Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 10

“Tularan Ninyo ang Diyos” sa Paggamit ng Kapangyarihan

“Tularan Ninyo ang Diyos” sa Paggamit ng Kapangyarihan

1. Sa anong tusong silo madaling nahuhulog ang di-perpektong mga tao?

 “SA SINUMANG may kapangyarihan, tusong silo ay laging nakaabang.” Ang mga katagang iyan ng isang makata noong ika-19 na siglo ay tumawag-pansin sa isang tusong panganib: ang maling paggamit ng kapangyarihan. Nakalulungkot nga, napakadaling mahulog sa silong ito ang di-perpektong mga tao. Sa katunayan, sa buong kasaysayan, “ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Ang walang-pag-ibig na paggamit ng kapangyarihan ay nagbunga ng napakaraming pagdurusa ng tao.

2, 3. (a) Ano ang kahanga-hanga sa paggamit ni Jehova ng kapangyarihan? (b) Ano ang maaaring kalakip sa ating kapangyarihan, at paano natin dapat gamitin ang lahat ng gayong kapangyarihan?

2 Kung gayon, hindi ba’t isang kahanga-hangang bagay na ang Diyos na Jehova, na nagtataglay ng walang-limitasyong kapangyarihan, ay hindi kailanman gumagamit ng kapangyarihang iyan sa maling paraan? Gaya ng napansin natin sa nakaraang mga kabanata, palagi niyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihan—ito man ay sa paglalang, pagpuksa, pagbibigay ng proteksiyon, o pagbabalik sa dati—ayon sa kaniyang maibiging mga layunin. Kapag dinidili-dili natin ang paraan ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan, tayo’y nauudyukang maging malapít sa kaniya. Kaya napakikilos tayo na “tularan . . . ang Diyos” sa ating sariling paggamit ng kapangyarihan. (Efeso 5:1) Subalit anong kapangyarihan ang taglay ng mga hamak na taong tulad natin?

3 Tandaan na ang tao ay nilalang “ayon sa larawan [at wangis] ng Diyos.” (Genesis 1:26, 27) Kaya naman, tayo rin ay may kapangyarihan—kahit man lamang sa isang limitadong antas. Maaaring kalakip sa ating kapangyarihan ang kakayahang makagawa ng mga bagay-bagay o magtrabaho; pagkakaroon ng kontrol o awtoridad sa iba; kakayahang makaimpluwensiya sa iba, lalo na yaong mga nagmamahal sa atin; pisikal na lakas; o materyal na tinatangkilik. Patungkol kay Jehova, ang salmista ay nagsabi: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Samakatuwid, sa tuwiran man o sa di-tuwiran, ang Diyos ang Bukal ng anumang lehitimong kapangyarihan na maaaring taglay natin. Kung gayon ay nais nating gamitin ito sa mga paraang nakalulugod sa kaniya. Paano natin ito magagawa?

Pag-ibig ang Susi

4, 5. (a) Ano ang susi sa tamang paggamit ng kapangyarihan, at paano ito ipinapakita ng sariling halimbawa ng Diyos? (b) Paano tayo tutulungan ng pag-ibig na gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan?

4 Ang susi sa tamang paggamit ng kapangyarihan ay ang pag-ibig. Hindi ba’t ipinapakita ito ng sariling halimbawa ng Diyos? Alalahanin ang pagtalakay sa apat na pangunahing katangian ng Diyos—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig—sa Kabanata 1. Sa apat na katangian, alin ang nangingibabaw? Pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi sa 1 Juan 4:8. Oo, pag-ibig ang siyang buod ng personalidad ni Jehova; inuugitan nito ang lahat ng kaniyang ginagawa. Kaya bawat kapahayagan ng kaniyang kapangyarihan ay pinakikilos ng pag-ibig at sa dakong huli ay para sa kabutihan niyaong umiibig sa kaniya.

