Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 3

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

1, 2. Anong pangitain ang tinanggap ni propeta Isaias, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova?

 NASINDAK si Isaias sa tanawing nasa harapan niya—isang pangitain mula sa Diyos. Parang totoong-totoo! Pagkaraan ay isinulat ni Isaias na “nakita [niya] si Jehova” sa Kaniyang matayog na trono. Napunô ng mahabang laylayan ni Jehova ang napakalaking templo sa Jerusalem.​—Isaias 6:1, 2.

2 Nasindak din si Isaias sa kaniyang narinig—napakalakas na pag-aawitan anupat nauga nito ang templo hanggang sa mga pundasyon nito. Ang awit ay nagmumula sa mga serapin, mga espiritung nilalang na may napakataas na ranggo. Ang kanilang malakas at nagkakaisang tinig ay umalingawngaw na may simpleng mga salita ng karingalan: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang buong lupa ay punô ng kaluwalhatian niya.” (Isaias 6:3, 4) Ang tatlong ulit na pag-awit ng salitang “banal” ay nagbibigay rito ng pantanging pagdiriin, at angkop lamang ito, sapagkat taglay ni Jehova ang pinakamataas na antas ng kabanalan. (Apocalipsis 4:8) Ang kabanalan ni Jehova ay idiniriin sa buong Bibliya. Daan-daang talata ang nag-uugnay ng kaniyang pangalan sa mga salitang “banal” at “kabanalan.”

3. Paanong ang mga maling pananaw sa kabanalan ni Jehova ay nakaakay sa marami na lumayo sa Diyos sa halip na lumapit sa kaniya?

3 Kung gayon, isa sa mga gusto ni Jehova na maunawaan natin ay na siya ay banal. Gayunman, marami sa ngayon ang nayayamot sa mismong ideyang ito. Ang kabanalan ay may kamaliang iniuugnay ng ilan sa pagmamatuwid sa sarili o pagbabanal-banalan. Para sa mga taong binabagabag ng isang negatibong pananaw sa kanilang sarili, ang kabanalan ng Diyos ay baka lalong makatakot sa halip na makahikayat. Maaaring iniisip nila na hindi na sila magiging karapat-dapat na mapalapít sa banal na Diyos. Nakalulungkot, marami ang lumalayo sa Diyos dahil sa kaniyang kabanalan, kahit ito sana ang matibay na dahilan upang lumapit sa kaniya. Bakit? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, pag-usapan muna natin kung ano ang tunay na kabanalan.

Ano ang Kabanalan?

4, 5. (a) Ano ang kahulugan ng “kabanalan,” at ano ang hindi kahulugan nito? (b) Sa anong dalawang mahalagang paraan “hiwalay” si Jehova?

4 Ang pagiging banal ng Diyos ay hindi nangangahulugang siya’y mapagmapuri, mapagmataas, o mapanghamak sa iba. Sa kabaligtaran, kinapopootan niya ang mga ugaling ito. (Kawikaan 16:5; Santiago 4:6) Kung gayon, ano nga ba talaga ang kahulugan ng salitang “banal”? Sa Biblikal na Hebreo, ang salitang ito ay kinuha sa isang termino na nangangahulugang “hiwalay.” Sa pagsamba, ang “banal” ay kumakapit sa isang bagay na hiwalay sa karaniwang gamit, o na itinuturing na sagrado. Ang kabanalan ay nagdadala rin ng ideya ng pagiging malinis at dalisay. Paano kumakapit ang salitang ito kay Jehova? Nangangahulugan ba ito na siya’y “hiwalay” sa di-perpektong mga tao, anupat malayo sa atin?

