Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?

Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?

KABANATA 5

Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?

“Parang gusto kong subukang makipag-sex.”​—Kelly.

“Parang naiiba ako dahil virgin pa ako.”​—Jordon.

“ANO, virgin ka pa rin?” Baka takót kang masabihan ng ganiyan! Kung sa bagay, itinuturing sa maraming lugar na kakatwa ang isang kabataang virgin pa. Hindi nga kataka-takang marami ang nakikipag-sex kahit tin-edyer pa lamang sila!

Nahihila ng Pagnanasa, Itinutulak Pa ng Barkada

Kung isa kang Kristiyano, alam mong sinasabi ng Bibliya na dapat ‘iwasan ang pakikiapid.’ (1 Tesalonica 4:3) Pero baka nahihirapan kang pigilan ang iyong seksuwal na mga pagnanasa. “Kung minsan, basta na lang pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sex,” ang inamin ng kabataang si Paul. Huwag kang mag-alala, normal lamang iyon.

Gayunman, hindi nakakatuwa kung madalas kang kinakantiyawan at pinag-iinitan dahil virgin ka pa! Halimbawa, paano kung sabihin sa iyo ng mga kaibigan mo na hindi ka maituturing na isang tunay na lalaki o babae hangga’t hindi mo pa nasusubukang makipag-sex? “Pinalilitaw ng mga kaibigan mo na waring kasiya-siya at normal ang pakikipag-sex,” ang sabi ni Ellen. “Kung hindi ka marunong makipag-sex kung kani-kanino, hindi normal ang tingin sa iyo.”

Pero may isang bagay tungkol sa pakikipagtalik nang hindi pa kasal na maaaring hindi pinagkukuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Pansinin ang nangyari kay Maria na nakipag-sex noon sa kaniyang kasintahan. Ganito ang naalaala niya: “Pagkatapos mangyari iyon, wala na akong mukhang maiharap. Galit na galit ako sa aking sarili at sa kasintahan ko.” Walang kamalay-malay ang mga kabataan, pero iyan ang karaniwang nangyayari. Sa katunayan, ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay nakapipinsala at nakasasakit ng damdamin!

Pero isang kabataang nagngangalang Shanda ang nagtanong, “Bakit bibigyan ng Diyos ang mga kabataan ng seksuwal na mga pagnanasa gayong alam naman niyang hindi nila ito dapat gamitin hangga’t hindi sila kasal?” Magandang tanong iyan. Pero pansinin ang sumusunod:

Seksuwal na pagnanasa lamang ba ang tanging matinding damdamin na nadarama mo? Hindi naman. Nilalang ka ng Diyos na Jehova na may kakayahang makadama ng iba’t ibang damdamin.

Dapat ka bang magpadala sa bawat bugso ng iyong damdamin minsang maramdaman mo ito? Hindi, dahil binigyan ka rin ng Diyos ng kakayahang pigilin ang iyong sarili.

Kung gayon, ano ang matututuhan mo rito? Normal lamang na magkaroon ka ng mga pagnanasa, pero kaya mong kontrolin ang iyong sarili. Sa katunayan, ang pagpapadala sa bawat seksuwal na pagnanasa ay hindi tama at hindi makatuwiran. Wala itong ipinagkaiba sa isang taong nananakit sa tuwing magagalit.

Ang totoo, layunin ng Diyos na maging marangal ang pagtatalik. “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan [o katawan] sa pagpapabanal at karangalan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:4) Kung paanong may “panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot,” may panahon din para sapatan ang seksuwal na mga pagnanasa at may panahong hindi mo iyon dapat gawin. (Eclesiastes 3:1-8) Tutal, ikaw ang may kontrol sa iyong pagnanasa!

Pero ano ang magagawa mo kung may nangangantiyaw sa iyo, na para bang hindi siya makapaniwala, “Talaga bang virgin ka pa rin?” Huwag kang matakot. Kung gusto ka lamang niyang ipahiya, maaari mong sabihin: “Oo, virgin pa ako. At hindi ko ikinakahiya iyon!” O maaari mong sabihin, “Personal na bagay iyan na ayaw kong pag-usapan.” * (Kawikaan 26:4; Colosas 4:6) Sa kabilang banda, baka iniisip mong kailangang malaman ng taong ito ang iyong paninindigang salig sa Bibliya. Kung gayon, maaari mong ipaliwanag iyon sa kaniya.

May naiisip ka bang ibang sagot sa kantiyaw na “Talaga bang virgin ka pa rin?” Isulat iyon sa ibaba.

