Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 5

Paglalang—“Ang Maylikha ng Langit at Lupa”

Paglalang—“Ang Maylikha ng Langit at Lupa”

1, 2. Paano ipinapakita ng araw ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

 NARANASAN mo na bang tumayo sa tabi ng apoy sa gabing malamig? Marahil ay inilapit mo ang iyong mga kamay sa tamang distansiya mula sa apoy upang masiyahan sa init nito. Nang masyado kang lumapit, hindi mo natagalan ang init. Nang masyado ka namang lumayo, gininaw ka dahil sa malamig na hangin.

2 May isang “apoy” na nagpapainit sa ating balat kung araw. Ang “apoy” na iyan ay nagliliyab sa layong 150 milyong kilometro! a Kay tindi nga ng araw anupat nadarama mo ang init nito mula sa gayong layo! Gayunman, umiikot ang lupa sa palibot ng nakasisindak na pagkainit-init na hurnong iyan sa eksaktong distansiya mula rito. Kung napakalapit, matutuyo ang tubig sa lupa; kung napakalayo naman, magyeyelong lahat ito. Alinman sa kalabisang ito ay mag-aalis ng buhay sa ating planeta. Yamang kailangang-kailangan upang mabuhay sa lupa, ang sinag ng araw ay malinis din at hindi pumapalya, bukod pa sa ito’y nakalulugod.​—Eclesiastes 11:7.

3. Anong mahalagang katotohanan ang pinatutunayan ng araw?

3 Pero marami ang nagwawalang-bahala sa araw, kahit na nakasalalay rito ang buhay nila. Sa gayon, hindi nila nauunawaan ang naituturo sa atin ng araw. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ginawa mo ang liwanag at ang araw.” (Awit 74:16) Oo, ang araw ay nagpaparangal kay Jehova, “ang Maylikha ng langit at lupa.” (Awit 19:1; 146:6) Ito’y isa lamang sa di-mabilang na mga bagay sa langit na nagtuturo sa atin ng tungkol sa ubod-dakilang kapangyarihan ni Jehova sa paglalang. Suriin muna nating mabuti ang ilan sa mga ito at saka natin ibaling ang ating pansin sa lupa at sa buhay na naroroon.

“Ginawa [ni Jehova] ang liwanag at ang araw”

“Tumingala Kayo sa Langit at Tingnan Ninyo”

4, 5. Gaano kalakas at gaano kalaki ang araw, ngunit paano ito maihahambing sa ibang mga bituin?

4 Gaya marahil ng alam mo, ang ating araw ay isang bituin. Ito’y waring mas malaki kaysa sa mga bituing nakikita natin kung gabi dahil ito’y mas malapit. Gaano ito kalakas? Sa pinakagitna nito, ang araw ay mga 15,000,000 digri Celsius. Kung makakakuha ka ng isang piraso ng pinakagitna ng araw na sinlaki ng ulo ng aspile at ilalagay iyon sa lupa, hindi ka makatatagal kahit 140 kilometro ang layo mo sa pagkaliit-liit na pirasong iyon ng init! Bawat segundo, ang araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng daan-daang milyong bombang nuklear.

5 Ang araw ay pagkalaki-laki anupat mailalagay sa loob nito ang mahigit sa 1,300,000 kasukat ng ating lupa. Ang araw ba ay isang bituin na may pambihirang laki? Hindi, ang tawag ng mga astronomo rito ay bansot na kulay dilaw. Isinulat ni apostol Pablo na “magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin.” (1 Corinto 15:41) Tiyak na tinulungan siya ng banal na espiritu para maisulat iyan. May bituin na pagkalaki-laki anupat kung ilalagay ito sa mismong puwesto ng araw, ang ating lupa ay malalagay sa loob nito. May isa pang higanteng bituin na kung ipupuwesto rin doon ay makaaabot hanggang sa Saturn—bagaman ang planetang iyon ay napakalayo sa Lupa anupat inabot ng apat na taon ang isang sasakyang pangkalawakan bago nakarating doon, na naglalakbay nang mahigit 40 ulit na mas mabilis kaysa sa isang bala na pinaputok mula sa isang mataas-ang-kalibreng baril!

