Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 25

“Matinding Habag ng Ating Diyos”

“Matinding Habag ng Ating Diyos”

1, 2. (a) Paano likas na tumutugon ang isang ina sa pag-iyak ng kaniyang sanggol? (b) Anong damdamin ang makapupong higit na masidhi kaysa sa pagkamahabagin ng isang ina?

 ISANG hatinggabi, may isang sanggol na umiyak. Agad na nagising ang ina. Hindi na mahimbing ang tulog niya ngayon na gaya ng dati—hindi na nga, mula nang isilang ang kaniyang sanggol. Natutuhan na niyang kilalanin ang iba’t ibang uri ng pag-iyak ng kaniyang anak. Kaya naman, alam na niya kung ang kaniyang anak ay gutóm, nagpapakalong, o kaya naman ay nagpapapansin lamang. Subalit anuman ang dahilan ng pag-iyak ng sanggol, naririyan agad ang ina. Hindi niya maatim na di-pansinin ang mga pangangailangan ng kaniyang anak.

2 Ang habag na nadarama ng isang ina para sa kaniyang anak na nagmula sa kaniyang sinapupunan ay isa sa pinakamagigiliw na damdaming nadarama ng mga tao. Gayunman, may isang damdamin na makapupong higit na masidhi—ang matinding habag ng ating Diyos, si Jehova. Ang pagsasaalang-alang sa mapagmahal na katangiang ito ay makatutulong sa atin upang higit na mapalapít kay Jehova. Kung gayon, pag-usapan natin kung ano ang pagkamahabagin at kung paano ito ipinamamalas ng ating Diyos.

Ano Ba ang Habag?

3. Ano ang ipinahihiwatig ng isang pandiwang Hebreo na ginagamit para sa matinding habag?

3 Sa Bibliya, ipinahihiwatig ng ilang salita sa Hebreo at Griego ang diwa ng matinding habag, gaya ng pandiwang Hebreo na ra·chamʹ. Ipinaliliwanag ng isang reperensiyang akda na ang pandiwang ra·chamʹ “ay nagpapahiwatig ng isang masidhi at magiliw na damdamin ng pagkamahabagin, gaya ng nadarama natin kapag nakikita ang panghihina o pagdurusa ng ating mga minamahal o ng mga nangangailangan ng ating tulong.” Ang Hebreong terminong ito na ikinakapit ni Jehova sa kaniyang sarili ay may kaugnayan sa salitang “sinapupunan” at mailalarawan bilang “makainang pagkamahabagin.” aExodo 33:19; Jeremias 33:26.

“Malilimutan ba ng ina ang . . . anak na isinilang niya?”

4, 5. Paano ginagamit sa Bibliya ang damdamin ng isang ina para sa kaniyang sanggol upang ituro sa atin ang tungkol sa pagkamahabagin ni Jehova?

4 Ginagamit sa Bibliya ang damdaming taglay ng isang ina sa kaniyang sanggol upang ituro sa atin ang kahulugan ng pagkamahabagin ni Jehova. Sa Isaias 49:15, mababasa natin: “Malilimutan ba ng ina ang kaniyang pasusuhing anak, o hindi ba siya maaawa [ra·chamʹ] sa anak na isinilang niya? Kahit pa makalimot ang isang ina, hinding-hindi ko kayo malilimutan.” Ang nakaaantig na paglalarawang iyan ay nagdiriin ng sidhi ng pagkahabag ni Jehova sa kaniyang bayan. Paano?

5 Mahirap isipin na malilimutang pasusuhin at alagaan ng isang ina ang kaniyang anak. Ang isang sanggol ay walang magagawa sa kaniyang sarili; gabi’t araw, ang isang sanggol ay nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal ng kaniyang ina. Gayunman, nakalulungkot sabihin na may nababalitaan tayo tungkol sa pagpapabaya ng ina, lalo na sa “mapanganib” na mga panahong ito na kakikitaan ng kawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) Pero ipinahayag ni Jehova: “Hinding-hindi ko kayo malilimutan.” Ang matinding habag na taglay ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod ay walang pagmamaliw. Ito’y mas masidhi pa kaysa sa pinakamagiliw na likas na damdamin na maiisip natin—ang pagkahabag na karaniwang nadarama ng isang ina sa kaniyang anak. Hindi nga kataka-taka na isang komentarista ang nagsabi tungkol sa Isaias 49:15: “Ito ang isa sa pinakamasisidhi, kung hindi man pinakamasidhing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na nasa Matandang Tipan.”

