Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naitayo Na sa Malawi—1,000 Kingdom Hall!

Naitayo Na sa Malawi—1,000 Kingdom Hall!

Naitayo Na sa Malawi​—1,000 Kingdom Hall!

“HINDI ko sukat-akalaing mangyayari ito sa Malawi,” ang sabi ni Augustine. Ang tinutukoy niya ay ang pagtatayo ng maraming Kingdom Hall, na siyang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang gusali para sa pagsamba. Noong 1993, ang 30,000 Saksi sa Malawi, isang maliit na bansa sa timog-silangang Aprika, ay walang maayos na gusali para sa kanilang pagsamba at pag-aaral ng Bibliya.

Pero ibang-iba na ang sitwasyon ngayon. Sa Blantyre noong Setyembre 2010, naitayo ng mga Saksi sa Malawi ang kanilang ika-1,000 Kingdom Hall! a Bakit umabót pa ng 30,000 ang mga Saksi bago sila nagsimulang magtayo ng mga gusali para sa pagsamba? At paano sila nakapagtayo ng 1,000 gusali sa loob ng maikling panahon gayong limitado ang kanilang kakayahan at pananalapi? Isa pa, ano ang epekto sa mga Saksi at sa kanilang komunidad ng kahanga-hangang programang ito ng pagtatayo?

Panahon ng Pagsubok

Noong pasimula ng 1900’s, ang mga Saksi ni Jehova, na tinatawag noon na mga Estudyante ng Bibliya, ay nagsimulang magturo ng Bibliya sa Malawi. Pagsapit ng 1967, ang bilang ng mga Saksi ay umabot na nang mga 17,000. Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, kilalá silang masunurin sa batas at magalang sa mga opisyal ng gobyerno. Gaya rin ng mga Kristiyano noon, nananatili silang neutral sa pulitika.​—Juan 18:36; Gawa 5:29.

Nakalulungkot, noong kalagitnaan ng dekada ’60, nagkaproblema sa gobyerno ang mga Saksi dahil sa kanilang salig-Bibliyang paninindigan, at noong 1967, ipinagbawal ang kanilang relihiyon. Di-nagtagal, marami ang basta na lang tinanggal sa trabaho, at ang kanilang mga ari-arian ay kinumpiska o sinira. Dahil sa matinding pag-uusig at sa takot na lipulin sila, libu-libong Saksi ang lumikas patungo sa kalapít na Mozambique at Zambia.

Pero nang maglaon, bumuti na ang sitwasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi, at ang karamihan sa kanila ay nakabalik ng bansa noong pasimula ng dekada ’90. Laking tuwa nila nang alisin ang 26-na-taóng pagbabawal sa kanilang gawain noong Agosto 12, 1993! Gayunman, nagkaroon sila ng bagong problema. Mahigit na silang 30,000 sa 583 kongregasyon pero wala silang maayos na mga gusali para sa pagsamba. Ano kaya ang gagawin nila?

Pag-ibig na May Gawa!

Sa loob ng anim na taon matapos alisin ang pagbabawal, kahanga-hanga ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall na ginawa ng mga Saksi roon sa kabila ng kanilang limitadong pananalapi. Hindi iyon biru-biro dahil taun-taon, mas mabilis ang pagdami ng mga Saksi kaysa sa pagdami ng naitatayong Kingdom Hall. Ano ang solusyon? Ang pagsunod sa simulain ng Bibliya sa 2 Corinto 8:14. ‘Sa pamamagitan ng pagpapantay-pantay,’ ang sobrang pondo ng ibang bansa ay maaaring gamitin para ‘mapunan ang kakulangan’ ng mga bansang gaya ng Malawi. Kaya noong 1999, sinimulan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang isang programa ng pagtatayo ng mga gusali para sa pagsamba sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Dahil sa maibiging tulong na ito, mabilis na nakapagtayo ng maraming Kingdom Hall ang mga Saksi sa Malawi. b

Dati, ang mga kongregasyon sa Malawi ay nagpupulong sa mga silid-aralan, simpleng silungan, o maging sa ilalim ng mga puno. Pero ngayon, ang 1,230 kongregasyon doon ay mayroon nang presentableng mga gusali na magagamit sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. Kaya naman labis na nagpapasalamat ang mahigit 75,000 Saksi sa Malawi sa suporta ng kanilang mga kapananampalataya sa buong daigdig.