6. Paano ipinapakita ng Bibliya na hindi mabibilang ng tao ang mga bituin?

6 Ang lalo pang kagila-gilalas kaysa sa sukat ng mga bituin ay ang bilang ng mga ito. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga bituin ay napakahirap bilangin, gaya ng pagbilang sa “buhangin sa dagat.” (Jeremias 33:22) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na napakarami pang bituin bukod sa nakikita lamang ng mata. Ang totoo, kung ang isang manunulat ng Bibliya, na gaya ni Jeremias, ay tumingala sa langit isang gabi at sinubukang bilangin ang nakikitang mga bituin, mga tatlong libo lamang ang mabibilang niya, sapagkat ganiyan karami lamang ang nakikita ng mata ng tao sa isang maaliwalas na gabi. Ang bilang na iyan ay maaaring itulad sa bilang ng mga butil sa isang dakot lamang ng buhangin. Kaya talagang ang bilang ng mga bituin ay sadyang di-malirip, gaya ng buhangin sa dagat. b Sino ang makatutuos ng gayong bilang?

“Tinatawag niya silang lahat sa pangalan”

7. Ano ang sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa bilang ng mga bituin sa ating galaksi o sa mga galaksi sa uniberso?

7 Sumasagot ang Isaias 40:26: “Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo. Sino ang lumalang sa mga ito? Siya ang nagbibigay ng utos sa hukbo nila at binibilang niya sila; tinatawag niya silang lahat sa pangalan.” Ang Awit 147:4 ay nagsasabi: “Binibilang niya ang mga bituin.” Gaano ba karami ang mga bituin? Hindi iyan isang madaling tanong. Ayon sa mga astronomo, mayroon nang mahigit 100 bilyong bituin sa ating galaksi pa lamang na Milky Way. c May mga nagsasabi naman na mas marami pa diyan ang bilang ng mga bituin. Isa pa, hindi lang naman nag-iisa ang galaksi natin, at marami sa ibang mga galaksi ang may mas marami pang bituin. Ilan bang lahat ang mga galaksi? Tinataya ng ilang astronomo na ang mga ito ay daan-daang bilyon, o trilyon pa nga. Kaya lumilitaw na kahit ang bilang ng mga galaksi ay hindi man lamang matiyak ng tao. Paano pa kaya ang eksaktong dami ng lahat ng bilyon-bilyong bituing nakapaloob sa mga iyon? Subalit, alam ni Jehova ang bilang na iyan at binibigyan niya ang bawat bituin ng sarili nitong pangalan!

8. (a) Paano mo ipaliliwanag ang sukat ng galaksing Milky Way? (b) Sa anong mga paraan isinaayos ni Jehova ang galaw ng mga bagay sa langit?

8 Lalo tayong namamangha kapag binubulay-bulay natin ang sukat ng mga galaksi. Ang galaksing Milky Way ay tinatayang may sukat na 100,000 light-year ang diyametro. Gunigunihin ang isang sinag ng liwanag na naglalakbay sa pagkabilis-bilis na takbo na 300,000 kilometro sa bawat segundo. Aabutin ng 100,000 taon ang sinag na iyon bago matawid ang ating galaksi! At ang ilang galaksi ay maraming ulit na mas malaki kaysa sa ating galaksi. Sinasabi ng Bibliya na inilalatag ni Jehova “ang langit” na parang isang tela. (Awit 104:2) Isinasaayos din niya ang galaw ng mga ito. Mula sa pinakamaliit na butil ng alabok na nasa palibot ng mga bituin hanggang sa pinakamalaking galaksi, bawat isa ay kumikilos ayon sa pisikal na mga batas na ipinatupad ng Diyos. (Job 38:31-33) Dahil dito, itinulad ng mga siyentipiko sa masalimuot na sayaw na ballet ang eksaktong galaw ng mga bagay sa langit! Ngayon ay isipin naman ang Isa na gumawa ng mga bagay na ito. Hindi ka ba mamamangha sa Diyos na nagtataglay ng gayong dakilang kapangyarihang lumalang?

“Ang Maylikha ng Lupa sa Pamamagitan ng Kapangyarihan Niya”

9, 10. Paano nakikita ang kapangyarihan ni Jehova may kaugnayan sa posisyon ng ating sistema solar, Jupiter, Lupa, at Buwan?

9 Nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa ating tahanan, ang lupa. Buong ingat na inilagay niya ang lupa sa ubod-lawak na unibersong ito. Naniniwala ang ilang siyentipiko na maraming galaksi ang hindi maaaring paglagyan ng isang planetang may buhay gaya ng sa atin. Ang kalakhang bahagi ng ating galaksing Milky Way ay maliwanag na hindi dinisenyo upang pamuhayan. Ang pinakasentro ng galaksi ay punong-puno ng mga bituin. Napakataas ng radyasyon, at karaniwan nang halos magbanggaan ang mga bituin. Ang mga gilid ng galaksi ay hindi nagtataglay ng maraming elementong kailangan upang sumustine ng buhay. Ang ating sistema solar ay eksaktong nasa pagitan ng dalawang kalabisang ito.

