Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Pa Kasi Ako Nagkasakit?

Bakit Pa Kasi Ako Nagkasakit?

KABANATA 8

Bakit Pa Kasi Ako Nagkasakit?

“Kapag bata ka pa, pakiramdam mo’y ang lakas-lakas mo. Pero magigising ka sa katotohanan kapag dinapuan ka ng malubhang sakit. Parang bigla kang tumanda sa loob lamang ng magdamag.”​—Jason.

DISIOTSO anyos si Jason nang malaman niyang mayroon siyang Crohn’s disease, isang diperensiya sa bituka na nakapanghihina at napakakirot. Marahil ay mayroon ka ring nagtatagal na sakit o kapansanan. Baka nahihirapan kang gawin maging ang simpleng mga bagay gaya ng pagbibihis, pagkain, o pagpasok sa eskuwela.

Kung may nagtatagal kang sakit, baka pakiramdam mo’y nakabilanggo ka at wala kang kalayaang gawin ang gusto mo. Baka madama mong wala kang karamay. Baka maisip mo pa nga na may nagawa kang isang bagay na ikinagalit ng Diyos o na ang Diyos mismo ang nagbigay sa iyo ng sakit para subukin ang iyong katapatan sa kaniya. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Bahagi na ng buhay ng tao sa ngayon ang pagkakasakit, at lahat tayo ay apektado ng ‘panahon at ng di-inaasahang pangyayari.’​—Eclesiastes 9:11.

Nakaaaliw malaman, nangako ang Diyos na Jehova ng isang bagong sanlibutan kung saan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Maging ang mga patay ay bubuhaying-muli para magkaroon sila ng pagkakataong manirahan sa bagong sanlibutang iyon. (Juan 5:28, 29) Pero sa ngayon, ano ang pinakamainam na magagawa mo upang manatili kang maligaya sa kabila ng iyong kalagayan?

Manatiling positibo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” (Kawikaan 17:22) Baka isipin ng ilan, ‘Makukuha mo pa bang tumawa at magsaya kung may malubha kang sakit?’ Ang totoo, ang pagiging masayahin at pakikisama sa mabubuting kaibigan ay makapagpaparepresko sa iyong isip at magpapatibay ng determinasyon mong mabuhay. Kaya mag-isip ng mga bagay na puwede mong gawin para maging mas masaya ang iyong buhay. Tandaan na ang kagalakan ay isang katangiang galing sa Diyos, isa sa mga bunga ng kaniyang espiritu. (Galacia 5:22) Matutulungan ka ng espiritung iyon upang makapagtiis at manatiling maligaya kahit na may sakit ka.​—Awit 41:3.

Magtakda ng makatuwirang mga tunguhin. “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran,” ang sabi ng Bibliya. (Filipos 4:5) Kung makatuwiran ka, hindi mo pababayaan ang iyong sarili at hindi ka rin naman magpapakalabis sa pag-iingat. Halimbawa, kung kaya naman ng katawan mo, puwede kang mag-ehersisyo para bumuti ang pakiramdam mo. Kaya naman sa mga pagamutan, karaniwan nang may mga sesyon ng physical therapy para sa mga kabataang pasyente. Madalas na nakatutulong ang wastong ehersisyo para mas mabilis kang gumaling at manatiling masigla. Ang punto ay, tapatang suriin ang iyong kalagayan at magtakda ng makatuwirang mga tunguhin.

Huwag mapikon. Paano kung nasaktan ka sa sinabi ng iba hinggil sa iyong sakit o kapansanan? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao.” (Eclesiastes 7:21) Kung minsan, mas mabuting huwag na lamang pansinin ang sinasabi nila. O baka puwedeng unahan mo na sila. Halimbawa, kung mapansin mong naaasiwa ang iba na lumapit sa iyo dahil nakasilyang-de-gulong ka, gumawa ka ng paraan para mapalagay ang loob nila. Maaari mong sabihin: “Hi! Ako nga pala si . . . , ikaw? Huwag kang maiilang sa akin ha. Medyo matagal na rin akong nakasilyang-de-gulong, pero nasanay na rin ako.”

