Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 20

“Marunong Siya” Ngunit Mapagpakumbaba

“Marunong Siya” Ngunit Mapagpakumbaba

1-3. Bakit tayo makatitiyak na si Jehova ay mapagpakumbaba?

 NAIS ng isang ama na ipaalám ang isang mahalagang leksiyon sa kaniyang maliit na anak. Gustong-gusto niyang maabot ang puso nito. Ano kayang paraan ang gagamitin niya? Siya kaya’y may pagbabantang tatayo sa harap ng bata at gagamit ng masasakit na salita? O siya kaya ay yuyukong kapantay ng bata at magsasalita sa mahinahon at mabait na paraan? Tiyak na pipiliin ng isang marunong at mapagpakumbabang ama ang mahinahong paraan.

2 Anong uri ng Ama si Jehova—palalo o mapagpakumbaba, malupit o mahinahon? Si Jehova ang nakaaalam ng lahat at siya ay marunong sa lahat. Gayunman, napapansin mo ba na ang kaalaman at katalinuhan ay hindi palaging nagpapangyari sa mga tao na maging mapagpakumbaba? Gaya ng sabi sa Bibliya, “ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo.” (1 Corinto 3:19; 8:1) Subalit si Jehova, bagaman “marunong,” ay mapagpakumbaba rin. (Job 9:4) Hindi naman dahil sa mababa ang posisyon niya sa anumang paraan o kaya’y kulang siya sa karingalan, kundi dahil sa wala sa kaniya ang pagiging mapagmataas. Bakit nagkagayon?

3 Si Jehova ay banal. Kaya ang kayabangan, isang katangiang nagpaparumi, ay wala sa kaniya. (Marcos 7:20-22) Isa pa, pansinin ang sinabi ni propeta Jeremias kay Jehova: “Tiyak na maaalaala mo ito at yuyuko ka para sa akin.” a (Panaghoy 3:20) Akalain mo! Si Jehova, ang Kataas-taasang Panginoon ng uniberso, ay handang ‘yumuko,’ o magpakababa na kapantay ni Jeremias, upang bigyan ng pabor ang di-perpektong taong iyan. (Awit 113:7) Oo, si Jehova ay mapagpakumbaba. Subalit ano ba ang nasasangkot sa makadiyos na pagpapakumbaba? Paano ito nauugnay sa karunungan? At bakit ito mahalaga sa atin?

Kung Paano Napatunayang Mapagpakumbaba si Jehova

4, 5. (a) Ano ang kapakumbabaan, paano ito nakikita, at bakit hindi ito dapat ipagkamali sa kahinaan o karuwagan? (b) Paano ipinakita ni Jehova ang kapakumbabaan sa kaniyang pakikitungo kay David, at gaano kahalaga sa atin ang kapakumbabaan ni Jehova?

4 Ang kapakumbabaan ay kababaan ng pag-iisip, hindi arogante at hindi mapagmapuri. Bilang panloob na katangian ng puso, ang kapakumbabaan ay nakikita sa mga katangiang gaya ng kahinahunan, pagtitiis, at pagkamakatuwiran. (Galacia 5:22, 23) Gayunman, hindi dapat ipagkamali kailanman ang makadiyos na mga katangiang ito sa kahinaan o karuwagan. Salungat ang mga ito sa matuwid na galit ni Jehova o sa kaniyang paggamit ng kapangyarihang pumuksa. Sa halip, sa pamamagitan ng kaniyang kapakumbabaan at kahinahunan, itinatanghal ni Jehova ang kaniyang dakilang lakas, ang kaniyang kakayahang magpigil ng sarili sa ganap na paraan. (Isaias 42:14) Paano nauugnay ang kapakumbabaan sa karunungan? Isang reperensiyang akda tungkol sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang kapakumbabaan sa wakas ay binigyang-kahulugan . . . may kinalaman sa pagiging di-makasarili at na ito’y isang mahalagang ugat ng lahat ng karunungan.” Kung gayon, hindi magkakaroon ng tunay na karunungan kung walang kapakumbabaan. Paano tayo nakikinabang sa kapakumbabaan ni Jehova?

