Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 17

‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’

‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’

1, 2. Ano ang layunin ni Jehova para sa ikapitong araw, at paano napalagay sa pagsubok ang karunungan ng Diyos sa pagsisimula ng araw na ito?

 WASAK! Ang sangkatauhan, ang pinakatampok sa ikaanim na araw ng paglalang, ay biglang bumagsak mula sa pagiging pinakamatayog tungo sa pagiging pinakamababa. Naihayag na ni Jehova na “napakabuti” ng “lahat ng ginawa niya,” pati na ang sangkatauhan. (Genesis 1:31) Subalit sa pagsisimula ng ikapitong araw, minabuti nina Adan at Eva na sundan ang paghihimagsik ni Satanas. Sila’y napasadlak sa kasalanan, pagiging di-perpekto, at kamatayan.

2 Sa biglang tingin ay waring wala nang pag-asang matutupad pa ang layunin ni Jehova para sa ikapitong araw. Ang araw na iyon, gaya ng anim na nauna rito, ay libo-libong taon ang magiging haba. Inihayag na ni Jehova na ito’y banal, at sa pinakahuli ay makikita rito na ang buong lupa ay gagawing isang paraiso na punô ng perpektong pamilya ng mga tao. (Genesis 1:28; 2:3) Subalit pagkatapos ng trahedyang dulot ng paghihimagsik, paano pa kaya matutupad ang bagay na iyon? Ano kaya ang gagawin ng Diyos? Dito lubusang masusubok ang karunungan ni Jehova—marahil ang pinakasukdulang pagsubok.

3, 4. (a) Bakit isang kagila-gilalas na halimbawa ng karunungan ang tugon ni Jehova sa paghihimagsik sa Eden? (b) Ang kapakumbabaan ay dapat magpakilos sa atin na laging isaisip ang anong katotohanan habang pinag-aaralan natin ang karunungan ni Jehova?

3 Tumugon agad si Jehova. Sinentensiyahan niya ang mga rebelde sa Eden, at kasabay nito, ipinabanaag niya ang isang kahanga-hangang bagay: ang kaniyang layunin na ayusin ang pinsalang pinasimulan nila. (Genesis 3:15) Ang pangmatagalang layunin ni Jehova ay umaabot mula sa Eden hanggang sa libo-libong taon ng kasaysayan ng tao, at patuloy pa hanggang sa hinaharap. Simple lamang ito ngunit napakalalim ng kahulugan anupat maaaring gugulin ng isang mambabasa ng Bibliya ang buong buhay niya sa pag-aaral at pagbubulay-bulay dito. Isa pa, ganap ang katiyakan na magtatagumpay ang layunin ni Jehova. Wawakasan nito ang lahat ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Gagawin nitong perpekto ang tapat na sangkatauhan. Lahat ng ito ay magaganap bago matapos ang ikapitong araw upang matupad ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan ayon mismo sa itinakdang panahon, kahit nagkaroon ng rebelyon!

4 Ang gayong karunungan ay nag-uudyok ng matinding paghanga, hindi ba? Kaya isinulat ni apostol Pablo: ‘Talagang kahanga-hanga ang karunungan ng Diyos!’ (Roma 11:33) Habang pinag-aaralan natin ang iba’t ibang aspekto ng katangiang ito ng Diyos, kailangang pakilusin tayo ng kapakumbabaan upang mapanatili sa isip ang mahalagang katotohanan—na, kahit anong pagsisikap ang gawin natin, pang-ibabaw lamang ng malawak na karunungan ni Jehova ang ating mahahalukay. (Job 26:14) Una, ipaliwanag muna natin ang kahulugan ng kagila-gilalas na katangiang ito.

Ano ang Karunungan ng Diyos?

5, 6. Ano ang kaugnayan ng kaalaman sa karunungan, at gaano kalawak ang kaalaman ni Jehova?

5 Ang karunungan ay iba sa kaalaman. Ang mga computer ay nakapag-iimbak ng pagkarami-raming kaalaman, subalit mahirap isipin na may sinumang makapagsasabi na ang gayong mga makina ay matalino. Gayunpaman, ang kaalaman at karunungan ay magkaugnay. (Kawikaan 10:14) Halimbawa, kung kailangan mo ng matalinong payo tungkol sa paggamot sa isang malubhang karamdaman, kokonsulta ka ba sa isa na may kaunti o walang kaalaman sa medisina? Hinding-hindi! Kaya nga ang tumpak na kaalaman ay mahalaga sa tunay na karunungan.

