Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 100

Si Jesus sa Hardin

Si Jesus sa Hardin

PAGKAGALING sa silid sa itaas, nagpunta si Jesus at ang mga apostol sa hardin ng Getsemane. Sinabi ngayon sa kanila ni Jesus na manatiling gising at manalangin. Pagkatapos ay lumayo siya nang kaunti, at nanalangin.

Pagkatapos ay binalikan ni Jesus ang kaniyang mga apostol. Ano sa palagay mo ang ginagawa nila? Sila’y natutulog! Tatlong beses silang sinabihan ni Jesus na dapat silang magpuyat, pero tuwing babalik siya ay nadaratnan niya silang natutulog. Sa wakas ay sinabi ni Jesus: ‘Dumating na ang oras para ibigay ako sa aking mga kaaway.’

Nang sandali ring yaon, isang grupo ng mga lalaki ang dumating na may dalang mga espada at pamalo! Nang malapit na sila, isa ay lumapit kay Jesus at hinalikan siya. Ang taong ito ay si Judas Iscariote. Bakit niya hinalikan si Jesus?

Nagtanong si Jesus: ‘Judas, bakit mo ako ipinagkakanulo sa pamamagitan ng isang halik?’ Oo, ang halik ay isang tanda. Ipinapaalám nito sa mga kasama ni Judas kung sino si Jesus, ang lalaking pinaghahanap nila. Kaya lumapit ang mga kaaway ni Jesus sa kaniya para dakpin siya. Biglang binunot ni Pedro ang espada na dala-dala niya at tinaga ang kaniyang kalapit. Humaging ito sa ulo ng tao at natigpas ang kanang tenga nito. Pero hinipo ni Jesus ang tenga ng tao at pinagaling ito.

Sinabi ni Jesus kay Pedro: ‘Isauli mo ang iyong espada. Sa akala mo ba ay hindi ako makakahingi sa aking Ama ng libu-libong anghel para iligtas ako?’ Oo, magagawa niya! Pero hindi hihingi si Jesus sa Diyos ng mga anghel, kasi alam niya na dumating na ang panahon para kunin siya ng kaniyang mga kaaway. Kaya sumama siya sa kanila.