Huwag masiraan ng loob. Noong naghihirap si Jesus, nanalangin siya at nagtiwala sa Diyos. Nagtuon siya ng pansin sa kaniyang maligayang kinabukasan at hindi sa nararamdaman niyang kirot. (Hebreo 12:2) Natuto siya mula sa hirap na dinanas niya. (Hebreo 4:15, 16; 5:7-9) Tinanggap niya ang tulong at pampatibay-loob na ibinigay sa kaniya. (Lucas 22:43) Inisip niya ang kapakanan ng iba, sa halip na ang pinagdaraanan niyang hirap.​—Lucas 23:39-43; Juan 19:26, 27.

‘Nagmamalasakit sa Iyo’ si Jehova

Anuman ang iyong sakit o kapansanan, hindi mo dapat isipin na bale-wala ka na sa Diyos. Ang totoo, mahalaga kay Jehova ang mga nagsisikap gumawa ng tama sa kaniyang paningin. (Lucas 12:7) ‘Nagmamalasakit siya sa iyo’ bilang indibiduwal at nagagalak siyang gamitin ka bilang kaniyang lingkod​—sa kabila ng iyong sakit o kapansanan.​—1 Pedro 5:7.

Kaya gawin mo ang mga bagay na gusto at kailangan mong gawin. Huwag hayaang mahadlangan ka ng takot o pag-aalinlangan. Laging umasa sa tulong ng Diyos na Jehova. Nauunawaan niya ang iyong mga pangangailangan at damdamin. Bukod diyan, maaari ka niyang bigyan ng “lakas na higit sa karaniwan” upang tulungan kang makapagbata. (2 Corinto 4:7) Sa kalaunan, marahil ay matutularan mo ang positibong saloobin ni Timothy, na nasuring may chronic fatigue syndrome sa edad na 17. Sinabi niya: “Ayon sa 1 Corinto 10:13, hindi hahayaan ni Jehova na danasin natin ang isang bagay na hindi natin kayang batahin. Sinasabi ko sa aking sarili na kung ang aking Maylalang ay nagtitiwalang mapagtatagumpayan ko ang pagsubok na ito, sino ako para mag-alinlangan?”

Paano Ka Makikitungo sa Isang Maysakit?

Paano kung malusog ka naman, pero may kakilala kang may sakit o kapansanan? Paano mo siya matutulungan? Napakahalagang magpakita ng “pakikipagkapuwa-tao” at maging “mahabagin na may paggiliw.” (1 Pedro 3:8) Ilagay mo ang iyong sarili sa kaniyang kalagayan para maunawaan mo ang pinagdaraanan niya. Ganito ang sabi ni Nina, na ipinanganak na may spina bifida, isang depekto sa gulugod: “Dahil maliit ang katawan ko at nakasilyang-de-gulong ako, para akong bata kung kausapin ng ilang tao, at nakasisira ito ng aking loob. Pero ’yung iba naman, talagang umuupo kapag nakikipag-usap sa akin, para hindi sila nakayuko at hindi ako nakatingala. Gustung-gusto ko ito!”

Kung pagtutuunan mo ng pansin ang kanilang mga katangian at hindi ang kanilang problema sa kalusugan, makikita mong wala naman silang masyadong ipinagkaiba sa iyo. At isip-isipin mo ito​—sa pamamagitan ng iyong mga salita, ‘may maibabahagi kang espirituwal na kaloob’ sa kanila! Kung gagawin mo ito, pagpapalain ka rin, sapagkat ‘makapagpapalitan kayo ng pampatibay-loob.’​—Roma 1:11, 12.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 13

TEMANG TEKSTO

“Sa panahong iyon . . . walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”​—Isaias 33:23, 24.

TIP

Hindi ka masyadong matatakot sa isang bagay kung may alam ka tungkol dito. Kaya kumuha ng impormasyon hinggil sa iyong sakit o kapansanan. Kung mayroong hindi malinaw sa iyo, magtanong sa iyong doktor.

ALAM MO BA . . . ?

Ang iyong sakit o kapansanan ay hindi parusa ng Diyos. Sa halip, resulta ito ng di-kasakdalan na minana nating lahat kay Adan.​—Roma 5:12.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para manatili akong positibo sa kabila ng pagkakasakit o kapansanan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang isang makatuwirang tunguhin na maaari kong abutin ay ․․․․․

Para hindi ako masaktan sa hindi magandang sinabi ng iba hinggil sa aking sakit o kapansanan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Paano mo magagamit ang impormasyon sa kabanatang ito upang tulungan ang isa na may kapansanan o nagtatagal na sakit?

