Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kung Bakit Mahalaga ang Iyong Pananalita

Kung Bakit Mahalaga ang Iyong Pananalita

Katatapos lang ng magalang na pakikipag-usap ng punong ministro sa isang may-edad na babae. Sa pag-aakalang patay na ang mikropono, sinabi ng punong ministro na makitid ang isip ng matanda at nagreklamo siya sa kaniyang mga tauhan na hindi nila ito dapat ipinakausap sa kaniya. Nabigla ang buong bansa sa sinabi niya tungkol sa babae. Nasira ang reputasyon niya, at hindi na siya nanalo bilang punong ministro sa eleksiyong ginanap pagkaraan lang ng walong araw.

WALANG sinuman ang talagang makakokontrol sa kaniyang dila. (Santiago 3:2) Gayunman, ipinakikita ng karanasang ito na mahalaga ang iyong pananalita. Nakaaapekto ito nang malaki sa iyong reputasyon, propesyon, at pati na sa iyong kaugnayan sa ibang tao.

Pero alam mo ba na higit pa riyan ang nagagawa ng iyong pananalita? Ipinaliliwanag ng Bibliya na masasalamin sa pananalita mo kung anong uri ka ng tao. Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 12:34) Yamang mahahalata sa pananalita mo ang iyong damdamin, iniisip, at emosyon, mahalaga ngang suriin mo ang mga sinasabi mo at kung paano mo sinasabi ang mga ito. Makatutulong ba ang Bibliya sa bagay na ito? Pag-isipan ang sumusunod.

Kung Paano Pasusulungin ang Iyong Pananalita

Sa isip nanggagaling ang mga salitang lumalabas sa iyong bibig. Kaya para mapasulong ang iyong pananalita, kailangan mo ring pasulungin ang iyong paraan ng pag-iisip. Isaalang-alang kung paanong ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay makaiimpluwensiya sa iyong kaisipan, na makaiimpluwensiya naman sa iyong pananalita.

Punuin ang iyong puso ng mabubuting bagay. Sinasabi ng Bibliya kung ano ang mga ito: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”​Filipos 4:8.

Kung susundin mo ang magandang payo na iyan, maihihinto mo ang pag-iisip ng masasamang bagay. Tandaan, nakaaapekto sa iyong pag-iisip ang mga nakikita at nababasa mo. Kaya para maiwasan ang negatibo at maruruming kaisipan, umiwas sa masasamang impluwensiya. Ibig sabihin, umiwas sa mararahas at malalaswang libangan. (Awit 11:5; Efeso 5:3, 4) Sa halip, ituon ang iyong isip sa positibo at malilinis na bagay. Matutulungan ka ng Bibliya na gawin iyan. Halimbawa, basahin mo ang Kawikaan 4:20-27; Efeso 4:20-32; at Santiago 3:2-12. Pagkatapos, pag-isipan kung paano makatutulong ang mga simulain sa mga tekstong ito para mapasulong ang iyong pananalita. *

Mag-isip bago magsalita. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan,” ang sabi sa Kawikaan 12:18. Kung napapansin mong madalas kang ‘makasaksak,’ o makasakit ng damdamin ng iba, sikaping mag-isip muna bago magsalita. Sundin ang mahusay na payo sa Kawikaan 15:28: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot, ngunit ang bibig ng mga balakyot ay binubukalan ng masasamang bagay.”

Magtakda ng tunguhin. Sa loob ng isang buwan, pagsikapang huwag sabihin ang unang bagay na maisip mo, lalo na kapag galít ka. Sa halip, pag-isipan ang mga tekstong binanggit sa artikulong ito at sikaping magsalita nang may karunungan, pag-ibig, at kahinahunan. (Kawikaan 15:1-4, 23) Pero hindi sapat iyan.

Hingin ang tulong ng Diyos. Ganito ang panalangin ng isang manunulat ng Bibliya: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova.” (Awit 19:14) Ipaalám sa Diyos na Jehova na gusto mong makalugod sa kaniya at sa iba ang iyong pananalita. Sinasabi sa Kawikaan 18:20, 21: “Anumang sabihin ng tao’y kanyang pananagutan ayon sa salita niya ay gagantimpalaan. Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay.”​—Magandang Balita Biblia.

Manalamin sa Salita ng Diyos. Ang Bibliya ay parang salamin na magagamit mo para maingat na suriin ang iyong sarili. (Santiago 1:23-25) Halimbawa, habang pinag-iisipan mo ang tatlong sumusunod na simulain sa Bibliya, tanungin ang sarili, ‘Kumusta ang aking pananalita at reputasyon?’

“Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Nagsasalita ka ba sa paraang mahinahon at mapagpayapa?

“Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Nakapagpapatibay ba sa iba ang iyong pananalita?

“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Kahit na maigting ang sitwasyon, sinisikap mo bang maging kaayaaya at katanggap-tanggap ang mga sinasabi mo?

Kung aayusin mo ang mga kapintasang nakikita mo sa salamin, magiging mas presentable ka at gaganda ang tingin mo sa iyong sarili. Ganiyan din ang mga pakinabang kung pasusulungin mo ang iyong pananalita sa pamamagitan ng pananalamin sa Salita ng Diyos.

[Talababa]

^ par. 9 Puwede mong mabasa ang Bibliya sa Web site na www.watchtower.org.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Ano ang ipinahihiwatig ng iyong pananalita?​—Lucas 6:45.

● Paano ka dapat makipag-usap sa iba?​—Efeso 4:29; Colosas 4:6.

● Anong praktikal na mga hakbang ang magagawa mo para mapasulong ang iyong pananalita?​—Awit 19:14; Filipos 4:8.

[Larawan sa pahina 11]

Ang sinasabi natin ay nakaaapekto sa ating reputasyon at kaugnayan sa iba