Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karapatan Ninyo na Pumili

Karapatan Ninyo na Pumili

Karapatan Ninyo na Pumili

Ang pagtutulungan ng doktor at pasyente sa pag-iwas sa dugo ay pinadadali ng isang bagong medikal na paraan (tinatawag na risk/benefit analysis [pagsusuri sa panganib o pakinabang]). Tinitimbang ng mga doktor ang mga panganib ng isang partikular na gamot o operasyon at ang mga posibleng pakinabang nito. Ang mga pasyente ay maaari ding makibahagi sa ganitong pagsusuri.

Gumamit tayo ng isang halimbawa na mauunawaan sa maraming lugar—ang palaging pamamagâ ng tonsil. Kung ito’y problema ninyo, malamang na magpapatingin kayo sa doktor. Ang totoo, baka dalawa ang konsultahin ninyo, yamang iminumungkahi ng mga eksperto sa kalusugan ang pagkuha ng ikalawang opinyon. Baka irekumenda ng unang doktor ang operasyon. Iisa-isahin niya ang nasasangkot: haba ng pagkaka-ospital, tindi ng kirot, at gastos. Kung tungkol sa panganib, sasabihin niya na bihira ang malubhang pagdurugo at madalang ang namamatay sa operasyon. Ngunit hinihimok kayo ng pangalawang doktor na subukan ang mga antibayotiko. Ipaliliwanag niya ang uri ng gamot, ang posibilidad ng tagumpay, at gastos. Kung tungkol sa panganib, sasabihin niya na iilang pasyente lamang ang dumanas ng nagbabanta-sa-buhay na reaksiyon sa droga.

Malamang na isinaalang-alang ng dalawang bihasang doktor ang mga panganib at pakinabang, subalit ngayon ang mga ito ay dapat ninyong timbangin, pati na ang iba pang salik na kayo ang higit na nakakaalam. (Kayo ang higit na makapagpapasiya sa mga aspetong gaya ng inyong emosyonal o espirituwal na lakas, pananalapi, epekto sa pamilya, at ng inyong budhi.) Pagkatapos ay magpapasiya kayo. Malamang na ibigay ninyo ang may-kabatirang pagsang-ayon sa isang paraan subalit tatanggihan naman ang ikalawa.

Totoo rin ito kapag anak ninyo ang may namamagang tonsil. Ang mga panganib, pakinabang, at lunas ay iisa-isahin sa inyo, bilang maibiging mga magulang na tuwirang naapektuhan at may pananagutan na humarap sa mga ibubunga. Matapos isaalang-alang ang lahat ng aspeto, makagagawa kayo ng may-kabatirang pasiya na nagsasangkot sa kalusugan ng inyong anak at maging sa mismong buhay nito. Marahil ay sasang-ayon kayo sa operasyon, bagaman mapanganib ito. Ang ibang magulang ay baka piliin ang mga antibayotiko, bagaman mapanganib ito. Kung papaanong nagkakaiba ang payo ng mga doktor, ang mga pasyente o magulang ay nagkakaiba rin ng palagay hinggil sa kung ano ang pinakamabuti. Ito ang isang salik na dapat maunawaan sa paggawa ng may-kabatiran (sa panganib o pakinabang) na mga pasiya.

Kumusta ang paggamit ng dugo? Sinomang gumagawa ng walang-kiling na pagsusuri ay aamin na ang pagsasalin ng dugo ay nagsasangkot ng malaking panganib. Niliwanag itong mabuti ni Dr. Charles Huggins, direktor ng pagsasalin sa malaking Massachusetts General Hospital: “Ang dugo ay mas ligtas ngayon. Pero hindi pa rin maituturing na ligtas-na-ligtas. Ito ang pinakamapanganib na sangkap na ginagamit sa medisina.”​—The Boston Globe Magazine, Pebrero 4, 1990.

Kaya makatuwiran na napayuhan ang mga mediko: “Mahalaga na suriing-muli ang mga panganib sa ugnayan ng pakinabang-at-panganib sa pagsasalin ng dugo at humanap ng mga panghalili.” (Amin ang italiko.)​—Perioperative Red Cell Transfusion, komperensiya ng National Institutes of Health, Hunyo 27-29, 1988.

