Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

De-kalidad na mga Panghalili sa Pagsasalin

De-kalidad na mga Panghalili sa Pagsasalin

De-kalidad na mga Panghalili sa Pagsasalin

Baka isipin ninyo, ‘Mapanganib ang pagsasalin, ngunit may mga de-kalidad bang panghalili?’ Mabuting tanong ito, at pansinin ang salitang “de-kalidad.”

Bawat isa, pati na mga Saksi ni Jehova, ay naghahangad ng de-kalidad at mabisang panggagamot. Bumanggit si Dr. Grant E. Steffen ng dalawang pangunahing elemento: “Ang de-kalidad na panggagamot ay ang kakayahan na abutin ang medikal o di-medikal na mga tunguhin.” (The Journal of the American Medical Association, Hulyo 1, 1988) Kabilang sa “di-medikal na mga tunguhin” ay ang paggalang sa moralidad o budhi ng pasyente na salig-sa-Bibliya.”​—Gawa 15:​28, 29.

Mayroon bang mga lehitimo at mabisang paraan ng pagharap sa malulubhang suliraning medikal nang hindi gumagamit ng dugo? Nakagagalak na ang sagot ay oo.

Bagaman inaangkin ng karamihan ng mga siruhano na nagsasalin lamang sila kapag talagang kailangan, biglang dumalang ito matapos sumiklab ang epidemya ng AIDS. Sinabi ng editoryal sa Mayo Clinic Proceedings (Setyembre 1988) na “ang isa sa mangilan-ngilang bentaha ng epidemya” ay ang “paglikha ng mga pasyente at doktor ng iba’t-ibang estratehiya sa pag-iwas sa pagsasalin ng dugo.” Nagpaliwanag ang isang opisyal ng bangko ng dugo: “Ang naging pagbabago ay ang tindi ng mensahe, ang pagtanggap ng mga manggagamot sa mensahe (dahil sa pasulong na unawa sa mga panganib), at ang paghahangad ng mga panghalili.”​—Transfusion Medicine Reviews, Oktubre 1989.

Pansinin, may mga panghalili! Lalo itong mauunawaan kapag nirepaso kung bakit isinasalin ang dugo.

Ang hemoglobin sa mga pulang selula ay naghahatid ng oksihena na mahalaga sa kalusugan at buhay. Kaya kapag marami ang nawalang dugo, waring makatuwiran na palitan ito. Karaniwan nang may 14 o 15 gramo ng hemoglobin sa bawat 100 sentimetro kubiko ng dugo. (Ang isa pang sukatan ay ang hematocrit, na karaniwa’y mga 45 porsiyento.) Ang wastong “tuntunin” ay ang pagsasalin kapag ang hemoglobin ng pasyente ay mas mababa sa 10 (o 30 porsiyentong hematocrit) bago ang operasyon. Ayon sa lathalaing Swiso na Vox Sanguinis (Marso 1987) “ipinasiya ng 65% ng [mga anestesyologo] na bago operahan, ang hemoglobin ay dapat na 10 gm/dl para sa operasyon na patiunang isinaayos.”

Subalit sa isang komperensiya sa pagsasalin ng dugo noong 1988, itinanong ni Propesor Howard L. Zauder, “Papaano Natin Nakuha ang ‘Mahiwagang Bilang’?” Ipinaliwanag niya: “Ang tuntunin na ang isang pasyente ay dapat magkaroon ng 10 gramo ng hemoglobin (Hgb) bago ito bigyan ng pampatulog ay isa na nababalot sa tradisyon, malabo, at walang klinikal o eksperimental na katibayan.” Guni-gunihin ang libulibong pasyente na sinalinan udyok ng isang ‘malabo, walang-saligang’ kahilingan!

Maaaring itanong ng iba, ‘Bakit ituturing na normal ang hemoglobin na 14 kung makakaraos naman nang mas mababa sa rito?’ Sobra-sobra kasi ang ating kapasidad sa paghahatid ng oksihena kaya tayo ay maaaring mag-ehersisyo at magtrabaho nang mabigat. Ayon sa mga pagsusuri sa mga pasyenteng anemiko, ‘mahirap sukatin ang panghihina ng kakayahang magtrabaho bagaman ang hemoglobin ay kasing-baba ng 7 g/dl. Ang iba ay nakasumpong ng ebidensiya ng babahagyang panghihina.”​—Contemporary Transfusion Practice, 1987.