5 Ang pag-ibig ay tutulong din sa atin na gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan. Tutal, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang pag-ibig ay “mabait” at “hindi inuuna ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Kaya naman, ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na kumilos sa isang mabagsik o malupit na paraan sa mga nasa ilalim ng anumang awtoridad na taglay natin. Sa halip, pakikitunguhan natin ang iba nang may dignidad at uunahin muna ang kanilang pangangailangan at damdamin bago ang sa atin.​—Filipos 2:3, 4.

6, 7. (a) Ano ang makadiyos na takot, at bakit tayo matutulungan ng katangiang ito upang makaiwas sa maling paggamit ng kapangyarihan? (b) Ipaghalimbawa ang kaugnayan ng pagkatakot na di-mapaluguran ang Diyos at ng pag-ibig sa Diyos.

6 Ang pag-ibig ay may kaugnayan sa isa pang katangian na makatutulong sa atin upang maiwasan ang maling paggamit ng kapangyarihan: makadiyos na takot. Ano ang kahalagahan ng katangiang ito? “Lumalayo ang tao sa kasamaan dahil sa pagkatakot kay Jehova,” ang sabi sa Kawikaan 16:6. Ang maling paggamit ng kapangyarihan ay tiyak na kabilang sa masasamang landasin na dapat nating layuan. Ang pagkatakot sa Diyos ay pipigil sa atin sa pagmamaltrato sa iba na sa kanila’y may kapangyarihan tayo. Bakit? Una sa lahat, alam nating tayo’y magsusulit sa Diyos dahil sa paraan ng ating pakikitungo sa mga ito. (Nehemias 5:1-7, 15) Subalit hindi lamang iyan ang sangkot sa makadiyos na takot. Ang orihinal na terminong ginamit para sa “pagkatakot” ay madalas na tumutukoy sa isang matinding paggalang at pagkamangha sa Diyos. Kung gayon, ang pagkatakot ay iniuugnay ng Bibliya sa pag-ibig sa Diyos. (Deuteronomio 10:12, 13) Kalakip sa paggalang at pagkamanghang ito ang isang angkop na pagkatakot na di-mapaluguran ang Diyos—hindi lamang dahil sa natatakot tayo sa kahihinatnan nito kundi dahil sa tunay natin siyang iniibig.

7 Bilang paghahalimbawa: Isip-isipin ang magandang pagsasamahan ng isang maliit na batang lalaki at ng kaniyang ama. Nadarama ng bata ang pagmamahal ng kaniyang ama, ang maibiging interes sa kaniya. Subalit alam din ng bata kung ano ang mga kahilingan sa kaniya ng kaniyang ama, at alam niyang didisiplinahin siya ng kaniyang ama kung siya’y hindi magpapakabait. Ang bata’y hindi nabubuhay na may malagim na pagkatakot sa kaniyang ama. Sa kabaligtaran, mahal na mahal niya ang kaniyang ama. Nalulugod ang bata sa paggawa ng anumang bagay na magdudulot ng ngiti ng pagsang-ayon ng kaniyang ama. Gayundin ang makadiyos na takot. Dahil sa iniibig natin si Jehova, ang ating Ama sa langit, natatakot tayong makagawa ng anumang bagay na makasasakit sa kaniya. (Genesis 6:6) Sa halip, hangarin natin na pasayahin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Iyan ang dahilan kung bakit nais nating gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan. Magsuri tayo kung paano natin ito magagawa.

Sa Loob ng Pamilya

8. (a) Anong awtoridad ang taglay ng mga asawang lalaki sa pamilya, at paano ito dapat gamitin? (b) Paano maipapakita ng isang asawang lalaki na pinararangalan niya ang kaniyang asawa?