6. Ano ang pananaw ng maraming di-perpektong tao tungkol sa matinding habag, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?

6 Ang matinding habag ba ay tanda ng kahinaan? Maraming di-perpektong tao ang may gayong pananaw. Halimbawa, itinuro ng pilosopong Romano na si Seneca, na kapanahon ni Jesus at nangunguna bilang marunong na tao sa Roma, na “ang pagkahabag ay isang kahinaan sa isipan.” Si Seneca ay tagapagtaguyod ng Stoisismo, isang pilosopiya na nagtatampok ng isang kahinahunan na walang anumang damdamin. Maaaring tulungan ng isang marunong na tao ang mga nababagabag, sabi ni Seneca, subalit hindi siya dapat maawa, sapagkat ang gayong damdamin ay mag-aalis ng kaniyang mahinahong kalagayan. Ang gayong makasariling pananaw sa buhay ay nag-aalis ng taimtim na pagkahabag. Subalit hinding-hindi ganiyan si Jehova! Sa kaniyang Salita, tinitiyak sa atin ni Jehova na siya ay “napakamapagmalasakit at maawain.” (Santiago 5:11, talababa) Gaya ng makikita natin, ang pagkamahabagin ay hindi kahinaan kundi isang malakas at mahalagang katangian. Suriin natin kung paanong si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, ay nagpapamalas nito.

Nang Magpakita si Jehova ng Pagkamahabagin sa Isang Bansa

7, 8. Sa anong paraan nagdusa ang mga Israelita sa sinaunang Ehipto, at paano tumugon si Jehova sa kanilang pagdurusa?

7 Kitang-kita ang pagkamahabagin ni Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa bansang Israel. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo B.C.E., milyon-milyong Israelita ang inalipin sa sinaunang Ehipto na doo’y buong kalupitan silang pinahirapan. Patuloy na “pinahirapan [ng mga Ehipsiyo] ang mga ito; pinagagawa nila ang mga ito ng luwad na argamasa at mga laryo at ng iba’t ibang mabibigat na trabaho.” (Exodo 1:11, 14) Dahil sa kanilang kagipitan, ang mga Israelita ay nagmakaawang tulungan sila ni Jehova. Paano tumugon ang Diyos ng matinding habag?

8 Parang kinurot ang puso ni Jehova. Sabi niya: “Nakita ko ang paghihirap ng bayan ko na nasa Ehipto, at narinig ko ang pagdaing nila dahil sa mga nagpapatrabaho sa kanila nang puwersahan; alam na alam ko ang hirap na dinaranas nila.” (Exodo 3:7) Hindi maaaring makita ni Jehova ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan o marinig ang kanilang mga pagdaing nang hindi siya maaawa sa kanila. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 24 ng aklat na ito, si Jehova ay Diyos ng empatiya. At ang empatiya—ang kakayahang madama ang kirot na nadarama ng iba—ay may malapit na kaugnayan sa pagkamahabagin. Subalit hindi lamang nadama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang bayan; siya’y naudyukang kumilos alang-alang sa kanila. Ang Isaias 63:9 ay nagsasabi: “Dahil sa pag-ibig at habag niya ay tinubos niya sila.” Sa pamamagitan ng “makapangyarihang kamay” ni Jehova, iniligtas niya ang mga Israelita mula sa Ehipto. (Deuteronomio 4:34) Pagkatapos, makahimala niya silang pinaglaanan ng pagkain at inihatid sila sa kanilang sariling mabungang lupain.

9, 10. (a) Bakit paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita noong nakatira na sila sa Lupang Pangako? (b) Noong kapanahunan ni Jepte, iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa anong pang-aapi, at ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin ito?

9 Hindi natapos diyan ang pagkamahabagin ni Jehova. Nang ang Israel ay nakatira na sa Lupang Pangako, sila ay paulit-ulit na nagtaksil at nagdusa dahil dito. Subalit pagkaraan, ang bayan ay natatauhan naman at tumatawag kay Jehova. Paulit-ulit niya silang iniligtas. Bakit? “Dahil naawa siya sa kaniyang bayan.”​—2 Cronica 36:15; Hukom 2:11-16.

