Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 14

Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”

Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”

1, 2. Paano inilalarawan ng Bibliya ang kalagayan ng sangkatauhan, at ano ang tanging kalutasan?

 “ANG lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Sa pamamagitan ng mga katagang iyan, inilalarawan ni apostol Pablo ang kahabag-habag na kalagayan natin. Sa pananaw ng tao, parang wala nang kalutasan ang pagdurusa, kasalanan, at kamatayan. Subalit hindi taglay ni Jehova ang mga limitasyon ng tao. (Bilang 23:19) Ang Diyos ng katarungan ay naglalaan sa atin ng kalutasan sa ating kabagabagan. Ito’y tinawag na pantubos.

2 Ang pantubos ang pinakamahalagang regalo ni Jehova sa sangkatauhan. Pinagiging posible nito ang ating kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan. (Efeso 1:7) Ito ang pundasyon ng pag-asang buhay na walang hanggan, ito man ay sa langit o sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43; Juan 3:16; 1 Pedro 1:4) Subalit ano nga ba talaga ang pantubos? Paano nito itinuturo sa atin ang tungkol sa sukdulang katarungan ni Jehova?

Kung Bakit Kinailangan ng Pantubos

3. (a) Bakit kinailangan ang pantubos? (b) Bakit hindi na lamang pagaanin ng Diyos ang sentensiya sa halip na kamatayan para sa mga supling ni Adan?

3 Ang pantubos ay kinailangan dahil sa kasalanan ni Adan. Dahil sa pagsuway sa Diyos, ipinamana ni Adan sa kaniyang mga supling ang sakit, pighati, kirot, at kamatayan. (Genesis 2:17; Roma 8:20) Ang Diyos ay hindi maaaring padala sa emosyon at pagaanin na lamang ang sentensiya sa halip na kamatayan. Ang paggawa nito ay pagwawalang-bahala sa kaniyang sariling kautusan: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) At kung ipagwawalang-saysay ni Jehova ang kaniyang sariling mga pamantayan ukol sa katarungan, kung gayon ay mananaig ang gulo at kasamaan!

4, 5. (a) Paano siniraang-puri ni Satanas ang Diyos, at bakit napilitan si Jehova na sagutin ang mga hamong iyon? (b) Ano ang bintang ni Satanas hinggil sa tapat na mga lingkod ni Jehova?

4 Gaya ng nakita na natin sa Kabanata 12, ang paghihimagsik sa Eden ay nagbangon ng mas malalaking isyu. Dinungisan ni Satanas ang malinis na pangalan ng Diyos. Sa diwa, pinaratangan niya si Jehova na isang sinungaling at isang malupit na diktador na nagkait ng kalayaan sa kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:1-5) Sa pamamagitan ng waring pagsugpo sa layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng matuwid na mga tao, pinagbintangan din ni Satanas ang Diyos na isang bigo. (Genesis 1:28; Isaias 55:10, 11) Kung hindi sasagutin ni Jehova ang mga hamong ito, marami sa kaniyang matatalinong nilalang ang baka mawalan ng tiwala sa kaniyang pamamahala.

5 Siniraang-puri din ni Satanas ang tapat na mga lingkod ni Jehova, anupat pinagbibintangan silang naglilingkod lamang sa Kaniya dahil sa makasariling motibo at na kapag napalagay sila sa kagipitan, walang mananatiling tapat sa Diyos. (Job 1:9-11) Ang mga isyung ito ay higit na lalo pang mahalaga kaysa sa paghihirap na dinaranas ng tao. Angkop lamang na mapilitan si Jehova na sagutin ang mapanirang-puring mga bintang ni Satanas. Subalit paano kaya malulutas ng Diyos ang mga isyung ito at kasabay nito’y mailigtas ang sangkatauhan?

Pantubos—Isang Katumbas

6. Ano ang ilang pananalita na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang paraan ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan?

6 Ang solusyon ni Jehova ay sukdulang maawain at lubusang makatarungan—isa na walang sinumang tao ang makagagawa kailanman. Gayunman, ito’y simple ngunit kahanga-hanga. Ito’y tinutukoy sa iba’t ibang paraan bilang isang pagbili, pakikipagkasundo, pampalubag-loob, at pagbabayad-sala. (Daniel 9:24; Galacia 3:13; Colosas 1:20; Hebreo 2:17) Ngunit ang pananalita na marahil pinakamahusay na maglalarawan sa mga bagay-bagay ay ang ginamit ni Jesus mismo. Sabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos [Griego, lyʹtron] na kapalit ng marami.”​—Mateo 20:28.