Bagaman kaya ng mga nasa hustong gulang ang mababang sukat ng hemoglobin, kumusta ang mga bata? Sinasabi ni Dr. James A. Stockman III: “Bukod sa iilan, ang mga sanggol na kulang sa buwan ay dadanas ng pagbaba ng hemoglobin sa una hanggang tatlong buwan . . . Ang mga palatandaan na saligan ng pagsasalin sa mga sanggol ay walang katiyakan. Totoo, maraming sanggol ang wari’y nakakaraos at walang nakikitang suliraning klinikal sa kabila ng napakababang sukat ng hemoglobin.”​—Pediatric Clinics of North America, Pebrero 1986.

Hindi gustong sabihin na walang dapat gawin kapag nawalan ng maraming dugo sa isang sakuna o sa panahon ng operasyon. Kung ang pagkawala ay mabilis at marami, babagsak ang presyon ng dugo, at baka biglang himatayin ang pasyente. Ang unang dapat gawin ay pahintuin ang pagdurugo at ibalik ang sukat ng likido sa mga ugat. Hahadlang ito sa pagkahimatay at mapananatiling umaagos ang natitirang pulang selula at iba pang sangkap ng dugo.

Ang pagsasauli sa sukat ng likido ay magagawa kahit hindi gumamit ng kumpletong dugo o ng plasma. a May iba’t-ibang walang-dugong likido na mabisang pandagdag sa sukat. Ang pinaka-simple ay ang solusyong saline (asin), na hindi magastos at kasundo ng ating dugo. Nariyan pa ang mga likido na may pantanging mga katangian, gaya ng dextran, Haemaccel, at lactated Ringer’s solution. Ang Hetastarch (HES) ay isa pang mas bagong pandagdag sa sukat, at “ito ay buong-ligtas na mairerekumenda sa mga [nasunog na] pasyente na tumatanggi sa mga produkto ng dugo.” (Journal of Burn Care & Rehabilitation, Enero/Pebrero 1989) Ang mga likidong ito ay may tiyak na mga bentaha. “Ang mga solusyong crystalloid [gaya ng normal na saline at lactated Ringer’s solution], Dextran at HES ay hindi nakalalason at hindi magastos, madaling mabili, at maitatago sa katamtamang temperatura, hindi na kailangang suriin kung ito’y kasundo at ligtas sa panganib ng sakit na dulot ng pagsasalin.”​—Blood Transfusion Therapy—A Physician’s Handbook, 1989.

Gayunma’y baka itanong ninyo, ‘Bakit napakabisa ang mga panghaliling likido na walang dugo, gayong kailangan ang mga pulang selula upang makapaghatid ng oksihena sa katawan?’ Gaya ng nasabi na, mayroon tayong reserbang kapasidad sa paghahatid ng oksihena. Kapag nabawasan ang dugo, umaandar agad ang kamanghamanghang mga mekanismo. Sa bawat tibok, mas maraming dugo ang ibinobomba ng puso. Yamang ang nawalang dugo ay napalitan ng isang angkop na likido, ang lumabnaw na dugo ay mas madaling umagos, maging sa maliliit na ugat. Bunga ng mga kemikal na pagbabago, mas maraming oksihena ang ipinadadala sa mga himaymay. Napakabisa ng mga pag-aangkop na ito anupat mawala man ang kalahati ng mga pulang selula, ang paghahatid ng oksihena ay 75 porsiyento pa rin ng sa normal. Ang isang pasyenteng nagpapahinga ay gumagamit lamang ng 25 porsiyento ng oksihena sa kaniyang dugo. At karamihan ng pampatulog ay bumabawas sa pangangailangan ng katawan sa oksihena.

PAPAANO MAKAKATULONG ANG MGA DOKTOR?