10 Isaalang-alang ang nangyari noong kapanahunan ni Jepte. Yamang ang mga Israelita ay bumaling sa paglilingkod sa huwad na mga diyos, pinabayaan ni Jehova na sila’y apihin ng mga Amorita sa loob ng 18 taon. Sa wakas, nagsisi ang mga Israelita. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Inalis nila ang mga diyos ng mga banyaga at naglingkod sila kay Jehova, kaya hindi na niya natiis ang pagdurusa ng Israel.” b (Hukom 10:6-16) Nang magpakita ng tunay na pagsisisi ang kaniyang bayan, hindi na makayanan ni Jehova na makita silang nagdurusa. Kaya naman ang Diyos ng matinding habag ay nagbigay ng kapangyarihan kay Jepte upang iligtas ang mga Israelita mula sa kamay ng kanilang mga kaaway.​—Hukom 11:30-33.

11. Mula sa pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkamahabagin?

11 Ano ang itinuturo sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel tungkol sa kaniyang matinding habag? Una sa lahat, nakita natin na hindi lamang ito basta pagkadama ng habag sa mga kapighatiang dinaranas ng mga tao. Alalahanin ang halimbawa ng isang ina na naudyukan ng pagkahabag upang tumugon sa pag-iyak ng kaniyang anak. Sa katulad na paraan, si Jehova ay hindi bingi sa mga pagsusumamo ng kaniyang bayan. Ang kaniyang matinding habag ay nag-uudyok sa kaniya upang ibsan ang kanilang pagdurusa. Karagdagan pa, ang paraan ni Jehova ng pakikitungo sa mga Israelita ay nagtuturo sa atin na ang pagkamahabagin ay hindi kailanman isang kahinaan, yamang ang magiliw na katangiang ito ang nag-udyok sa kaniya upang gumawa ng matatag at dagliang pagkilos alang-alang sa kaniyang bayan. Subalit nagpapakita ba si Jehova ng pagkamahabagin sa kaniyang mga lingkod bilang isang grupo lamang?

Ang Pagkamahabagin ni Jehova sa mga Indibidwal

12. Paano namamalas sa Kautusan ang pagkamahabagin ni Jehova sa mga indibidwal?

12 Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel ay nagpakita ng kaniyang pagkamahabagin sa mga indibidwal. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang pagmamalasakit sa mahihirap. Batid ni Jehova na maaaring bumangon ang di-inaasahang pangyayari na maaaring magsadlak sa isang Israelita tungo sa kahirapan. Paano dapat pakitunguhan ang mahihirap? Mahigpit na inutusan ni Jehova ang mga Israelita: “Huwag mong patigasin ang puso mo o pagdamutan ang naghirap mong kapatid. Dapat kang maging bukas-palad sa kaniya, at huwag kang magbibigay nang hindi bukal sa puso; ito ang dahilan kung bakit pagpapalain ni Jehova na iyong Diyos ang lahat ng ginagawa at pagsisikap mo.” (Deuteronomio 15:7, 10) Iniutos pa nga ni Jehova sa mga Israelita na huwag gagapasin ang lahat ng nasa gilid ng kanilang mga bukid o pupulutin ang mga natira. Ang mga iyon ay para sa mahihirap. (Levitico 23:22; Ruth 2:2-7) Kung susunod ang bansa sa makonsiderasyong batas na ito alang-alang sa mahihirap na nasa gitna nila, ang gipit na mga indibidwal sa Israel ay hindi na kailangan pang mamalimos ng pagkain. Hindi ba’t namamalas diyan ang matinding habag ni Jehova?

13, 14. (a) Paano tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na si Jehova ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibidwal? (b) Paano maipaghahalimbawa na si Jehova ay malapit sa mga “nasasaktan” o “nasisiraan ng loob”?

