng Diyos kaya nanghahawakan kami sa aming ipinaglalaban.”

May kinalaman sa papel ng relihiyon sa karahasan, ganito ang isinulat nina Daniel Benjamin at Steven Simon sa kanilang aklat na The Age of Sacred Terror: “Sa daigdig na nagiging mas relihiyoso, maraming tagasunod ng malalaking relihiyon at ng nagsusulputang mga kulto ang naniniwalang dapat na maging bahagi ng kanilang pagsamba ang karahasan.” Pagkatapos idokumento ang ilang “agaw-eksenang mga gawang terorismo sa buong mundo,” sinabi ng isang mananaliksik: “Ang lahat ng gumagawa ng karahasan ay naniniwala na ang kanilang pagkilos ay may basbas, o iniutos pa nga, ng Diyos.”

Pero maraming militante ang may radikal na pangmalas na hindi naman kaayon ng mga turo at simulain ng kanilang relihiyon.

Dahil sa Pilat ng Damdamin

Si Joseba, na binanggit sa simula, ay pinahirapan nang husto matapos arestuhin. Sinabi niya: “Ang kalupitang naranasan ko ang kumumbinsi sa akin na tamang mapoot ako. Kung kailangan akong mamatay para magkaroon ng pagbabago, sulit na iyon.”

Kadalasan, lalong tumitindi ang kagustuhang gumawa ng karahasan dahil sa itinuturo sa mga miyembro ng grupo. “Noong nasa mga refugee camp kami,” ang sabi ni Hafeni, “may mga pagtitipon doon kung saan tinuturuan kami na ang mga puti ay laging nag-iisip ng mga paraan para apihin ang mga itim.” Ano ang resulta?

“Lalong tumindi ang galit ko sa mga puti,” ang sabi pa niya. “Wala akong tiwala sa kanilang lahat. Nang maglaon, hindi ko na ito matiis. Sa tingin ko, kailangan na naming kumilos noon.”

Sa kabila ng gayong pagkapoot at kawalang-tiwala, binago nina Joseba at Hafeni ang kanilang saloobin. Ano ang nagpabago sa kanilang puso’t isip? Ipaliliwanag iyan sa susunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 6]

“Ang kalupitang naranasan ko ang kumumbinsi sa akin na tamang mapoot ako. Kung kailangan akong mamatay para magkaroon ng pagbabago, sulit na iyon.”​—Joseba