Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pinakamabilis Matutong Aparato sa Buong Uniberso”

“Ang Pinakamabilis Matutong Aparato sa Buong Uniberso”

“Ang Pinakamabilis Matutong Aparato sa Buong Uniberso”

SINASABING ang utak ng sanggol “ang pinakamabilis matutong aparato sa buong uniberso,” at hindi naman ito nakapagtataka. Paglabas ng sanggol sa sinapupunan, handa na siyang matuto mula sa lahat ng kaniyang makikita, maririnig, at madarama sa paligid.

Higit sa lahat, ang sanggol ay interesado sa ibang tao​—sa kanilang mukha, boses, at haplos. Sa kaniyang aklat na Babyhood, sinabi ni Penelope Leach: “Maraming ginawang pag-aaral tungkol sa mga gustung-gustong tingnan ng sanggol, mga tunog na nakakakuha ng atensiyon niya, at mga nararamdaman niya na gustung-gusto niyang maulit. Ang lahat ng ito ay kadalasan nang maibibigay ng isang adulto na nag-aalaga sa sanggol.” Napakahalaga nga ng papel na ginagampanan ng mga magulang sa paglaki ng kanilang anak!

“Nagsasalita Akong Gaya ng Sanggol”

Manghang-mangha ang mga magulang at pedyatrisyan sa kakayahan ng bagong-silang na sanggol na matuto ng wika sa pamamagitan lang ng pakikinig. Natuklasan ng mga mananaliksik na sa loob lang ng ilang araw, kilala na ng sanggol ang boses ng kaniyang ina at mas gusto niya ito kaysa boses ng iba; sa loob ng ilang linggo, alam na niya ang pagkakaiba ng wika ng mga magulang niya at ng ibang wika; at sa loob ng ilang buwan, kilala na niya ang iba’t ibang salita kaya naman alam na niya kung ang naririnig niya ay mga salita o basta ingay lang.

Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol.” (1 Corinto 13:11) Paano ba magsalita ang sanggol? Puro ingay lang ba na walang kahulugan ang maririnig sa kaniya? Aba, hindi! Sa kaniyang aklat na What’s Going On in There?​—How the Brain and Mind Develop in the First Five Years of Life, sinabi ni Dr. Lise Eliot na ang pagsasalita ay “isang masalimuot na kakayahan, na nangangailangan ng mabilis na koordinasyon ng maraming kalamnan na kumokontrol sa labi, dila, ngala-ngala, at laringhe.” Sinabi pa niya: “Kahit parang nakatutuwang ingay lang ang sinasalita ng sanggol para mapansin siya, iyon ay nagsisilbi ring napakahalagang ensayo para sa masalimuot na proseso ng pagsasalita.”

Sinasagot ng mga magulang ang pag-iingay ng sanggol sa pamamagitan ng masigla at eksaheradong pagsasalita, at kapaki-pakinabang din ito. Pinasisigla nito ang sanggol na tumugon. Ang ganitong pagsasagutan ay nagtuturo sa sanggol kung paano makipag-usap​—isang kasanayan na magagamit niya habambuhay.

Nagbabagong Papel

Abalang-abala ang mga magulang sa pag-aasikaso sa kanilang sanggol araw-araw. Kapag umiyak siya, pakakainin siya. Kapag umiyak siya, papalitan ang diaper niya. Kapag umiyak siya, kakargahin siya. Ang ganitong pag-aasikaso ay angkop lang at kailangan. Isa itong paraan para magampanan ng mga magulang ang mahalagang papel nila bilang tagapag-alaga.​—1 Tesalonica 2:7.

Dahil dito, natural lang na isipin ng sanggol na sa kaniya umiikot ang mundo at na ang mga adulto​—partikular na ang mga magulang​—ay nariyan para sundin ang gusto niya. Maling pananaw iyan pero alam natin kung bakit ganoon ang nadarama ng sanggol. Tandaan, sa loob ng mahigit isang taon, iyan ang nararanasan niya araw-araw. Sa pakiramdam niya, siya ang hari ng isang kaharian na may sakop na malalaking tao na puwede niyang utus-utusan. Sumulat ang family counselor na si John Rosemond: “Wala pang dalawang taon ang kailangan para mapaniwala ang sanggol sa pantasyang ito, pero di-kukulangin sa labing-anim na taon ang kailangan para ituwid ito! At kakatwang isipin na iyan ang trabaho ng mga magulang: papaniwalain siya sa pantasyang ito, at pagkatapos ay dahan-dahan itong sirain.”