5 Hindi. Bilang “ang Banal ng Israel,” tiniyak ni Jehova sa bayan niya na nasa gitna nila siya kahit makasalanan sila. (Isaias 12:6; Oseas 11:9) Kaya kahit banal siya, malapit pa rin siya sa mga mananamba niya. Kung gayon, paano siya nagiging “hiwalay”? Sa dalawang mahalagang paraan. Una, siya ay hiwalay sa lahat ng nilalang dahil siya lamang ang Kataas-taasan. Ang kaniyang kadalisayan, ang kaniyang kalinisan, ay ganap at walang limitasyon. (Awit 40:5; 83:18) Ikalawa, si Jehova ay lubusang hiwalay sa lahat ng kasalanan, at iyan ay nakaaaliw isipin. Bakit?

6. Bakit nakaaaliw sa atin ang pagiging lubusang hiwalay ni Jehova sa kasalanan?

6 Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na salat sa tunay na kabanalan. Lahat ng bagay sa lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos ay marumi sa ilang antas, anupat may bahid ng kasalanan at pagiging di-perpekto. Tayong lahat ay kailangang makipagbaka sa kasalanang nakapaloob sa atin. At tayong lahat ay nanganganib na madaig ng kasalanan kung tayo’y hindi mag-iingat. (Roma 7:15-25; 1 Corinto 10:12) Wala kay Jehova ang gayong panganib. Palibhasa’y lubusang hiwalay sa pagkakasala, hindi siya kailanman mababahiran ng kasalanan. Pinatitibay nito ang ating pagtingin kay Jehova bilang ang ulirang Ama, sapagkat nangangahulugan ito na siya’y lubusang maaasahan. Di-gaya ng maraming makasalanang amang tao, si Jehova ay hindi kailanman magiging tiwali, buktot, o mapang-abuso. Dahil sa kaniyang kabanalan, tiyak na imposibleng mangyari ang gayong bagay. Sa pana-panahon ay ipinanunumpa pa nga ni Jehova ang kaniyang kabanalan, sapagkat wala nang iba pang bagay na higit na mapagkakatiwalaan. (Amos 4:2) Hindi ba’t iyan ay nakaaaliw?

7. Bakit masasabing ang kabanalan ay likas kay Jehova?

7 Ang kabanalan ay likas kay Jehova. Ano ang ibig sabihin nito? Bilang halimbawa: Isaalang-alang ang mga salitang “tao” at “di-perpekto.” Hindi mo mailalarawan ang una nang hindi binabanggit ang huli. Ang pagiging di-perpekto ay nananaig sa atin at nakaiimpluwensiya sa lahat ng ating ginagawa. Isaalang-alang naman ngayon ang dalawang salita na ibang-iba—“Jehova” at “banal.” Kabanalan ang nananaig kay Jehova. Lahat ng tungkol sa kaniya ay malinis, dalisay, at matuwid. Hindi natin makikilala kung sino talaga si Jehova hangga’t hindi natin nauunawaan ang salitang “banal.”

“Ang Kabanalan ay kay Jehova”

8, 9. Ano ang nagpapakita na tinutulungan ni Jehova ang di-perpektong mga tao na maging banal sa isang relatibong diwa?

8 Yamang si Jehova ang mismong larawan ng katangian ng kabanalan, makatuwiran lamang na sabihing siya ang bukal ng lahat ng kabanalan. Hindi niya sinasarili ang mahalagang katangiang ito; ibinabahagi niya ito sa iba, at ibinibigay niya ito nang sagana. Nang makipag-usap ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng isang anghel sa nagliliyab na halaman, maging ang lugar sa palibot nito ay naging banal dahil sa koneksiyon nito kay Jehova!—Exodo 3:5.