7, 8. (a) Ano ang kahulugan ng terminong “pantubos” sa Kasulatan? (b) Sa anong paraan ang isang pantubos ay nagsasangkot ng pagiging katumbas?

7 Ano ba ang pantubos? Ang salitang Griego na ginamit dito ay mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “kalagan, pakawalan.” Ang terminong ito ay ginamit upang ilarawan ang perang ibinayad kapalit ng pagpapalaya sa mga bilanggo ng digmaan. Karaniwan na kung gayon na ang pantubos ay maaaring ipaliwanag bilang isang bagay na ibinayad upang mabiling muli ang isang bagay. Sa Hebreong Kasulatan, ang salita para sa “pantubos” (koʹpher) ay mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “takpan.” Tinutulungan tayo nito na maunawaang ang pagtubos ay nangangahulugan din ng pagtatakip sa mga kasalanan.

8 Kapansin-pansin, binabanggit ng Theological Dictionary of the New Testament na ang salitang ito (koʹpher) “ay laging nangangahulugan ng isang katumbas,” o isang katulad. Kaya nga, upang tubusin, o takpan, ang kasalanan, isang halaga ang dapat ibayad na katumbas, o pantakip, sa pinsalang dulot ng kasalanan. Kaya naman ang Kautusan ng Diyos sa Israel ay nagsabi: “Buhay para sa buhay, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.”​—Deuteronomio 19:21.

9. Bakit naghandog noon ng mga haing hayop ang mga tapat na lalaki, at ano ang nadama ni Jehova sa gayong mga hain?

9 Ang tapat na mga lalaki mula kay Abel patuloy ay naghandog ng mga haing hayop sa Diyos. Sa paggawa nito, ipinamalas nila ang kanilang kabatiran tungkol sa kasalanan at ang pangangailangan ng pantubos, at ipinakita nila ang kanilang pananampalataya sa ipinangako ng Diyos na pagpapalaya sa pamamagitan ng kaniyang “supling.” (Genesis 3:15; 4:1-4; Levitico 17:11; Hebreo 11:4) Kinalugdan ni Jehova ang gayong mga hain at pinagkalooban niya ang mga mananambang ito ng isang mabuting katayuan. Gayunpaman, ang mga handog na hayop ay hanggang sagisag lamang. Ang mga hayop ay hindi talaga maitatakip sa kasalanan ng tao, sapagkat ang mga ito ay mas mababa sa mga tao. (Awit 8:4-8) Kaya naman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi maaalis ng dugo ng mga toro at mga kambing ang mga kasalanan.” (Hebreo 10:1-4) Ang mga handog na ito ay larawan lamang, o simbolo, ng tunay na haing pantubos na darating.

Ang “Pantubos”

10. (a) Kanino dapat itumbas ang manunubos, at bakit? (b) Bakit isang haing tao lamang ang kinailangan?

10 “Kay Adan, ang lahat ay namamatay,” ang sabi ni apostol Pablo. (1 Corinto 15:22) Kung gayon, ang pagtubos ay kailangang magsangkot ng kamatayan ng eksaktong katumbas ni Adan—isang perpektong tao. (Roma 5:14) Wala nang iba pang uri ng nilalang ang makapagbabalanse ng timbangan ng katarungan. Tanging isang perpektong tao lamang, isa na wala sa ilalim ng sentensiyang kamatayan na hatol kay Adan, ang makapagbibigay ng sarili niya “bilang pantubos para sa lahat”—isa na eksaktong katumbas ni Adan. (1 Timoteo 2:6) Hindi na kakailanganin pang ihandog ang di-mabilang na milyon-milyong indibidwal upang itumbas sa bawat inapo ni Adan. Sinabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan.” (Roma 5:12) At dahil “nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,” isinaayos ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan “sa pamamagitan din ng isang tao.” (1 Corinto 15:21) Paano?

“Pantubos para sa lahat”

11. (a) Paanong ang manunubos ay ‘titikim ng kamatayan para sa bawat tao’? (b) Bakit hindi maaaring makinabang sina Adan at Eva mula sa pantubos? (Tingnan ang talababa.)