Ang isang marunong na ama ay mapagpakumbaba at mahinahong nakikitungo sa kaniyang mga anak

5 Umawit si Haring David kay Jehova: “Ibinibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, inaalalayan ako ng iyong kanang kamay, at nagiging dakila ako dahil sa iyong kapakumbabaan.” (Awit 18:35) Sa diwa, si Jehova ay nagpakababa upang makitungo lamang sa di-perpektong taong ito, anupat pinoprotektahan at inaalalayan siya araw-araw. Napagtanto ni David na upang siya’y makaligtas—at sa dakong huli ay makamit pa nga ang isang antas ng kadakilaan bilang isang hari—ito’y dahil lamang sa handa si Jehova na ibaba ang Kaniyang sarili sa paraang ito. Sino nga ba sa atin ang magkakaroon ng anumang pag-asa ng kaligtasan kung si Jehova ay hindi mapagpakumbaba, anupat handang ibaba ang sarili upang makitungo sa atin bilang isang mahinahon at maibiging Ama?

6, 7. (a) Bakit hindi kailanman tinutukoy sa Bibliya na ang kapakumbabaan ni Jehova ay kagaya ng kapakumbabaan ng tao? (b) Ano ang kaugnayan ng kahinahunan at ng karunungan, at sino ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa hinggil dito?

6 Ang kapakumbabaan ay isang magandang katangiang dapat linangin ng tapat na mga tao. Nauugnay ito sa karunungan. Halimbawa, ang Kawikaan 11:2 ay nagsasabi: “Ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.” Gayunman, hindi sinasabi kailanman sa Bibliya na ang kapakumbabaan ni Jehova ay kagaya ng kapakumbabaan ng tao. Bakit? Dahil ang kapakumbabaan ng tao, gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, ay nagpapahiwatig ng isang angkop na kabatiran ng sariling mga limitasyon ng isa. Ang Makapangyarihan-sa-Lahat ay walang mga limitasyon maliban sa mga bagay na inilapat niya sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang sariling matuwid na mga pamantayan. (Marcos 10:27; Tito 1:2) Isa pa, bilang ang Kataas-taasan, walang sinumang nakasasakop sa kaniya. Kaya ang kapakumbabaan ng tao ay talagang naiiba sa kapakumbabaan ni Jehova.

7 Si Jehova ay masasabing mapagpakumbaba at mahinahon. Itinuturo niya sa kaniyang mga lingkod na kailangan sa tunay na karunungan ang kahinahunan. Binabanggit sa kaniyang Salita ang tungkol sa “kahinahunan, na bunga ng karunungan.” b (Santiago 3:13) Isaalang-alang ang halimbawa ni Jehova sa bagay na ito.

Si Jehova ay Mapagpakumbabang Nag-aatas at Nakikinig

8-10. (a) Bakit isang pambihirang bagay na ipinapakita ni Jehova na handa siyang mag-atas at makinig? (b) Paano mapagpakumbabang nakitungo ang Makapangyarihan-sa-Lahat sa kaniyang mga anghel?

8 May nakapagpapasiglang patunay ng kapakumbabaan ni Jehova sa kaniyang pagiging handang mag-atas ng pananagutan at makinig. Ang ginagawa niyang ito ay talagang nakakagulat; si Jehova ay hindi nangangailangan ng tulong o payo. (Isaias 40:13, 14; Roma 11:34, 35) Gayunman, paulit-ulit na ipinapakita sa atin ng Bibliya na si Jehova ay nagpakababa sa ganitong mga paraan.