9 Maaari kayang maging banal ang di-perpektong mga tao sa tulong ni Jehova? Oo, sa isang relatibong diwa. Binigyan ng Diyos ang kaniyang bayang Israel ng pag-asang maging “isang banal na bansa.” (Exodo 19:6) Pinagpala niya ang bansang iyon ng isang paraan ng pagsamba na banal, malinis, at dalisay. Kaya naman ang kabanalan ay isang paulit-ulit na tema ng Kautusang Mosaiko. Sa katunayan, ang mataas na saserdote ay may suot na isang gintong lamina sa harapan ng kaniyang turbante, kung saan makikita ng lahat ang pagkislap nito sa liwanag. Nakaukit dito ang mga salitang: “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exodo 28:36) Kaya naman isang mataas na pamantayan ng kalinisan at kadalisayan ang magiging pagkakakilanlan ng kanilang pagsamba at, sa katunayan, ng kanilang paraan ng pamumuhay. Sinabi sa kanila ni Jehova: “Dapat kayong maging banal, dahil ako, ang Diyos ninyong si Jehova, ay banal.” (Levitico 19:2) Hangga’t ang mga Israelita ay namumuhay ayon sa payo ng Diyos sa abot-kaya ng di-perpektong mga tao, sila’y banal sa isang relatibong diwa.

10. May kinalaman sa kabanalan, ano ang pagkakaiba ng sinaunang Israel at ng nakapalibot na mga bansa?

10 Ang pagdiriing ito sa kabanalan ay ibang-iba sa pagsamba ng mga bansang nakapalibot sa Israel. Ang mga paganong bansang iyon ay sumasamba sa mga diyos na hindi naman talaga umiiral—mga diyos na inilalarawan bilang marahas, sakim, at mahalay. Sila’y di-banal sa lahat ng aspekto. Ang pagsamba sa gayong mga diyos ang dahilan kung bakit ang mga tao ay naging di-banal. Kaya naman, binabalaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na manatiling hiwalay sa paganong mga mananamba at sa kanilang maruruming relihiyosong gawain.​—Levitico 18:24-28; 1 Hari 11:1, 2.

11. Paanong ang kabanalan ng makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova ay maliwanag na nakikita (a) sa mga anghel? (b) sa mga serapin? (c) kay Jesus?

11 Kahit sa pinakamabuting kalagayan, ang piniling bansa ni Jehova na sinaunang Israel ay makapaglalaan lamang ng bahagyang larawan ng kabanalan ng makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos. Ang milyon-milyong espiritung nilalang na tapat na naglilingkod sa Diyos ay tinutukoy bilang kaniyang “napakaraming banal.” (Deuteronomio 33:2; Judas 14) Ganap nilang inilalarawan ang maningning at dalisay na kagandahan ng kabanalan ng Diyos. At alalahanin ang mga serapin na nakita ni Isaias sa kaniyang pangitain. Ipinahihiwatig ng nilalaman ng kanilang awit na ang makapangyarihang mga espiritung nilalang na ito ay gumaganap ng mahalagang papel sa paghahayag ng kabanalan ni Jehova sa buong uniberso. Gayunman, isang espiritung nilalang ang nakatataas sa lahat ng mga ito—ang kaisa-isang Anak ng Diyos. Si Jesus ang pinakadakilang larawan ng kabanalan ni Jehova. Makatuwiran lamang na makilala siya bilang “ang isinugo ng Diyos.”​—Juan 6:68, 69.

Banal na Pangalan, Banal na Espiritu

12, 13. (a) Bakit angkop lamang na ilarawan ang pangalan ng Diyos bilang banal? (b) Bakit dapat ipagbangong-puri ang pangalan ng Diyos?

12 Kumusta naman ang sariling pangalan ng Diyos? Gaya ng nakita natin sa Kabanata 1, ang pangalang iyan ay hindi basta titulo o katawagan lamang. Ito ay kumakatawan sa Diyos na Jehova, anupat saklaw nito ang lahat ng kaniyang katangian. Kaya naman, sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘banal ang pangalan’ niya. (Isaias 57:15) Itinakda ng Kautusang Mosaiko ang parusang kamatayan sa sinumang lumapastangan sa pangalan ng Diyos. (Levitico 24:16) At pansinin kung ano ang inuna ni Jesus sa panalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Ang pagpapabanal sa isang bagay ay nangangahulugan ng pagbubukod dito bilang sagrado at pagsamba rito, pagtataguyod dito bilang banal. Subalit bakit kaya kailangan pang pakabanalin ang isang bagay na likas nang dalisay, gaya ng sariling pangalan ng Diyos?