Maaaring magsalungatan ang mga doktor sa mga pakinabang o panganib ng paggamit ng dugo. Baka ang isa ay marami nang karanasan sa pagsasalin at kumbinsido siya na sulit ang mga panganib nito. Ang isa naman ay maaaring makadama na ang mga panganib ay walang saligan, sapagkat marami na siyang mabubuting resulta sa hindi paggamit ng dugo. Gayunman, sa bandang huli, kayo bilang pasyente o magulang, ang dapat magpasiya. Bakit kayo? Sapagkat ang nasasangkot ay ang inyong katawan (o ng sa inyong anak), buhay, budhi, at ang mahalagang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

KINIKILALA ANG INYONG KARAPATAN

Sa maraming dako ngayon, karapatan ng pasyente na magpasiya kung aling lunas ang tatanggapin niya at ang karapatang ito ay hindi maaaring labagin. “Ang batas hinggil sa may-kabatirang pasiya ay isinalig sa dalawang pangangatuwiran: una, karapatan ng pasyente na tumanggap ng sapat na impormasyon upang makagawa ng may-kabatirang pasiya hinggil sa inirerekumendang lunas; at pangalawa, ang pasyente ay maaaring tumanggap o tumanggi sa rekumendasyon ng doktor. . . . Malibang igalang ang karapatan ng pasyente sa pagsasabi ng hindi, at pati na ng oo, at maging ng oo na may kondisyon, ay mawawalan ng saysay ang halos lahat ng pangangatuwiran ukol sa may-kabatirang pasiya.”​—Informed Consent​—Legal Theory and Clinical Practice, 1987. a

May mga pasyenteng napaharap sa pagsalansang nang subukin nilang igiit ang kanilang karapatan. Maaaring ito ay mula sa isang kaibigan na hindi pabor sa pagtanggal ng tonsil o sa mga antibayotiko. O baka kumbinsido ang doktor na wasto ang kaniyang payo. Baka pa nga tumutol ang isang opisyal sa ospital, salig sa mga kapakanang legal o pinansiyal.

“Maraming ortopediko ang nagpasiya na huwag mag-opera sa mga [Saksing] pasyente,” sabi ni Dr. Carl L. Nelson. “Naniniwala kami na karapatan ng pasyente na tumanggi sa alinmang panggagamot. Kung mailalaan ang ligtas na operasyon sa kabila ng pagkakait ng isang partikular na lunas, gaya ng pagsasalin, dapat itong maging resulta ng pagpapasiya.”​—The Journal of Bone and Joint Surgery, Marso 1986.

Ang makonsiderasyong pasyente ay hindi pipilit sa manggagamot na gumamit ng isang paraan na hindi napagsanayan ng doktor. Gayunman, sinabi ni Dr. Nelson na maraming taimtim na doktor ang nagpaunlak sa paniwala ng pasyente. Nagpayo ang isang opisyal na Aleman: “Hindi maaaring tumanggi ang isang doktor . . . at sasabihing hindi niya maipagkakaloob ang lahat ng medikal na panghalili sa isang Saksi ni Jehova. Tungkulin pa rin niyang tumulong bagaman nabawasan ang mga paraang mapagpipilian niya.” (Der Frauenarzt, Mayo-Hunyo, 1983) Kasuwato nito, ang mga ospital ay umiiral hindi lamang upang kumita ng salapi kundi upang maglingkod nang walang pagtatangi. Sinabi ng Katolikong teologo na si Richard J. Devine: “Bagaman dapat gamitin ng ospital ang bawat pagsisikap sa medisina upang mapangalagaan ang buhay at kalusugan ng pasyente, dapat nitong tiyakin na ang pangangalagang medikal ay hindi lalabag sa budhi [ng pasyente]. Bukod dito, dapat iwasan ang lahat ng panggigipit, mula sa panghihikayat sa pasyente hanggang sa paghahabol sa hukuman upang sapilitang magpasalin ng dugo.”​—Health Progress, Hunyo 1989.