9 Halimbawa, isaalang-alang ang isang pambihirang pangyayari sa buhay ni Abraham. Si Abraham ay nagkaroon ng tatlong panauhin, na ang isa sa kanila ay tinawag niyang “Jehova.” Ang mga panauhin ay aktuwal na mga anghel, subalit ang isa sa kanila ay dumating sa pangalan ni Jehova at kumilos ukol sa Kaniyang pangalan. Nang ang anghel na iyan ay magsalita at kumilos, sa diwa ay parang si Jehova ang nagsasalita at kumikilos. Sa pamamaraang ito, sinabi ni Jehova kay Abraham na Siya’y nakarinig ng isang napakalakas na “pagdaing laban sa Sodoma at Gomorra.” Si Jehova ay nagsabi: “Bababa ako para makita kung totoo ang pagdaing na nakaabot sa akin at kung talagang napakasama ng ginagawa nila. Gusto ko itong malaman.” (Genesis 18:3, 20, 21) Mangyari pa, ang mensahe ni Jehova ay hindi nangangahulugang personal na “bababa” ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Sa halip, muli siyang nagsugo ng mga anghel upang kumatawan sa kaniya. (Genesis 19:1) Bakit? Hindi ba’t kayang “malaman” ni Jehova, na nakakakita ng lahat, ang tunay na kalagayan ng rehiyong iyon? Tiyak iyon. Subalit sa halip, mapagpakumbabang inatasan ni Jehova ang mga anghel na iyon upang siyasatin ang kalagayan at upang dalawin si Lot at ang kaniyang pamilya sa Sodoma.

10 Bukod diyan, si Jehova ay nakikinig. Minsan ay hinilingan niya ang kaniyang mga anghel na magmungkahi ng iba’t ibang paraan kung paano ibabagsak ang masamang si Haring Ahab. Hindi naman kailangan ni Jehova ang gayong tulong. Subalit tinanggap niya ang mungkahi ng isang anghel at inatasan niya itong isagawa iyon. (1 Hari 22:19-22) Hindi ba’t iyan ay isang pagpapakumbaba?

11, 12. Paano nakita ni Abraham ang kapakumbabaan ni Jehova?

11 Handa pa nga si Jehova na makinig sa di-perpektong mga tao na nagnanais magpahayag ng kanilang mga ikinababahala. Halimbawa, nang unang sabihin ni Jehova kay Abraham ang Kaniyang balak na puksain ang Sodoma at Gomorra, nagulumihanan ang tapat na taong iyan. “Malayong mangyari na gawin mo iyan,” sabi ni Abraham, anupat idinagdag: “Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?” Itinanong niya kung patatawarin ni Jehova ang mga lunsod sakaling may makitang 50 matuwid na tao roon. Tiniyak ni Jehova sa kaniya na patatawarin Niya. Subalit muling nagtanong si Abraham, na ibinababa ang bilang sa 45, pagkatapos ay 40, at patuloy. Sa kabila ng mga garantiya ni Jehova, nagpatuloy pa rin si Abraham hanggang sa bumaba sa bilang na 10. Marahil ay hindi pa lubusang nauunawaan ni Abraham kung gaano kalaki ang awa ni Jehova. Gayunpaman, si Jehova ay matiyaga at mapagpakumbabang nagpahintulot sa kaniyang kaibigan at lingkod na si Abraham na magpahayag ng kaniyang mga ikinababahala sa paraang iyon.​—Genesis 18:23-33.

12 Ilan kayang matatalino at edukadong tao ang matiyagang makikinig sa isang taong napakababaw ng karunungan? c Gayon kadakila ang kapakumbabaan ng ating Diyos. Sa pag-uusap na iyon, nakita rin ni Abraham na si Jehova ay “hindi madaling magalit.” (Exodo 34:6) Marahil nang mapagtanto niyang wala siyang karapatang kuwestiyunin ang mga ginagawa ng Kataas-taasan, dalawang ulit na nakiusap si Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit.” (Genesis 18:30, 32) Mangyari pa, hindi naman nagalit si Jehova. Talagang taglay niya ang “kahinahunan, na bunga ng karunungan.”

Si Jehova ay Makatuwiran

13. Ano ang kahulugan ng salitang “makatuwiran” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, at bakit ang salitang ito ay angkop na naglalarawan kay Jehova?