11 Isinaayos ni Jehova na magkaroon ng isang perpektong tao na kusang maghahandog ng kaniyang buhay. Ayon sa Roma 6:23, “ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Sa paghahandog ng kaniyang buhay, ang manunubos ay ‘titikim ng kamatayan para sa bawat tao.’ Ibig sabihin, babayaran niya ang kasalanan ni Adan. (Hebreo 2:9; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:24) Malaki ang magiging epekto nito ayon sa batas. Sa pagpapawalang-bisa sa sentensiyang kamatayan sa masunuring mga supling ni Adan, aalisin ng pantubos mula sa mismong pinagmulan nito ang kapangyarihan ng kasalanan na pumuksa. aRoma 5:16.

12. Ipaghalimbawa kung paano nakikinabang ang maraming tao dahil sa pagbabayad ng isang utang.

12 Halimbawa, nakatira ka sa isang bayan na karamihan sa mga tagaroon ay nagtatrabaho sa isang malaking pabrika. Malaki ang kinikita mo at ng iyong mga kapitbahay sa inyong pagpapagal, at maalwan ang inyong buhay. Ganiyan ang kalagayan hanggang sa dumating ang araw na magsara ang pabrika. Ang dahilan? Naging tiwali ang tagapangasiwa ng pabrika, anupat nabangkarote tuloy ang kompanya. Dahil sa biglang nawalan ng trabaho, ikaw at ang iyong mga kapitbahay ay hindi na makabayad ng utang. Ang mga mag-asawa, mga anak, at mga may pautang ay nagdusa dahil sa katiwalian ng isang taong iyon. May solusyon pa kaya? Oo! Isang mayamang tagatangkilik ang nagpasiyang tumulong. Batid niya ang kahalagahan ng kompanya. Naaawa rin siya sa marami nitong empleado at sa kani-kanilang pamilya. Kaya isinaayos niya na bayaran ang utang ng kompanya at muling buksan ang pabrika. Ang pagkansela sa isang pagkakautang na iyan ay nagdulot ng ginhawa sa maraming empleado at sa kani-kanilang pamilya at sa mga may pautang. Sa katulad na paraan, milyon-milyon ang nakikinabang sa pagkansela sa utang ni Adan.

Sino ang Maglalaan ng Pantubos?

13, 14. (a) Paano inilaan ni Jehova ang pantubos para sa sangkatauhan? (b) Kanino ibinayad ang pantubos, at bakit kailangan ang gayong pagbabayad?

13 Tanging si Jehova lamang ang makapaglalaan ng “Kordero . . . na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.” (Juan 1:29) Subalit ang Diyos ay hindi basta pumili na lamang ng sinumang anghel upang iligtas ang sangkatauhan. Sa halip, isinugo niya ang Isa na makapagbibigay ng pangwakas at di-mapasisinungalingang sagot sa bintang ni Satanas laban sa mga lingkod ni Jehova. Oo, ginawa ni Jehova ang sukdulang sakripisyo na pagsusugo sa kaniyang kaisa-isang Anak, na “gustong-gusto [niyang] kasama.” (Kawikaan 8:30) Kusang “iniwan [ng Anak ng Diyos] ang lahat ng taglay niya” sa langit. (Filipos 2:7) Sa makahimalang paraan, inilipat ni Jehova ang buhay ng kaniyang Anak sa sinapupunan ng isang Judiong birhen na ang pangalan ay Maria. (Lucas 1:27, 35) Bilang isang tao, siya’y tatawaging Jesus. Subalit sa legal na diwa, siya’y matatawag na ikalawang Adan, sapagkat siya’y eksaktong katumbas ni Adan. (1 Corinto 15:45, 47) Kung gayon ay maihahandog ni Jesus ang kaniyang sarili bilang pantubos para sa makasalanang sangkatauhan.

14 Kanino dapat ibayad ang pantubos na iyan? Espesipikong sinasabi sa Awit 49:7 na ang pantubos ay ibabayad “sa Diyos.” Subalit hindi ba si Jehova rin naman ang nagsaayos ng pantubos? Hindi ba’t parang pagdukot lang iyon ng pera sa isang bulsa at paglalagay nito sa kabilang bulsa? Hindi naman. Dapat unawain na ang pantubos ay, hindi isang materyal na palitan, kundi isang legal na transaksiyon. Sa pamamagitan ng paglalaan ng kabayarang pantubos, kahit na ito’y napakalaking halaga para sa kaniya, pinatunayan ni Jehova ang kaniyang di-natitinag na pagsunod sa kaniyang sariling perpektong katarungan.​—Genesis 22:7, 8, 11-13; Hebreo 11:17; Santiago 1:17.