SA HALIP NA ANG SA HUKUMAN

Marami ang sasang-ayon na ang hukuman ay hindi dako ukol sa personal na mga suliranin sa medisina. Ano ang inyong madadama kung naipasiya ninyong gumamit ng antibayotiko subalit may nagdemanda sa hukuman para pilitin kayo na magpatanggal ng tonsil? Baka gustong ilaan ng doktor ang sa akala niya’y pinakamabuti, subalit hindi niya tungkulin na humanap ng legal na paraan upang yurakan ang inyong saligang mga karapatan. At yamang ang moralidad ng pag-iwas sa dugo ay ipinapantay ng Bibliya sa pag-iwas sa pakikiapid, ang paggigiit ng dugo sa isang Kristiyano ay katumbas ng puwersahang pagsiping​—panggagahasa.​—Gawa 15:28, 29.

Gayunman, iniuulat ng Informed Consent for Blood Transfusion (1989) na ang ilang hukuman ay naaaburido kapag ang pasyente ay handang humarap sa isang partikular na panganib dahil sa relihiyosong karapatan “kaya umiimbento sila ng mga legal na eksepsiyon​—mga legal na kathang-isip, sabihin natin​—upang ipilit ang pagpapasalin.” Baka pagpaumanhinan nila ito sa pagsasabing ang pasyente ay buntis o na may mga anak na dapat suportahan. “Ito’y pawang legal na kathang-isip,” sabi ng aklat. “Karapatan ng mga may-kakayahan at nasa hustong gulang na tumanggi.”

Nakakaligtaan ng ibang mapilit sa pagpapasalin ng dugo na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tutol sa lahat ng paraan ng paggamot. Tutol lamang sila sa isang paraan na, ayon mismo sa mga eksperto, ay lipos ng panganib. Karaniwan na, ang isang suliraning medikal ay maaaring harapin sa iba’t-ibang paraan. Ang isa ay may ganitong panganib, at ang iba ay may gayong panganib. Ang isa bang hukuman o doktor ay parang ama na nakakaalam kung aling panganib ang “mas pabor sa inyong kapakanan”? Kayo ang makakahatol nito. Matatag ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova na huwag ipaubaya sa iba ang pagpapasiya: personal nilang pananagutan ito sa harapan ng Diyos.

Kung igigiit sa inyo ng hukuman ang isang kasuklamsuklam na gamot, papaano ito aapekto sa inyong budhi at sa inyong hangarin na mabuhay? Sumulat si Dr. Konrad Drebinger: “Isang lihis na ambisyong medikal ang aakay sa isa upang pilitin ang pasyente na tanggapin ang iminungkahing paraan, na pinangingibabawan ang budhi nito, at sa gayo’y ginagamot ang kaniyang katawan subalit pinapatay naman ang kaniyang kaluluwa.”​—Der Praktische Arzt, Hulyo 1978.

MAIBIGING PANGANGALAGA SA MGA ANAK

Ang mga kaso sa hukuman na kaugnay ng dugo ay pangunahin nang nagsasangkot sa mga anak. May mga pagkakataon na nang ang maibiging mga magulang ay may pagpipitagang tumanggi sa dugo, sinikap ng ilang doktor na dumulog sa hukuman upang igiit ang pagsasalin. Sabihin pa, sang-ayon ang mga Kristiyano sa mga batas o pasiya ng hukuman na humahadlang sa pang-aabuso o pagpapabaya sa mga bata. Marahil ay nakabasa na kayo ng mga kaso tungkol sa magulang na nagmalupit sa anak o lubusang nagkait dito ng pagpapagamot. Nakalulungkot! Maliwanag, ang Estado ay maaaring humakbang at dapat na humakbang upang ipagtanggol ang isang batang pinabayaan. Gayunman, madaling makita ang kaibahan ng maasikasong magulang na humihiling ng de-kalidad na lunas na hindi gumagamit ng dugo.

Ang mga kaso sa hukuman ay karaniwan nang nagsasangkot sa isang bata sa ospital. Papaano naospital ang bata, at bakit? Halos sa bawat pagkakataon, mga nababahalang magulang ang nagdala sa bata upang mabigyan ito ng de-kalidad na pangangalaga. Gaya ni Jesus na nagmalasakit sa mga bata, ang mga Kristiyano ay maasikaso sa anak. Binabanggit ng Bibliya ang ‘sisiwa na nag-aalaga ng sariling anak.’ Ganito kasidhi ang pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak.—1 Tesalonica 2:7; Mateo 7:11; 19:13-15.

