Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Nabago ng mga Nazi ang Paninindigan Ko

Hindi Nabago ng mga Nazi ang Paninindigan Ko

Hindi Nabago ng mga Nazi ang Paninindigan Ko

Ayon sa salaysay ni Hermine Liska

BATA pa ako noong 1938 nang magpuno si Adolf Hitler at ang kaniyang partidong Nazi sa Austria, ang aking tinubuang bayan. Di-nagtagal, ako at ang mga kaeskuwela ko ay sapilitang pinagsasabi ng “Heil Hitler,” pinaaawit ng mga awitin ng Nazi, at pinasasali sa Hitler Youth Movement​—mga bagay na matatag kong tinanggihan. Ikukuwento ko sa inyo kung bakit.

Lumaki ako at ang apat kong kuya sa isang farm sa St. Walburgen sa Carinthia, Austria. Ang mga magulang namin ay sina Johann at Elisabeth Obweger. Noong 1925, si Itay ay naging Bibelforscher, o Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Si Inay naman ay nabautismuhan noong 1937. Mula pagkabata, itinuro nila sa akin ang mga simulain ng Bibliya at tinulungan akong magkaroon ng pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga lalang. Halimbawa, ipinaliwanag nila sa akin na mali ang mag-ukol ng tulad-pagsambang pagpaparangal sa tao. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.”​—Lucas 4:8.

Napakamapagpatuloy nina Itay at Inay. Lagi kaming may bisita, at kasama namin sa bahay ang ilang katulong sa farm. Madalas kaming magkantahan​—isang kaugalian na popular pa rin sa Carinthia​—at lagi kaming may talakayan sa Bibliya. Hanggang ngayon, natutuwa akong alalahanin ang pagsasama-sama ng pamilya namin sa sala tuwing Linggo ng umaga para mag-aral ng Bibliya.

Nawalan ng Kalayaan

Halos walong taon na ako nang sakupin ng Alemanya ang Austria. Mula noon, lalong naghigpit ang partidong Nazi, at di-nagtagal, lahat ng mamamayan ay kailangang bumati ng “Heil Hitler.” Ayokong gawin iyon dahil ang “heil” sa wikang Aleman ay nangangahulugang “kaligtasan,” at hindi ko talaga puwedeng sabihin na si Hitler ang magliligtas sa akin! Alam kong si Jesu-Kristo lang ang aking Tagapagligtas. (Gawa 4:12) Dahil sa paninindigan ko, madalas akong tuyain ng mga guro at kaklase ko. Noong 11 anyos ako, sinabi sa akin ng prinsipal ng paaralan: “Hermine, ibabalik kita sa unang grado. Hindi puwedeng may estudyante sa klase ko na matigas ang ulo!”

Dahil determinado ako at ang mga kuya ko na huwag bumati ng “Heil Hitler,” ipinatawag si Itay sa korte. Inutusan siyang pirmahan ang isang dokumento na nagtatakwil sa relihiyon niya. Sinasabi rin doon na palalakihin niya ang kaniyang mga anak ayon sa ideolohiya ng Nazi. Dahil ayaw niyang pumirma, inalis ng korte sa mga magulang namin ang karapatang mangalaga sa amin, at ipinadala ako sa isang reeducation facility na mga 40 kilometro mula sa bahay namin.

Di-nagtagal, gustung-gusto ko nang makauwi sa amin kaya lagi akong umiiyak. Samantala, pilit akong pinasasali sa Hitler Youth Movement ng nag-aalaga sa amin. Pero hindi niya ako napilit. Sinubukan ng ilang batang babae na itaas ang kanang braso ko para mapasaludo ako sa bandilang Nazi, pero hindi nila ako napasunod. Damang-dama ko ang sinabi noon ng mga lingkod ng Diyos: “Malayong mangyari, sa ganang amin, na iwan si Jehova upang maglingkod sa ibang mga diyos.”​—Josue 24:16.

Pinagbawalan ang mga magulang ko na dalawin ako. Pero nakakagawa sila ng paraan para palihim akong makausap sa eskuwela o masabayan papunta roon. Kahit sandali lang kaming nagkikita, napatibay nila ako na manatiling tapat kay Jehova. Minsan, binigyan ako ni Itay ng isang maliit na Bibliya, na itinago kong mabuti sa higaan ko. Gustung-gusto kong basahin iyon, kahit kailangan kong gawin iyon nang palihim! Isang araw, muntik na akong mahuli, pero naitago ko agad iyon sa ilalim ng kumot ko.

Ipinadala sa Kumbento

Dahil hindi nila ako mabago, nagsuspetsa ang mga awtoridad na naiimpluwensiyahan pa rin ako ng mga magulang ko. Kaya noong Setyembre 1942, isinakay nila ako sa tren at ipinadala sa Munich, Alemanya. Ipinasok ako sa isang paaralang Katoliko na tinatawag na Adelgunden, na isa ring kumbento. Pagdating ko roon, nakita ng mga madre ang Bibliya ko at kinumpiska iyon.