13 Ang kapakumbabaan ni Jehova ay nakikita sa isa pang napakagandang katangian—ang pagkamakatuwiran. Nakalulungkot sabihin na ang katangiang ito ay kadalasan nang wala sa di-perpektong mga tao. Si Jehova ay hindi lamang handang makinig sa kaniyang matatalinong nilalang kundi handa rin siyang magparaya kung hindi naman salungat sa matuwid na mga simulain. Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, ang salitang “makatuwiran” ay literal na nangangahulugang “mapagparaya.” Ang katangiang ito ay isa ring tatak ng makadiyos na karunungan. Ang Santiago 3:17 ay nagsasabi: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” Sa anong diwa makatuwiran ang marunong-sa-lahat na si Jehova? Una sa lahat, siya ay madaling makibagay. Alalahanin, ang mismong pangalan niya ay nagtuturo sa atin na pinangyayari ni Jehova ang sarili niya na maging anumang kinakailangan upang maisakatuparan ang kaniyang mga layunin. (Exodo 3:14) Hindi ba’t iyan ay nagpapahiwatig ng espiritu ng pakikibagay at pagkamakatuwiran?

14, 15. Ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo ni Jehova ay nagtuturo sa atin ng ano tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, at paano ito naiiba sa makasanlibutang mga organisasyon?

14 May isang kahanga-hangang talata sa Bibliya na tutulong sa atin upang maunawaan ang tungkol sa pagiging madaling makibagay ni Jehova. Si propeta Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova ng espiritung mga nilalang. Nakita niya ang isang karo na nakapanggigilalas ang laki, ang sariling “sasakyan” ni Jehova na palaging Siya ang kumokontrol. Ang kapansin-pansin sa lahat ay kung paano ito umaandar. Ang mga higanteng gulong ay may apat na gilid at punô ng mata anupat nakikita ng mga ito ang lahat ng dako at agad na nakapag-iiba ng direksiyon nang hindi humihinto o lumiliko. At ang dambuhalang karong ito ay hindi na kailangang umusad-usad na parang isang napakabigat na sasakyang gawa ng tao. Nakatatakbo ito na kasimbilis ng kidlat at agad na nakaliliko! (Ezekiel 1:1, 14-28) Oo, ang organisasyon ni Jehova, gaya ng Kataas-taasan na kumokontrol dito, ay napakadaling makibagay anupat alisto sa pabago-bagong mga kalagayan at pangangailangan na dapat nitong harapin.

15 Ang tanging magagawa ng mga tao ay ang pagsikapang matularan ang gayong perpektong pakikibagay. Gayunman, ang mga tao at ang kanilang mga organisasyon ay kadalasan nang mas mapagmatigas kaysa madaling makibagay, mas walang katuwiran kaysa mapagparaya. Bilang paghahalimbawa: Ang isang supertanker o pangkargadang tren ay maaaring kagila-gilalas nga kung tungkol sa sukat at lakas. Subalit makatutugon kaya ang alinman dito sa biglang mga pagbabago ng kalagayan? Kapag hinarangan ang daan ng pangkargadang tren, hindi ito makaliliko. Napakahirap din ang biglang paghinto. Ang isang mabigat na pangkargadang tren ay maaaring umabot pa ng halos dalawang kilometro bago makahinto matapos tapakan ang preno! Sa katulad na paraan, ang isang supertanker ay patuloy pa ring uusad nang hanggang walong kilometro matapos patayin ang makina. Kahit na ikinambiyo na nang paatras, ang tanker ay maaaring umabante pa rin nang hanggang tatlong kilometro! Katulad ito ng mga organisasyon ng tao na mas malamang na magmatigas at maging di-makatuwiran. Dahil sa pagmamapuri, madalas na tumatanggi ang mga tao na makibagay sa nagbabagong mga pangangailangan at kalagayan. Ang gayong pagmamatigas ay nagiging dahilan ng pagkabangkarote ng mga korporasyon at pagbagsak pa nga ng mga pamahalaan. (Kawikaan 16:18) Kay laking tuwa nga natin na hindi ganiyan si Jehova ni ang kaniyang organisasyon!