13 Ang banal na pangalan ng Diyos ay winalang-dangal at dinungisan ng mga kasinungalingan at paninirang-puri. Sa Eden, si Satanas ay nagsinungaling tungkol kay Jehova at nagpahiwatig na Siya’y isang di-makatarungang tagapamahala. (Genesis 3:1-5) Mula noon, tiniyak ni Satanas—ang tagapamahala ng di-banal na mundong ito—na lumaganap ang mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. (Juan 8:44; 12:31; Apocalipsis 12:9) Inilarawan ng mga relihiyon ang Diyos bilang di-makatuwiran, malayo, o malupit. Inangkin nilang siya’y sumusuporta sa kanilang mga digmaan. Ang papuri sa kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos ay madalas na ibinibigay sa di-sinasadyang pagkakataon, o ebolusyon. Oo, ang pangalan ng Diyos ay walang patumanggang siniraang-puri. Dapat itong pakabanalin; ang nararapat na kaluwalhatian nito ay dapat ibalik. Nasasabik na tayong dumating ang panahon na ipagbabangong-puri ni Jehova ang pangalan niya. Gagawin niya iyan sa pamamagitan ng Kahariang pinamamahalaan ng kaniyang Anak. Nalulugod tayong gumanap ng anumang bahagi para sa dakilang layuning iyan.

14. Bakit tinawag na banal ang espiritu ng Diyos, at bakit seryosong bagay ang pamumusong sa banal na espiritu?

14 May isa pang matalik na nauugnay kay Jehova na halos palaging tinatawag na banal—ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa. (Genesis 1:2) Ginagamit ni Jehova ang di-mapipigilang puwersang ito upang isagawa ang kaniyang mga layunin. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa niya sa isang banal, dalisay, at malinis na paraan, kung kaya ang kaniyang aktibong puwersa ay angkop na tawaging banal na espiritu. (Lucas 11:13; Roma 1:4) Ang pamumusong sa banal na espiritu, na nagsasangkot ng kusang pagsalansang sa mga layunin ni Jehova, ay isang di-mapatatawad na kasalanan.​—Marcos 3:29.

Kung Bakit Napapalapít Tayo kay Jehova Dahil sa Kabanalan Niya

15. Bakit ang pagkakaroon ng paggalang, o makadiyos na takot, ay isang angkop na pagtugon sa kabanalan ni Jehova, at ano ang nasasangkot sa gayong paggalang?

15 Hindi mahirap unawain kung bakit pinag-uugnay ng Bibliya ang kabanalan ng Diyos at ang paggalang, o makadiyos na takot, sa panig naman ng tao. Halimbawa, mababasa sa Awit 99:3: “Purihin nila ang dakila mong pangalan, dahil iyon ay banal at lubhang kagalang-galang.” Kasama sa paggalang na ito ang matinding pagkamangha sa kaniya at sa pangalan niya. Angkop lamang na makadama ng ganiyan, yamang gayon na lamang ang kahigitan sa atin ng kabanalan ng Diyos. Ito’y nagniningning sa kalinisan at kaluwalhatian. Subalit hindi ito dahilan upang tayo’y lumayo. Sa kabaligtaran, ang isang angkop na pananaw sa kabanalan ng Diyos ay maglalapít sa atin sa kaniya. Bakit?

16. (a) Paano iniuugnay ang kabanalan sa kaluwalhatian, o kagandahan? Magbigay ng halimbawa. (b) Paanong ang mga paglalarawan kay Jehova sa mga pangitain ay nagbibigay-diin sa kalinisan, kadalisayan, at liwanag?