8 Isaalang-alang muna natin ang pamilya. “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae,” ang sabi sa Efeso 5:23. Paano ba gagamitin ng isang asawang lalaki ang bigay-Diyos na awtoridad na ito? Sinasabi ng Bibliya sa mga asawang lalaki na mamuhay kasama ng kani-kanilang asawa at makitungo sa kanila “ayon sa kaalaman,” na binibigyan sila ng “karangalang gaya ng sa mas mahinang sisidlan.” (1 Pedro 3:7) Ang Griegong pangngalan na isinaling “karangalan” ay nangangahulugang “presyo, halaga, . . . paggalang.” Ang ibang mga anyo ng salitang ito ay isinasaling “regalo” at “mahalaga.” (Gawa 28:10; 1 Pedro 2:7) Ang isang asawang lalaki na nagbibigay ng karangalan sa kaniyang asawa ay hindi kailanman mananakit sa kaniya; ni manghihiya o hahamak sa kaniya, anupat magpapadama sa kaniyang siya’y walang kabuluhan. Sa halip, kinikilala niya ang halaga nito at pinakikitunguhan siya nang may paggalang. Ipinapakita niya sa kaniyang mga salita at mga gawa—sa pribado man at sa hayagan—na siya’y mahalaga sa kaniya. (Kawikaan 31:28) Hindi lamang natatamo ng gayong asawang lalaki ang pag-ibig at paggalang ng kaniyang asawa kundi, higit na mahalaga, pati ang pagsang-ayon ng Diyos.

Ginagamit ng mag-asawa ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan sa pamamagitan ng pakikitungo sa isa’t isa nang may pag-ibig at paggalang

9. (a) Anong kapangyarihan ang taglay ng mga asawang babae sa pamilya? (b) Ano ang makatutulong sa isang asawang babae na gamitin ang kaniyang mga kakayahan upang suportahan ang kaniyang asawa, at ano ang resulta?

9 Ang mga asawang babae rin ay nagtataglay ng isang antas ng kapangyarihan sa pamilya. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa makadiyos na mga babae na, sa paraang hindi lumalabag sa tamang pagkaulo, ay nagkusang umimpluwensiya sa kani-kanilang asawa sa positibong paraan o upang tulungan silang makaiwas na magkamali sa pagpapasiya. (Genesis 21:9-12; 27:46–28:2) Maaaring ang isang asawang babae ay may mas matalas na isip kaysa sa kaniyang asawa, o baka may iba siyang mga kakayahan na wala sa kaniya. Magkagayunman, siya’y dapat na magkaroon ng “matinding paggalang” sa kaniyang asawang lalaki at “magpasakop” dito “kung paanong nagpapasakop siya sa Panginoon.” (Efeso 5:22, 33) Ang hangarin na mapaluguran ang Diyos ay makatutulong sa isang asawang babae na gamitin ang kaniyang mga kakayahan upang suportahan ang kaniyang asawa sa halip na hamakin ito o subukang pangibabawan ito. Ang gayong “babae na talagang marunong” ay nakikipagtulungang mabuti sa kaniyang asawa sa pagtatatag ng pamilya. Sa gayon ay napananatili niya ang pakikipagpayapaan sa Diyos.​—Kawikaan 14:1.

10. (a) Ang Diyos ay nagkaloob ng anong awtoridad sa mga magulang? (b) Ano ang kahulugan ng salitang “disiplina,” at paano ito dapat ipatupad? (Tingnan din ang talababa.)

10 Ang mga magulang ay nagtataglay rin ng awtoridad na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa Bibliya, ang salitang “disiplina” ay maaaring mangahulugang “pagpapalaki, pagsasanay, pagtuturo.” Kailangan ng mga anak ang disiplina; sila’y umuunlad sa ilalim ng malilinaw na panuntunan, hangganan, at mga limitasyon. Ang gayong disiplina, o pagtuturo, ay iniuugnay ng Bibliya sa pagmamahal. (Kawikaan 13:24) Samakatuwid, ang “pamalong pandisiplina” ay hindi dapat na maging mapang-abuso—sa emosyon man o sa pisikal. a (Kawikaan 22:15; 29:15) Ang mahigpit o malupit na disiplina na walang pag-ibig ay pang-aabuso ng magulang sa kaniyang awtoridad at makasisiil sa espiritu ng isang anak. (Colosas 3:21) Sa kabilang dako naman, ang timbang na disiplina na angkop na ipinatutupad ay nagpapaunawa sa mga anak na ang kanilang mga magulang ay nagmamahal sa kanila at interesado sa pagpapaunlad sa uri ng kanilang pagkatao.