Sa edad na mga dalawang taon, talagang nasisira ang pantasyang iyon dahil nagbabago na ang papel ng magulang mula sa tagapag-alaga tungo sa tagapagturo. Nahahalata ngayon ng sanggol na hindi na siya sinusunod ng mga magulang niya; sa halip, siya ang inaasahang sumunod sa kanila. Ibinagsak na ang paghahari ng sanggol, at maaaring hindi niya gusto ang bagong pamamalakad. Pero susubukan pa rin niyang lumaban. Paano?

Kapag Nag-aalburoto

Sa edad na mga dalawang taon, biglang nagbabago ang ugali ng maraming sanggol, anupat madalas silang nag-aalburoto. Hiráp na hiráp ang mga magulang sa panahong ito. Bigla na lang, ang paboritong salita ng sanggol ay “Ayaw!” Maaari siyang mainis sa sarili niya at sa kaniyang mga magulang dahil hindi niya maintindihan ang nadarama niya. Gusto niyang lumayo sa inyo, pero gusto rin niyang nasa tabi lang ninyo. Nalilito ang mga magulang at hindi nila malaman ang gagawin. Ano nga ba ang nangyayari?

Pag-isipan ang malaking pagbabagong nagaganap sa buhay ng sanggol. Dati, kaunting iyak lang, aasikasuhin agad siya ng mga adulto. Ngayon, nakikita niya na pansamantala lang pala ang “paghahari” niya at kailangang siya mismo ang gumawa ng ilang bagay para sa sarili niya. Unti-unti niyang naiintindihan na ang papel niya ay magpasakop, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.”​—Colosas 3:20.

Sa mahirap na panahong ito, kailangang panindigan ng mga magulang ang kanilang awtoridad. Kung gagawin nila ito sa matatag pero maibiging paraan, makapag-a-adjust ang kanilang anak sa bago niyang papel. At kasunod nito ang higit pang masasayang karanasan sa paglaki ng anak.

Mabuting Pag-uugali

Ang mga hayop, kahit ang mga aparato, ay nakakakilala ng mga salita at nakakagaya ng pagsasalita. Pero tao lang ang maaaring mag-isip at magsuri sa sarili. Kaya sa edad na dalawa o tatlo, nakadarama na ang bata ng mga emosyon gaya ng pride, pagkapahiya, at pagsisisi. Ito ang mga unang yugto patungo sa kaniyang pagiging adulto na may mabuting pag-uugali​—isang tao na makapaninindigan sa kung ano ang tama, kahit mali ang ginagawa ng iba.

Sa panahong ito, natutuwa ang mga magulang na makita ang isa pang pagsulong ng kanilang anak. Nalalaman na niya kung ano ang nadarama ng iba. Noong dalawang taon siya, naglalaro lang siyang katabi ng iba, ngayon maaaring kalaro na niya sila. Alam din niya kung masaya ang mga magulang niya at baka gusto niya silang palugdan. Kaya malamang na mas madali na siyang turuan.

Sa edad na tatlong taon, ang bata ay mas madali nang matuto ng tama at mali, mabuti at masama. Maliwanag na ito ang panahon para sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging responsableng adulto.

[Blurb sa pahina 5]

Sa loob lang ng ilang araw, kilala na ng sanggol ang boses ng kaniyang ina at mas gusto niya ito kaysa boses ng iba

[Blurb sa pahina 6]

Sa edad na tatlong taon, ang bata ay mas madali nang matuto ng tama at mali, mabuti at masama

[Kahon sa pahina 6]

KUNG BAKIT PAULIT-ULIT ANG PAG-AALBUROTO

“Iniisip ng ilang magulang na nag-aalburoto ang anak nila dahil nagkamali sila sa pagtugon sa gusto nito,” ang isinulat ni John Rosemond sa New Parent Power. “Kaya naman kung sila ang dahilan ng pag-aalburoto ng bata, dapat nilang ituwid agad ang pagkakamali nila. Kaya kahit nasabi na nilang hindi, sasabihin na nilang oo. O, matapos paluin ang bata, ibibigay nila sa kaniya ang higit pa sa gusto niya, para hindi sila makonsiyensiya. Epektibo ito. Humihinto ang pag-aalburoto, nakadarama ng ginhawa ang magulang, at dahil nakikita ng bata na umuubra ang pag-aalburoto, uulit-ulitin niya ito at mas titindihan pa.”