10 Ang Lupa ay nakikinabang sa napakalaking planetang Jupiter kahit malayo ito. Mahigit sa isang libong ulit ang laki kaysa sa Lupa, ang Jupiter ay naglalabas ng napakalakas na puwersa ng grabidad. Ang resulta? Nahihigop nito o naililihis ang mga bagay na humahagibis sa kalawakan. Tinatantiya ng mga siyentipiko na kung hindi dahil sa Jupiter, ang pag-ulan ng malalaking bagay na tumatama sa Lupa ay magiging 10,000 ulit na mas matindi kaysa sa kasalukuyan. Mas malapit sa ating tahanan, ang ating lupa ay pinagpala ng isang pambihirang satelayt—ang buwan. Bukod sa pagiging maganda at isang “ilaw sa gabi,” napananatili ng buwan ang lupa sa isang di-nagbabago at matatag na pagkakatagilid. Ang pagkakatagilid na iyan ang dahilan ng pagkakaroon ng lupa ng di-nababago at maaasahang lagay ng panahon—isa pang mahalagang pakinabang para sa buhay rito.

11. Paano dinisenyo ang atmospera ng lupa upang magsilbing proteksiyon sa nakamamatay na mga sinag ng araw?

11 Ang kapangyarihang lumalang ni Jehova ay nakikita sa bawat pitak ng disenyo ng lupa. Isaalang-alang ang atmospera, na nagsisilbing proteksiyon. Ang araw ay naglalabas ng nakapagpapalusog at nakamamatay na mga sinag. Kapag tumama ang nakamamatay na mga sinag sa itaas na bahagi ng atmospera ng lupa, ginagawa nitong ozone ang ordinaryong oksiheno. Hinihigop naman ng nagiging ozone na ito ang karamihan sa mga sinag na iyon. Kaya ang ating planeta ay dinisenyo na may sariling proteksiyon!

12. Paano ipinapakita ng siklo ng tubig sa atmospera ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

12 Isang aspekto lamang iyan ng ating atmospera, isang masalimuot na timpla ng mga gas na tamang-tamang pansuporta sa mga nilalang na nabubuhay sa ibabaw ng lupa o sa paligid nito. Isa sa mga kababalaghan ng atmospera ay ang siklo ng tubig. Taon-taon ay hinihigop ng araw sa pamamagitan ng ebaporasyon ang mahigit sa 400,000 kilometro kubiko ng tubig mula sa mga karagatan ng lupa. Ang tubig ay nagiging ulap, na ikinakalat naman ng hangin ng atmospera sa lahat ng dako. Ang tubig na ito, na ngayo’y nalinis na, ay nagiging ulan, niyebe, at yelo, anupat muling pinupunan ang suplay ng tubig. Ito’y gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 1:7: “Ang lahat ng ilog ay dumadaloy papunta sa dagat, pero hindi napupuno ang dagat. Bumabalik ang mga ilog sa pinagmulan nito para dumaloy ulit.” Si Jehova lamang ang makapagpapakilos ng gayong siklo.

13. Anong katunayan ng kapangyarihan ng Maylalang ang nakikita natin sa mga pananim at sa lupang sinasaka?

13 Saanman tayo makakita ng buhay, nakikita natin ang katunayan ng kapangyarihan ng Maylalang. Mula sa pagkalalaking mga redwood na umaabot nang mas mataas pa sa 30-palapag na mga gusali hanggang sa pagkaliliit na buhay-halaman na namumutiktik sa mga karagatan at naglalaan ng kalakhang bahagi ng oksihenong nilalanghap natin, nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova. Maging ang mismong lupang sinasaka ay punong-puno rin ng buhay—mga bulati, halamang-singaw, at mga mikrobyo, na gumagawang sama-sama sa masasalimuot na paraan na tumutulong upang tumubo ang mga halaman. Angkop lamang na banggitin sa Bibliya na ang lupang sinasaka ay may lakas.​—Genesis 4:12, talababa.

14. Anong lakas ang taglay ng pagkaliit-liit na atomo?

14 Walang alinlangan, si Jehova “ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan niya.” (Jeremias 10:12) Ang kapangyarihan ng Diyos ay nakikita maging sa kaniyang pinakamaliliit na nilalang. Halimbawa, ang isang milyong atomo na pinagtabi-tabi ay hindi pa rin magiging singkapal ng isang hibla ng buhok ng tao. At kahit na palakihin pa ang isang atomo hanggang sa maging kasintaas ng isang 14-na-palapag na gusali, ang nukleo nito ay magiging sinlaki lamang ng butil ng asin na nasa ikapitong palapag. Gayunman, ang pagkaliit-liit na nukleong iyon ang pinanggagalingan ng nakasisindak na lakas na nag-uumalpas sa isang nuklear na pagsabog!