11. Paano magagamit ng mga anak ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan?

11 Kumusta naman ang mga anak? Paano nila magagamit ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan? “Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila,” ang sabi sa Kawikaan 20:29. Tiyak na wala nang mas mahusay na paraan na magagamit ng mga kabataan ang kanilang lakas at kalusugan kundi sa paglilingkod sa ating “Dakilang Maylalang.” (Eclesiastes 12:1) Dapat alalahanin ng mga kabataan na ang kanilang mga ikinikilos ay nakaaapekto sa damdamin ng kanilang mga magulang. (Kawikaan 23:24, 25) Kapag ang mga anak ay sumusunod sa kanilang mga magulang na may takot sa Diyos at naninindigan sa tamang landas, sila’y nagdudulot ng kagalakan sa puso ng kanilang mga magulang. (Efeso 6:1) Ang gayong paggawi ay “talagang nakapagpapasaya . . . sa Panginoon.”​—Colosas 3:20.

Sa Loob ng Kongregasyon

12, 13. (a) Anong pananaw ang dapat taglayin ng mga elder tungkol sa kanilang awtoridad sa kongregasyon? (b) Ipaghalimbawa kung bakit dapat magiliw na pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa.

12 Si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwa upang manguna sa kongregasyong Kristiyano. (Hebreo 13:17) Dapat gamitin ng kuwalipikadong mga lalaking ito ang kanilang bigay-Diyos na awtoridad upang maglaan ng kinakailangang alalay at upang makatulong sa kapakanan ng kawan. Ang kanila bang posisyon ay nagbibigay-karapatan sa mga elder na mag-astang panginoon sa kanilang mga kapananampalataya? Hinding-hindi! Ang mga elder ay kailangang magkaroon ng timbang at mapagpakumbabang pananaw sa kanilang papel sa kongregasyon. (1 Pedro 5:2, 3) Sinasabi ng Bibliya sa mga tagapangasiwa: “Magpastol [kayo] sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.” (Gawa 20:28) Isa itong matinding dahilan upang pakitunguhan nang may paggiliw ang bawat isa sa kongregasyon.

13 Maaari natin itong ipaghalimbawa sa ganitong paraan. Pinaiingatan sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang isang pinakamamahal na pag-aari. Alam mong napakamahal ng pagkakabili ng iyong kaibigan sa pag-aaring iyon. Hindi mo ba ito pakaiingatan? Sa katulad na paraan, ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang pananagutang alagaan ang pinakamamahal na pag-aari: ang mga kapatid sa kongregasyon, na itinulad ng Bibliya sa mga tupa. (Juan 21:16, 17) Ang mga tupa ni Jehova ay mahal sa kaniya—sa katunayan, gayon na lamang kamahal anupat binili niya ang mga ito sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng kaniyang kaisa-isang Anak, si Jesu-Kristo. Wala nang hihigit pa sa halagang ibinayad ni Jehova para sa kaniyang mga tupa. Tinatandaan iyan ng mapagpakumbabang mga elder at pinakikitunguhan ang mga tupa ni Jehova sa paraang kaayon nito.

