Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 42

Nagsalita ang Isang Asno

Nagsalita ang Isang Asno

NAKARINIG ka na ba ng isang asnong nagsasalita? ‘Hindi pa,’ baka sabihin mo. ‘Hindi nagsasalita ang mga hayop.’ Pero noong araw ay may isang asnong nagsalita. Alamin natin kung papaano nangyari ito.

Si Balak, ang hari ng Moab, ay takot sa mga Israelita. Kaya ipinatawag niya ang isang matalinong lalaki na nagngangalang Balaam para sumpain ang mga Israelita. Nangako siya kay Balaam na bibigyan niya ito ng maraming pera, kaya sumakay si Balaam sa kaniyang asno at pinuntahan si Balak.

Nagsugo si Jehova ng isang anghel na may mahabang tabak at pinatayo ito sa gitna ng daan upang harangin si Balaam. Hindi makita ni Balaam ang anghel, pero nakita ito ng kaniyang asno. Iniwasan ng asno ang anghel, at nang bandang huli ay nahiga na lamang ito sa tabi ng daan. Galit-na-galit si Balaam at pinaghahampas ang asno.

Kaya pinapagsalita ni Jehova ang asno ni Balaam. ‘Bakit mo ako hinahampas?’ tanong ng asno.

‘Kasi ginawa mo akong parang tanga,’ sabi ni Balaam.

‘Dati ko ba itong ginagawa sa iyo?’ tanong ng asno.

‘Hindi,’ sagot ni Balaam.

Pagkatapos ay hinayaan ni Jehova na makita ni Balaam ang anghel. Sinabi ng anghel: ‘Hindi mo dapat sumpain ang Israel. Kung hindi ako iniwasan ng iyong asno, sana’y napatay na kita.’

Sinabi ni Balaam: ‘Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo ka sa gitna ng daan.’ Pinayagan ng anghel na makaalis si Balaam, at nagpatuloy si Balaam ng pagpunta kay Balak. Sinubukan pa rin niyang sumpain ang Israel, pero sa halip, ay pinangyari ni Jehova na pagpalain niya ang Israel ng tatlong beses.