Matutulungan ng mga bihasang doktor ang isa na nawalan ng maraming dugo at nagkukulang sa mga pulang selula. Minsang maibalik ang tamang sukat ng likido, makapagbibigay ang mga doktor ng mas matapang na oksihena. Kaya mas maraming oksihena ang magagamit ng katawan at malimit na kagilagilalas ang resulta nito. Ito ang ginawa ng mga doktor sa Britanya nang ang isang babae ay mawalan ng napakaraming dugo anupat “ang kaniyang haemoglobin ay bumagsak sa 1.8 g/dlitro. Nagamot siya . . . sa pamamagitan ng pagpapalanghap sa kaniya ng matapang na oksihena at pagsasalin ng maraming solusyon ng gelatin [Haemaccel].” (Anaesthesia, Enero 1987) Ayon din sa ulat, ang iba ay matagumpay na napagaling sa mga hyperbaric oxygen chamber (tangke na may napakataas na presyon ng oksihena).

Makakatulong din ang mga doktor upang ang pasyente ay makabuo ng mas maraming pulang selula. Papaano? Sa pagtuturok (sa kalamnan o ugat) ng mga solusyong may iron, na tutulong upang ang katawan ay makagawa ng mga pulang selula na tatlo o apat na beses ang bilis kaysa dati. Kamakailan, isa pang tulong ang natuklasan. Ang bató ay gumagawa ng isang hormone na tinatawag na erythropoietin (EPO), na tumutulong sa utak ng buto upang makagawa ng mga pulang selula. Sa ngayon ay mayroon nang artipisyal (sintetiko) na EPO (recombinant). Maibibigay ito ng mga doktor sa mga pasyenteng anemiko, para makabuo sila agad ng mga panghaliling pulang selula.

Maging sa panahon ng operasyon, ang bihasa at taimtim na mga siruhano at anestesyologo ay makakatulong sa pamamagitan ng paggamit ng pasulong na mga paraan sa pagtitipid-ng-dugo. Ang maseselang na teknik sa operasyon, gaya ng electrocautery (pagkoryente sa mga himaymay) upang mabawasan ang pagdurugo, ay hindi kalabisan. Malimit, ang dugong tumatagas sa sugat ay maaaring sipsipin, salain, at muling paagusin sa ugat. b

Ang mga pasyenteng nasa heart-lung machine na may pansundong likido na walang-dugo ay makikinabang sa ibubungang paglabnaw ng dugo (hemodilution), yamang kakaunti ang nawawalang pulang selula.

At marami pang ibang paraan ng pagtulong. Ang pagpapalamig sa pasyente upang mabawasan ang pangangailangan ng oksihena habang inoopera. Pagpapalamig ng katawan. Pagpapabilis sa pamumuo ng dugo. Desmopressin (DDAVP) na nagpapaikli sa panahon ng pagdurugo. Mga laser “scalpel” (panghiwa). Matutuklasan ninyo ang paghaba ng talaan dahil sa paghahangad ng mga doktor at nababahalang mga pasyente na umiwas sa dugo. Sana ay hindi kayo mawalan ng maraming dugo. Ngunit mawalan man kayo, malamang na mapangangalagaan kayo ng bihasang mga doktor na hindi nagsasalin ng dugo, dahil sa napakaraming panganib nito.

OPERASYON, OO—SUBALIT WALANG PAGSASALIN

Marami ngayon ang ayaw tumanggap ng dugo. Sa mga dahilang pangkalusugan, hinihiling nila ang hinahanap ng mga Saksi dahil sa mga saligang relihiyoso: de-kalidad na panggagamot na gumagamit ng walang-dugong mga panghalili. Gaya ng nakita na, posible pa rin ang maseselang na operasyon. Kung may agam-agam pa kayo, papawiin ito ng ilang karagdagang ebidensiya mula sa mga babasahing medikal.

Ang artikulong “Quadruple Major Joint Replacement (Pagpapalit ng Apat na Mahahalagang Kasukasuan) in Member of Jehovah’s Witnesses” (Orthopaedic Review, Agosto 1986) ay naglahad tungkol sa isang pasyenteng anemiko na may “malubhang pinsala sa magkabilang tuhod at balakang.” Ginamit ang iron dextran bago at pagkaraan ng matagumpay at baitang-baitang na operasyon. Iniulat ng British Journal of Anaesthesia (1982) ang tungkol sa isang 52-anyos na babaeng Saksi na ang hemoglobin ay mababa pa sa 10. Sa pamamagitan ng hypotensive anesthesia (pagpapalamig ng katawan) upang bawasan ang naaaksayang dugo, ang kaniyang magkabilang balakang at balikat ay napalitan. Isang grupo ng mga siruhano sa University of Arkansas (E.U.A.) ay gumamit din ng paraang ito sa isandaang Saksi na pinalitan ng balakang, at lahat ng pasyente ay gumaling. Nagkomento ang propesor na nangangasiwa sa departamento: “Ang natutuhan namin sa mga (Saksing) pasyente ay ginagamit namin ngayon sa lahat ng aming pasyente na pinapalitan ng balakang.”