6 Si Jehova ay nagtataglay ng walang-limitasyong nakaimbak na kaalaman. Bilang ang “Haring walang hanggan,” tanging siya lamang ang nabubuhay magpakailanman. (Apocalipsis 15:3) At sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon, alam niya ang lahat ng bagay. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang nilalang na nakatago sa paningin niya, kundi ang lahat ng bagay ay nakalantad at kitang-kita ng isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin.” (Hebreo 4:13; Kawikaan 15:3) Bilang Maylalang, may ganap na kaunawaan si Jehova sa kaniyang ginawa, at napagmasdan niya ang lahat ng ginagawa ng mga tao mula pa sa pasimula. Sinusuri niya ang bawat puso ng tao, anupat walang isa mang kinaliligtaan. (1 Cronica 28:9) Yamang nilalang tayo na may kalayaang magpasiya, nalulugod siya kapag nakikita niyang gumagawa tayo ng matatalinong pasiya sa buhay. Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” nakikinig siya sa di-mabilang na kapahayagan nang sabay-sabay! (Awit 65:2) At talagang perpekto ang memorya ni Jehova.

7, 8. Paano ipinamamalas ni Jehova ang kaunawaan at karunungan?

7 Hindi lamang kaalaman ang taglay ni Jehova. Nakikita rin niya kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari at nauunawaan ang kabuoang larawan na likha ng katakot-takot na detalye. Siya ay nagtitimbang-timbang at humahatol, anupat kinikilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng mahalaga at ng di-mahalaga. Bukod diyan, hindi siya tumitingin sa panlabas kundi sinusuri niya mismo ang puso. (1 Samuel 16:7) Kaya naman, si Jehova ay may kaunawaan, katangiang nakahihigit sa kaalaman. Subalit ang karunungan ay lalo pang nakahihigit.

8 Ang karunungan ay ang pinagsama-samang kaalaman, kaunawaan, at pagkakapit sa mga ito. Sa katunayan, ang ilan sa orihinal na mga salita sa Bibliya na isinaling “karunungan” ay literal na nangangahulugang “mabungang paggawa” o “praktikal na karunungan.” Kaya ang karunungan ni Jehova ay hindi lamang batay sa teoriya. Ito’y praktikal at mabisa. Sa paggamit ng kaniyang malawak na kaalaman at ng kaniyang malalim na unawa, si Jehova ay laging gumagawa ng pinakamagagaling na desisyon, anupat isinasagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pinakamagaling na pagkilos na maiisip. Iyan ang tunay na karunungan! Pinatunayan ni Jehova na totoo ang sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay makikita sa gawa.” (Mateo 11:19) Ang mga gawa ni Jehova sa buong uniberso ay nagbibigay ng matitibay na patotoo sa kaniyang karunungan.

Mga Ebidensiya ng Karunungan ng Diyos

9, 10. (a) Si Jehova ay nagpapakita ng anong uri ng karunungan, at paano niya ito itinatanghal? (b) Paanong ang selula ay nagbibigay ng ebidensiya ng karunungan ni Jehova?

9 Namamangha ka ba sa kahusayan ng isang bihasang manggagawa na gumagawa ng magaganda’t mabibisang bagay? Iyan ay isang kahanga-hangang uri ng karunungan. (Exodo 31:1-3) Si Jehova mismo ang Bukal at pinakadakilang May-ari ng gayong karunungan. Sinabi ni Haring David tungkol kay Jehova: “Pinupuri kita dahil sa kahanga-hangang paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, alam na alam ko ito.” (Awit 139:14) Ang totoo, habang higit tayong natututo tungkol sa katawan ng tao, lalong tumitindi ang pagkamangha natin sa karunungan ni Jehova.

10 Pag-isipan ito: Ikaw ay nagsimula sa iisang selula—nag-iisang selulang itlog mula sa iyong ina, na pinertilisa ng isang semilya mula naman sa iyong ama. Di-nagtagal, ang selulang iyan ay nahati. Ikaw, na naging bunga, ay binubuo ng mga 100 trilyong selula. Pagkaliliit ng mga ito. Ang pinagsama-samang mga 10,000 katamtamang-laking mga selula ay kasinlaki ng ulo ng aspile. Gayunpaman, ang bawat isa nito ay isang nilalang na di-maarok ng isip. Ang selula ay higit na napakasalimuot kaysa sa alinmang gawang-taong makina o pabrika. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang isang selula ay tulad ng isang napapaderang lunsod—isa na may kontroladong mga pasukan at labasan, isang sistema ng transportasyon, isang network ng komunikasyon, mga planta ng kuryente, mga pabrika, mga pasilidad para sa pagtatapon at pagreresiklo ng basura, mga ahensiya para sa depensa, at isang uri pa nga ng sentrong pamahalaan sa nukleo nito. Isa pa, ang selula ay nakagagawa ng isang eksaktong kahawig nito sa loob lamang ng ilang oras!