“Ang Lahat ng Humihinga”

15. Sa pagtalakay sa iba’t ibang maiilap na hayop, anong aral ang itinuro ni Jehova kay Job?

15 Ang isa pang maliwanag na katibayan ng kapangyarihang lumalang ni Jehova ay ang pagkarami-raming hayop sa lupa. Nakatala sa Awit 148 ang maraming bagay na pumupuri kay Jehova, at inilakip sa talata 10 ang ‘maiilap na hayop at lahat ng maaamong hayop.’ Upang ipakita kung bakit dapat mamangha ang tao sa Maylalang, minsan ay nakipag-usap si Jehova kay Job tungkol sa mga hayop na gaya ng leon, mailap na asno, torong-gubat, Behemot (posibleng hippopotamus), at Leviatan (posibleng buwaya). Ang punto? Kung ang tao ay namamangha sa malakas, nakakatakot, at di-mapaamong mga nilalang na ito, ano naman kaya ang dapat niyang madama sa Maylalang ng mga ito?​—Job, kabanata 38-41.

16. Ano ang nakapagpapahanga sa iyo tungkol sa ilang ibon na nilalang ni Jehova?

16 Binabanggit din sa Awit 148:10 ang “mga ibong may pakpak.” Isipin na lamang ang pagkakasari-sari! Binanggit ni Jehova kay Job ang avestruz, na “pinagtatawanan . . . ang kabayo at ang sakay nito.” Hindi makalipad ang ibong ito na ang taas ay 2.5 metro, subalit ito’y nakatatakbo nang 65 kilometro sa bawat oras, anupat ang isang hakbang ay umaabot ng hanggang 4.5 metro! (Job 39:13, 18) Sa kabilang dako naman, ang albatros ay gumugugol ng halos buong buhay nito sa himpapawid sa ibabaw ng karagatan. Ang nakabukang pakpak ng ibong ito ay may sukat na mga tatlong metro. Maaari itong pumailanlang nang tuloy-tuloy sa loob ng maraming oras nang hindi ikinakampay ang mga pakpak nito. Sa kabaligtaran naman, palibhasa’y limang sentimetro lamang ang haba, ang bee hummingbird ang pinakamaliit na ibon sa daigdig. Naikakampay nito ang mga pakpak nito hanggang 80 ulit sa isang segundo! Ang mga hummingbird, na kumikinang na parang maliliit na hiyas na may pakpak, ay nakaaali-aligid na parang mga helikopter at nakalilipad pa nga nang paurong.

17. Gaano kalaki ang blue whale, at ano ang natural na magiging konklusyon natin matapos bulay-bulayin ang mga hayop na nilalang ni Jehova?

17 Ang Awit 148:7 ay nagsasabi na maging ang mga “hayop sa dagat” ay pumupuri kay Jehova. Isaalang-alang ang pinaniniwalaan ng marami na siyang pinakamalaking hayop na nabuhay kailanman sa planetang ito, ang blue whale. Ang nilalang na ito na lumalangoy sa “malalalim na karagatan” ay maaaring umabot sa haba na 30 metro o higit pa. Maaari itong tumimbang nang kasimbigat ng isang kawan ng 30 nasa hustong-gulang na elepante. Dila pa lamang nito ay kasimbigat na ng isang elepante. Ang puso nito ay kasinlaki ng isang maliit na kotse. Ito ay tumitibok nang 9 na ulit lamang sa isang minuto—kabaligtaran naman ng puso ng hummingbird, na tumitibok nang mga 1,200 ulit sa isang minuto. Isa sa mga daluyan ng dugo ng blue whale ay napakalaki anupat maaaring gumapang ang isang bata sa loob nito. Tiyak na mauudyukan tayong sambitin din ang payo na siyang konklusyon ng aklat ng Mga Awit: “Ang lahat ng humihinga—purihin nila si Jah.”​—Awit 150:6.

Matuto sa Kapangyarihang Lumalang ni Jehova

18, 19. Gaano kasari-sari ang nabubuhay na bagay na ginawa ni Jehova sa lupang ito, at ano ang itinuturo sa atin ng paglalang tungkol sa kaniyang soberanya?