Pumapayag ang budhi ng ibang Saksi na palitan ang mga sangkap ng kanilang katawan kung walang gagamiting dugo. Ganito nagtapos ang isang ulat hinggil sa 13 pagpapalit ng bato: “Iminumungkahi ng pangkalahatang resulta na ang pagpapalit ng bato ay ligtas at mabisa sa karamihan ng mga Saksi ni Jehova.” (Transplantation, Hunyo 1988) Kaya, maging sa matagumpay na pagpapalit ng puso, ang pagtanggi sa dugo ay hindi naging hadlang.

‘Kumusta ang ibang operasyon na walang dugo?’ baka itatanong ninyo. Binanggit ng Medical Hotline (Abril/Mayo 1983) ang “mga Saksi ni Jehova na sumailalim ng maseselang na walang pagsasalin ng dugong operasyon na gynecological at obstetric (sakit ng mga babae at panganganak) [sa Wayne State University, E.U.A.].” Ang pahayagan ay nag-ulat: “Ang panganib ng kamatayan at mga komplikasyon ay walang pinagkaiba sa mga babaeng sumailalim ng gayon ding mga operasyon na may pagsasalin ng dugo.” At saka nagkomento ang pahayagan: “Ang mga resulta ng pag-aaral na ito ay humihiling ng bagong pangmalas sa paggamit ng dugo para sa lahat ng babaeng sumasailalim ng mga operasyong gynecological at obstetric.”

Sa ospital ng Göttingen Univeristy (Alemanya), 30 pasyente na tumanggi sa dugo ang sumailalim ng maseselang na operasyon. “Walang bumangong komplikasyon na naiiba sa mga pasyenteng sinalinan ng dugo. . . . Huwag nang gawing isyu ang di pagpapasalin, at hindi ito dapat humadlang sa isang operasyon na lubhang kinakailangan at maaari namang gawin.”​—Risiko in der Chirurgie, 1987.

Ang walang-dugong operasyon sa utak ay naisagawa na rin sa maraming kabataan at mga nasa hustong gulang, halimbawa, sa New York University Medical Center. Noong 1989 ay sumulat si Dr. Joseph Ransohoff, pinuno ng neurosurgery: “Maliwanag na ang pag-iwas sa dugo ay may babahagyang panganib sa mga pasyente na tumututol dahil sa mga paniwalang relihiyoso, lalo na kapag ang operasyon ay ginawa nang maingat at sa pinakamaigsing panahon. Kawiliwiling banggitin na malimit ay hindi ko naaala-ala na ang pasyente ay isang Saksi hanggang sa ito ay papalabas na sa ospital at ako ay pasalamatan dahil sa paggalang sa kanilang relihiyosong mga paniwala.”

Bilang panghuli, ang mga kabataan ba at mga nasa hustong gulang ay maaaring sumailalim sa masalimuot na walang-dugong operasyon sa puso at mga ugat? Naging pasimuno si Dr. Denton A. Cooley rito. Gaya ng makikita sa medikal na artikulo na muling inilalathala sa Apendise, sa pahina 27-29, nagpasiya si Dr. Cooley salig sa isang naunang pagsusuri “na ang panganib sa pag-oopera ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay hindi masasabing mas mataas kaysa sa iba.” Ngayon, pagkatapos ng 1,106 operasyon, siya ay sumusulat: “Sa bawat pagkakataon ay nasusunod ang napagkasunduan o kontrata namin ng pasyente,” alalaong baga’y, ang hindi paggamit ng dugo.