Likas lamang, na mga magulang ang gumawa ng mga pasiya na aapekto sa kaligtasan at buhay ng kanilang anak: Ang pamilya ba ay gagamit ng gas o kuryente sa pagluluto? Isasama ba nila ang bata sa malayong paglalakbay? Puwede ba siyang mag-swimming? Ang mga bagay na ito ay nagsasangkot ng panganib, pati na ng buhay-at-kamatayan. Ngunit iginagalang ng lipunan ang pasiya ng magulang, kaya iniuukol sa kanila ang pangwakas na pasiya sa halos lahat ng desisyon na aapekto sa kanilang mga anak.

Noong 1979, maliwanag na isinaad ng Korte Suprema ng E.U.: “Ang konsepto ng batas para sa pamilya ay salig sa paniwala na nasa magulang ang hindi taglay ng bata na pagkamaygulang, karanasan, at kakayahang humatol sa mabibigat na suliranin sa buhay. . . . Kung ang pasiya ng magulang [sa isang suliraning medikal] ay nagsasangkot ng panganib, ang kapangyarihan na gumawa ng gayong pasiya ay hindi kusang naililipat mula sa mga magulang tungo sa isang ahensiya o opisyal ng estado.”​—Parham v. J.R.

Nang taon ding yaon ay nagpasiya ang New York Court of Appeals: “Ang pinakamakahulugang salik sa pagpapasiya kung baga ang isang bata ay pinagkakaitan ng sapat na pangangalagang medikal . . . ay kung nailaan ng mga magulang sa kanilang anak ang angkop na kagamutan sa liwanag ng lahat ng nasasangkot na sirkumstansiya. Ang usaping ito ay hindi maihaharap salig sa kung ang magulang ay gumawa ng ‘tumpak’ o ‘maling’ pasiya, sapagkat ang kasalukuyang pamamaraan ng medisina, sa kabila ng malaking pagsulong nito, ay bihirang makapagharap ng gayong tiyak na mga konklusyon. Ni nararapat angkinin ng hukuman ang papel ng isang kahaliling magulang.”​—In re Hofbauer.

Alalahanin ang halimbawa ng mga magulang na pumipili ng operasyon o ng antibayotiko. Bawat paraan ay may kaakibat na panganib. Pananagutan ng maibiging mga magulang na timbangin ang mga panganib, pakinabang, at iba pang salik at saka gumawa ng pasiya. Kaya iminungkahi ni Dr. Jon Samuels (Anesthesiology News, Oktubre 1989) ang pagrerepaso ng Guides to the Judge in Medical Orders Affecting Children, na may ganitong paninindigan:

“Hindi pa sapat ang pagsulong ng medisina upang pahintulutan ang isang doktor na humula nang may katiyakan na ang pasyente ay mabubuhay o mamamatay . . . Kung may mapagpipiliang paraan​—kung, halimbawa, imungkahi ng doktor ang isang paraan na 80 porsiyento ang posibilidad ng tagumpay subalit tutol dito ang mga magulang, at ang mga magulang ay sang-ayon sa isang paraan na 40 porsiyento lamang ang posibilidad ng tagumpay​—dapat piliin ng doktor ang landasing mas mapanganib sa medikal subalit mas gusto ng magulang.”

Dahil sa maraming nakamamatay na panganib sa pagsasalin ng dugo na natuklasan, at yamang may mabibisang mga panghalili, hindi kaya mas maliit ang panganib ng pag-iwas sa dugo?

Kaya maraming salik ang dapat timbangin ng isang Kristiyano sakaling mangailangan ng operasyon ang kaniyang anak. Mapanganib ang bawat operasyon, may dugo man o wala. Sinong siruhano ang makapagbibigay ng garantiya? Batid ng mga magulang na ang bihasang mga doktor ay nagtagumpay sa walang-dugong operasyon sa mga anak ng mga Saksi. Kaya bagaman naiiba ang hilig ng isang doktor o opisyal sa ospital, sa halip na simulan ang maaksaya-sa-panahon at maigting na usapin sa hukuman, hindi ba makatuwiran at angkop na sila ay makipagtulungan sa maibiging mga magulang? O maaaring ilipat ng mga magulang ang kanilang anak sa ibang ospital na mas makaranasan sa paghawak ng gayong mga kaso at handang gawin ito. Sa katunayan, ang walang-dugong panggagamot ay malamang na maging de-kalidad na pangangalaga, sapagkat tutulong ito sa pamilya na “abutin ang lehitimong medikal at di-medikal na mga tunguhin” na binanggit sa pasimula.