18 Ano ang ating matututuhan mula sa paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Namamangha tayo dahil sa pagkakasari-sari ng paglalang. Isang salmista ang nagsabi: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! . . . Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.” (Awit 104:24) Totoong-totoo nga ito! Ang mga biyologo ay nakatuklas na ng mahigit sa isang milyong uri ng nabubuhay na bagay sa lupa; gayunman, iba’t iba ang kanilang opinyon kung ilang milyon talaga lahat ang mga iyon. Kung minsan, ang isang dalubsining ay hindi na makaisip ng malilikha. Sa kabaligtaran, ang pagiging malikhain ni Jehova—ang kaniyang kakayahang umimbento at lumikha ng mga bago at sari-saring bagay—ay maliwanag na walang limitasyon.

19 Ang paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang ay nagtuturo sa atin tungkol sa kaniyang soberanya. Ang mismong salitang “Maylalang” ay nagbubukod kay Jehova mula sa lahat ng iba pang bagay sa uniberso, na pawang mga “nilalang.” Maging ang kaisa-isang Anak ni Jehova, na nagsilbing “isang dalubhasang manggagawa” noong panahon ng paglalang, ay hindi kailanman tinawag sa Bibliya na Maylalang o kapuwa-Maylalang. (Kawikaan 8:30; Mateo 19:4) Bagkus, siya “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Ang pagiging Maylalang ni Jehova ay nagbibigay sa kaniya ng likas na karapatang mamahala sa buong uniberso.​—Roma 1:20; Apocalipsis 4:11.

20. Sa anong diwa nagpahinga si Jehova mula nang matapos ang kaniyang paglalang sa lupa?

20 Huminto na ba si Jehova sa paggamit ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Buweno, sinasabi nga sa Bibliya na nang matapos ni Jehova ang kaniyang gawang paglalang noong ikaanim na araw ng paglalang, “siya ay nagsimulang magpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya.” (Genesis 2:2) Ipinahiwatig ni apostol Pablo na ang ikapitong “araw” na ito ay libo-libong taon ang haba, yamang ito’y nagpapatuloy pa rin hanggang sa kaniyang kapanahunan. (Hebreo 4:3-6) Subalit ang ‘pagpapahinga’ ba ay nangangahulugang lubusan nang huminto si Jehova sa paggawa? Hindi, si Jehova ay hindi kailanman humihinto sa paggawa. (Awit 92:4; Juan 5:17) Kung gayon, ang kaniyang pamamahinga ay malamang na tumutukoy lamang sa pagtigil ng kaniyang pisikal na paglalang may kinalaman sa lupa. Subalit ang kaniyang paggawa sa ikatutupad ng kaniyang mga layunin ay nagpapatuloy. Halimbawa, ginabayan niya ang pagsulat ng Banal na Kasulatan. Kabilang pa nga sa kaniyang gawain ang paglalabas ng “isang bagong nilalang,” na tatalakayin sa Kabanata 19.​—2 Corinto 5:17.

21. Paano makaaapekto ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa tapat na mga tao magpakailanman?

21 Kapag natapos na ang araw ng kapahingahan ni Jehova, masasabi niyang “napakabuti” ang lahat ng kaniyang ginawa sa lupa, gaya ng sinabi niya sa pagtatapos ng anim na araw ng paglalang. (Genesis 1:31) Kung paano niya gagamitin ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihang lumalang pagkatapos nito ay hindi pa natin alam. Sa paanuman, makatitiyak tayo na patuloy tayong mabibighani sa paggamit ni Jehova ng kapangyarihang lumalang. Higit pa nga tayong matututo tungkol kay Jehova magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang. (Eclesiastes 3:11) Habang mas marami pa tayong natututuhan tungkol sa kaniya, lalo tayong mamamangha at mapapalapít sa ating Dakilang Maylalang.

a Upang ilarawan ang napakalaking bilang na iyan, isipin ito: Para marating ng kotse ang distansiyang iyan—kahit na tulinan pa nang 160 kilometro sa bawat oras, 24 na oras sa isang araw—aabutin ka pa rin nang mahigit sa isang daang taon!

b Ipinalalagay ng ilan na malamang na gumamit ng isang simpleng uri ng teleskopyo ang mga tao noong panahon ng Bibliya. Sabi ng pangangatuwiran, paano pa nga ba malalaman ng mga tao noon na ang bilang ng mga bituin ay ubod ng dami o di-mabilang? Hindi isinasaalang-alang ng gayong walang-batayang palagay si Jehova, na siyang Awtor ng Bibliya.​—2 Timoteo 3:16.

c Isip-isipin na lamang kung gaano mo katagal bibilangin ang 100 bilyong bituin. Kung makakabilang ka ng isa sa bawat segundo—at itutuloy iyon ng 24 na oras sa isang araw—aabutin ka ng 3,171 taon!