11, 12. (a) Ano ang nakapagpapaiba-iba ng mga selula sa nabubuong binhi, at paano ito nakakasuwato sa Awit 139:16? (b) Sa anong mga paraan ipinapakita ng utak ng tao na “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin?

11 Mangyari pa, hindi lahat ng selula ay magkakapareho. Habang ang mga selula ng isang binhi ay patuloy na nahahati, ang mga ito’y gumaganap ng iba’t ibang gawain. Ang ilan ay magiging mga selula para sa nerbiyo; ang iba naman ay mga selula para sa buto, kalamnan, dugo, o mata. Lahat ng gayong pagkakaiba-iba ay nakaprograma sa “aklatan” ng selula na kinaroroonan ng henetikong mga plano, ang DNA. Kapansin-pansin, sa patnubay ng banal na espiritu, sinabi ni David kay Jehova: “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako; ang lahat ng bahagi ko ay nakasulat sa iyong aklat.”​—Awit 139:16.

12 Ang ilang bahagi ng katawan ay napakasalimuot. Halimbawa, isaalang-alang ang utak ng tao. Tinawag ito ng ilan bilang ang pinakamasalimuot na bagay na natuklasan sa uniberso hanggang sa kasalukuyan. Naglalaman ito ng mga 100 bilyong selula ng nerbiyo—posibleng kasindami ng mga bituin sa ating galaksi. Bawat isa sa mga selulang iyon ay nagsasanga tungo sa libo-libong koneksiyon sa ibang mga selula. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang utak ng tao ay makapaglalaman ng lahat ng impormasyon mula sa lahat ng aklatan sa buong mundo. Sa katunayan, ang kapasidad nitong mag-imbak ay hindi masusukat. Sa kabila ng ilang dekadang pag-aaral tungkol sa sangkap na ito na “kamangha-mangha ang pagkakagawa,” inaamin ng mga siyentipiko na hindi na marahil nila lubusang mauunawaan kailanman kung paano ito gumagana.

13, 14. (a) Paano ipinapakita ng mga langgam at ng iba pang mga nilalang na sila’y “likas na marurunong,” at ano ang itinuturo niyan sa atin tungkol sa kanilang Maylalang? (b) Bakit natin masasabi na ang mga nilalang na gaya ng bahay ng gagamba ay ginawa “nang may karunungan”?

13 Gayunman, ang mga tao ay isang halimbawa lamang ng karunungan ni Jehova sa paglalang. Ang Awit 104:24 ay nagsasabi: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan. Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.” Ang karunungan ni Jehova ay nakikita sa bawat nilalang sa paligid natin. Halimbawa, ang mga langgam ay “likas na marurunong.” (Kawikaan 30:24) Sa katunayan, napakaorganisado ng mga kolonya ng mga langgam. Ang ilang kolonya ng mga langgam ay nag-aalaga, kumakalinga, at kumukuha ng pagkain mula sa mga insektong tinatawag na mga dapulak na para bang ang mga ito’y mga alagang hayop. Ang ibang mga langgam naman ay pumapapel na mga magsasaka, na nagtatanim at naglilinang ng “mga pananim” na punggus. Marami pang ibang nilalang ang ipinrogramang gumawa ng kahanga-hangang mga bagay sa pamamagitan ng likas na karunungan. Ang isang karaniwang langaw ay nakapagpapasirko-sirko na hindi matularan ng pinakamodernong eroplano ng tao. Ang mga nandarayuhang ibon ay naglalakbay sa pamamagitan ng mga bituin, ng pagkahirati sa magnetic field ng lupa, o ng isang anyo ng mapa na bahagi na ng isip nila. Ang mga biyologo ay gumugugol ng maraming taon ng pag-aaral tungkol sa matatalinong paggawi na ipinrograma na sa mga nilalang na ito. Kung gayon, tiyak na napakarunong nga ng dakilang Tagaprograma!

