Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapalaki ng mga Anak Mula sa Pagkabata Hanggang sa Maging Tin-edyer

Pagpapalaki ng mga Anak Mula sa Pagkabata Hanggang sa Maging Tin-edyer

Pagpapalaki ng mga Anak Mula sa Pagkabata Hanggang sa Maging Tin-edyer

“Hanggang sa edad na limang taon, ang iyong mga anak ay panatag na panatag sa loob ng tahanan at mas madaling turuan ng mabubuting katangian. Pero kapag pumasok na sila sa iskul, nakakakita sila ng iba’t ibang paraan ng paggawi at pagsasalita.”​—Valter, Italy.

HABANG lumalaki ang mga bata, gustung-gusto nilang alamin ang mga bagay sa paligid nila. Nakikihalubilo na sila sa iba​—mga kalaro, kaeskuwela, at kamag-anak. Gaya ng sinabi ni Valter sa itaas, hindi na lang ikaw ang nakakaimpluwensiya sa anak mo, di-gaya noong sanggol pa siya. Kaya naman napakahalagang samantalahin mo ang mga taon ng pagkasanggol ng iyong anak para maituro ang kahalagahan ng pagsunod at kabutihang-asal. Importante rin na ituro sa kaniya kung ano ang tama at mali.

Ang kababanggit na mga katangian ay hindi awtomatikong natututuhan. Malamang na kailangan mong ‘sumaway, sumawata, magpayo, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo.’ (2 Timoteo 4:2) Inutusan ang mga magulang na Israelita hinggil sa mga kautusan ng Diyos: “Ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) Gaya ng ipinahihiwatig niyan, napakahalaga na patuloy mong turuan ang iyong anak.

Ang pagpapalaki sa mga anak ay may kasamang mga hamon. Talakayin natin ang ilan.

Panahon Para Makinig

Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagsasalita” pero may panahon din ng pakikinig. (Eclesiastes 3:7) Paano mo tuturuan ang iyong anak na makinig sa iba​—pati na sa iyo? Ang isang paraan ay ang magpakita ng halimbawa. Nakikinig ka bang mabuti sa iba, pati na sa iyong mga anak?

Madaling magpagala-gala ang isip ng mga bata, at tiyak na masusubok ang pasensiya mo habang nakikipag-usap sa kanila. Iba-iba ang mga bata, kaya mag-obserba at tingnan kung anong paraan ng pakikipag-usap ang pinakamabisa sa anak mo. Halimbawa, sinabi ni David, isang ama na taga-Britanya: “Ipinauulit ko sa anak ko sa sarili niyang pananalita kung ano ang sinabi ko. Kaya natututo siyang makinig na mabuti habang lumalaki siya.”

Sa pagtuturo sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus sa kanila: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Kung kailangang gawin iyan ng mga adulto, mas kailangang gawin iyan ng mga bata!

“Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa”

Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Colosas 3:13) Maaari ding sanayin ang mga bata na magpatawad. Paano?

Gaya ng tinalakay sa itaas tungkol sa pakikinig, kailangan mong magpakita ng halimbawa. Ipakita sa mga anak mo na handa kang magpatawad sa iba. Sinisikap iyang gawin ni Marina, isang ina na taga-Russia. Sinabi niya: “Sinisikap naming maging mabuting halimbawa sa mga anak namin pagdating sa pagpapatawad, pagpaparaya, at pagiging hindi maramdamin. Kapag mali ako, nagsosori ako sa mga anak ko. Gusto kong ganoon din ang gawin nila sa iba.”

Ang kakayahang lumutas ng mga di-pagkakaunawaan at magpatawad ay kailangan ng mga anak mo hanggang sa pagtanda. Sanayin sila ngayon na maging makonsiderasyon sa iba at maging handang managot sa kanilang pagkakamali. Sa paggawa nito, mabibigyan mo sila ng isang napakagandang regalo na pakikinabangan nila habambuhay.

‘Ipakitang Kayo ay Mapagpasalamat’

Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ maraming tao ang “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Timoteo 3:1, 2) Ngayon na ang panahon para turuan ang iyong mga anak na maging mapagpasalamat, habang bata pa sila. “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat,” ang isinulat ni apostol Pablo.​—Colosas 3:15.

Kahit bata pa ang iyong mga anak, puwede na silang matuto ng kabutihang-asal at maging maalalahanin. Paano? “Para maituro ang pagiging mapagpasalamat, pinakamaganda kung palagi itong ipakikita sa tahanan,” ang sabi ni Dr. Kyle Pruett sa magasing Parents. Sinabi pa niya: “Kaya naman dapat na palagi kang nagpapasalamat kapag may tumulong sa iyo o nagpakita ng kabaitan . . . Kailangan kang magsanay na gawin ito.”