16 Una sa lahat, iniuugnay ng Bibliya ang kabanalan sa kagandahan. Sa Isaias 63:15, ang langit ay inilalarawan bilang ang “mataas na tirahan ng kabanalan at kaluwalhatian” [o, “kagandahan,” talababa] ng Diyos. Naaakit tayo ng kaluwalhatian at kagandahan. Halimbawa, tingnan ang larawan sa pahina 39. Hindi ka ba naaakit sa tanawing iyan? Bakit ito lubhang nakahahalina? Pansinin kung gaano kalinaw tingnan ang tubig. Tiyak na maging ang hangin ay malinis din, sapagkat ang langit ay asul at ang liwanag ay waring kumikinang. Ngayon, kung babaguhin ang tanawing iyan—ang batis ay barado sa basura, ang mga puno at mga bato ay pinapangit ng mga graffiti, ang hangin ay pinarumi ng usok—hindi na tayo maaakit dito; mandidiri tayo. Natural lamang na iugnay natin ang kagandahan, o kaluwalhatian, sa kalinisan, kadalisayan, at liwanag. Magagamit din ang mga salitang ito upang ilarawan ang kabanalan ni Jehova. Hindi nga kataka-takang mapahanga tayo sa mga paglalarawan kay Jehova sa mga pangitain! Kumikislap sa liwanag, nakasisilaw na parang batong hiyas, nagliliwanag na gaya ng apoy o ng pinakadalisay at pinakamakinang na mamahaling metal—ganiyan kaluwalhati, o kaganda, ang ating banal na Diyos.​—Ezekiel 1:25-28; Apocalipsis 4:2, 3.

Kung paanong naaakit tayo ng kagandahan, dapat na maakit din tayo ng kabanalan

17, 18. (a) Paanong sa pasimula’y naapektuhan si Isaias ng kaniyang pangitain? (b) Paano ginamit ni Jehova ang isang serapin upang aliwin si Isaias, at ano ang kahulugan ng ginawa ng serapin?

17 Gayunman, dapat ba nating madama na tayo’y napakababa kung ihahambing sa kabanalan ng Diyos? Mangyari pa, ang sagot ay oo. Kung tutuusin, tayo ay talaga namang mas mababa kay Jehova—at ang ganitong pananalita ay kulang na kulang pa nga. Dahil ba sa pagkaalam nito ay dapat na tayong mapalayo sa kaniya? Isaalang-alang ang reaksiyon ni Isaias nang marinig ang paghahayag ng mga serapin sa kabanalan ni Jehova. “Pagkatapos ay sinabi ko: ‘Kaawa-awa ako! Tiyak na mamamatay ako, dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at nakatira ako kasama ng bayang marurumi ang labi; dahil nakita ng mga mata ko ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!’” (Isaias 6:5) Oo, ang walang-limitasyong kabanalan ni Jehova ay nagpaalaala kay Isaias kung gaano kalaki ang kaniyang kasalanan at pagiging di-perpekto. Sa pasimula, lubhang nasiraan ng loob ang tapat na taong iyon. Subalit hindi siya pinabayaan ni Jehova sa gayong kalagayan.

18 Agad na inaliw ng isang serapin ang propeta. Paano? Lumipad patungong altar ang makapangyarihang espiritu, kumuha ng isang uling mula roon, at idinampi ang uling sa mga labi ni Isaias. Waring lalong makasasakit iyan kaysa makaaliw. Subalit alalahanin na ito’y isang pangitain na sagana sa makasagisag na kahulugan. Alam na alam ni Isaias, isang tapat na Judio, na ang mga hain ay inihahandog araw-araw sa altar ng templo upang magbayad-sala sa mga kasalanan. At maibiging pinaalalahanan ng serapin ang propeta na bagaman siya’y hindi nga perpekto, “marumi ang labi,” maaari pa rin siyang magkaroon ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. a Handa si Jehova na ituring ang isang di-perpekto at makasalanang tao bilang banal—sa isang relatibong diwa.​—Isaias 6:6, 7.