14 Napakalaki ng natutuhan ng mga siyentipiko sa karunungan ni Jehova sa paglalang. May isa pa ngang larangan ng inhinyeriya, na tinatawag na biomimetics, na ang hangarin ay magaya ang mga disenyong nakikita sa kalikasan. Halimbawa, marahil ay napapatitig ka sa paghanga sa kagandahan ng isang bahay ng gagamba. Subalit itinuturing ito ng isang inhinyero bilang isang kababalaghan ng disenyo. Ang ilang mukhang marurupok na hibla ay mas mapuwersa pa sa kasinlaki nitong bakal at mas matibay pa sa mga hibla ng tsalekong di-tinatablan ng bala. Gaano nga ba ito katibay? Gunigunihin ang isang bahay ng gagamba na pinalaki hanggang sa maging kasukat ng isang lambat na ginagamit sa bangkang pangisda. Ang gayong sapot ay makahuhuli ng isang eroplanong pampasahero habang lumilipad ito! Oo, ginawa ni Jehova ang lahat ng bagay na ito “nang may karunungan.”

Sino ang nagprograma sa mga nilalang sa lupa upang maging “likas na marurunong”?

Karunungang Hindi Lang sa Lupa

15, 16. (a) Ang mabituing kalangitan ay nagbibigay ng anong ebidensiya ng karunungan ni Jehova? (b) Paanong ang posisyon ni Jehova bilang Pinakadakilang Kumandante ng napakalaking bilang ng mga anghel ay nagpapatotoo sa karunungan ng Administrador na ito?

15 Ang karunungan ni Jehova ay nakikita sa kaniyang mga gawa sa buong uniberso. Ang mabituing kalangitan na tinalakay natin sa Kabanata 5 ay hindi basta na lamang ikinalat sa kalawakan. Dahil sa karunungan ng “mga batas ng langit” ni Jehova, ang kalangitan ay buong kagandahang inorganisa sa maaayos na mga galaksi, na pinagkukumpol-kumpol, at saka pinagsasama-sama upang bumuo ng pagkalalaking mga kumpol. (Job 38:33) Hindi nga kataka-takang tukuyin ni Jehova ang mga bagay na nasa langit bilang isang “hukbo”! (Isaias 40:26) Gayunman, may iba pang hukbo na lalong maliwanag na nagtatanghal ng karunungan ni Jehova.

16 Gaya ng napansin natin sa Kabanata 4, taglay ng Diyos ang titulong “Jehova ng mga hukbo” dahil sa kaniyang posisyon bilang Pinakadakilang Kumandante ng napakalaking hukbo ng daan-daang milyong espiritung nilalang. Patotoo ito ng kapangyarihan ni Jehova. Pero paano nauugnay rito ang kaniyang karunungan? Isaalang-alang: Si Jehova at si Jesus ay hindi kailanman tumitigil sa paggawa. (Juan 5:17) Kung gayon, makatuwiran lamang na ang mga lingkod na anghel ng Kataas-taasan ay palagi ring maraming ginagawa. At tandaan, sila’y nakahihigit sa tao, napakatalino at napakamakapangyarihan. (Hebreo 1:7; 2:7) Gayunman, napanatili ni Jehova ang lahat ng anghel na iyon na maging abala at maligayang gumaganap ng gawain—na “tumutupad sa salita niya” at “gumagawa ng kalooban niya”—sa loob ng bilyon-bilyong taon. (Awit 103:20, 21) Kagila-gilalas nga ang karunungan ng Administrador na ito!

Si Jehova Lamang ang “Tanging Marunong”

17, 18. Bakit sinasabi sa Bibliya na si Jehova lamang ang “tanging marunong,” at bakit tayo dapat malipos ng pagkamangha dahil sa kaniyang karunungan?

17 Dahil sa gayong ebidensiya, kataka-taka ba kung ipinapakita sa Bibliya na ang karunungan ni Jehova ang pinakamagaling sa lahat? Halimbawa, sinasabi nito na si Jehova lamang ang “tanging marunong.” (Roma 16:27) Si Jehova lamang ang nagtataglay ng karunungan sa ganap na diwa nito. Siya ang Bukal ng lahat ng tunay na karunungan. (Kawikaan 2:6) Iyan ang dahilan kung bakit si Jesus, bagaman pinakamarunong sa lahat ng nilalang ni Jehova, ay hindi umasa sa kaniyang sariling karunungan kundi nagsalita ayon sa iniutos sa kaniya ng kaniyang Ama.​—Juan 12:48-50.