15. Bakit kinailangang magdusa at mamatay si Jesus?

15 Noong tagsibol ng 33 C.E., kusang sumailalim si Jesu-Kristo sa isang mahigpit na pagsubok na humantong sa pagbabayad ng pantubos. Hinayaan niyang siya’y arestuhin sa maling mga bintang, mahatulang nagkasala, at ipako sa isang tulos. Kailangan ba talagang magdusa nang husto si Jesus? Oo, sapagkat kailangang malutas ang isyu tungkol sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Kapansin-pansin, hindi ipinahintulot ng Diyos na maipapatay ni Herodes ang sanggol na si Jesus. (Mateo 2:13-18) Subalit nang si Jesus ay lumaki na, nakayanan na niya ang bigat ng mga pag-atake ni Satanas taglay ang lubusang pagkaunawa sa mga isyu. b Sa pananatili ni Jesus na “tapat, walang kasamaan, walang dungis, hindi gaya ng mga makasalanan” kahit napakasama ng pagtrato sa kaniya, pinatunayan niya nang minsanan at magpakailanman na si Jehova ay talagang may mga lingkod na nananatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. (Hebreo 7:26) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na noong mamamatay na siya, matagumpay na bumulalas si Jesus: “Naganap na!”—Juan 19:30.

Pagtapos sa Kaniyang Gawaing Pagtubos

16, 17. (a) Paano ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang gawaing pagtubos? (b) Bakit kinailangan ni Jesus na ‘humarap sa Diyos para sa atin’?

16 Kailangan pang tapusin ni Jesus ang kaniyang gawaing pagtubos. Sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova. (Gawa 3:15; 10:40) Sa pamamagitan ng napakahalagang pagkilos na ito, hindi lamang ginantimpalaan ni Jehova ang kaniyang Anak dahil sa tapat na paglilingkod niya kundi binigyan din siya ng pagkakataong tapusin ang kaniyang gawaing pagtubos bilang Mataas na Saserdote ng Diyos. (Roma 1:4; 1 Corinto 15:3-8) Sinabi ni apostol Pablo: “Nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote . . . , pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi ang sarili niyang dugo, at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan. Dahil si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na lugar na gawa ng mga kamay, na isang kopya ng tunay na banal na lugar, kundi sa langit mismo, kaya nasa harap siya ngayon ng Diyos para sa atin.”​—Hebreo 9:11, 12, 24.

17 Hindi madadala ni Kristo ang kaniyang literal na dugo sa langit. (1 Corinto 15:50) Sa halip, ang dinala niya ay ang isinasagisag ng dugong iyan: ang legal na halaga ng kaniyang inihandog na perpektong buhay bilang tao. Pagkatapos, sa harap ng mismong Persona ng Diyos, pormal niyang iniharap ang halaga ng buhay na iyan bilang pantubos kapalit ng makasalanang sangkatauhan. Tinanggap ba ni Jehova ang haing iyan? Oo, at ito’y nakita noong Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga 120 alagad sa Jerusalem. (Gawa 2:1-4) Bagaman talagang nakapananabik ang pangyayaring iyon, ang pantubos ay nagsisimula pa lamang noon na maglaan ng kahanga-hangang mga pakinabang.

Mga Pakinabang sa Pantubos

18, 19. (a) Anong dalawang grupo ng mga indibidwal ang nakikinabang sa pakikipagkasundo na naging posible dahil sa dugo ni Kristo? (b) Para sa mga kabilang sa “malaking pulutong,” ano ang ilan sa kasalukuyan at panghinaharap na mga pakinabang mula sa pantubos?