Kung Paano Nagpapakita si Jehova ng Pagkamakatuwiran

16. Paano nagpakita si Jehova ng pagkamakatuwiran sa pakikitungo kay Lot bago puksain ang Sodoma at Gomorra?

16 Isaalang-alang muli ang pagkawasak ng Sodoma at Gomorra. Si Lot at ang kaniyang pamilya ay tumanggap ng maliliwanag na tagubilin mula sa anghel ni Jehova: “Tumakas [kayo] papunta sa mabundok na rehiyon.” Gayunman, hindi ito nagustuhan ni Lot. “Pakiusap, huwag doon, Jehova!” sinabi niya. Palibhasa’y iniisip niyang mamamatay siya kung siya’y tatakas tungo sa kabundukan, nagmakaawa si Lot na silang mag-anak ay pahintulutang tumakas tungo sa karatig na lunsod na ang pangalan ay Zoar. Alalahanin na binalak ni Jehova na wasakin ang lunsod na iyan. Isa pa, ang pangamba ni Lot ay walang tumpak na basehan. Tiyak namang maiingatan ni Jehova ang buhay ni Lot sa kabundukan! Gayunpaman, nagparaya si Jehova sa mga pakiusap ni Lot. “O sige, magpapakita ako ulit sa iyo ng konsiderasyon. Hindi ko wawasakin ang bayan na sinabi mo,” ang sabi ng anghel kay Lot. (Genesis 19:17-22) Hindi ba’t pagkamakatuwiran iyan sa bahagi ni Jehova?

17, 18. Sa pakikitungo sa mga taga-Nineve, paano ipinakita ni Jehova na siya’y makatuwiran?

17 Si Jehova ay tumutugon din sa taimtim na pagsisisi, anupat palaging nagpapakita ng awa at gumagawa ng tama. Isaalang-alang ang nangyari nang ang propetang si Jonas ay isugo sa masama at marahas na lunsod ng Nineve. Nang si Jonas ay maglakad sa mga lansangan ng Nineve, simple lamang ang mensahe mula kay Jehova na kaniyang inihayag: Ang makapangyarihang lunsod ay wawasakin sa loob ng 40 araw. Gayunman, nagkaroon ng napakalaking pagbabago ng mga kalagayan. Nagsisi ang mga taga-Nineve!—Jonas, kabanata 3.

18 May matututuhan tayo kung ihahambing ang reaksiyon ni Jehova sa naging reaksiyon ni Jonas hinggil sa pagbabagong ito ng mga pangyayari. Sa pagkakataong ito, si Jehova ay nakibagay, anupat siya ay naging isang Tagapagpatawad ng mga kasalanan sa halip na maging “malakas na mandirigma.” d (Exodo 15:3) Sa kabilang dako naman, si Jonas ay nagmatigas at hindi naging maawain. Sa halip na masalamin sa kaniya ang pagkamakatuwiran ni Jehova, siya’y naging parang pangkargadang tren o supertanker na binanggit kanina. Naihayag na niya ang pagkawasak, kaya dapat lamang na wasakin ito! Gayunman, matiising tinuruan ni Jehova ang kaniyang di-matiising propeta ng isang di-malilimot na aral tungkol sa pagkamakatuwiran at awa.​—Jonas, kabanata 4.

Si Jehova ay makatuwiran at nakauunawa sa ating mga limitasyon

19. (a) Bakit tayo makatitiyak na si Jehova ay makatuwiran sa kaniyang inaasahan sa atin? (b) Paano ipinapakita sa Kawikaan 19:17 na si Jehova ay isang ‘mabuti at makatuwirang’ Panginoon at lubusan ding mapagpakumbaba?

19 Kahuli-hulihan, si Jehova ay makatuwiran sa kaniyang inaasahan sa atin. Si Haring David ay nagsabi: “Alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin; inaalaala niyang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Nauunawaan ni Jehova ang ating mga limitasyon at pagiging di-perpekto nang higit sa nauunawaan natin mismo. Hindi siya kailanman umaasa ng higit sa ating makakaya. Pinaghahambing sa Bibliya ang mga taong panginoon o amo na ‘mabubuti at makatuwiran’ at ang mga “mahirap palugdan.” (1 Pedro 2:18) Aling uri ng Panginoon si Jehova? Pansinin ang sinasabi sa Kawikaan 19:17: “Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova.” Maliwanag, tanging ang isang mabuti at makatuwirang panginoon lamang ang makakapansin sa bawat kabaitang ginagawa alang-alang sa mga dukha. Bukod diyan, ipinahihiwatig sa kasulatang ito na sa diwa, itinuturing ng Maylalang ng uniberso na siya ay may utang sa hamak na mga taong nagpapakita ng gayong pagkaawa! Ito na ang pinakadakilang uri ng kapakumbabaan.