18 Pansinin kung paano ipinahayag ni apostol Pablo ang walang-katulad na karunungan ni Jehova: “Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala [o, “O ang lalim ng kayamanan,” talababa], karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya!” (Roma 11:33) Makikita sa sinabi ni Pablo na talagang namangha siya. Ang salitang Griego na kaniyang pinili para sa “lalim” ay may malapit na kaugnayan sa salita para sa “kalaliman.” Kung gayon, ang kaniyang pananalita ay nagbibigay ng isang malinaw na larawan sa isipan. Kapag binubulay-bulay natin ang karunungan ni Jehova, para bang tumititig tayo sa walang-hanggang kalaliman, isang daigdig na ubod-lalim, pagkalawak-lawak anupat ni hindi natin kailanman malilirip ang lawak nito, lalo pa nga kung ilalarawan ito o dedetalyehin ito. (Awit 92:5) Hindi ba’t dahilan iyan upang mapag-isip-isip natin kung gaano tayo kababa?

19, 20. (a) Bakit ang agila ay isang angkop na sagisag ng karunungan ng Diyos? (b) Paano itinanghal ni Jehova ang kaniyang kakayahang sumilip sa kinabukasan?

19 Si Jehova lamang ang “tanging marunong” sa isa pang diwa: Siya lamang ang nakasisilip sa kinabukasan. Alalahanin, ginagamit ni Jehova ang agilang may malayong pananaw upang sumagisag sa karunungan ng Diyos. Ang isang ginintuang agila ay maaaring tumimbang lamang ng limang kilo, subalit ang mga mata nito ay malalaki pa sa mga mata ng isang taong nasa hustong gulang. Ang paningin ng agila ay napakatalas, anupat namamataan ng ibon ang pagkaliit-liit na masisila daan-daang metro mula sa itaas, marahil kahit ilang kilometro pa ang layo! Minsan ay sinabi mismo ni Jehova tungkol sa agila: “Nakatingin sa malayo ang mga mata nito.” (Job 39:29) Sa katulad na diwa, kayang makita ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap!

20 Ang Bibliya ay punô ng ebidensiya na ito’y totoo. Naglalaman ito ng daan-daang hula, o kasaysayang isinulat nang patiuna. Ang resulta ng mga digmaan, ang pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig, at maging ang espesipikong mga estratehiya sa digmaan ng mga kumandante ng militar ay pawang inihula sa Bibliya—sa ilang kaso, daan-daang taon patiuna.​—Isaias 44:25–45:4; Daniel 8:2-8, 20-22.

21, 22. (a) Bakit walang batayan ang pagsasabing patiuna nang nakita ni Jehova ang lahat ng gagawin mong pagpapasiya sa iyong buhay? Ipaghalimbawa. (b) Paano natin nalalaman na ang karunungan ni Jehova ay hindi masasabing walang malasakit o walang empatiya?

21 Kung gayon, nangangahulugan ba ito na patiuna nang nakita ng Diyos ang gagawin mong pagpapasiya sa iyong buhay? Iginigiit ng ilang nangangaral ng doktrina ng predestinasyon na ang sagot ay oo. Gayunman, ang ideyang iyan ay aktuwal na nagpapababa sa karunungan ni Jehova, sapagkat nagpapahiwatig ito na hindi niya kayang kontrolin ang kaniyang kakayahang tumingin sa kinabukasan. Halimbawa, kung napakaganda ng boses mo sa pag-awit, wala ka na bang ibang gagawin kundi ang umawit na lang nang umawit? Kakatwa naman ang ideyang iyan! Gayundin, may kakayahan si Jehova na patiunang alamin ang kinabukasan, subalit hindi niya ito palaging ginagamit. Ang paggawa nito ay masasabing panghihimasok sa ating malayang pagpapasiya, isang mahalagang kaloob na hindi babawiin ni Jehova kailanman.​—Deuteronomio 30:19, 20.

22 Masahol pa, ang mismong ideya ng predestinasyon ay nagpapahiwatig na ang karunungan ni Jehova ay walang malasakit, walang pag-ibig, walang empatiya, o walang habag. Subalit hinding-hindi ito totoo! Itinuturo ng Bibliya na si Jehova “ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya ang karunungan ni Jehova, gaya ng iba pa niyang mga katangian, ay inuugitan ng pag-ibig.

23. Ang kahigitan ng karunungan ni Jehova ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?

23 Natural lamang, ang karunungan ni Jehova ay ganap na mapagkakatiwalaan. Napakalaki ng kahigitan nito sa ating sariling karunungan anupat maibiging hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.” (Kawikaan 3:5, 6) Saliksikin natin ngayon ang karunungan ni Jehova upang tayo’y lalong mapalapít sa ating Diyos na pinakamarunong sa lahat.