18 Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, ipinaliwanag ni Pablo na minabuti ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na ipagkasundo sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay, na naging posible dahil sa dugo na ibinuhos ni Jesus sa pahirapang tulos. Ipinaliwanag din ni Pablo na ang pakikipagkasundong ito ay nagsasangkot ng dalawang magkaibang grupo ng mga indibidwal, samakatuwid nga, ang mga bagay “sa langit” at mga bagay “sa lupa.” (Colosas 1:19, 20; Efeso 1:10) Ang unang grupong iyan ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na binigyan ng pag-asang maglingkod bilang mga saserdote sa langit at mamahala bilang mga hari sa buong lupa kasama ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 5:9, 10; 7:4; 14:1-3) Sa pamamagitan nila, ang mga pakinabang mula sa pantubos ay unti-unting ikakapit sa masunuring sangkatauhan sa loob ng isang libong taon.​—1 Corinto 15:24-26; Apocalipsis 20:6; 21:3, 4.

19 Ang mga bagay “sa lupa” ay yaong mga indibidwal na umaasang magtatamasa ng perpektong buhay sa Paraiso sa lupa. Inilalarawan sila sa Apocalipsis 7:9-17 bilang “isang malaking pulutong” na makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” Subalit hindi na nila kailangang hintayin pa ang panahong iyon upang matamasa ang mga pakinabang mula sa pantubos. “Nilabhan [na] nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Dahil sa sila’y sumasampalataya sa pantubos, ngayon pa lamang ay tumatanggap na sila ng espirituwal na mga pakinabang mula sa maibiging paglalaang iyan. Sila’y naipahayag nang matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos! (Santiago 2:23) Bilang resulta ng handog ni Jesus, sila’y maaari nang “lumapit . . . sa trono ng walang-kapantay na kabaitan at malayang magsalita.” (Hebreo 4:14-16) Kapag sila’y nagkakamali, sila’y tumatanggap ng tunay na pagpapatawad. (Efeso 1:7) Bagaman di-perpekto, nagtatamasa pa rin sila ng isang nilinis na konsensiya. (Hebreo 9:9; 10:22; 1 Pedro 3:21) Kung gayon, ang pakikipagkasundo sa Diyos ay hindi isang bagay na inaasahan pa lamang na mangyayari, kundi ito’y natutupad na ngayon! (2 Corinto 5:19, 20) Sa panahon ng Milenyo, sila’y unti-unting ‘mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan’ at sa wakas ay magkakaroon ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

20. Paano personal na nakaaapekto sa iyo ang pagbubulay-bulay tungkol sa pantubos?

20 “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” para sa pantubos! (Roma 7:25) Simple lamang ang simulain nito, ngunit may malalim na kahulugan anupat nalilipos tayo ng pagkamangha. (Roma 11:33) At sa ating pagbubulay-bulay tungkol dito taglay ang pasasalamat, naaantig ng pantubos ang ating puso, anupat lalo tayong napapalapít sa Diyos ng katarungan. Gaya ng salmista, taglay natin ang lahat ng dahilan upang purihin si Jehova bilang Diyos na ‘umiibig sa katuwiran at katarungan.’—Awit 33:5.

a Hindi makikinabang sina Adan at Eva sa pantubos. Isinaad ng Kautusang Mosaiko ang simulaing ito hinggil sa isa na kusang pumatay ng tao: “Huwag kayong tatanggap ng pantubos para sa buhay ng isang mamamatay-tao na karapat-dapat mamatay.” (Bilang 35:31) Maliwanag na sina Adan at Eva ay karapat-dapat mamatay sapagkat kusa nilang sinuway ang Diyos. Sa gayon ay isinuko nila ang kanilang pag-asang mabuhay magpakailanman.

b Upang matumbasan ang perpektong buhay na naiwala ni Adan, si Jesus ay kailangang mamatay, hindi bilang isang perpektong batang paslit, kundi bilang isang perpektong adulto. Tandaan, kinusa ang kasalanan ni Adan, isinagawa taglay ang lubos na kabatiran sa kaselangan ng ginawa at ang mga bunga nito. Kaya upang maging “ang huling Adan” at matakpan ang kasalanang iyan, si Jesus ay dapat na gumawa ng isang maygulang at may-kabatirang pagpili na mapanatili ang kaniyang katapatan kay Jehova. (1 Corinto 15:45, 47) Sa gayon, ang pagiging tapat ni Jesus sa buong buhay niya—lakip na ang kaniyang mapagsakripisyong kamatayan—ay nagsilbing “isang matuwid na gawa.”​—Roma 5:18, 19.