20. Anong katiyakan mayroon na nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin at sinasagot ang mga ito?

20 Si Jehova ay mahinahon at makatuwiran pa rin sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. Kapag tayo’y nananalangin nang may pananampalataya, siya’y nakikinig. At bagaman hindi na siya nagsusugo ng mga mensaherong anghel upang makipag-usap sa atin, hindi natin dapat isipin na hindi niya sasagutin ang ating mga panalangin. Alalahanin na noong hilingan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na “patuloy [siyang] ipanalangin” para sa kaniyang kalayaan mula sa bilangguan, idinagdag niya na ito ay para “makabalik [siya] agad” sa kanila. (Hebreo 13:18, 19) Kaya ang ating mga panalangin ay maaaring makapagpakilos mismo kay Jehova na gawin ang hindi niya sana gagawin!—Santiago 5:16.

21. Ano ang hindi natin dapat isipin kailanman hinggil sa kapakumbabaan ni Jehova, kundi sa halip, ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa kaniya?

21 Mangyari pa, wala sa mga pagpapakitang ito ni Jehova ng kapakumbabaan—ang kaniyang kahinahunan, pagiging handang makinig, pagtitiis, pagkamakatuwiran—ang nangangahulugang ikinokompromiso ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga simulain. Baka akalain ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan na sila’y nagiging makatuwiran kapag kinikiliti nila ang mga tainga ng kanilang kawan sa pamamagitan ng pagpapagaan sa moral na mga pamantayan ni Jehova. (2 Timoteo 4:3) Subalit ang hilig ng tao na makipagkompromiso alang-alang sa sarili ay walang kinalaman sa makadiyos na pagkamakatuwiran. Si Jehova ay banal; hinding-hindi niya parurumihin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Levitico 11:44) Kung gayon, ibigin natin ang pagkamakatuwiran ni Jehova sa kung ano talaga ito—isang patunay ng kaniyang kapakumbabaan. Hindi ka ba lubusang natutuwa na isiping ang Diyos na Jehova, ang pinakamarunong na Persona sa uniberso, ay namumukod-tangi rin sa pagiging mapagpakumbaba? Nakalulugod ngang mapalapít sa kamangha-mangha ngunit mahinahon, matiisin, at makatuwirang Diyos na ito!

a Pinalitan ng sinaunang mga eskriba, o Sopherim, ang talatang ito upang sabihin na si Jeremias ang yumuyuko at hindi si Jehova. Maliwanag na inisip nilang hindi angkop para sa Diyos ang gayong gawa ng pagpapakumbaba. Bilang resulta, hindi tuloy naipalilitaw sa maraming salin ang punto ng magandang talatang ito. Gayunman, tamang-tama ang The New English Bible sa sinasabi ni Jeremias sa Diyos: “Alalahanin mo, O alalahanin mo, at tumungo ka sa akin.”

b Ganito naman ang sinasabi ng ibang bersiyon: “ang kapakumbabaang mula sa karunungan” at “ang kabaitang iyan na tatak ng karunungan.”

c Kapansin-pansin, inihambing sa Bibliya ang pagkamatiisin at ang pagiging mapagmataas. (Eclesiastes 7:8) Ang pagkamatiisin ni Jehova ay nagbibigay ng higit pang katibayan ng kaniyang kapakumbabaan.​—2 Pedro 3:9.

d Sa Awit 86:5, si Jehova ay sinasabing “mabuti at handang magpatawad.” Nang isalin sa Griego ang awit na iyan, ang pananalitang “handang magpatawad” ay isinaling e·pi·ei·kesʹ, o “makatuwiran.”