Ang isa pang dahilan kung bakit mabilis na nakapagtatayo ng mga gusali ang mga Saksi ay ang simple at praktikal na disenyo ng mga ito. Ayaw nila ng magarbong pulungan. Ang gusto nila ay simple at maayos na mga gusali na nagpaparangal sa Diyos at komportableng gamitin sa pag-aaral ng Bibliya.

Nakikinabang ang Komunidad

Dati, tinutuya ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi dahil wala raw silang mga gusali para sa pagsamba. Dahil dito, nahihiya ang ilang Saksi na mag-imbita ng mga interesadong tao sa kanilang pulong. Kaya isipin na lang kung gaano sila kasaya nang magkaroon sila ng presentableng Kingdom Hall. Ngayon, hindi na sila nag-aalangang mag-imbita ng mga interesado at kapitbahay sa kanilang mga pulong. Sa isang lugar, masayang-masaya ang lokal na kongregasyon nang 698 ang dumalo sa pulong sa isang bagong Kingdom Hall!

Maraming Saksi at lokal na residente ang nagsabi na hindi nila sukat-akalaing magkakaroon ng ganoon kaganda at katibay na gusali sa kanilang lugar. Naaalala pa ni Augustine, na binanggit sa pasimula, na isang kongregasyon ang nagpupulong noon sa ilalim ng puno. “Maginhawa kung tag-araw,” ang sabi ni Augustine. “Pero grabe kapag tag-ulan!” Kung naranasan mo nang abutan ng malakas na ulan sa isang tropikal na bansa, alam mo kung ano ang ibig niyang sabihin.

Naaalala pa ni Augustine nang minsang dumalaw siya sa Chimwanje Congregation. “Nagpulong kami sa isang maliit na silungan na may mga posteng kahoy at bubong na kugon,” ang sabi niya. “Pero hindi namin alam, binahayan pala ng isang malaki at makamandag na gagamba ang bubong. Habang nagdidiskurso ako, bigla na lang itong bumagsak sa tabi ng paa ko! Isang nagulat na tagapakinig ang sumigaw, ‘Augustine, patayin mo, patayin mo!’ At napatay ko nga iyon. Kita n’yo naman, buháy pa ako.” Ngayong bago na ang Kingdom Hall doon, hindi na sila nakakaranas ng gayong panggambala.

“Isang Hiyas sa Komunidad”

Dahil sa programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall, natamo ng mga Saksi ni Jehova ang paghanga at paggalang ng maraming komunidad at lokal na pinuno, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga komento:

✔ “Ang pagtatayo ng isang bagong gusali para sa pagsamba, pati na ang pag-ibig at pagkakaisang ipinakita ng mga Saksi ni Jehova, ay isang hiyas sa komunidad, na mabuting tularan ng ibang relihiyon.”​—Lokal na pinuno ng Chabwenzi.

✔ “Ang pinakagusto ko sa mga Saksi ni Jehova ay ang pagkakaisa nila. Sampung taon na naming itinatayo ang aming simbahan, pero hindi pa rin ito tapós​—at parang hindi na talaga ito matatapos. Gusto ko kayong pasalamatan sa pagtatayo ng isang napakagandang gusali sa ating lugar.”​—Pinuno ng nayon ng Chigwenembe.

✔ “Hangang-hanga ako sa pagtatrabaho ninyo. Napakabilis pero napakaayos pa rin! Talagang nagkakaisa kayo.”​—Lokal na pinuno ng Chiuzira.