[Talababa]

a Tingnan ang medikal na artikulong “Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?” na sinisipi sa Apendise, pahina 30-1.

[Kahon sa pahina 18]

PAGPAPALAYA SA LEGAL NA MGA PANANAGUTAN

Maaari ninyong itanong, ‘Bakit apurado ang ilang doktor at ospital na dumulog sa hukuman upang sapilitang makapagsalin ng dugo?’ Ang karaniwang dahilan ay ang takot na papanagutin.

Walang dahilan na mag-alala tungkol dito kapag pinipili ng mga Saksi ni Jehova ang panlunas na hindi gumagamit ng dugo. Isang doktor sa Albert Einstein College of Medicine (E.U.A.) ang sumusulat: “Karamihan [ng mga Saksi] ay kusang lumalagda sa porma ng American Medical Association na nagpapalaya sa mga doktor at ospital mula sa pananagutan, at marami ang maydala ng [tarhetang] Medical Alert. Ang pormang ‘Refusal to Accept Blood Products’ na may-wastong lagda at petsa ay isang kontrata at may legal na bisa.”​—Anesthesiology News, Oktubre 1989.

Oo, nakikipagtulungan ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng paglalaan ng legal na katiyakan na ang isang doktor o ospital ay hindi mananagot kung susunod siya sa kahilingan na huwag gumamit ng dugo. Gaya ng iminumungkahi ng mga eksperto sa medisina, bawat Saksi ay may tarhetang Medical Document. Ito ay binabago taun-taon at nilalagdaan ng may-katawan at ng mga saksi, malimit ay yaong malalapit niyang kamag-anak.

Noong Marso 1990 itinaguyod ng Korte Suprema ng Ontario, Canada, ang isang desisyon na sumasang-ayon sa ganitong dokumento: “Ang tarheta ay isang nasusulat na kapahayagan hinggil sa wastong paninindigan na legal na magagawa ng may-katawan upang igiit ang isang nasusulat na restriksiyon ng kontrata sa doktor.” Sa Medicinsk Etik (1985), si Propesor Daniel Andersen ay sumulat: “Kapag may maliwanag na nasusulat na kapahayagan mula sa pasyente na nagsasabing siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova at hindi niya gusto ng dugo anoman ang mangyari, ang paggalang sa kalayaan ng pasyente ay humihiling ng pagtalima sa kahilingang ito, katulad din ng kung ito ay ipinahayag nang bibigan.”

Ang mga Saksi ay lumalagda rin sa hospital consent form. Ang porma na ginagamit sa isang ospital sa Freiburg, Alemanya, ay may espasyo na doo’y mailalarawan ng doktor ang impormasyon na ibinigay niya sa pasyente hinggil sa paraan ng paggamot. At sa ibabaw ng lagda ng doktor at ng pasyente, ang porma ay nagsasaad pa: “Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ako’y walang-pasubaling tumatanggi sa paggamit ng dugo ng ibang tao o ng mga sangkap ng dugo sa aking operasyon. Batid ko na ang isinaplano at kinakailangang pamamaraan ay mas mapanganib dahil sa komplikasyon ng pagdurugo. Matapos paliwanagan nang lubusan hinggil dito, hinihiling ko na ang kinakailangang operasyon ay isagawa nang walang dugo o mga sangkap ng dugo ng ibang tao.”​—Herz Kreislauf, Agosto 1987.

