Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Domesday Book—Isang Pambihirang Surbey

Ang Domesday Book—Isang Pambihirang Surbey

Ang Domesday Book​—Isang Pambihirang Surbey

Noong 1066, ang Inglatera ay nilupig ni William, na duke ng Normandy (isang rehiyon sa Pransiya). Pagkaraan ng 19 na taon, ipinasurbey niya ang kaniyang bagong kaharian. Ang koleksiyon ng surbey na ito ay tinawag na Domesday Book. Bakit hanggang ngayon ay isa ito sa pinakamahalagang rekord ng kasaysayan ng Inglatera?

DUMAONG si William malapit sa Hastings, Inglatera, noong Setyembre 1066. Noong Oktubre 14, tinalo niya roon ang hukbo ng Ingles na si King Harold, na napatay sa labanan. At noong Pasko ng taóng iyon, si William, na tinawag nang maglaon na William the Conqueror, ay kinoronahan sa Westminster Abbey sa London. Ano kaya ang mangyayari sa mga Ingles sa ilalim ng kanilang bagong hari?

Ang Malawakang Surbey

Winasak ni King William I ang hilaga ng bansa at halos lipulin niya ang populasyon ng malalaking lupain. “Kahit karaniwan noong panahong iyon ang karahasan,” ang isinulat ng dating staff tutor sa Oxford University na si Trevor Rowley, “ang ‘pandarahas sa Hilaga’ (1068-70) ay maituturing na napakalupit.” Madalas ang mga rebelyon laban kay William, at ang kaniyang hukbo, na may bilang na sampung libo o mababa pa rito, ay napalilibutan ng mga dalawang milyong galít na mamamayan. Nang maglaon, ang mga Norman ay nakapagtayo ng mahigit 500 tanggulan sa buong bansa​—ang pinakabantog sa mga ito ay ang Tower of London.

Noong Disyembre 1085, 19 na taon matapos ang pananakop niya, limang araw na nanatili si William sa Gloucester, Inglatera, kasama ang mga opisyal ng kaniyang korte para iplano ang pagsusurbey sa bansa, maliban sa London at Winchester. Nang sumunod na taon, ang mga inatasan ng hari ay sabay-sabay na ipinadala sa pitong iba’t ibang rehiyon para kausapin ang mga kinatawan ng lalawigan at kalkulahin ang yaman ng bansa.

Kailangan ng hari na makalikom ng perang pambayad sa kaniyang hukbo. Kailangan din niyang lutasin ang mga pagtatalo hinggil sa pagmamay-ari ng mga lupain. Kung magagawa niya ang mga ito, matitiyak niyang makapananatili sa Inglatera ang mga nanggaling sa Normandy at sa iba pang bahagi ng Pransiya, at patuloy na makapamumuno roon ang mga Norman.

“Domesday”

Di-nagtagal matapos niyang matalo ang mga Ingles, ibinigay ni King William sa mga baron na Norman ang mga pag-aari ng mga maharlikang Ingles. Ipinakita ng surbey ni William na wala pang 200 lalaki ang may hawak noon ng kalahati ng halaga ng buong Inglatera, anupat 2 lang sa mga ito ang Ingles. Sa mga 6,000 subtenant na Ingles, marami ang napilitang umupa sa lupaing pag-aari nila bago ang taóng 1066, samantalang ang mga dukha at mga inagawan ng lupain ay namuhay nang isang kahig, isang tuka.

Ginawang legal ng surbey ang pangangamkam na ginawa ng mga Norman. Tinakdaan din nito ng panibagong halaga ang mga lupain at bahay para sa pagbubuwis, pati na ang mga kagubatan at kaparangan. Sinurbey din ang bawat hayop, gaya ng barakong baka, dumalagang baka, at baboy. Ikinabahala ng mga Ingles ang resulta ng surbey, dahil alam nilang hindi nila iyon puwedeng kuwestiyunin. Ikinumpara nila ang malawakang surbey na iyon sa “Araw ng Paghuhukom,” o sa “Day of Doom” [Araw ng Kapahamakan]. Kaya nang maglaon, tinawag iyon na Domesday Book.

Ang Domesday Book ay may dalawang tomo sa wikang Latin at isinulat sa maninipis na katad. Ang Great Domesday, na malalaki ang pahina, ay may 413 pilyego; at ang Little Domesday naman ay may 475 maliliit na pilyego. * Hindi natapos ang Domesday Book dahil namatay si William noong 1087. Paano nagawa ang lahat ng ito sa loob lang ng isang taon?

Pinanatili ng mga Norman ang sistema ng pamamahala ng mga Ingles na may ilang detalye tungkol sa mga may-ari at tenant at mga rekord ng pananalapi at pagbubuwis. Batay rito, nagtakda ang mga Norman ng bagong buwis anupat nagpadala ng mga opisyal sa bawat lalawigan para magsagawa ng pampublikong pagsusuri.

Ang Domesday Book sa Ngayon

Noong Edad Medya, ang Domesday Book ay madalas na dala-dala ng mga opisyal ng hari. Pangunahin itong ginagamit para lutasin ang mga suliranin sa pagmamay-ari ng lupain; gayunman, noong ika-18 siglo, ginamit itong basehan ng tanyag na hukom na Ingles na si Sir William Blackstone para tiyakin ang karapatan ng ilang tenant sa pagboto. Iningatan ito sa iba’t ibang lokasyon, pero ngayon, ito ay nasa National Archives ng United Kingdom.

Sa ika-900 anibersaryo nito noong 1986, hinati ito sa limang tomo. Ang nirebisang salin nito sa Ingles ay maaaring basahin ng mga iskolar at istoryador. Ayon sa isang komentaryo ng BBC, ito “ang saligang dokumento ng pambansang artsibo at . . . magagamit pa rin bilang ebidensiya ng titulo ng lupain.” Noong 1958, ginamit ito para kumpirmahin ang karapatan ng isang sinaunang bayan na magkaroon ng pamilihan.

Kinokonsulta pa rin ng mga arkeologo ang Domesday Book para matukoy ang lokasyon ng mga pamayanan ng mga Ingles at mga Norman noong Edad Medya. Natatangi pa rin ito bilang isang mapagkukunan ng impormasyon may kaugnayan sa pagkakatatag ng bansa ng mga Ingles.

[Talababa]

^ par. 11 Ang Great Domesday ay naglalaman ng mga pinaikling listahan ng binubuwisang ari-arian; ang Little Domesday naman ay hindi pinaikli at hindi isinama sa mas malaking tomo.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

ANG KRUSADA NI WILLIAM

Hiniling ni William sa papa na ideklara ang kaniyang pananalakay bilang isang krusada, kapalit ng kasiguruhan na makokontrol nito ang nagrerebeldeng simbahang Ingles. Sumang-ayon agad ang papa. Iyon ay “isang tagumpay ng diplomasya” para kay William, ang isinulat ni Propesor David C. Douglas. Isa pang kilaláng istoryador, si George M. Trevelyan, sa kaniyang History of England, ang nagsabing “ang bandera at basbas ng Papa ay napakinabangan ni William sa isang gawain na mas maituturing na armadong nakawan kaysa krusada.”

[Credit Line]

© The Bridgeman Art Library

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INGLATERA

LONDON

Hastings

English Channel

NORMANDY

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Book: Mary Evans/The National Archives, London, England