13 Gayundin sa ngayon, ang ating maibiging Diyos ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibidwal. Makatitiyak tayong alam na alam niya ang anumang pagdurusang maaaring dinaranas natin. Ang salmistang si David ay sumulat: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa paghingi nila ng tulong. Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.” (Awit 34:15, 18) Hinggil doon sa mga inilalarawan ng mga salitang ito, isang komentarista sa Bibliya ang nagsabi: “Sila ay may wasak na puso at napipighating espiritu, samakatuwid nga, nagpakahamak dahil sa kasalanan, at walang respeto sa sarili; mababa ang tingin nila sa kanilang sarili, at walang tiwala sa sarili nilang halaga.” Maaaring madama ng gayong mga tao na si Jehova ay napakalayo at na sila’y walang kahala-halaga upang pagmalasakitan niya. Subalit hindi totoo iyan. Tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na hindi pinababayaan ni Jehova yaong “mababa ang tingin sa kanilang sarili.” Alam ng ating mahabaging Diyos na sa gayong mga pagkakataon ay kailangang-kailangan natin siya, at siya’y malapit naman.

14 Isaalang-alang ang isang karanasan. Sa Estados Unidos, isinugod ng isang ina ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki sa ospital dahil sa grabeng ubo. Matapos suriin ang bata, sinabi ng mga doktor sa ina na kailangan muna itong manatili sa ospital sa buong magdamag. Saan natulog ang ina? Sa isang silya sa kuwarto ng ospital, sa tabi ng kama ng kaniyang anak! Ang kaniyang anak ay may sakit, at kailangang nasa tabi niya siya. Tiyak na mas higit pa riyan ang maaasahan natin sa ating maibiging Ama sa langit! Tutal, tayo’y ginawa ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26) Ang nakaaantig na mga salita sa Awit 34:18 ay nagsasabi sa atin na kapag “nasasaktan” tayo o “nasisiraan ng loob,” si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, “ay malapit”—palaging nahahabag at handang tumulong.

15. Sa anong mga paraan tinutulungan tayo ni Jehova bilang mga indibidwal?

15 Kung gayon, paano tayo tinutulungan ni Jehova bilang mga indibidwal? Hindi niya laging kailangang alisin ang dahilan ng ating pagdurusa. Subalit si Jehova ay saganang naglalaan sa mga humihingi ng tulong sa kaniya. Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay nagbibigay ng praktikal na payo na may malaking maitutulong. Sa kongregasyon, si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwang kuwalipikado sa espirituwal, na nagsisikap magpamalas ng kaniyang pagkamahabagin sa pagtulong sa mga kapuwa mananamba. (Santiago 5:14, 15) Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” nagbibigay siya ng “banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Awit 65:2; Lucas 11:13) Magagawa ng espiritung iyan na mapuspos tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagtiis hanggang sa alisin na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng maiigting na suliranin. (2 Corinto 4:7) Hindi ba natin ipagpapasalamat ang lahat ng paglalaang ito? Huwag nating kalilimutan na ang mga ito’y kapahayagan ng matinding habag ni Jehova.

16. Ano ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova, at paano ito nakaaapekto sa atin bilang mga indibidwal?

16 Mangyari pa, ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova ay nang ibigay niya ang Isa na pinakamamahal niya bilang pantubos para sa atin. Iyon ay isang maibiging sakripisyo ni Jehova, at nagbukas ito ng daan para sa ating kaligtasan. Alalahanin, ang paglalaang iyan ng pantubos ay kapit sa atin bilang mga indibidwal. Angkop lamang na ihula ni Zacarias, ama ni Juan na Tagapagbautismo, na ang paglalaang ito ay nagtanghal ng “matinding habag ng ating Diyos.”​—Lucas 1:78.

Nang Pigilin ni Jehova ang Pagkahabag

17-19. (a) Paano ipinapakita sa Bibliya na ang pagkamahabagin ni Jehova ay may limitasyon? (b) Ano ang naging dahilan kung kaya nasagad ang limitasyon ng pagkamahabagin ni Jehova sa kaniyang bayan?

17 Iisipin ba natin na ang matinding habag ni Jehova ay walang limitasyon? Sa kabaligtaran, maliwanag na ipinapakita sa Bibliya na sa kaso ng mga indibidwal na sumasalansang sa matuwid na mga daan ni Jehova, angkop lamang na pigilin ni Jehova ang pagkahabag. (Hebreo 10:28) Upang maunawaan kung bakit niya ginagawa ito, alalahanin ang halimbawa ng bansang Israel.