Ang totoo, mas maliit ang panganib sa hindi paggamit ng dugo. Subalit ang punto ay na nalulugod ang mga pasyenteng saksi na bawasan ang di-kinakailangang pag-aalala upang magampanan ng mga doktor ang kanilang tungkulin, ang pagpapagaling sa mga tao. Sa pakikipagtulungang ito ay nakiikinabang ang lahat, gaya ng ipinakita ni Dr. Angelos A. Kambouris sa “Major Abdominal Operations on Jehovah’s Witnesses”:

“Dapat kilalanin ng siruhano na may-bisa ang kasunduan na ginawa bago simulan ang operasyon at dapat niyang sundin ito anoman ang mangyari sa panahon at pagkaraan ng operasyon. [Ito] ay tumutulong upang ang mga pasyente ay maging positibo sa kanilang operasyon, at ibinabaling ang atensiyon ng siruhano mula sa legal at pilosopikal na mga alalahanin tungo sa surhikal at teknikal na pamamaraan, at sa gayo’y hinahayaan siyang gamitin ang kaniyang buong kakayahan at paglingkuran ang pinakamabuting kapakanan ng pasyente.”​—The American Surgeon, Hunyo 1987.

[Kahon sa pahina 19]

“Ang labis na paggamit ng teknolohiya sa medisina ay isang pangunahing salik sa pagtaas ng kasalukuyang halaga ng pagpapagamot. . . . Ang pagsasalin ng dugo ay may partikular na importansiya dahil sa kamahalan at panganib nito. Kaya, ang pagsasalin ng dugo ay inuri ng American Joint Commission on Accreditation of Hospitals bilang ‘lubhang palasak, lubhang mapanganib at malimit na may-pagkakamali.’ ”​—“Transfusion,” Hulyo-Agosto 1989.

[Kahon sa pahina 20]

Alemanya: “Ang karapatan ng pasyente sa sariling-pasiya ay nananaig sa simulain ng pagbibigay ng tulong at pagliligtas ng buhay. Ang resulta: walang pagsasalin ng dugo laban sa kalooban ng pasyente.”​—“Herz Kreislauf,” Agosto 1987.

Espanya: “Ang pagsasalin ng dugo, o ng mga produktong galing dito, sa isang pasyenteng Saksi ni Jehova na may hustong gulang at maliwanag ang isipan at laban sa kaniyang malayang kalooban, ay malamang na ilegal, sa diwa na ito ay paglabag sa saligang karapatan ng taong yaon. At, sa aming opinyon, maliwanag na ito ay salungat sa wagas na asal.”​—Revista Española de Cardiologia, Setyembre-Oktubre 1981.

Olandiya: “Talaga bang obligado ang isang doktor na igalang ang gayong pagtanggi [sa dugo]? Sinasabi ng mga eksperto sa karapatang pangkalusugan na walang alinlangan dito. Ipinahihiwatig ni [Prop. Dr. H. J. J.] na ang karapatan ng sariling-pasiya ay unang hakbang sa mga karapatan ng pasyente . . . ‘Tanging pasyente ang may karapatang magpasiya para sa kaniyang sariling buhay.’ ”​—Actuele Zaken, Agosto/Setyembre 1988.

[Kahon sa pahina 21]

Nag-uulat si Dr. Law-rence S. Frankel: “Natuklasan ko na ang mga pamilya [ng mga Saksi ni Jehova] ay malapít sa isa’t-isa at maibigin. Ang mga anak ay edukado, mapagmalasakit, at magalang. . . . Wari’y mas mahigpit ang pagtalima nila sa utos ng medisina, na ipinamamalas ng kanilang pagsang-ayon sa pakiki-alam ng medisina ayon sa ipinahihintulot ng kanilang paniwala.”​—Department of Pediatrics, M. D. Anderson Hospital and Tumor Institute, Houston, E.U.A., 1985.

[Kahon sa pahina 22]

“Ikinatatakot ko na, ang matinong pagpapasiya sa medisina ay karaniwan nang nahahalinhan ng propesyonal na arogansiya,” sabi ni Dr. James L. Fletcher, Jr. “Ang mga lunas na itinuturing na ‘pinakamabisa ngayon’ ay binabago o itinatakwil kinabukasan. Sino ang mas mapanganib, ang ‘relihiyosong magulang’ o ang aroganteng doktor na kumbinsido na wala nang mas mahalaga kundi ang kaniyang paraan?”​—“Pediatrics,” Oktubre 1988.