Pero determinado pa rin akong manindigan sa mga paniniwala ko, at tumanggi akong dumalo sa mga misa. Nang ikuwento ko sa isang madre na binabasahan ako noon ng Bibliya ng mga magulang ko tuwing Linggo, nagulat ako sa ginawa niya. Isinauli niya ang Bibliya ko! Naantig pala ang puso niya sa sinabi ko. Pumayag pa nga siyang basahan ko siya ng Bibliya.

Minsan, sinabi sa akin ng isang guro: “Hermine, blond ang buhok mo at asul ang mga mata mo. Aleman ka, hindi Judio. Si Jehova ay Diyos ng mga Judio.”

“Pero,” ang sabi ko, “si Jehova po ang gumawa ng lahat ng bagay. Siya po ang lumalang sa ating lahat!”

Pinilit din ako ng prinsipal. Minsan, sinabi niya: “Hermine, sumali na sa hukbo ang isa sa mga kapatid mo. Magandang halimbawa siya para sa iyo!” Nabalitaan ko nga iyon, pero wala akong balak na gayahin siya.

“Hindi po ako tagasunod ng kuya ko,” ang sabi ko. “Tagasunod po ako ni Jesu-Kristo.” Pagkatapos, tinakot ako ng prinsipal na ipadadala ako sa isang psychiatric ward. Sinabihan pa nga niya ang isang madre na maghanda na para dalhin ako roon. Pero hindi naman niya iyon itinuloy.

Noong tag-araw ng 1943, binomba ang Munich at inilipat sa lalawigan ang mga batang nasa Adelgunden. Noong panahong iyon, madalas kong inaalaala ang sinabi sa akin ni Inay: “Kung magkahiwalay man tayo at hindi mo na natatanggap ang mga sulat ko, tandaan mo na kasama mo si Jehova at si Jesus. Hinding-hindi ka nila iiwan. Kaya lagi kang mananalangin.”

Pinauwi Rin sa Wakas

Noong Marso 1944, ibinalik ako sa Adelgunden, kung saan halos hindi na kami umaalis sa air-raid shelter​—araw at gabi​—dahil sa tindi ng pambobomba sa Munich. Samantala, patuloy ang hiling ng mga magulang ko na ibalik ako sa kanila. Nang maglaon, ipinagkaloob ang kahilingang iyon, at nakauwi ako sa amin noong katapusan ng Abril 1944.

Nang magpaalam na ako sa prinsipal, sinabi niya: “Sumulat ka sa amin kapag nakarating ka na sa inyo, Hermine. At huwag kang magbabago.” Ang laki ng ipinagbago niya! Nabalitaan ko na di-nagtagal pagkaalis ko, siyam na batang babae at tatlong madre ang namatay dahil sa pambobomba ng mga kaaway. Napakalupit talaga ng digmaan!

Samantala, tuwang-tuwa ako na muling makapiling ang pamilya ko. Noong Mayo 1944, habang patuloy pa rin ang digmaan, binautismuhan ako sa isang bathtub bilang sagisag ng pag-aalay ko kay Jehova. Nang matapos ang digmaan noong 1945, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo. Sabik na sabik akong ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang tanging pag-asa ng sangkatauhan para sa tunay na kapayapaan at katiwasayan.​—Mateo 6:9, 10.

Noong 1950, nakilala ko si Erich Liska, isang binatang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova mula sa Vienna, Austria. Ikinasal kami noong 1952, at sa loob ng maikling panahon, kasama ako ni Erich sa pagdalaw sa mga kongregasyon para patibayin ang mga kapatid.

Isinilang ang panganay namin noong 1953, at nasundan pa ito ng dalawa. Dahil sa karagdagang pananagutan, huminto kami sa buong-panahong ministeryo para palakihin ang mga anak namin. Natutuhan ko na kung mananatili kang tapat sa Diyos, hinding-hindi ka niya iiwan kundi patitibayin ka niya. Hindi niya ako kailanman pinabayaan. Lalo na nang mamatay ang asawa ko noong 2002, si Jehova ay laging umaalalay at nagpapatibay.

Kapag binabalikan ko ang nakaraan, laking pasasalamat ko sa mga magulang ko sa pagtuturo sa akin sa murang edad na ibigin ang Diyos at ang kaniyang nasusulat na Salita, ang pinagmumulan ng tunay na karunungan. (2 Timoteo 3:16, 17) Pero higit sa lahat, nagpapasalamat ako kay Jehova, na patuloy na nagbibigay sa akin ng lakas para makayanan ang mga pagsubok.

[Blurb sa pahina 19]

“Hindi ako tagasunod ng kuya ko . . . Tagasunod ako ni Jesu-Kristo”

[Larawan sa pahina 19]

Kasama ng pamilya ko sa aming farm sa St. Walburgen

[Mga larawan sa pahina 19]

Ang mga magulang ko, sina Elisabeth at Johann Obweger

[Credit Line]

Both photos: Foto Hammerschlag

[Larawan sa pahina 20]

Kasama ng asawa kong si Erich