․․․․․

Isang Mahalagang Regalo

Ano kaya ang nadarama ng Diyos kapag ang mga tao ay nakikipagtalik nang hindi pa kasal? Buweno, ipagpalagay mong bumili ka ng regalo para sa iyong kaibigan. Pero dahil hindi na siya makapaghintay, bago mo pa man ito maibigay sa kaniya ay palihim na niya itong binuksan! Hindi ka ba magagalit? Kaya isipin mo na lang kung ano ang madarama ng Diyos kapag nakipagtalik ka nang hindi pa kasal. Gusto niyang hintayin mong ikaw ay makapag-asawa bago ka makipagtalik.​—Genesis 1:28.

Ano ang dapat mong gawin kung makaramdam ka ng seksuwal na pagnanasa? Buweno, matutong kontrolin ito. Kaya mong gawin iyan! Manalangin kay Jehova na tulungan ka. Ang kaniyang espiritu ang tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Laging tandaan na si Jehova ay “hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) Ganito ang sabi ng kabataang si Gordon: “Kapag naiisip kong hindi naman siguro malaking kasalanan ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, ipinaaalaala ko sa aking sarili ang masamang ibubunga nito sa aking kaugnayan kay Jehova. Hindi sulit na ipagpalit ko sa anupaman ang kaugnayan ko kay Jehova.”

Sa katunayan, normal at hindi kakatwa ang pagiging virgin. Ang seksuwal na imoralidad ang nakakahiya, nakapagpapababa ng dignidad, at nakasisira ng buhay. Kaya huwag kang maniwala sa mga tao sa sanlibutan na nagsasabing may diperensiya ka kung sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung iiwasan mo ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, maiingatan mo ang iyong kalusugan, maiiwasan mong masaktan, at higit sa lahat, mapananatili mo ang iyong kaugnayan sa Diyos.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24

[Talababa]

^ par. 15 Kapansin-pansin, tumahimik lamang si Jesus nang tanungin siya ni Herodes. (Lucas 23:8, 9) Madalas na ang pananahimik ang pinakamabuting sagot sa malisyosong mga tanong.

TEMANG TEKSTO

‘Kung ang sinuman ay gumawa ng pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti.’​—1 Corinto 7:37.

TIP

Iwasang makisama sa mga taong walang matibay na paninindigan sa mga pamantayang moral, kahit na sabihin pa nilang pareho kayo ng relihiyosong paniniwala.

ALAM MO BA . . . ?

Ang taong nahirati sa seksuwal na imoralidad ay malamang na hindi magbago kahit pa mag-asawa na siya. Sa kabaligtaran, ang taong tapat sa mga pamantayang moral ng Diyos bago pa man siya mag-asawa ay mas malamang na magiging tapat sa kaniyang kabiyak.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung gusto kong manatiling “virgin” hanggang sa makapag-asawa ako, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung ginigipit ako ng mga kaibigan ko na ipagwalang-bahala ang aking pasiya, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Bakit kaya kinukutya ng ilan ang mga virgin pa?

Bakit hindi madali ang manatiling virgin?

Anu-ano ang kapakinabangan ng pananatiling virgin hanggang sa ikaw ay makapag-asawa?

Paano mo ipaliliwanag sa iyong nakababatang mga kapatid na makabubuti kung hindi siya makikipag-sex nang hindi pa kasal?

[Blurb sa pahina 51]

“Para maiwasan ko ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, itinatanim ko sa isip ko na ‘walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim ang may anumang mana sa kaharian ng Diyos.’” (Efeso 5:5)​—Lydia

[Kahon sa pahina 49]

Worksheet

Ano Talaga ang Mangyayari Pagkatapos?

Madalas na may-katusuhang itinatago ng mga kaibigan mo at ng popular na mga libangan ang di-kaayaayang katotohanan hinggil sa pakikipag-sex nang hindi pa kasal. Pansinin ang sumusunod na mga situwasyon. Ano sa palagay mo ang talagang mangyayari sa mga kabataang ito? ․․․․․

● Ipinagyayabang ng isang estudyante sa inyong paaralan na marami na siyang nakatalik na babae. Sinabi niyang katuwaan lang iyon at wala namang nasasaktan. Ano talaga ang mangyayari pagkatapos​—sa kaniya at sa mga babae? ․․․․․

● Sa katapusan ng isang pelikula, dalawang kabataang hindi pa kasal ang nagsiping para ipakitang mahal nila ang isa’t isa. Ano ang mangyayari pagkatapos​—sa totoong buhay? ․․․․․

● Isang guwapong kabataan ang nagyaya sa iyo na makipag-sex. Sinabi niyang wala namang makaaalam tungkol doon. Kung magpapadala ka at ililihim iyon, ano talaga ang mangyayari pagkatapos? ․․․․․

[Larawan sa pahina 54]

Ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay gaya ng palihim na pagbubukas ng regalo bago pa man ito maibigay sa iyo