Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 26

Nagtapat si Job sa Diyos

Nagtapat si Job sa Diyos

NAKIKITA mo ba ang taong maysakit? Job ang pangalan niya, at ang babae ay asawa niya. Sinabi nito kay Job: ‘Sumpain mo ang Diyos para mamatay ka na.’ Bakit nagsalita siya nang ganito? At bakit masyadong naghihirap si Job?

Si Job ay mabuting tao na sumusunod kay Jehova. Mahal ni Jehova si Job. Pero may napopoot sa kaniya. Alam mo ba kung sino?

Si Satanas na Diyablo. Si Satanas ang masamang anghel na napopoot kay Jehova. Sinisikap niya na lahat ay sumuway kay Jehova. Pero nagtagumpay ba siya? Hindi. Isipin mo ang napakaraming tapat na lalaki at babae na napag-aralan na natin. Ilan ang natatandaan mo?

Nang mamatay si Jose sa Ehipto, si Job ang pinakamatapat na tao sa buong lupa. Gustong ipakita ni Jehova kay Satanas na hindi lahat ay masama, kaya sinabi niya: ‘Tingnan mo kung gaano katapat si Job sa akin.’

‘Tapat nga siya,’ sagot ni Satanas, ‘kasi binigyan mo siya ng maraming mabubuting bagay. Bawiin mo ito, at tingnan mo kung hindi ka niya sumpain.’

Kaya sinabi ng Diyos: ‘Gawin mo ang lahat ng masamang gusto mong gawin kay Job. Huwag mo lang siyang papatayin. Tingnan natin kung susumpain nga niya ako!’

Una, lahat ng baka at kamelyo ni Job ay ninakaw, at ang kaniyang mga tupa ay pinatay. Pagkatapos ay namatay ang kaniyang 10 anak na lalaki at babae. Sumunod, pinadalhan ni Satanas si Job ng isang nakakadiri, mahapding sakit. Kaya sinabi ng asawa ni Job: ‘Sumpain mo ang Diyos para mamatay ka na.’ Pero ayaw gawin ito ni Job. At saka, tatlong masamang kaibigan ang dumalaw at nagsabi sa kaniya na naging masama siguro ang kaniyang buhay. Pero nagtapat si Job.

Kaya tuwang-tuwa si Jehova. Pinagpala niya si Job gaya ng makikita mo sa larawan. Pinagaling siya, at binigyan siya ng mas magagandang anak, at mas maraming baka, tupa at kamelyo.

Lagi ka bang magtatapat gaya ni Job? Kung oo, ikaw rin ay mabubuhay magpakailanman, kapag ang buong lupa ay naging kasingganda ng hardin ng Eden.