Sinisikap iyang gawin ni Richard, isang ama na taga-Britain. “Ipinakikita naming mag-asawa na pinasasalamatan namin ang mga nagpakita ng kabaitan sa amin, gaya ng mga guro o mga lolo’t lola,” ang sabi niya. “Kapag inanyayahan kami ng isang pamilya sa kainan, gumagawa kami ng thank-you card, at lahat ng anak namin ay pumipirma o nagdodrowing doon.” Ang pagiging mabait at mapagpasalamat ay tutulong sa iyong anak na magkaroon ng malapít at nagtatagal na mga ugnayan kapag malaki na siya.

‘Huwag Ipagkait ang Disiplina’

Habang lumalaki ang mga anak mo, mahalagang matutuhan nila na mananagot sila sa kanilang mga ginagawa. Kahit bata pa sila, pananagutan nilang sumunod sa awtoridad, hindi lang sa tahanan kundi pati sa paaralan at komunidad. Maituturo mo sa iyong mga anak ang simulain na aanihin ng isa ang anumang ihasik niya. (Galacia 6:7) Paano?

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait sa bata ang disiplina.” (Kawikaan 23:13) Kung nilinaw mo na sa anak mo na may katapat na disiplina ang isang maling gawain, huwag matakot na ilapat iyon. “Hindi dapat na maging pabagu-bago,” ang sabi ni Norma, isang ina na taga-Argentina. “Kapag pabagu-bago, baka manipulahin ng anak ang sitwasyon para makuha ang gusto niya.”

Para maiwasan ang mahabang pagtatalo pagkatapos makagawa ng kasalanan ang anak, dapat tiyakin ng mga magulang na patiunang naipaliwanag sa kaniya ang kahihinatnan ng pagsuway. Malamang na hindi tututol ang mga anak kapag alam nila ang mga tuntunin at ang resulta ng paglabag sa mga iyon, at kapag alam nila na talagang ilalapat ang disiplina.

Siyempre pa, para maging epektibo ang disiplina, hindi ito dapat ilapat nang may matinding galit. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Ang disiplina ay hindi dapat na malupit ni mapang-abuso​—sa pisikal man o emosyonal na paraan.

Pero paano ka magpipigil kapag sinasagad ng anak mo ang iyong pasensiya? Inamin ni Peter, isang ama na taga-New Zealand: “Hindi ito laging madaling gawin, pero kailangang matutuhan ng mga anak na ang disiplina ay resulta ng kanilang ginawa at hindi dahil nawalan ng pagpipigil ang magulang.”

Tinutulungan ni Peter at ng kaniyang asawa ang kanilang mga anak na makita ang panghabambuhay na bentaha ng pagtutuwid. “Kahit napakatindi ng kasalanan ng mga anak namin,” ang sabi niya, “kinakausap namin sila tungkol sa magagandang katangian na dapat nilang linangin at hindi sa kasalanang ginawa nila.”

‘Makilala Nawa ang Inyong Pagkamakatuwiran’

Tungkol sa pagtutuwid na ibibigay niya sa kaniyang bayan, sinabi ng Diyos: “Kailangang parusahan kita sa wastong antas.” (Jeremias 46:28) Maganda ang magiging resulta kung ang ilalapat mong pagtutuwid ay makatarungan at angkop sa kamaliang ginawa. “Makilala nawa . . . ang inyong pagkamakatuwiran,” ang isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano.​—Filipos 4:5.

Pagiging makatuwiran din kung itutuwid mo ang iyong mga anak sa paraang hindi sila mawawalan ng dignidad. Sinabi ni Santi, isang ama na taga-Italya: “Hindi ko nilalait ang aking mga anak. Sa halip, inaalam ko ang dahilan ng problema at iyon ang itinutuwid ko. Hindi ko dinidisiplina ang mga anak ko sa harap ng iba, ni sa harap ng kapatid nila, kung posible rin lang. At hindi ko ginagawang katatawanan ang mga kamalian nila sa publiko man o sa pribado.”

Alam din ni Richard, na binanggit sa simula, ang bentaha ng pagiging makatuwiran. “Hindi dapat ipunin ang parusa, anupat nagiging mas matindi ito kapag may iba pang mali na nagawa,” ang sabi niya. “Kung nailapat mo na ang disiplina, hindi mo na dapat ungkatin iyon at paulit-ulit na ipaalala sa bata ang mga ginawa niya.”

Bagaman ang pagpapalaki ng anak ay mahirap at nangangailangan ng pagsasakripisyo, nagdudulot naman ito ng malaking kasiyahan. Napatunayan iyan ni Yelena, isang ina na taga-Russia. Sinabi niya: “Ipinasiya kong magtrabaho na lang nang part-time para mas marami akong panahon sa anak ko. Nangailangan ito ng pagsisikap at nabawasan ang kinikita ko. Pero sulit naman ang sakripisyo dahil mas masaya ang anak ko at lalo kaming napalapít sa isa’t isa.”

[Larawan sa pahina 11]

Maaaring matuto ang mga bata na maging maalalahanin

[Larawan sa pahina 12]

Ituwid ang mga anak sa paraang hindi sila mawawalan ng dignidad