18 Bagaman paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa kanilang mga kaaway, sumagad na rin ang kaniyang pagkamahabagin. Ang sutil na bayang ito ay nagsagawa ng idolatriya, anupat dinala pa nga ang kanilang kasuklam-suklam na mga idolo sa mismong templo ni Jehova! (Ezekiel 5:11; 8:17, 18) Sinabi pa sa atin: “Palagi nilang iniinsulto ang mga mensahero ng tunay na Diyos, at hinamak nila ang mga salita niya at ang mga propeta niya, hanggang sa magliyab ang galit ni Jehova sa bayan niya, hanggang sa wala na silang pag-asang gumaling.” (2 Cronica 36:16) Umabot na ang mga Israelita sa punto na wala nang wastong dahilan upang sila’y kahabagan pa, at pinukaw nila ang matuwid na galit ni Jehova. Ang resulta?

19 Hindi na makadama si Jehova ng habag sa kaniyang bayan. Inihayag niya: “Hindi ako mahahabag o malulungkot o maaawa sa kanila; walang makapipigil sa akin sa pagpuksa sa kanila.” (Jeremias 13:14) Sa gayon, ang Jerusalem at ang templo nito ay nawasak, at ang mga Israelita ay dinalang bihag sa Babilonya. Kalunos-lunos nga kapag ang makasalanang mga tao ay nagiging lubhang mapaghimagsik anupat nasasagad na nila ang limitasyon ng pagkamahabagin ng Diyos!—Panaghoy 2:21.

20, 21. (a) Ano ang mangyayari kapag ang pagkamahabagin ng Diyos ay nasagad na sa ating kapanahunan? (b) Anong mahabaging paglalaan ni Jehova ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

20 Kumusta naman sa ngayon? Hindi pa rin nagbabago si Jehova. Dahil sa habag, inatasan niya ang kaniyang mga Saksi na ipangaral ang ‘mabuting balitang tungkol sa Kaharian’ sa buong lupa. (Mateo 24:14) Kapag tumutugon ang matuwid-pusong mga tao, tinutulungan sila ni Jehova na maunawaan ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 16:14) Subalit ang gawaing ito ay hindi magpapatuloy magpakailanman. Hindi nga isang pagkamahabagin para kay Jehova na hayaang magpatuloy nang walang hanggan ang masamang sanlibutang ito, pati na ang lahat ng kahapisan at pagdurusa nito. Kapag nasagad na ang pagkamahabagin ng Diyos, lalapatan ni Jehova ng hatol ang sistemang ito. Kahit sa panahong iyon, siya’y kikilos taglay ang pagkahabag—pagkahabag sa kaniyang “banal na pangalan” at sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Ezekiel 36:20-23) Aalisin ni Jehova ang kasamaan at pangyayarihin niya ang isang matuwid na bagong sanlibutan. Tungkol sa masasama, nagpahayag si Jehova: “Hindi ako maaawa; hindi rin ako mahahabag. Ibabalik ko sa kanila ang bunga ng landasin nila.”​—Ezekiel 9:10.

21 Hangga’t wala pa iyon, si Jehova ay patuloy na nakadarama ng habag sa mga tao, maging sa mga napapaharap sa pagkapuksa. Ang makasalanang mga tao na tapat na nagsisisi ay maaaring makinabang mula sa isa sa pinakamahabaging mga paglalaan ni Jehova—ang pagpapatawad. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang ilan sa magagandang ilustrasyon sa Bibliya na nagpapahiwatig ng pagiging ganap ng pagpapatawad ni Jehova.

a Gayunman, kapansin-pansin na sa Awit 103:13, ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ ay nagpapahiwatig ng awa, o habag, na ipinapakita ng isang ama sa kaniyang mga anak.

b Ang pananalitang “hindi na niya natiis” ay puwede ring mangahulugang nainip na siya o naubos na ang pasensiya niya. Ang The New English Bible ay kababasahan: “Hindi na niya mabata na makita ang kaawa-awang kalagayan ng Israel.” Ganito naman ang salin ng Tanakh—A New Translation of the Holy Scriptures: “Hindi niya matiis ang mga paghihirap ng Israel.”