19. Paano kaya tayo posibleng maging banal sa isang relatibong diwa, bagaman tayo’y di-perpekto?

19 Gayundin naman sa ngayon. Ang lahat ng haing iyon na inihandog sa altar sa Jerusalem ay mga anino lamang ng isang bagay na lalong dakila—ang isang perpektong hain, na inihandog ni Jesu-Kristo noong 33 C.E. (Hebreo 9:11-14) Kung talagang pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan, itinutuwid ang ating maling landasin, at sinasampalatayanan ang handog na iyan, tayo ay pinatatawad. (1 Juan 2:2) Tayo rin ay maaaring magtamasa ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Kaya naman ipinapaalaala ni apostol Pedro sa atin: “Nasusulat: ‘Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.’” (1 Pedro 1:16) Pansinin na hindi sinabi ni Jehova na dapat tayong maging kasimbanal niya. Hindi niya kailanman inaasahan sa atin ang mga bagay na imposible. (Awit 103:13, 14) Sa halip, sinasabi ni Jehova sa atin na tayo’y magpakabanal dahil siya ay banal. “Bilang minamahal na mga anak,” hinahangad natin na matularan siya sa abot ng ating makakaya bilang di-perpektong mga tao. (Efeso 5:1) Kaya ang pag-abot sa kabanalan ay kailangang patuloy na gawin. Habang sumusulong tayo sa espirituwal, sinisikap nating ‘maabot ang lubos na kabanalan’ araw-araw.​—2 Corinto 7:1.

20. (a) Bakit mahalagang maunawaan na maaari tayong maging malinis sa paningin ng ating banal na Diyos? (b) Paano naapektuhan si Isaias nang malaman niyang nabayaran na ang kaniyang mga kasalanan?

20 Si Jehova ay umiibig sa anumang bagay na matuwid at dalisay. Kinapopootan niya ang kasalanan. (Habakuk 1:13) Subalit hindi siya napopoot sa atin. Hangga’t ang pananaw natin sa kasalanan ay gaya ng sa kaniya—napopoot sa masama, umiibig sa mabuti—at nagsisikap na sumunod sa perpektong mga yapak ni Kristo Jesus, pinatatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan. (Amos 5:15; 1 Pedro 2:21) Kapag nauunawaan natin na maaari tayong maging malinis sa paningin ng ating banal na Diyos, ang epekto nito ay napakalaki. Tandaan, ang kabanalan ni Jehova sa pasimula’y nagpaalaala kay Isaias ng kaniyang sariling karumihan. Humiyaw siya: “Kaawa-awa ako!” Subalit nang maunawaan niyang nabayaran na ang kaniyang mga kasalanan, nagbago ang kaniyang pananaw. Nang humiling si Jehova ng isang boluntaryo upang magsagawa ng isang atas, agad na tumugon si Isaias, bagaman hindi pa niya alam kung ano ang nasasangkot dito. Sinabi niya: “Narito ako! Isugo mo ako!”—Isaias 6:5-8.

21. Anong saligan mayroon tayo upang magtiwalang malilinang natin ang katangian ng kabanalan?

21 Tayo’y nilalang ayon sa larawan ng banal na Diyos, pinagkalooban ng moral na mga katangian at ng kakayahang umunawa ng espirituwal na mga bagay. (Genesis 1:26) Tayong lahat ay may potensiyal para sa kabanalan. Habang patuloy nating nililinang ang kabanalan, nalulugod si Jehova na tumulong. Sa paggawa nito, lalo tayong mapapalapít sa ating banal na Diyos. At habang isinasaalang-alang natin ang mga katangian ni Jehova sa susunod na mga kabanata, makikita natin na maraming matitibay na dahilan upang maging malapít sa kaniya!

a Angkop lamang ang pananalitang “marumi ang labi,” yamang ang mga labi ay madalas na ginagamit ng Bibliya sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa pagsasalita o wika. Sa lahat ng di-perpektong tao, ang isang mataas na porsiyento ng mga kasalanan ay dahil sa paraan ng ating paggamit ng kakayahang magsalita.​—Kawikaan 10:19; Santiago 3:2, 6.