Naobserbahan ng mga siruhano na ang mabuting saloobin ay isa pang katangian ng mga Saksi ni Jehova. “Kapuripuri ang saloobin ng mga pasyenteng ito,” sabi ni Dr. Cooley noong Oktubre 1989. “Wala silang takot sa mga komplikasyon at pati sa kamatayan na gaya ng karamihan ng pasyente. Sila’y may masidhi at walang-maliw na pananampalataya sa kanilang relihiyon at sa kanilang Diyos.”

Hindi nangangahulugan na iginigiit nila ang karapatan na mamatay. Puspusan silang naghahanap ng de-kalidad na pag-aasikaso palibhasa’y gusto nilang gumaling. Kumbinsido sila na matalino ang pagsunod sa batas ng Diyos sa dugo, isang pangmalas na may positibong impluwensiya sa operasyong hindi ginagamitan ng dugo.

Sinabi ni Propesor Dr. V. Schlosser, ng ospital sa University of Freiburg (Alemanya): “Sa mga pasyenteng ito, ang pagdurugo sa panahon ng operasyon ay hindi naging mas malubha kaysa sa iba; at ang mga komplikasyon, kung mayroon man, ay mas kaunti. Ang natatanging pangmalas sa sakit, na karaniwan sa mga Saksi ni Jehova, ay may positibong impluwensiya sa operasyon.”​—Herz Kreislauf, Agosto 1987.

[Mga talababa]

a Ang mga Saksi ay hindi nagpapasalin ng kumpletong dugo, pulang selula, puting selula, platelet, o ng plasma. Kung tungkol sa maliliit na bahagi, gaya ng immune globulin, tingnan ang Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1990, pahina 30-1.

b Tinatalakay ng Ang Bantayan ng Marso 1, 1989, pahina 30-1, ang mga simulain ng Bibliya kaugnay ng pagsagip sa dugo at ng mga makinang nagpapadaloy-ng-dugo sa labas ng katawan.

[Kahon sa pahina 13]

“Dapat nating ipasiya na sa kasalukuyan maraming pasyente ang tumatanggap ng dugo bagaman hindi nakikinabang dito (ang dugo ay hindi kailangan), gayunman sila’y nanganganib dahil sa isang di-kanaisnais na epekto. Walang doktor na kusang maghahantad sa pasyente sa isang lunas na bukod sa hindi na nakakatulong ay nakapi-pinsala pa, subalit ito mismo ang nangyayari kapag ang dugo ay isinasalin bagaman hindi ito kailangan.”​—​“Transfusion-Transmitted Viral Diseases,” 1987.

[Kahon sa pahina 14]

“Sinabi ng ilang autor na maaaring isaalang-alang ang hemoglobin na kasimbaba ng 2 hanggang 2.5 gm./​100ml. . . . Ang isang malusog na tao ay maaaring makatagal sa kabila ng 50 porsiyentong pagkawala ng masa ng pulang selula sa dugo at halos hindi nagpapakita ng sintomas bagaman ang kakulangan ng dugo ay magpatuloy sa mahaba-habang panahon.”​—“Techniques of Blood Transfusion,” 1982.

[Kahon sa pahina 15]

“Iwinawaksi na ngayon ang mas matatandang konsepto hinggil sa paghahatid ng oksihena sa mga himaymay, paggaling ng sugat, at ‘nutrisyonal na halaga’ ng dugo. Ipinakikita ng karanasan kaugnay ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova na ang malubhang anemiya ay naidaraos nang may kahusayan.”​—“The Annals of Thoracic Surgery,” Marso 1989.

[Kahon sa pahina 16]

Pati ba maliliit na bata? “Apatnapu’t-walong operasyon na ‘open-heart’ ang isinagawa sa mga bata sa pamamagitan ng mga teknikang hindi ginagamitan ng dugo, gaano man kasalimuot ang mga ito.” Ang timbang ng mga bata ay kasimbaba lamang ng 4.7 kilo. “Dahil sa patuloy na pag-aani ng tagumpay sa mga Saksi ni Jehova at yamang ang pagsasalin ay may kaakibat na malulubhang komplikasyon, sa ngayon halos lahat ng aming mga operasyon ay hindi na ginagamitan ng dugo.”​—“Circulation,” Setyembre 1984.

[Larawan sa pahina 15]

Ang heart-lung machine ay malaking tulong sa operasyon sa puso para sa mga pasyenteng ayaw ng dugo