“Kapangyarihan ng Dila”

14. Anong kapangyarihan ang taglay ng dila?

14 “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 18:21) Ang totoo, napakalaking pinsala ang nagagawa ng dila. Sino nga ba sa atin ang hindi pa kailanman nasaktan dahil sa isang walang-ingat o mapanghamak pa ngang pangungusap? Subalit may kapangyarihan din ang dila na magpagaling. “Ang dila ng marurunong ay nagpapagaling,” ang sabi sa Kawikaan 12:18. Oo, ang positibo at nakapagpapalusog na mga salita ay maihahalintulad sa pagpapahid ng nakagiginhawa at nakagagaling na panghaplas sa puso. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

15, 16. Sa ano-anong paraan maaari nating gamitin ang dila upang palakasin ang iba?

15 “Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob,” ang paghimok ng 1 Tesalonica 5:14. Oo, maging ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay dumaranas din kung minsan ng panghihina ng loob. Paano natin matutulungan ang mga ito? Mag-alok ng espesipiko at taimtim na papuri upang makita nila ang kanilang sariling halaga sa paningin ni Jehova. Ibahagi sa kanila ang makapangyarihang mga salita sa mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang si Jehova ay tunay na nagmamalasakit at umiibig sa mga “may pusong nasasaktan” at “nasisiraan ng loob.” (Awit 34:18) Kapag ginagamit natin ang kapangyarihan ng ating dila upang aliwin ang iba, ipinapakita nating tinutularan natin ang ating madamaying Diyos, “na umaaliw doon sa mga nanlulumo.”​—2 Corinto 7:6, New American Standard Bible.

16 Magagamit din natin ang kapangyarihan ng ating dila upang maglaan ng lubhang-kinakailangang pampalakas-loob sa iba. Namatayan ba ng minamahal ang isang kapananampalataya? Ang mga salita ng pakikiramay na nagpapahayag ng ating pagmamalasakit at pag-aalala ay makaaaliw sa namimighating puso. Nadarama ba ng isang matanda nang kapatid na siya’y wala nang silbi? Ang maalalahaning pangungusap ay tumitiyak sa mga may-edad na sila’y pinahahalagahan at kinikilala. Mayroon bang nakikipaglaban sa nagtatagal na karamdaman? Ang paggamit ng mababait na salita sa telepono, sulat, o sa personal ay may malaking magagawa upang mapasigla ang may karamdaman. Gayon na lamang ang pagkalugod ng ating Maylalang kapag ginagamit natin ang kapangyarihang magsalita upang sambitin ang “mabubuting bagay na nakapagpapatibay.”​—Efeso 4:29.

17. Sa anong mahalagang paraan magagamit natin ang ating dila upang makinabang ang iba, at bakit dapat nating gawin ito?

17 Wala nang mas mahalagang paraan ng paggamit ng kapangyarihan ng dila kundi ang paghahatid ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga nangangailangan ng tulong kung kaya mo namang gawin ito,” ang sabi sa Kawikaan 3:27. Obligasyon natin sa iba na sabihin sa kanila ang nagliligtas-buhay na mabuting balita. Hindi tama na sarilinin natin ang apurahang mensahe na saganang ipinagkaloob sa atin ni Jehova. (1 Corinto 9:16, 22) Subalit hanggang saan tayo inaasahan ni Jehova na makibahagi sa gawaing ito?

Paghahatid ng mabuting balita—isang napakahusay na paraan ng paggamit ng ating kapangyarihan

Paglilingkod kay Jehova Nang Ating “Buong Lakas”

18. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova?

18 Ang ating pag-ibig kay Jehova ay nag-uudyok sa atin na lubusang makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova tungkol dito? Isang bagay na kaya nating ibigay anuman ang ating kalagayan sa buhay: “Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao.” (Colosas 3:23) Nang banggitin ang pinakamahalagang utos, sinabi ni Jesus: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Oo, inaasahan ni Jehova na bawat isa sa atin ay iibig at maglilingkod sa kaniya nang buong kaluluwa.

19, 20. (a) Yamang ang puso, isip, at lakas ay kalakip sa kaluluwa, bakit ang ibang mga sangkap na ito ay binanggit sa Marcos 12:30? (b) Ano ang kahulugan ng paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa?