Kung mayroon kang nagtatagal na sakit, anong positibong mga bagay ang maaari mong bulay-bulayin upang magawa mo ang pinakamainam at makapanatili kang maligaya sa kabila ng iyong kalagayan?

Bakit masasabi mong hindi parusa ng Diyos ang pagkakasakit?

[Kahon/Larawan sa pahina 75]

DUSTIN, 22

“Tandang-tanda ko pa nang yumakap ako kay Inay at umiyak nang umiyak nang malaman kong matatali na ako sa silyang de-gulong habambuhay. Walong taóng gulang lamang ako noon.

Mayroon akong malalang sakit sa kalamnan na tinatawag na ‘muscular dystrophy.’ Hindi ko kayang magbihis, maligo, at kumain nang mag-isa. Hindi ko man lang maitaas ang aking mga braso. Sa kabila nito, magawain ako at nasisiyahan sa aking buhay, at marami akong dapat ipagpasalamat. Regular akong nakikibahagi sa ministeryo at naglilingkod ako bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Hindi ko man lang naiisip na may kapansanan ako. Sa paglilingkod kay Jehova, lagi kang may gagawin at pananabikan. Sabik na sabik ako sa bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan ‘aakyat ako na gaya ng lalaking usa.’”​—Isaias 35:6.

[Kahon/Larawan sa pahina 75]

TOMOKO, 21

“Apat na taóng gulang lamang ako noon nang sabihin ng doktor na kailangan ko nang mag-insulin habambuhay.

Mahirap kontrolin ang antas ng asukal sa dugo ng isang may diyabetis. Kadalasan, kailangan kong kumain kahit wala akong gana, at kung kailan naman ganado akong kumain, hindi ako puwedeng kumain. Kung bibilangin ko, mga 25,000 beses na akong nakapagturok, kaya may mga kalyo na ang mga braso at hita ko. Pero tinulungan ako ng mga magulang ko na gawin ang pinakamainam para manatili akong maligaya sa kabila ng aking kalagayan. Lagi silang masayahin at positibong mag-isip, at tinuruan nila akong pahalagahan ang aking kaugnayan sa Diyos. Napakabait sa akin ni Jehova. Nang bumuti-buti na ang pakiramdam ko, ipinasiya kong pumasok at magpatuloy sa buong- panahong ministeryo para ipakita ang aking pasasalamat.”

[Kahon/Larawan sa pahina 76]

JAMES, 18

“Asiwa ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga kakaiba ang hitsura gaya ko.

Ipinanganak akong may di-karaniwang uri ng pagkabansot. Ang laging tinitingnan ng mga tao ay ang hitsura ng isa, kaya lagi kong sinisikap patunayang hindi ako munting bata na may malaking boses. Sa halip na magmukmok dahil hindi ako gaya ng ibang tao, nagtutuon ako ng pansin sa aking mabubuting katangian. Masaya ako. Nag-aaral ako ng Bibliya at humihiling ng tulong kay Jehova sa panalangin. Nasa likod ko lagi ang aking pamilya para palakasin ang loob ko. Inaasam ko ang panahong aalisin na ng Diyos ang lahat ng sakit. Kahit may kapansanan ako ngayon, hindi ko hinahayaang makahadlang ito sa mabubuting bagay na gusto kong gawin sa aking buhay.”

[Kahon/Larawan sa pahina 76]

DANITRIA, 16

“Alam kong may sakit ako, dahil aabutin ko lang ang isang baso ng tubig, kumikirot na nang husto ang kalamnan ko.

Nananakit ang mga kalamnan ko at nasisiraan ako ng loob dahil sa ‘fibromyalgia.’ Tin-edyer pa lang ako noon kaya marami akong gustong gawin tulad ng mga kaibigan ko. Pero lumalala ang sakit ko habang tumatagal. Hindi pa nga ako mapagkatulog! Pero natutuhan kong sa tulong ni Jehova, may magagawa pa rin ako sa kabila ng aking pagkakasakit. Nakapag-auxiliary pioneer pa nga ako para madagdagan ang oras ko sa ministeryo. Hindi madali ito, pero nakaya ko naman. Sinisikap kong gawin ang magagawa ko. Pero nagpapahinga ako kapag hindi ko na kaya, para hindi naman masagad ang katawan ko. Kapag nakakalimot ako, nariyan lagi si Inay para paalalahanan ako!”