Ang programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall ay napansin maging ng mga editor ng Chichewa/Chinyanja​—English Dictionary, na nagsasabi tungkol sa mga Saksi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtayo ng maraming [Kingdom Hall].”

“Isang Himala na Naitayo ang Kingdom Hall na Ito”

Noong Enero 30, 2011, inialay ng Manyowe Congregation sa Blantyre, na nabanggit sa pasimula, ang bago nilang Kingdom Hall​—ang ika-1,000 na itinayo sa Malawi. “Isang himala na naitayo ang Kingdom Hall na ito,” ang sabi ng isang miyembro ng kongregasyon. “Para itong panaginip na nagkatotoo.”

“Nando’n ako araw-araw,” ang sabi ng isang batang babae mula sa Manyowe Congregation. “Tuwang-tuwa akong magkaroon ng bahagi sa pagtatayo ng isang maayos na pulungan sa aming lugar.”

“Nahirapan kaming kumuha ng permit mula sa mga lokal na awtoridad para sa pagtatayo ng aming Kingdom Hall,” ang sabi ng isang elder ng kongregasyon. “Ilang beses na tumanggi ang mga opisyal ng lunsod na pirmahan ang kinakailangang mga permit. Pero kinumbinsi sila nang husto ng lokal na pinuno na si Mrs. Liness Chikaoneka na pirmahan ang mga permit.”

Isang araw, sinamahan ni Mrs. Chikaoneka ang isang elder para papirmahan ang isang permit. “Gusto kong magtayo ng Kingdom Hall sa aking nayon ang mga Saksi,” ang sabi niya sa opisyal. “Mabubuting tao sila. Hindi ako nagkaproblema sa kanila kahit minsan.” Kaya pinirmahan ng opisyal ang mga papeles.

Tuwang-tuwa si Mrs. Chikaoneka nang ialay ang Kingdom Hall. Sinabi niya, “Masayang-masaya ako at ipinagmamalaki ko na nagkaroon ng ganito kagandang gusali sa aking nayon!”

Sa buong Malawi, abut-abot ang pasasalamat ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga kapitbahay sa programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Dahil sa kanilang kasipagan at pagsasakripisyo, kaunti na lang ang Kingdom Hall na kailangang itayo sa bansang ito, di-gaya noong 1993. Totoo, kailangan pa nilang magtayo ng karagdagang mga Kingdom Hall habang dumarami ang tumutugon sa ‘mabuting balita ng kaharian’ ng Diyos at nagkakaroon ng mga bagong kongregasyon. (Mateo 24:14) Kaya naman lubos na nagpapasalamat ang mga Saksi sa Malawi sa maibiging suporta at bukas-palad na donasyon ng kanilang mga kapananampalataya sa buong daigdig. c

Higit kaninuman, nagpapasalamat ang mga Saksi sa Malawi sa kanilang Diyos, si Jehova. Ang damdamin nila ay gaya ng ipinahayag ng salmista: “Ang lahat ng mga bansa na ginawa mo ay darating, at yuyukod sila sa harap mo, O Jehova, at magbibigay ng kaluwalhatian sa iyong pangalan. Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay.”​—Awit 86:9, 10.

[Mga talababa]

a Sa ngayon, mahigit nang 1,030 ang Kingdom Hall doon.

b Mula noong 1999, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nakapagtayo na ng 23,786 na Kingdom Hall sa 151 lupain na limitado ang kakayahan o pananalapi.

c Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay suportado ng boluntaryong kontribusyon.

[Larawan sa pahina 24]

Bago sinimulan ang programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall, ang mga pulungan ay karaniwan nang mga silungan lang na kugon ang bubong

[Larawan sa pahina 24]

Sa ngayon, ang mga kongregasyon ay nagtitipon sa mga Kingdom Hall na gaya nito