19 Ano ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa? Ang kaluluwa ay tumutukoy sa buong persona, lakip na ang pisikal at mental na mga kakayahan nito. Yamang ang puso, isip, at lakas ay kalakip sa kaluluwa, bakit ang ibang mga sangkap na ito ay binanggit sa Marcos 12:30? Isaalang-alang ang isang paghahalimbawa. Noong panahon ng Bibliya, maaaring ipagbili ng isang tao ang kaniyang sarili (ang kaniyang kaluluwa) sa pagkaalipin. Subalit, ang alipin ay maaaring hindi naglilingkod sa kaniyang panginoon nang buong puso; maaaring hindi niya ginagamit ang kaniyang buong lakas o ang kaniyang buong kakayahan ng pag-iisip para sa kapakanan ng kaniyang panginoon. (Colosas 3:22) Samakatuwid, maliwanag na binanggit ni Jesus ang ibang mga sangkap na ito upang idiin na wala tayong anumang dapat ipagkait sa ating paglilingkod sa Diyos. Ang paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa ay nangangahulugan ng pagbibigay ng ating sarili, anupat ginagamit ang ating buong lakas at kakayahan sa paglilingkod sa kaniya.

20 Ang paglilingkod ba nang buong kaluluwa ay nangangahulugan na tayong lahat ay dapat na gumugol ng magkakaparehong dami ng oras at lakas sa ministeryo? Imposible iyan, sapagkat iba-iba ang kalagayan at kakayahan ng mga tao. Halimbawa, ang isang kabataan na may mabuting kalusugan at lakas ng katawan ay maaaring makagugol ng higit na panahon sa pangangaral kaysa sa isa na wala nang lakas dahil sa pagtanda. Ang isang binata o dalaga na walang mga obligasyon sa pamilya ay maaaring makagawa nang higit kaysa sa isa na nag-aasikaso ng pamilya. Kung tayo’y may lakas at nasa kalagayan na nagpapahintulot sa atin na makagawa nang lubusan sa ministeryo, dapat tayong magpasalamat! Mangyari pa, hindi natin nanaisin kailanman na maging mapamintas, anupat inihahambing ang ating sarili sa iba tungkol sa bagay na ito. (Roma 14:10-12) Sa halip, nais nating gamitin ang ating kapangyarihan upang palakasin ang iba.

21. Ano ang pinakamahusay at pinakamahalagang paraan ng paggamit ng ating kapangyarihan?

21 Si Jehova ay nagbigay ng perpektong halimbawa sa tamang paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Nais nating tularan siya sa abot ng ating makakaya bilang di-perpektong mga tao. Magagamit natin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan sa pamamagitan ng pakikitungo nang may dignidad sa mga nasa ilalim ng anumang awtoridad na taglay natin. Karagdagan pa, nais nating maging buong kaluluwa sa pagsasagawa ng ating nagliligtas-buhay na pangangaral na ibinigay sa atin ni Jehova upang ganapin. (Roma 10:13, 14) Tandaan, si Jehova ay nalulugod kapag ibinibigay mo ang iyong buong kaluluwa—ang pinakamagaling na maibibigay mo. Hindi ba’t nauudyukan ka ng iyong puso na magnais gawin ang lahat ng iyong magagawa sa paglilingkod sa gayong maunawain at maibiging Diyos? Wala nang hihigit pa o mas mahalagang paraan ng paggamit ng iyong kapangyarihan.

a Noong panahon ng Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “pamalo” ay nangangahulugan ng isang baston o isang tungkod, gaya niyaong ginagamit ng pastol sa pag-akay sa kaniyang mga tupa. (Awit 23:4) Sa katulad na paraan, ang “pamalo” bilang awtoridad ng magulang ay nagpapahiwatig ng maibiging pag-akay, hindi ng mabagsik o malupit na pagpaparusa.