[Kahon/Larawan sa pahina 77]

ELYSIA, 20

“Matataas ang ‘grades’ ko noon sa klase. Pero ngayon, hirap na hirap akong basahin kahit isang simpleng pangungusap lamang, kaya naman nanlulumo ako paminsan-minsan.

Kahit simpleng mga gawain ay nagiging mahirap kapag mayroon kang ‘chronic fatigue syndrome.’ Madalas ay hindi pa nga ako makabangon sa higaan. Pero hindi ko ito hinayaang makaapekto sa aking pagkatao. Araw-araw akong nagbabasa ng Bibliya, kahit ilang talata lamang. Kung minsan naman, isa sa kapamilya ko ang nagbabasa para sa akin. Malaki ang pasasalamat ko sa aking pamilya. Tinanggihan pa nga ni Itay ang isang pribilehiyo sa kombensiyon para tulungan akong makadalo. Hindi siya kailanman nagreklamo. Sinabi niyang ang pinakamahalagang pribilehiyo niya ay ang alagaan ang kaniyang pamilya.”

[Kahon/Larawan sa pahina 77]

KATSUTOSHI, 20

“Kapag bigla akong sinumpong, napapasigaw ako at nangingisay. Naihahagis ko kung saan-saan ang mga bagay na hawak ko at nakababasag ako ng mga gamit.

Limang taóng gulang ako noon nang magkaroon ako ng epilepsi. May mga pagkakataon pa nga na pitong beses akong sinusumpong sa loob ng isang buwan. Kailangan kong uminom ng gamot araw-araw, kaya madali akong mapagod. Pero sinisikap kong isipin ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sarili ko. Malaking tulong sa akin ang dalawang kaedad kong buong-panahong ministro sa aming kongregasyon. Nang makagradweyt ako, lalo akong nagsipag sa ministeryo. Araw-araw akong nakikipaglaban sa epilepsi. Kapag mabigat ang pakiramdam ko, sinisikap kong makapagpahinga. Kinabukasan, mas mabuti na ang pakiramdam ko.”

[Kahon/Larawan sa pahina 78]

MATTHEW, 19

“Mababa ang tingin sa iyo ng mga kaedad mo kapag hindi ka ‘normal’ para sa kanila.

Mahilig ako sa isport, pero hindi naman ako makapaglaro. May ‘cerebral palsy’ ako, kaya maglakad lang ay hiráp na ako. Pero hindi ko na inaaksaya ang panahon ko sa pag-iisip ng mga bagay na hindi ko naman kayang gawin. Ibinubuhos ko ang aking pansin sa mga bagay na kaya ko pang gawin, gaya ng pagbabasa. Panatag ako kapag nasa Kingdom Hall dahil alam kong hindi ako mamaliitin ng mga naroroon. Gumagaan din ang pakiramdam ko dahil alam kong pinahahalagahan ni Jehova ang aking pagkatao. Sa katunayan, sa halip na isipin kong may kapansanan ako, iniisip kong may pantanging hamon ako na kailangang harapin.”

[Kahon/Larawan sa pahina 78]

MIKI, 25

“Dati akong nakapaglalaro ng iba’t ibang isport. Pero pakiramdam ko’y bigla akong tumanda, gayong tin-edyer pa lamang ako noon.

Ipinanganak akong may ‘atrial septal defect’​—isang butas sa puso. Tin-edyer na ako nang lumitaw ang mga sintomas nito. Sumailalim ako sa operasyon, pero ngayon​—makalipas ang anim na taon​—madali pa rin akong mapagod at pabalik-balik ang sakit ng ulo ko. Kaya makatuwiran at simpleng mga tunguhin ang itinatakda ko para sa aking sarili. Halimbawa, nakapaglilingkod ako bilang buong-panahong ministro, at nagagawa ko ito karaniwan na sa pamamagitan ng pagliham at pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono. Dahil sa aking sakit, nalinang ko ang mga katangiang hindi ko naipakikita noon, gaya ng mahabang pagtitiis at kapakumbabaan.”

[Larawan sa pahina 74]

Kung may nagtatagal kang sakit, baka pakiramdam mo’y nakabilanggo ka​—pero ipinangangako ng Bibliya na maaari kang makalaya